13


Nag-reply ako.

Kevin, saan ka?

Hindi siya nag-reply.

Tumawag ako. Nakapatay na ang kanyang cellphone.

Hay. Napasuntok na lang ako sa lamesang nasa harap ko. Siguro gano'n talaga. Hindi man lang ako nakapagpaalam nang maayos sa kanya. Ang dami niyang ginawang maganda sa akin. Napahikbi. Sana magkita pa rin kami. Sana makasama ko ulit siya. Sana...


*    *    *


Kinabukasan. Do or die game. Semis.


Tulak dito. Hawi doon. Garapalang talon. Rebound kung rebound. Offensive. Tinawagan ako ng pang-apat na foul. Isa na lang, masisipa na ako sa game. Naghahabol kami. Lamang pa rin ang kalaban nang marami. Patay!


Twenty second time-out. Tawag ni coach.


"Mark, easy lang. 'Wag ka manggigil sa laro. Kanina ka pa sa foul trouble. Mahaba pa 'yung oras. Kukulangin tayo sa player kung mawawala ka," paalala ni coach sakin sa kalagitnaan ng game.

Napahawak ako sa noo habang naghahabol ng hininga. Mala-gripong patak ang pawis ko. Hingal na hingal ako. Nakakapagod. Kumuha ako ng isang basong tubig na malamig. Ibinuhos sa mukha ko. Baka sakaling magbago ang laro ko.


Back to the ball game! Tawag ng commentator. Pumito na nang mahaba ang referee na may hawak na bola sa gitna.



Hablot dito. Hablot doon. Paa. Ulo. Siko. Katawanan. Balyahan. Tulakan. Sakitan. Maka puntos lang. Naghahabol kami. Labas pasok ako sa laro.

Third quarter pa lang, fouled out na 'ko. Ang sama ng loob ko.


*    *    *


Tahimik na ang gabi nang dumating ako sa bahay. Hinintay pala ako ni Yaya para daw sabay na kaming kumain. Tamang tama. May take out akong Jollibee. Ibinigay ko sa kanya ang isa. Sabay kaming kumaing dalawa.

"Mark, kumusta laban niyo?" tanong ni Yaya.

"Panalo po. Finals na kami," sagot ko habang kumakagat sa burger.

"Balita ko sikat ka na daw. May fans ka na nga du'n sa kanto."

"Kanto?"

"Oo. Kinukuha nga sa 'kin number mo," seryoso siya. Natatawa naman ako.

"Nako. Nambola na naman kayo."

"Hindi, Anak. Totoo."

"Hahaha!"

"Anak."

"Oh."

"Kumusta na nga pala si Mariel?"

"Okey naman daw."

"Mabuti kung ganon. E si ano... si Kevin na kaibigan mo?"

"Ah. Bumalik na sa Manila."

"Ganon ba. Alam mo ba anak, nagkita nga pala kami kahapon sa... 'jan sa gawi 'jan. Hinintuan ako. Pauwi na 'ata. Ihahatid daw niya 'ko. Sabi ko 'wag na. 'Ayun... bumaba ng kotse niya. Kinukumusta ka."

"Talaga?"

"Sabi ko naman, e 'di ba magkasama kayo palagi."

"Ano sabi?"

"Oo nga daw pala."

"Tapos?"

"Wala na. Inaaya ko nga dito sa bahay pero sabi 'wag na."

"Ah."

"May problema ba kayo anak?"

"Wala po."


*    *    *


Finals.


"'Eto na ang game na hinihintay natin. Ipanalo natin 'to."

"Oo, Coach. Kukunin natin ang panalo. Pangako!"

"Mark, ikaw ang inaasahan ko. Kulang-kulang na tayo pero alam kong kayang-kaya mo."

"Kaya, Coach. Sa atin ang game na 'to."

Fifteen minutes na warm up. Sobrang ingay sa loob ng gym. Ang daming tao. Pati mga players ng ibang team, 'ando'n din nanonood.

Final coaching ng first five.

"Mark, tulong kayo ni Kevin sa labas, ha? Kayo bahala sa play."

Tama ba ang narinig ko? Kevin daw?

"Mark, magsuot ka na ng sapatos mo. Last five minutes warm up."

"Mark... Mark... nakikinig ka ba? Ano ba iniisip mo?"

Lumilipad lang pala isip ko. Akala ko totoo na.

Pagkatapos, pumasok na sila sa court para mag warm up. Naiwan ako. Kinuha ang bag ko sa gilid. Umupo ako para magsuot ng sapatos.

"Buti hindi mo nakalimutan magdala ng sapatos?" sabi ng boses sa likod ko.

Pamilyar na boses. Nilingon ko. Hindi ko maisa-isa ang mga mukha. Ang dami palang tao sa likod ko. May mangilan-ngilan pang tumatawag sa apelido ko. Balik ako sa pagtatali ng sapatos.

Handa na 'ko. Tumayo na 'ko. Ilang hakbang pa lang... natigilan agad ako.

"Sikat ka na kasi. Hindi ka na marunong mamansin!"

Napalingon ulit ako.

Siya nga ba 'yon... Kevin?


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko