5
Jump ball!
Natapik nila ang bola. Mabilis na nakababa ang kalaban. Overhead pass. Hinabol ko ang pasa pero naiwanan ako. Nakarating agad ang bola sa kabilang court. Halos wala pang sampung segundo, naka puntos na agad sila.
Mabilis ang laro ng kalaban kaya dapat namin 'yon sabayan. Hindi dapat kami magpaiwan. Dapat kami ang magdikta ng laban.
Agad inilabas ang bola. Ako ang nagdala. Nahihirapan akong itawid ang bola dahil bantay sarado agad ako ng dalawa. Double team defense sila kung nasaan ang bola.
Nakita ko na humihingi ng bola si Huget sa gilid ng perimeter court. Libre siya. Walang bantay. Nakahandang bumato ng three points. Imbis na ibigay ang bola, tumulak ako paloob. Tulak. Hawi. Nagawa kong sirain ang zone defense nila. Tuloy-tuloy ako sa loob. Nang makalapit ng halos isang metro mula sa basket, agad akong tumalon para pumunto gamit ang board.
Hindi pa man nakakalapit ang bola sa board, supalpal na agad yun ng sentro ng kalaban na nakapwesto sa bandang likuran. Nabigla ako. Nagulat. Lumipad ang bola pabalik sa dating pinaggalingan. Parang volleyball sa sobrang lakas. Blanka, hiyaw ng iba.
Nagbuwal-buwalan ako para hindi gaanong nakakahiya. Tumawag ako kay ref ng foul. Hindi ako pinansin ni ref. Pinanindigan niya ang nauna niyang tawag. Block.
"Okey lang 'yun. 'Wag ka mag-alala, gaganti tayo," sabi ni Kevin habang tinutulungan akong tumayo.
Hindi ako sumagot. Patay-malisya ako sa nangyari at agad na bumaba.
Malakas ang kalaban. Mabilis ang laro ng mga guard nila para sa opensa at tore naman ang karamihan sa kanilang depensa. Hindi kami makaangat. Madali nilang nagagawang iwanan kami sa puntusan.
Five minutes and thirteen seconds left in the first quarter.
Tumawag kami ng twenty second time out.
"Ano nangyari? Ang daming nasayang na bola!" sabi ni coach.
Tinamaan ako sa sinabi niya. Ako kasi ang may pinakamaraming turnovers.
"Lopez, labas ka muna. Pahinga ka muna 'jan."
"Coach, hindi pwede lumabas si Lopez. Kailangan natin ng mabilis na laban. Kung aalisin niyo siya babagal ang laro natin. Maiiwanan tayo ng kalaban," pagtutol ni Huget.
"Sige pasok, Lopez. Huget, tulungan mo siya sa play," sabi ni coach.
Back to the ball game!
"Pare, ikaw magdala ng bola. Ikaw gumawa ng play. Support ako," sabi ko sa kanya habang naglalakad papunta sa loob ng court.
"Sige, Tol. Kung saan ka masaya." Sabay ngiti ni loko.