9


Bigla akong kinabahan. Seryoso kaya siya? Natahimik ako. Hindi na 'ko nakakibo sa usapan. Lumipad ang isip ko. Napadpad kung saan-saan.

"Tol."

Huminto kami sa gilid ng daan.

"Tol, okey ka lang?" tanong niya.

Tumango ako.

"Ah."


*             *             *


"Oh, Mark. Masyado yatang maaga ang uwi mo? Nakakapanibago."

"Ya, kayo naman," sagot ko.

"Tita, ako po si Kevin Huget. Mukha pong nakalimutan akong ipakilala ni Mark sa inyo."

"Kung ganito naman kagwapo ang dadalaw dito Mark, kahit araw-araw walang problema," hirit ni Yaya.

"Tita, eto po. Binili po talaga namin yan ni Mark para sa inyo." Sabay abot ng Jollibee na tinake-out namin.

"Salamat, Anak."

"Liligawan ko po si Mark."

"Gago," sabi ko.

Natawa si Yaya.

Inakbayan ko si Huget. Hinatak ko na siya papalayo, pataas papuntang kwarto ko.

"Akyat lang po kami sa taas, Ya. Mamaya lang po uuwi na 'to," sabi ko.

"Tita, hindi po. Baka gabihin na po ako. Isama niyo po ako sa hapunan niyo. May importanteng pag-uusapan po kami ni Mark."

"Sige" na lang ang nasabi ni Yaya.

"Okey ka lang ba?"

"Okey lang ako, Bro."

"Kwento mo na 'yan."

"Mukhang aalis na ata si Mariel."

"Saan pupunta?"

"Dubai. Nag-a-apply kasi siya nuon du'n. Akala ko hindi na niya itinuloy."

"Papayagan mo?"

"Oo. Matagal na niyang pangarap 'yun."

"Matatagalan ba siya du'n, Tol?"

"Ewan ko. Malamang gano'n na nga. Hindi ko alam kung kaya kong hindi siya makita nang gano'n katagal."

Inakbayan niya ako. "Kaya mo 'yan."

Tumango ako. "Salamat."


*             *             *


"Hindi na ba talaga kita mapipigilan?"

"Handa na ang lahat, Hon."

"Kelan alis mo?"

"Limang araw mula ngayon."

"Ang bilis naman."

"Oo nga e."

"Paano tayo?

Hindi siya kumibo.

"Pati ba naman ikaw, iiwan ako."

Naiyak na siya.

"'Wag ka naman ganyan, Hon. Mahirap din naman sa part ko."

Niyakap ko siya ng mahigpit. Hinalikan ko siya.

"Ingat ka du'n. Umuwi ka kapag naho-home sick ka na."

"Love you, Hon."

Hinalikan ko ulit siya. Patuloy ang pagbagsak ng luha niya. Pinipilit kong maging malakas sa harap niya para hindi siya masyadong mahirapan pag-alis niya. Malayo ang Dubai. Hindi biro ang gagawin niyang sakripisyo para sa kinabukasan niya at sa kanyang pamilya. Kakayanin kong magpakatatag. Kakayanin kong maghintay para sa kanya.


*             *             *


Araw-araw kaming magkasama ni Mariel. Araw-araw kaming nasa labas. Sinusulit ang bawat minutong magkasama. Madalas namin kasama si Huget. Madali silang nagkapalagayan ng loob. Kwela si Huget kaya masaya lagi si Mariel. Marami silang napagkwentuhan. Marami kaming masasayang pinagsamahan sa limang araw naming magkakasamang tatlo.


"Drama ka na naman, Tol."

"Loko."

"Tatlong linggo na yun, Tol. Mabalis lang ang araw. Bukas makalawa, nandito na naman siya. Magkasama na naman kayong dalawa."

Napangiti ako.

"Oh, ayan. Ganyan sana. Kung lagi ka bang ganyan. Kapag nakabusangot ka kasi, para kang sanggano. Hahaha!"

"'Eto gusto mo?" Umamba ako ng suntok pero nginitian lang ako ng loko. Sinakal ko siya. Gumanti naman siya.

"Pare, salamat ha?"

Inakbayan niya ako.


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko