7


Tumayo ako. Tumayo na rin siya. Nagkatinginan. Seryoso kaming dalawa. Ilang segundong walang imikan. Nagtitigan nang parang tanga lang.

Ngumiti siya... ngiting nakakagago. Imbis na magalit, napangiti na rin ako. Gano'n talaga. Talo talaga ako.

"'Wag mo kalimutan," sabi niya.

"Oo na."

"Buong linggo."

"Kakulit mo."

"Good."

"Gago."

"Hahaha!"

"Loko."

Ngumiti ulit siya. Nakakaasar na ewan. Sarap tadyakan.

"Matutulog na 'ko. Patayin mo na yung ilaw mamaya."

Nauna na siyang humiga. Ako, umupo lang muna sa dulo ng kama. Nawala ang antok ko. Hindi ko talaga matanggap ang pagkatalo ko.


*    *    *


Nagising ako alas dos na ng hapon. Ako ang naunang nagising sa amin ni Kevin. Ang sarap ng tulog ni tisoy. Ang lakas humilik. Para siyang bata kung matulog. Hindi ko na siya ginising. Bumaba na agad ako at agad umalis. Nag-text na lang ako sa kanya na nauna na ako.

Diretso agad ako sa bahay para magbihis. Sinundo ko si Mariel sa kanila. Nagpasama ako sa kanya kumain sa Jollibee at pagkatapos ay hinatid ko na siya sa duty.

Tumambay ako sa kanto malapit sa bahay namin. Nakipagkwentuhan. Nag-abang ng ibang katropa na dadaan. Nang makabuo ng isang team, nag-aya agad akong dumayo sa ibang lugar para makipagpustahan. Dala-dala ang bola, mga kasamang at least lima, patak-patak sa gasolina, at perang pamusta, nakakarating kami kung saan-saan para magbola. Ganyan madalas ang buhay ko kapag walang eskwela.

Alas otso na nang makauwi ako ng bahay. Nagbukas saglit ng Facebook. Binasa ang ilang notifications na halos lahat walang kwenta. Naglaro saglit ng Dota sa Garena. Na-bore. Inantok. Binuksan ang TV. Humanap ng channel na maganda. Sa Basketball TV, Knicks versus Cavaliers sa huling quarter. Oo nga pala, laban nila LeBron kanina. Nakalimutan ko. Buti na lang naabutan ko pa replay.


Beep beep. Si Kevin Huget.


Tol gising kapa?

Hindi ako nag-reply.

Tol.

Hindi ulit ako nag-reply.

Mark.

Natutulog na 'ko. Reply ko.

Channel ten. Si Lebron. Panuodin mo.

O ano meron?

Wala lang. Naalala lang kita.

Sige panunuodin ko.

Online ka pagkayari.

Bakit?

Basta. Yahoo Messenger.

Bakit nga?

Chat tayo. Eto email address ko. kevinthepogihuget@yahoo.com

Inaantok nako.

Sus. Saglit lang.

Next time.

Puro ka next time. Wala kapang nagagawa sa pustahan natin.

Seryoso ba yun?

Oo. ikaw lang naman ang hindi seryoso.

Osiya. Sige. Sige. Tapusin ko lang 'to.

Pagkatapos mayari ang game, nag log-in agad ako. In-add ko siya para matapos na.

kevinthepogihuget: Tol

lopez_mark19: Anong drama mo?

kevinthepogihuget: Wala kasi ako makausap tol.

lopez_mark19: Ha?

kevinthepogihuget: Maghapon lang kasi ako sa bahay. Burong-buro nako dito.

lopez_mark19: Ah. Wala kabang kabarkada jan o kahit kakilala lang?

kevinthepogihuget: Meron naman kakilala pero hindi naman ako makasama sa kanila.

lopez_mark19: Bakit?

kevinthepogihuget: Wala lang. Hindi ko lang masakyan mga trip nila.

lopez_mark19: Edi mas lalo nako. Hindi mo masasakyan mga trip ko.

kevinthepogihuget: Isama mo naman ako tol sa mga lakad mo.

lopez_mark19: Bukas.

kevinthepogihuget: Ano meron?

lopez_mark19: Nag-aaya yung barkada ko. Basketball sa plaza bukas ng hapon.

kevinthepogihuget: Sige. Sama ko.

lopez_mark19: Okey.

kevinthepogihuget: Agahan ko nalang pumunta jan bukas sa inyo.

lopez_mark19: Pupunta ako sa school bukas ng umaga.

kevinthepogihuget: Isama mo naman ako tol.

lopez_mark19: Osige. Bukas ng alas otso. Punta ka nalang dito.


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko