50
"Baguio?"
"Mukha ba 'kong nagbibiro?"
"Ibalik mo na, Kevin. Seryoso, ayo' ko pumunta. Kung gusto mo, ikaw na lang mag-isa."
"Sus."
"Tignan mo nga suot mo. 'Yan ba 'yung ipupunta mo ng Baguio, ha?"
"Oh, bakit? Ano problema du'n? Komo naka-todo-porma ka 'jan eh. Tssk."
"Loko. Sige, bahala ka. Tigas ng ulo mo."
"Ano naman naisipan mo at nagpakalbo ka?" tanong niya. Halatang iniiba ang usapan.
"Semi-kalbo 'yan, hindi kalbo," sagot ko.
"Gano'n din 'yun. Bakit nga?"
"Wala."
"Nice."
"'Yung?"
"Gupit mo."
"Ah."
"Gwapo na."
"Loko."
"Dati kasi, medyo lang. Ngayon, totoo na," hirit niya, sabay tawa.
"Sige, mag-drive ka na muna 'jan. Bahala ka kung saan mo gusto pumunta. Kahit sa Iraq pa. 'Wag lang sa langit. Tutulog muna ako. Nahihilo na 'ko."
Pumikit na ko. Hindi ko na talaga kaya makipagkwentuhan pa. Hinanap ko kung saan maganda pwesto. Binaba ko yung upuan ng bahagya para maging komportable tulog ko.
"Oy, Mark."
Hindi ko na siya pinansin. Antok na antok na talaga ako.
"Oy... Oy... Mark..."
Kinalabit niya ako. Kinalabit ulit. Hindi ko na lang siya ulit pinansin. Nagtulog-tulugan na ako.
Naramdaman kong biglang bumabagal ang takbo namin.
"Mark, may dala ka bang pera 'jan?"
Biglang nawala ang antok ko. Napaupo ako ng diretso.
"Ha?" ang tanging kong nasabi.
"Wala akong dalang pera. Wala na pala tayong gasoline," sagot niya. Halata sa mukha niya ang pag-aalala.
Patay do'n!
Napalunok ako. Kinuha ko ang wallet ko. Binuksan ko. Lumaki bigla ang mga mata ko.
Kinapa ko ang isa ko pang bulsa. Kinuha ang perang natira kanina.
Inabot ko sa kanya. Nakabilot pa.
"Magkano yan?"
"Sisenta."
"Sisenta?!"
"Eh hindi pa 'ko pinapadal'an ng allowance ng nanay ko."
"Hahaha! Sige, itago mo na 'yan. Pang-load mo na lang."
"Oh, pa'no 'yung gasolina? Sabi ko kasi sa 'yo ibalik mo na kanina eh."
"Joke lang. Naka-full tank 'to saka marami akong dala. Hahaha!"
"Putek. Hay. Kayabang!"
"Marami kasi ako napamaskuhan kanina. Hahaha!"
"Hindi ka na nahiya; namamasko ka pa. Katanda mo na."
"Gano'n talaga. Para maraming pang-date. Tssk."
"Teka, baka hanapin ka ng nanay at tatay mo. Bahala ka. 'Wag na 'wag mo 'ko idadahilan sa kanila."
"'Wag ka mag-alala. Balikan lang tayo."
"Kalakas ng trip mo, Huget."
"Hahaha!"
"Makatulog na nga. Gisingin mo na lang ako mamaya."
"Oy, 'wag ka matulog. Sige ka, baka antukin din ako. Baka langit ang punta natin nito, hindi Baguio."
"Anak ng tipaklong. Kahit isang oras lang, Kevin. Ang sakit na ng mga mata ko. Hindi mo ba nakikita, namumula na."
"Bakit ka ba kasi nag-inom na naman, ha, Mark? Ako ba pinag-iinuman mo, ha?"
"Gago."
"Hahaha!"
"Bahala ka na nga. Basta ako matutulog na 'ko."
"Oy, 'wag. Kwento ka na lang."
"Hindi ka ba makaintindi, Kevin. Antok na antok na 'ko."
"Teka. Hanap tayo ng tindahan."
"Ng ano?"
"Kape. Marami tayong pag-uusapan."
Napakamot na naman ako. Kahirap nang may kasamang ganito. Sa totoo lang, ang sakit na ng ulo ko.
Huminto kami sa isang gasoline station. Nasa labas na pala kami ng Pampanga, napansin ko. Nag-CR ako para maghilamos. Baka sakaling mahimasmasan ako.
Nauna akong sumakay sa kotse. Nakaupo lang ako habang nakikinig ng radio. Ang tagal niya. Inaantok na naman ako.
"Oy, Mark. Gising. Oy."
Nakatulog na pala ako.
"Mamaya na tayo bumyahe, Kevin. Magpalipas na muna tayo dito ng gabi."
"'Wag na. Para maaga tayo. Sa daan na lang tayo magdahan-dahan. Oh, 'eto kape. 'Eto pa. Tapos kapag naubos yan, 'eto pa."
"Dapat bumili ka pa. Dapat dinamihan mo na. Eh lulunurin mo pala ako sa kape eh," sabi ko.
"Hahaha! 'Wag mo kasi ubusin agad. Reserba muna 'yung iba para kapag inaantok ka na itagay mo lang 'yung iba. Kung 'yung alak nga eh, drum drum inuubos mo. 'Eto pa kayang tatlong basong kape lang."
"Oh, sige. Hige. Ikaw na magaling."
"Hahaha!"
Hindi pa kami nakakalayo, hindi pa ako nag-iinit sa upuan, may hinintuan na naman si Huget.
"Miss. Apat ngang B3. Double go large," sabi niya.
Nag-drive thru kami.
"Okey ba? Tsssk," tanong niya sa'kin.
"Tamang-tama, Kevin. Gutom na gutom na kasi ako eh."
"Kawawang bata. Pa'no ka niyan mabubuhay, Mark? Sisenta na lang pera mo, tapos kakain ka pa bukas. Maglo-load ka pa. Kakain ka ulit, tapos maglo-load ka ulit."
"Naubos nga 'jan sa jersey mo. Isang libo mahigit 'yan. Bukas baka padal'an na 'ko ng nanay ko."
"Sorry. Joke lang 'yun."
"Okey lang."
Huminto ulit siya. Pumarada kami sa gilid ng daan.
"Ang drama mo na ngayon." Inakbayan niya ako.
Pinili ko na lang na 'wag magsalita. Mahirap na, baka kung anong drama pa masabi ko. Kinuha ko sa plastic yung isang burger at kumagat ng malaki. Baka sakaling 'pag nagkalaman na ang sikmura ko, mawala na rin ang natitirang amats ko sa katawan.
Bumitaw siya. Kinuha niya 'yong Coke at uminom pagkatapos ay byahe na ulit kami.
Mag-aalas singko na ng umaga nang dumating kami sa Baguio. Napahaba ang byahe dahil sa kapal ng hamog sa daan papaakyat ng bundok. Ang lamig ng paligid. Mas malamig ng dalawang beses kumpara sa pagpunta namin noon.
Humanap agad kami ng pwedeng kainan. Mas pinili naming mag-almusal sa karinderya malapit sa Burnham Park. Nakakahiya daw kasi ang suot niya. Pero para sa akin, okey naman siya kahit nakapambahay pa siya. Walang magagawa, siya bahala.
Gaya noong una naming punta, nangangapa pa rin kami sa pakurba-kurbang mga daan ng Baguio.
Ilang liko at balik ang aming ginawa bago namin maabot ang tuktok ng Lourdes Grotto. Ang dami kong pinagdasal. Ang dami kong hiniling. Ang dami kong sinabi sa kanya. Sana narinig ni Lord 'yon lahat.
Sunod naming pinuntahan ang The Mansion. Ilang beses pa rin kaming naligaw kahit na isang damukal na tao pa ang aming pinagtanungan.
Gano'n pa rin. Picture-picture pa rin kay manong guard. Wala kaming dalang matinong camera kaya low class cellphone cam na lang ang pinagtiyagaan.
Bumaba din kami sa Botanical Garden. Ang lamig. Doon 'ata ang pinakamalamig na lugar sa mismong Baguio. Marahil ay dahil na rin sa dami ng mga puno sa paligid. Kahit saan ka lumingon, may hamog. Kumain ulit kami sa loob ng malawak na Hardin. Ang dami kasi doon pwedeng kainin.
Dumaan kami sa Camp John Hay...
Lumiko papuntang PMA...
Nakimartsa kami sa mga sundalo ng Academy. Abot-ngiti ni loko kapag nakakakita ng sundalo.
"Alam mo ba, Mark, pangarap ko talaga maging sundalo," seryoso niyang sabi.
Umiling ako.
"Nako, hindi ka pwede 'jan," pagkontra ko.
"Bakit?"
"Hindi pwede ang yabang lang 'jan. Baka isang linggo ka pa lang hindi ka na tumagal."
"Hanep, Mark. Kaibigan ka ba talaga, ha?"
"Oo naman. Kaya nga nagsasabi ako ng totoo eh."
Sinakal niya ako. Hindi ko makuhang kumawala sa dalawa niyang braso.
"Gago. Bitawan mo 'ko. Nakakahiya," sabi ko.
"Mark."
"Oh. Ano? Bitawan mo, kako, ako. Hindi ako makahinga."
Binitawan naman niya agad ako. Nakangiti pa si loko, ngiting nakakagago. Ang sarap lang tadyakan.
"Ano ba pangalan ng pabango mo?" seryoso niyang tanong.
"Ah. Bench cologne lang yan," sabi ko.
"Hindi ba amoy pawis 'yan? Pawis na natuyo?"
Inamoy ko ang sarili ko.
"Pucha! Hindi naman ah."
Ngumiti ulit siya. "Joke lang. Hahaha!"
Mag-aalas dose na ng hapon nang lisanin namin ang kampo ng mga sundalo. Last daw namin pupuntahan ang Mines View Park. Imbes na dumiretso, bumalik kami sa gawi ng Burnham Park. Sa SM City Baguio.
Bumili siya ng pasalubong sa pamilya niya. Brownies. Apat na boxes ng brownies. Binigay niya sa akin 'yong isa. Puro kahon at pinagbalatan ng brownies ang lagi kong nakikita sa bahay nila. Paborito 'ata ng pamilya Huget 'yon. Kahilig!
Bibili pa sana siya ng jacket para sa kanya. Nahihiya daw kasi siya sa suot niya. Hapit na may mukha ni Bugs Bunny ang damit niya. Nauto ko—este, napilit ko—na bagay naman sa kanya, kaya 'wag na.
Doon na rin kami kumain ng tanghalian. Sa wakas, hindi na kay Pareng Jollibee kami nag-lunch.
Sakto ala una ng hapon nang lisanin namin ang Mall.
Last destination... Mines View Park.