41
Natalo kami pero dalawang puntos lang ang lamang. Hindi na nakapaglaro si Kevin sa natitirang oras ng laban. Hindi naman grabe ang injury niya. Natapilok siya at medyo nabugbog ang paa, pero mukhang okey naman na. Nagawa pa nga niyang tumayo mula sa pagkakahiga at nakapaglakad pa kahit na walang umaalalay na iba. 'Yon nga lang, ika-ika.
Yari na ang game nang bumaba ako para lapitan siya. Galing ako sa likod, sa gawing itaas niya. Hinawakan ko siya sa balikat. Hindi niya ako agad nakita.
"Okey ka lang?"
Napalingon siya. Umupo naman ako sa tabi niya. Natagalan siya bago makasagot.
"Wala 'to."
"Sigurado ka?"
"'Wag ka mag-alala. Okey lang talaga ako."
"Ayos laro natin kanina, ah."
"Hindi naman."
"Ang dami mo na agad fans."
"Oo nga eh. Ikaw ang number one. Hahaha."
"Patay do'n!"
"Bakit, ayaw mo ba? Hehe."
"Tara na nga. Iuuwi na kita."
* * *
Maaga pa nang dumating ako ng bahay. Hinatid ko muna si Kevin sa kanila at pagkatapos ay nag-commute na lang ako pauwi.
Inabutan ko nang nakagayak ang hapag-kainan kaya minabuti ko nang samahan si Yaya para kumain. Tutal, minsan lang naman kami magkasama sa hapunan. Nakailang subo naman ako at agad na umakyat sa kwarto—para makapagpahinga ang paalam ko kay Yaya.
Habang pumapanhik ng hagdan, bigla akong napaisip, napatigil, napatulala. May problema ka ba? Yan ang huling linya ni Kevin kanina bago kami maghiwalay. Simpleng tanong pero tanging iling at ngiti lang ang naisagot ko sa kanya.
Beep. Beep.
Humakbang na ulit ako patungo sa aking kwarto.
Kinuha ko ang cellphone sa bulsa. Binuksan ko. Text galing kay Kevin.
Mark, kilala mo ba yung April?
Sumagot naman ako.
Yes.
Ang bilis niyang mag-reply.
Crush daw ako neto. Pacenxa na wala akong time sa mga hindi ko kilala. Hehe.
Sige na Kevin. Good night na sayo. Matutulog nako. Pahinga ka narin.
Inilapag ko ang cellphone ko sa kama. Mabilis kong hinanda ang mga bihisan ko at diretso agad sa banyo para maligo. Gusto ko kasing maging presko para mas madali akong dalawin ng antok mamaya.
Pagbalik ko, agad kong kinuha ang cellphone na nasa kama. Tinignan ko ang reply ni Kevin sa huling text ko, pero wala.
Maaga pa, hindi pa oras ng karaniwang tulog ko. Wala pa naman pasok kinabukasan, pero nahiga na ako. Nagbabaka-sakali.
Bumaling. Tumagilid. Tumihaya. Dumapa. Buset, hindi talaga ako makatulog. Pilit pa rin na sumisiksik sa isip ko ang pangalan ni Mariel. Okey na 'ko dati pero bakit 'eto na naman ako ngayon.
Tumayo ulit ako. Naglakad-lakad sa loob ng kwarto. Umupo sa harap ng computer.
Binuksan ko ang computer. Nag-log in sa Yahoo Messenger.
May ilang naka online pero offline naman ang gusto kong kausapin. Baka busy. Baka nasa duty. Baka...
lopez_mark19: kumusta?
Sinend ko na rin sa kanya kahit late na niya mabasa.
marielsantos: uy lopez
nakaalala ka.
Ano ba 'to? Biglang bumilis ang tibok ng puso ko.
lopez_mark19: offline kunwari?
kumusta ka?
marielsantos: hayaan mo na.
marami kasing nagme-message sakin.
eto miss kana.
Pa'no ba 'to? Ano ba isasagot ko dito?
lopez_mark19: kumusta boyfriend mo?
marielsantos: ano ba sinasabi mo? baka pinalitan mo na agad ako.
lopez_mark19: sabi ng pinsan mo malapit kana daw umuwi.
marielsantos: binabago mo naman ang usapan Lopez eh.
lopez_mark19: ang tagal mo kasing nawala.
marielsantos: so meron na?
lopez_mark19: masaya ako.
Matagal bago siya nakasagot. May limang minuto 'ata akong nakaabang sa reply niya.
marielsantos: ang bilis naman.
nakalimot ka na agad sa pangako.
Napabuntong-hininga ako. Mas lalo pang bumilis ang pagkabog ng dibdib ko.
lopez_mark19: hindi ko naman yun nakalimutan.
hindi ko lang napanindigan.
sorry.
marielsantos: excited pa naman ako umuwi jan para sayo.
tapos eto.
lopez_mark19: hihintayin naman kita dito.
lagi lang naman ako naghihintay sayo.
magkaibigan parin tayo.
marielsantos: joke lang ba 'to o ano?
lopez_mark19: diba ikaw ang unang umalis sa relasyon natin?
marielsantos: hindi ako umalis.
nagpaalam lang ako saglit.
nangako ka na maghihintay ka.
Bakit ba nahihirapan na naman ako nang ganito?