53


Pinagmasdan ko lang siya. Hinayaan ko lang muna siya kumalma. Mukhang nasobrahan 'ata ang sorpresa ko. Balak ko lang naman na gulatin si loko. 'Yong sakto lang. Tipong gano'n.

Ilang sandali pa, ako na ulit ang nagsalita.

"Hey... hey... are you okey?" nakangisi kong tanong.

Tinignan niya ako nang masama. Mali 'ata ang naging birada ko sa kanya. Napayuko na lang ako sa hiya.

"Sorry" na lang ulit ang nasabi ko. 'Takte, bakit ba sablay na naman ako!

"Ilang beses ka ba magso-sorry, ha, Mark? Gano'n na lang ba 'yun? Sorry lang tapos okey na?" pagalit ang kanyang tono.

"Eh hindi ko nga sinasadya."

"Wak ka na boy."

Patay!

Inangat ko na ang aking ulo para harapin ang galit niya. Tutal, kasalanan ko naman talaga.

Seryoso pa rin ang kanyang mukha. Bakas pa rin ang paghabol ng kanyang hininga.

Napaatras ako nang akto siyang hahakbang sa direksiyong papunta sa kinatatayuan ko. Nagtuloy-tuloy lang siya at ako naman ay napatigil na lang.

Wala na akong nagawa ng bigla niya akong yakapin na para bang sabik na sabik. Nanlaki ang aking mga mata na walang magawa kundi titigan lang siya.

Kung kanina siya ang nagulat sa pagsabog ng pla-pla, ngayon, ako naman ang parang hinagisan ng dinamita sa gulat ng ginawa niya.

"Bakit?" matipid kong sambit.

Hindi siya nagsalita. Tinapik lang niya ako sa balikat na parang okey na ang lahat.

Ilang sandali pa, ako na ang tumulak ng bahagya sa kanya para kumawala sa pagkakayap niya. Pagkatapos ay nagkatitigan kami na para bang noon lang kami nagkita.

"Bakit?" tanong niya.

"'Wag dito. Maraming tao."

"Ah. Hahaha! Kaloko."

"Sorry ulit, Kevin," sabi ko.

"Sorry na naman?!"

"Hahaha! Pasensya."

"Hahaha! Kakaiba ka, Mark. Wala na 'ata akong makikitang katulad mo dito sa mundo. Parang endangered species. Gano'n. Kahit 'ata anong gawin mong kasalanan at pang-aasar, kahit madalas wala na sa lugar ang mga ginagawa mo, hindi ko pa rin makuhang magalit sa 'yo. Napaka-insensitive mo pa madalas. Ewan ko ba kung bakit ako ganito. Sa 'yo lang naman. Ikaw lang ang ganito kalakas sa akin. Minsan nga, iniisip ko, bakit ba ako nagkakandarapa sa 'yo, eh hindi ka naman super gwapo. Ano ba ang ginawa mo kung bakit ako naloloko sa 'yo?"

Napangiti ako... ngiting aso at siya naman ay gumanti ng ngiting nakakagago. Para kaming hibang na ewan noong mga sandaling yun. Hindi ko maipaliwanag pero kakaiba... basta ibang saya.


* * *


Umalingawngaw sa buong paligid ang pagsabog ng isang damukal na pla-pla na isa-isa naming inihagis sa gilid gilid. Pasado alas tres na ng gabi at nagsisimula na, na mahimbing ang mga tao pero kami ni Kevin ay nagsisimula pa lang ng pang-iistorbo. Ang gulo naming dalawa.

Pagdating sa bahay, ang ingay pa rin naming dalawa. Ang dami pa ring kulitan at buhay na buhay pa rin ang mga kalokohan. Ewan ko ba pero kapag kami ang magkasama, ang gabi nagiging umaga sa dami naming napag-uusapan.

Hay.

Natutulog ng super late. Kwentuhang madalas wala naman kwenta. Corny jokes at gasgas na linya. Nagiging OA na kami madalas at nagiging madrama. Jinajamming ang mga empleyado ni Jollibee. Lakad na biglaan, napunta sa malayong bayan... Baguio City hindi lang isang beses kundi dalawa pa. Inuumaga sa basketball court at nagpapakamatay sa pagod, makapaglaro lang ng bola magkasama. Hanep ang trip namin ni Huget. Kakaiba ang nararamdaman kong kasiyahan kapag siya ang kasama ko.


* * *


Back to the ball game!


Pumito na ang referee na nakapwesto sa gitna pagkatapos ay tumunog na ang mahabang buzzer hudyat na magsisimula na muli ang game.

Opening game kami. Huling laro ko sa St. Jude University para masungkit ang matagal ko nang hinahangad na kampiyonato at, syempre, ang titulong Most Valuable Player.

Inilabas ng center namin ang bola at ipinasa sa akin. Nagsimula na namang dumagundong ang gym.

May naririnig akong sumisigaw ng apelyido ko pero mas malakas ang Defense! Defense! Defense!

Tang-na, napapaligiran kami ng mga Nursing. Ang dami nila.

Nag-dribble ako at inilakad ang bola ng dahan-dahan para itawid ng half court. Bantay-sarado ako ng dalawang guard ng Nursing kaya ipinasa ko sa kasamahan ko na libre sa dulo. Pakshet. Steal!

Mabilis na ipinasa ng power forward ng kalaban na naka-steal ang bola sa guard na kabantayan ko kanina. Ako ang unang sasalubong sa kanila dahil ako ang nasa baba.

Kinuha ng power forward ang isang gilid habang ang isang pang forward na naka bandera ay pumwesto naman sa isang gilid. Ang nagdadala ng bola ay sa gitna dadaan at ako ang tutumbukin.

Wala akong katulong dahil naiwan ang apat sa kabilang bakod.

Nagpasahan ang tatlong kalaban. Gilid, gitna, gilid, balik sa gitna. Sinundan ko 'yon pero wala akong nagawa. Tumira ng tutukang jump shot ang forward sa gilid habang naka-box out naman ang isa pa sa akin.

Kumalog ang bola. Kumawala sa ring. Naagaw pa rin nila ang bola at muling tumalon para sa isa pang opensa. Sinubukan kong abutin pero naipit ako sa gitna, sa ilalim ng ring. Nagawa ko pang tumalon ng ilang pulgada pero nadaganan ako ng isa.

Nahagip ako. Bumagsak ako at binagsakan pa ng isa. Naunang tumama sa sahig ang aking kaliwang paa. Mismong katawan ko ang dumagan do'n na nadaganan pa ng isang tao.

Pumito muli ng mahaba ang referee na malapit sa amin para sa isang injury time out. Nakahiga lang ako sa sahig habang pinagmamasdan ang mga nanonood na biglang natahimik at nakatingin lang sa akin.

Nagsimula na akong kabahan.

Namamanhid ang paa ko. Parang semento sa bigat dahil hindi ko 'yon makuhang iangat.

Nilapitan agad ako ng mga kasamahan ko at ilang mga kaibigan. Mas tumindi pa ang kabog ng dibdib ko.

"Mark, 'wag mo igalaw ang paa mo." Si Kevin 'yon, alam ko.

Nilinga ko ang mata ko. Nasa gilid ko siya na mukhang alalang-alala.

Itinaas ko nang bahagya ang ulo ko. Tinignan ko ang paa ko.

Nanlumo ako sa nakita ko. Dito na 'ata natatapos ang paglalaro ko ng basketball.


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko