39
Lumayo ako. Pumwesto ako sa pinakamataas na bahagi ng gym. Humanap ako ng lugar kung saan hindi ako makikita ni Kevin. Lugar kung saan nakaupo ang mga taong hindi ako kilala.
Kinakabahan ako gaya ng kabang nararamdaman ko kapag ako ang naglalaro.
Mabilis na napuno ang gym ng mga manonood. Mukhang napapalibutan ako ng mga tagasuporta ng kalaban. Puro tungkol kasi sa kabilang team ang naririnig kong pinag-uusapan ng mga tao sa paligid ko.
Nagsimula nang umingay ang crowd nang isa-isang tawagin ang mga players sa gitna ng court para simulan ang seremonya ng friendly game. Pagkatapos ay ipinakilala na ang first five ng magkabilang team. Wala pa si Kevin. Bench player kasi siya, guard ng third team. Depende sa magiging laro ng first team kung gaano siya kabilis makakapasok.
Sa unang bugso ng laban, mabilis na nakalamang ang kalaban. Sunod-sunod na tirada sa perimeter ang agad na nagbigay ng puntos sa kabila. Mabilis ang game. Nakukuha sila sa fast break passes. Pagtuntong ng unang tatlong minutong walang score ang team, nagpatawag agad ng time out si coach.
Mainit ang ulo ni coach. Kitang-kita ko mula sa kinauupuan ko kung paano niya ikumpas ang kanyang mga kamay, senyales na hindi siya kuntento sa naging takbo ng laban.
Inilabas niya ang buong first five. Sunod na tumayo ang nasa bench para pumalit. Hindi ko pa rin nakitang tumayo si Kevin.
Tumunog ang buzzer. Pumito nang mahaba si ref. Nagtawag na si commentator ng back to the ball game.
Naka-score naman ang team pero hindi 'yon naging sapat para habulin ang nauna nang malaking kalamangan ng kalaban. Dalawang puntos katumbas ng apat sa kabila. Naging tambakan ang laban. Nakakahiya dahil sa teritoryo pa namin. Parang walang silbi ang home court advantage.
Unti-unti, nalagas ang naglalaro sa team. Isa-isang pinalit ni coach ang mga hindi pa napapasok sa game. Hindi ako sigurado pero sa tingin ko, sinusuko na ni coach ang laban. Masyado pang maaga pero hindi ko makuha kung bakit basta-basta na lang ang paggawa niya ng play. Masyadong mahina 'yon kaya nagtataka ako kung ano ba talaga ang kanyang plano. Sana mali ako.
Tumawag ulit si coach ng pangalawang time out. May tatlong minuto pa ang nalalabi sa first quarter. Inilabas niya ulit lahat ng naglalaro sa loob at ibinalik 'yong apat sa first five. Si Kevin ang kumumpleto ng first team. Mas napaganda pa ang entra niya dahil secret weapon ang naging bigat niya sa team.
Si Kevin ang naglabas ng bola para sa team. Iba ang nagbaba ng bola. Iba ang gumawa ng play at iba rin ang umopensa pero hindi sila nakapuntos.
Nakita kong lumayo si Kevin. Alam kong umiiwas siyang makapaglabas ng bola para makakuha siya ng masmagandang pagkakataon para makapagdala ng laro. Hindi naman siya nabigo. Siya ang nagdala. Mabilis niyang naitawid ang bola.
Nag-dribble. Nag-crossover. Cut. Pass. Pumuntos.
May kasabihan sa basketball na sa postura pa lang ay malalaman mo na kung magaling ang isang manlalaro o pangsaling-pusa lang. Si Kevin, isang tingin mo pa lang sa loob ng court ang lakas na ng dating. Bawat galaw, bawat ikot, bawat dribble at shoot, punung-puno ng angas. Hindi siya magaslaw kumilos. Hindi siya mayabang maglaro, pero agad mo siyang mapapansin kapag nagsimula nang umikot ang bola ng hardcourt.
Nabuhay ang crowd. Kahit na fans ng kabilang team naging maingay. Kung kanina, walang kalatoy-latoy ang laban, ngayon nagsimula nang magpalakasan ang hiyawan ng dalawang grupo ng tagasuporta.
"Bakit ba ngayon lang 'yun pinasok?" narinig ko mula sa isang taong nasa likod ko.
"Ang cute naman niya," sabi ng nasa harap ko habang kausap ang mga kasama.
Napapangiti ako sa kinauupuan ko. Ganito pala ang pakiramdam sa kinalalagyan ko. Kung dati nasa loob ako ng court para maglaro, ngayon, nasa labas ako para manood.
Nakapuntos ulit ang team mula sa assist ni Kevin. Gamit na gamit niya ang bilis at bentahe rin ang lakas niyang tumalon para ilampaso ang guard ng kalabang team. No match kay Kevin.
"Mahal ko na siya. Oh my ghazzz." Ang lakas ng boses ng grupo ng mga mukhang macho sa gilid ko.
Sa kabilang side ng gym, banda kung saan nakaupo ang mga taga St. Jude, nakikita kong maraming tumuturo kay Kevin. Hanep. Ang dami na agad fans.
"Pssst."
"Pssst."
"Pssst."
Ako pala ang tinatawag ng isa. Akala ko lalaki pero babae pala. Hindi kasi pambabae ang pagtawag niya. Edad tulad namin at mukhang estudyante, may dating, at mukhang palaban. Hindi ko kilala pero mukhang kilala ako. Tumayo siya at lumapit sa kinauupuan ko. Nakipagpalit sa katabi ko.
"'Di ba kaibigan mo 'yun?" Sabay nguso sa baba, sa loob ng court.
"Si Huget?"
"Oo."
"Bakit?"
"Madalas ko kasi kayo makita laging magkasama. Basketball player ka rin, 'di ba?"
"Ah. Oo, magkaibigan kami. Yes, nasa basketball ako."
"Ang lakas ng kaibigan mo ha. Ang dami na niya agad fans."
Napangiti na lang ako.
"Ano name niya? Kevin ba?"
Alam naman pala niya, tatanungin pa.
"Yes."
"Ang tipid mo naman sumagot, Mark."
Aba, kilala ako.
"Sorry. Mahiyain kasi ako," palusot ko.
"Saan nakatira friend mo?"
Nagulat ako. Anong sinasabi nito? Kunwari, hindi ko na lang narinig.
Umingay na naman ang crowd. Masmaingay kumpara kanina.
Pantay na pala ang score ng dalawang team, hindi ko napansin. Narinig ko na lang na puntos ulit ni Kevin.
Dribbling. Passing. Shooting. Mas lalo pa siyang gumaling.
Kinalabit ako ng katabi ko. Ilang beses. Gentleman naman ako kahit papaano, kaya nilingon ko. Nginitian ko.
"Bakit, miss?"
"Pwede bang makuha 'yung number niya?"
Patay do'n!