44
Hinawakan niya ako sa ulo at tinignan nang diretso. Kahit lasing ako, nakaramdam pa rin ako ng hiya kaya pinunasan ko ang aking mga mata na lumuluha gamit ang aking braso.
"Bata ka pa nuon nu'ng makita kitang umiyak nang ganyan."
"Sorry po."
"Hindi, Anak. Hindi. Napapaisip lang ako. Ang bilis ng panahon. Dati kayang-kaya kita patahanin. Isang laruan lang, titigil ka na. Isang candy lang, masaya ka na ulit. Ngayon, gusto man kita tulungan pero hindi ko alam kung paano."
"Nahihiya ako. Kalalaki kong tao, umiiyak ako nang ganito."
Umiling siya.
"Yah, may tatanungin ulit ako sa 'yo, ha..."
"Ano 'yun?"
"May mali po ba sa 'kin?"
Kahit nahihilo ako, malinaw kong nakita ang reaksiyon niya sa tanong ko, nagtataka, naguguluhan.
"Wala, Anak. Walang mali sa 'yo. Bakit mo naman naitanong 'yan?"
"Nagmamahal po kasi ako nang sobra."
"Walang masama du'n, Anak. Lahat ng tao nagmamahal. Lahat ng tao dumadating sa point na 'yan."
"Hindi, Yah. Hindi mo naiintindihan."
"Ano ang hindi ko maintindihan?"
"Mahal ko po silang dalawa. Hindi ko po kaya mawala ang isa man lang sa kanila."
"Baka naguguluhan ka lang sa nararamdaman mo, Anak. Baka nagkakamali ka lang."
Tinanggal ko ang mga kamay niya na nakahawak sa aking mukha. Nahiga ako sa kama ng padapa para maitago muli ang luha na nangingilid sa aking mga mata.
Hinayaan na ako ni Yaya. Hinaplos niya ang aking buhok at tinapik sa balikat at iniwan na niya ako para makapagpahinga.
Kasabay ng pagpatay ng ilaw sa loob ng kwarto ko, muling bumagsak ang luha ko. Hindi ko na napigilan pa ang bugso ng damdamin ko. Muli akong umiyak. Para akong batang umiiyak.
* * *
Tanghali na nang magising ako. Masakit ang sikmura ko. Masakit ang ulo ko. Masakit pa rin ang puso ko. Wala na ang sinasabi nilang pampamanhid na epekto ng alak sa aking katawan kaya mas lalo ko pang nararamdaman ang sakit. Hindi man lang nababawasan 'yon. Bagkus, mas lalo pa 'atang nadadagdagan.
Naligo ako. Nagbihis. Bumaba ako para kumain. Nagpahinga lang ako saglit sa bahay at pagkatapos ay lumabas ako para subukang libangin ang sarili ko.
Nagpunta ako kung saan-saan. Sa mga kaklase, sa mga kaibigan, sa mga lugar kung saan pwede akong malibang. Nagbola kasama ng mga katropa kong tambay, DotA kalaro ng mga adik sa computer shop malapit sa bahay, nagsindi ng yosi, at lumagok ng alak kasama ang ilang mga kapitbahay.
* * *
Mag-iisang buwan na simula nung magkahiwalay kami ng landas. Araw-araw ko pa rin siya iniisip. Araw-araw pa rin ako nalulungkot tuwing naaalala ko ang mga bagay na pinagsamahan namin. Araw-araw ako bumabalik sa kahapon na kasama siya, bumabalik sa mga alaalang naiwan niya. Halos araw-araw din akong nagtatago sa spirito ng alak para makalimot, para mabawasan ang lungkot.
Hindi na siya tumupad sa pangako niya na dadalawin niya ako paminsan-minsan sa bahay. Lagi ko siyang inaabangan, pinupuntahan at hinihintay para makausap pero lagi lang niya akong iniiwasan. Simula no'n, wala na 'kong natanggap na tawag or reply man lang mula sa kanya... sa hindi mabilang na text messages na pinadala ko sa kanya.
Maraming nagbago sa akin. Marami akong binago at marami pa sigurong magbabago sa buhay ko, pero ang puso ko, hindi ko alam.... Hindi ko alam kung paano at kailan.