33


Alas siyete ng umaga. Nakaupo sa couch ‘yong dalawa nang lumabas ako ng kwarto. Nanonood ‘yong isa ng NBA—GSW at Mavs—habang may kinakalikot naman sa iPad niya si Yuri. Sinulyapan ko ‘yong rice cooker sa counter pero naka-off pa ‘yon, naka-unplug. Ni hindi man lang nila nagawang magsaing muna ng kanin para sa ‘ming lahat. Halatang naghihintay pa sila kay Mark na magising at magluto para sa kanila.

Pero, ayos lang din siguro ‘yon. Nasanay lang naman akong kumain ng kanin sa umaga mula nang magsimulang magdala si Mark ng almusal para sa ‘kin at mula nang kailangan ko nang magluto ng almusal para sa ‘ming dalawa ni Yuri. May natitira pa namang isang box ng pizza mula kagabi, at wala rin naman kasi talaga akong balak kumain ngayon nang mabigat dahil nga sa ini-schedule na brunch ni Mama mamaya.

Kaso, hindi naman para sa ‘kin ‘yong hinahanap kong almusal e. Para kay Mark.

“Yuri, ‘yung cock-tus naten naging suck”—saglit na huminto si Bryan sa pagsasalita para ngumisi sa ‘kin nang nakakagago—“yoo-lent na.” Sadya niya pa talagang ipinagdiinan ‘yong pag-iiba niya sa mga pronunciation.

Bahagyang tumawa si Yuri at sumulyap sa ‘kin habang napailing naman ako sa kanilang dalawa. “Tangek, lahat ng cactus sa mundo, succulent, ‘no.”

“Sinabi ko bang cactus? Sabi ko, cock. Cock-tus. Cock, as in—”

“Ulul.”

“—tite. And cactus is to plantito, as cock-tus is to plantite.”

Napailing ako. “‘Tang ina mo talaga, Bry. Ang aga-aga,” sagot ko sa kanyang may kahalong buntong-hininga na tinugunan lang niya ng ngisi. Ramdam ko, pulang-pula ‘yong mukha ko. Daig ng hiyang nararamdaman ko ‘yong asar na nararamdaman ko para sa kanya. Pinakita ko sa kanya ‘yong middle finger ko at saka tinungo ‘yong banyo para maghilamos, pero bago ko pa mabuksan ‘yong pinto, may sinabi si Yuri na nagpatigil sa ‘kin.

“He’s moving fine, Bro. Pay up.”

Napatingin ako sa kanilang dalawa. Nakalahad sa harap ng tatawa-tawang si Bryan ‘yong kamay ng nakangisi namang si Yuri na para bang may hinihingi siya ro’n sa isa. Sa sinabi ng kapatid ko, naalala kong pinagpupustahan nga pala nila ‘kong dalawa, at sa takbo pa lang ng isip niyan ni Bryan, noon pa lang, may hula na ‘ko kung tungkol saan ‘yong pustahan nila.

At mukhang sakto nga ‘yong hula ko.

“Oi, Ri, libre mo ‘ko, ha?” sabi ko, iiling-iling, bago tuluyang pumasok sa banyo.

‘Tang inang Bryan talaga ‘to.

Nag-toast na lang ako ng tinapay at nagprito ng itlog at hotdog para kay Mark, habang pinapasaringan naman ako no’ng dalawa ng kung ano-anong kalaswaan tungkol sa niluluto ko. Na-realize ko tuloy, bukod sa ramen, wala na pala ‘kong ibang alam na gustong mga pagkain ni Mark, samantalang mukhang memoryado niya na lahat ng mga gusto ko.

Hindi pwede ‘yon.

Hindi siya pwedeng makaalis ng Pilipinas nang hindi ko siya nakikilala nang lubusan.

Nang ipinasok ko na sa kwarto ‘yong tray ng inihanda kong pagkain para sa kanya, mahimbing pa rin ang tulog niya. Inilapag ko ‘yong tray sa study table at tumabi sa kanya sa kama at yumakap mula sa likod niya. Muli, naglapat na naman ang mga balat namin, at hindi ko napigilang mapabuntong-hininga’t mapapikit sa pakiramdam na hatid no’n sa ‘kin, sa init na lalong umusbong sa loob ng dibdib ko.

‘Yong init na ‘yon, ‘yong kapayapaang nararamdaman ko sa init na ‘yon, hindi ko alam kung bakit pero gusto kong maiyak dahil do’n.

Umungol siya, ‘yong ungol ng bagong gising, at nag-iba rin ‘yong paghinga niya, pero hindi naman siya gumalaw. “Masakit pa, Yu. Next time na ulet,” mamalat-malat niyang bigkas. Bahagya ‘kong natawa sa sinabi niya. Nang halikan ko siya sa batok at saglit na hinigpitan ‘yong pagkakayakap ko sa kanya, saka lang siya lumingon sa ‘kin at ngumiti.

“Bangon ka na. Kain,” sabi ko, habang nakaturo sa table.

Kumalas siya sa pagkakayakap ko sa kanya at umikot para magkaharap kami. ‘Di ko napigilang matawa nang saglit niyang inangat sa bibig niya ‘yong isa niyang kamay at inamoy ‘yong hininga niya at saka bumulong, “‘Di naman mabaho.” Mabilis niyang idinampi ‘yong mga labi niya sa ‘kin bago bahagyang umatras at saglit na tumitig sa mga mata ko. Pagkatapos, muli niya ‘kong hinalikan nang mas masuyo, mas malalim, at mas matagal hanggang sa unti-unti, naitulak na niya ‘ko pahiga at nasa ibabaw ko na siya, ipinagdidiinan ‘yong pagkalibog niya sa sarili ko ring kalibugan.

Hinalikan niya muna ‘ko sa ilong bago inangat ‘yong mukha niya nang kaunti at mabagal na inilibot sa mukha ko ‘yong mga mata niya habang may kung ano-anong dino-drawing sa pisngi ko ‘yong daliri niya.

“Ang pogi mo.”

Napangiti ako, hindi ko napigilan.“Mas pogi ka.”

Dumako sa mga mata ko ‘yong mga mata niya. Nagniningning ‘yong mga ‘yon. “Pwede ikaw naman ngayon?”

Halos sabay kaming natawa sa sinabi niya.

“‘Kala ko ba next time na lang?”

“Kaya nga ikaw naman ngayon e.”

Nagkatitigan kami. Alam ko namang nagbibiro lang siya, at nakikita ko ‘yon sa mga mata niya. Pero, nakikita ko rin ‘yong pagnanasa ro’n. Kumbaga, ‘yon ‘yong joke na more-than-half-meant.

Umiling ako. “Sorry. May lakad kami ni Yuri, ‘di ba? Kainin mo na lang ‘yong dinala ko. Almusal.”

Nilingon niya ‘yong table ko at bahagyang tumawa. “Hindi ba ‘to breakfast in bed?”

“Ulul, bawal kumain sa kama ko.”

“Kinain nga kita dito kagabi e.”

“Put—”

Mariin niyang inilapat ‘yong mga labi niya sa ‘kin at ilang saglit lang, naramdaman ko na ‘yong dila niya sa dila ko. Kaunting-kaunti na lang, alam kong kung saan na naman kami makakarating, pero bago pa namin malagpasan ‘yong puntong ‘yon, muli niyang inangat ‘yong mukha niya at saka tumitig nang diretso sa mga mata ko.

“Yuan, akin na lang.”

Napalunok ako’t napamaang, saglit na naguluhan sa biglang pagbabago ng ere.

“Oo, sabi ko mali pa ‘yung timing ko ngayon dahil sa nangyayari sa ‘nyo pero—”

“Kapag ba um-oo ako kakain ka na?”

“Oo, kakainin kita.”

Natawa ‘ko. “Alam mo, parang you’re an entirely different person right now.”

“Wala na”—ibinaon niya ‘yong mukha niya sa leeg ko—“hindi na ‘ko tinitigasan.”

Sabay kaming natawa sa sinabi niya—na hindi naman totoo. At ang sarap pala n’on sa pakiramdam, ‘yong sabay kayong tumatawa ng kayakap mo. Mas ramdam ko ‘yong tuwa dahil alam kong hindi lang ako ‘yong natutuwa.

Ginantihan ko ng mahigpit na yakap ‘yong yakap niya. “Mark, yes.”

Umangat ulit ‘yong mukha niya at saka itinuon sa ‘kin ‘yong nagniningning na naman niyang mga mata. “Anong yes?”

“Sabihin mo lang kung ayaw mo.”

“Ito talagang boyfriend ko”—malamyos niyang idinampi ‘yong mga labi niya sa ‘kin bago ngumisi nang pagkasaya-saya—“para binibiro lang e.”

Napabuntong-hininga ‘ko, ‘yong buntong-hiningang dahil sa saya.

Ewan ko ba.

Sa nagdaang mga taon, hindi ko naman nabilang o napansin man lang ‘yong paglipas ng mga oras na mag-isa lang ako e. Noong una, oo, hinahanap ko lagi si Thor. Pero, nang lumaon, natutulog at nagigising na lang akong wala na ‘kong hinahanap. Hindi naging issue sa ‘kin ‘yong hindi pagkakaroon ng girlfriend—o boyfriend—kasi kahit papa’no, na-enjoy ko naman ‘yong madalas na pag-iisa. Pero, hindi ko rin namalayan ‘yong unti-unting pagdagdag sa bigat na dala n’on sa ‘kin.

Ang hirap kasi maging mag-isa, lalo na kung talagang mag-isa ka lang sa bahay. Hindi naman kasi ako palakaibigan e, aminado ako. Oo, ‘andyan si Bryan no’ng mga panahong ‘yon, pero simula nang magkaro’n siya ng seryosong girlfriend, hindi naman na ‘ko masyadong humingi ng oras mula sa kanya. Kaya siguro, subconsciously, mas pinili ko na lang na matulog nang madalas.

Alam ko namang may mga mas miserable pang tao sa mundo kaysa sa ‘kin, pero ngayong bumabalik sa alaala ko ‘yong mga panahong natiis kong manahimik kahit na gustong gusto ko nang bulabugin ang tulog ni Yuri sa Canada, naa-amaze ako sa sarili kong kinaya ko ‘yon. Ang tagal rin palang ipinagkait sa ‘kin ng pagkakataon na maging bahagi ng buhay ng ibang tao.

Pero, nagbago ang lahat ng iyon nang nakilala ko si Mark. Dahil sa kanya, sa maikling panahon, nagbago ‘yong buhay ko.

Hindi ko na-realize ‘yon hanggang sa dumating ako sa puntong itong um-oo ako sa pagpasok sa isang relasyon kasama siya.

At, walang alinlangan, masaya ako sa desisyon ko.

“‘Wag mo ‘ko tatawaging ‘baby boy’, ah? Sasapakin kita.”

“Anong gusto mo? Sweetie pie?”

“Subukan mo,” may ngisi kong hamon sa kanya.

Isang ngisi rin ang isinagot niya sa ‘kin. “Mahal kita, Yuan,” sabi niya. Ngunit bago pa ‘ko makapagsalita ng kahit na ano, agad na niyang tinakpan ng kamay ang bibig ko. “Saka na. ‘Pag okay na ‘yung mga, ah, gumugulo sa ‘yo,” sabi niya.

Napalunok ako sa sinabi niya. Hinila n’on pabalik sa magulong realidad ‘yong isip ko. Isa-isa n’ong ipinaalala ‘yong mga bagay na kailangan ko pang pagdesisyunan.

“‘Di naman ‘yun ang sasabihin ko e.”

Bahagya siyang tumawa habang hinihimas-himas ‘yong nakalukot kong noo. “Weh, ‘di nga?”

“Kumain ka na nga!”

Nginisian niya 'ko nang may halong kalibugan. “Sabi mo yan, ah?” sabi niya bago lapatan ng malalim na halik ang mga labi ko.


   
Buy Me A Coffee