1
Parang ayaw pa bumaba sa stage ng mga kabanda ko pagkatapos naming mag-perform. Nagkatinginan pa kaming limang parang pare-parehong may question mark sa mga mukha namin, bago parang sabay-sabay na naisip na tapos na nga pala at kailangan na naming magligpit para makasalang na rin ang susunod na banda.
Ayos naman ang naging tugtog namin. Walang mintis. Kaso, tingin ko, medyo safe. Kaya, 'di ko lang sigurado kung may pag-asa kaming manalo. Kung ako ang tatanungin, 'yong banda nina Dave—ka-course at ka-year ni Bryan—ang panalo. Ang galing e.
Pagkatapos ko tumulong magligpit ng mga gamit ng banda namin, dire-diretso ko nang tinungo ang daan palabas nitong football field. Usually, open field lang naman 'to, pero para sa okasyon ngayon, nag-setup sila ng mga rails kaya may entrance at may exit. Para raw maayos.
Malapit na 'ko sa designated exit nang biglang may humatak sa kanang braso ko. Si Bryan, lead guitar ng banda namin.
"Oh, sa'n ka pa pupunta?"
"Papahangin lang," sabi ko, sabay tawa nang bahagya.
"Ulul"—sabay batok—"kilala kita. Uuwi ka na."
"'Tang ina naman, Bry! Nakakailan ka na ha." Ang lakas kasi no'ng pagbatok niya. Naramdaman ko. Parang nando'n pa sa kamay niya 'yong hype no'ng pagtugtog namin kanina. At ngayong araw na 'to, ilang beses na niya 'kong nababatukan. "Gusto ko na matulog kase."
Saka di naman tayo mananalo e, gusto ko pa sanang idagdag. Kaso, alam ko namang umaasa 'tong isang 'to.
"Mamaya na. Nood muna tayo. Saka sa-shot pa tayo mamaya, 'no."
"Weh, 'di nga? Nood lang?" Akala niya naman, 'di ko pa siya nakakabisado. Ang lakas niya lang talaga umasa. Napabuga na lang ako ng hangin. "Pagod na talaga 'ko, P're. Ayo' ko."
"Anong ayaw?" sabi ni Chester na kararating lang sa kinatatayuan namin at mukhang narinig rin ang pinag-uusapan namin.
Umakbay siya sa 'kin at pwersahan akong pinalakad pabalik sa tumpukan ng mga audience malapit sa stage para umupo sa damo ro'n at panoorin pa ang dalawang natitirang mga banda. Kahit nakaupo na kami, hindi niya pa rin inalis 'yong pagkakaakbay niya, na parang akala mo, tatakasan ko sila.
Napabuntong hininga na lang ako.
Sa kabila ko, naupo naman si Bryan, tapos 'yong kambal, si Ron at si Bon.
"Tsk. Kili-kili mo, Ches, basa." Pinagpag ko 'yong braso niya mula sa balikat ko. "Kanina ka pa nagda-drums ta's kung makaakbay ka."
Natawa lang siya.
Ayos din naman 'yong mga tinugtog no'ng dalawang sumunod na banda, kaso puro papogi nga lang ang gustong gawin no'ng mga bokalista nila. Sayang lang 'yong bassist sa pang-apat at 'yong drummer sa panlima. Pero sa bagay, 'di naman lahat ng sumasali rito ay para manalo. 'Yong iba, para sa experience lang talaga.
Parang kami.
O mas tama siguro sabihing, parang ako.
Kung 'di nga lang ako grad-waiting ngayong taon, 'di ko maiisip na experience din 'to e.
At kung hindi lang din dahil dito kay Bryan, hindi ako sasali ng Battle of the Bands ngayong University Week. Unang-una, si Bryan lang talaga yung halos kaparehas ko ng wavelength sa music sa banda namin. 'Yong tatlo, 'di lahat ng gusto nila ay trip ko, kahit pa na sabihin nilang bagay sa boses ko. Pero, sa bagay, gano'n talaga 'pag bagong banda. Naghahanap pa ng chemistry.
Si Bryan kasi, simula highschool pa lang, kasama ko na 'yan. Ngayong patapos na kami ng college, best friend ang tawag ko sa kanya sa isip ko. 'Di ko nga lang sigurado kung gano'n din ang tingin n'yan sa 'kin—sana naman, pero hindi naman kasi napag-uusapan ang mga ganyang bagay sa totoong buhay e. Pero, siguro, dahil sa tuwing may bumabanggit sa kanya ng "best friend mo" at alam kong ako agad ang naiisip niya, safe na rin para i-assume kong gano'n nga ang turing niya sa 'kin.
Pero 'yon na nga, hindi lang sa personal na buhay, pati sa tugtugan, gamay na namin ang isa't isa. May banda rin kasi kami no'ng highschool e. Ang kaso lang, wala na 'yong tatlo naming ka-banda. Nasa U.S. 'yong dalawa. 'Yong isa naman, kahit nasa malapit lang naman, hanggang Facebook na lang. Pero dahil hindi naman ako nagfe-Facebook, si Bryan lang talaga ang may balita sa kanila.
Ito namang sila Chester, Ron, at Bon, laging nakaka-jam 'to ni Bryan mula pa no'ng mga first year pa kami. 'Pag wala silang vocalist, napipilit ako ni Bryan. Pero 'yon nga, sobrang madalang lang. Siguro, five out of ten—kung matatawag mang madalang 'yan. Tamad kasi akong umalis ng bahay e.
Hanggang sa nang nagsisimula na nga itong school year, sinimulan na rin akong pilitin ng apat na 'tong sumali nga rito sa Battle of the Bands ngayong University Week.
"At third place! With an average score of eighty-seven-point-six—"
Nagsimulang mag-drum roll.
Ang lakas na rin maghiyawan ng mga tao.
Si Christian, 'yong current president ng university student council at nagho-host ngayon, biglang tumingin sa 'kin—o baka assuming lang ako at sa direksyon ko lang siya nakatingin—nang may ngiting aso. Naramdaman kong siniko ako ni Bryan sa tagiliran dahil do'n. 'Di ko alam kung para saan 'yong ngiting 'yon o 'yong siko nitong katabi ko, pero nakaramdam ako ng kaunting inis dahil do'n. Parang nangkukupal na ewan kasi 'yong nasa stage e.
Napabuntong hininga na lang ako at naghintay kung ano ang susunod niyang sasabihin.
"—CAT TALK!"
Grabe lang 'yong naging hiyawan at palakpakan ng lahat. Pang-champion na e. 'Yong all girl band kasi 'yon. Puro accountancy students 'ata sila, kung 'di ako nagkakamali.
Actually, kung ako ang tatanungin, sila dapat ang second place.
May tumapik sa 'kin sa likod. Paglingon ko, si Dave, kasama ang banda niya. Binati na rin nila kaming lahat na magkakabanda. Medyo malapit nga kasi sa stage ang pwesto namin, kaya siguro lumapit na rin sila.
"Uy, P're!" bati ko.
"Pusta ko, panalo kayo, Yu."
Natawa 'ko sa sinabi niya. "Asa."
"Syempre naman!" walang kasing confident na sagot naman ni Bryan.
Binatukan ko siya, makaganti man lang. "Isa ka pang malakas umasa."
"Tignan mo, second 'yan sila Dave."
Napatingin ako sa likod ko kay Dave, sa reaksyon niya. Nag-alala kasi akong baka na-offend siya do'n. Pero nakangisi naman siya, 'yong tipong malapit na tumawa kaya napailing na lang ako. Gago rin talaga kasi 'tong si Bryan e. Walang preno ang bibig.
Tinapik lang ulit ako ni Dave. "Ayos lang 'yon, 'no ka ba! Totoo naman 'yon, tignan mo."
"At second place. With an average of eighty-nine-point-five—"
Natahimik kaming lahat sa pwesto namin kasabay ng muling pag-drum roll. Kaso, 'di ko napigilang biglang mapatawa. Kasi, si Bryan, may nalalaman pang biglang paghawak ng mahigpit sa kamay ko at kunwaring nagdarasal. Tapos, gumaya na rin si Chester at 'yong dalawang kambal. Kitang-kita mo 'yong nag-iisa nilang brain cell na nagpapalipat-lipat lang sa mga ulo nila. Parang mga tanga lang.
Napailing na lang ulit ako. 'Di ko talaga gets kung ba't umaasa 'tong mga 'to, e wala naman kaming mapapala kung mananalo kami. Pero, oo, dahil na rin do'n sa effort nilang magpakaperpekto sa practice, syempre ginawa ko rin naman 'yong makakaya ko. 'Yon nga lang, magkakaiba lang talaga kami siguro ng mga dahilan.
"—MUCK FEE!"
Sila Dave.
"Hanep sa band name ah," pahabol pa ni Christian sa microphone, at nagtawanan naman 'yong audience.
Sisigaw pa sana si Bryan, pero natakpan ko kaagad ang bibig niya. Ang kaso nga lang, nagsigawan din naman 'yong tatlo naming mga ka-banda kaya bale wala rin. Tawa lang nang tawa sina Dave at mga kabanda niya sa 'min, pero hindi ako naniniwalang hindi sila na-offend kahit kaunti.
"'Kala niyo naman panalo na tayo," sabi ko na lang habang natatawa.
"Shhh! Tumahimik ka lang 'jan, Yuan." Si Ron.
"'Wag niyo pakinggan 'yan," sabi pa ni Bryan.
"Sige nga, Yu. Yung totoo lang," sabi naman sa 'kin ni Chester, "sino sa tingin mo panalo, ikaw o 'yung dalawang pa-cute kumanta kanina?"
"Tss." Umiling ako. "Ulul."
"Ano nga, Yu?" nakangisi at pahamong tanong ni Bryan. "Sino?" Kitang-kita ko 'yong nagbabadyang pagtawa sa mga mata niya dahil alam niyang na-corner na nila 'ko.
Bahagya akong natawa at napailing bago napabuga na lang ng hangin. "Oo na, mga sir. Ako na po."
"WOOOOOOOOO!"
"'Tang ina n'yo, gago."
Sakto namang nakababa na rin ng stage sila Dave at malapit na sa 'min.
"Nakakasakit na kayo ng damdamin, ah," biro niya, kaya kinuwento na lang no'ng kambal kina Dave kung bakit sila nagsisigawan.
"And we're down to three! Sino sa tingin niyo ang champion?"
ALLIED! ALLIED! ALLIED! ALLIED! ALLIED!
Sa lakas ng paghihiyawan, nangingibabaw talaga 'yong mga taga-Allied medical programs, 'yong cluster nina Bryan at Chester. Ang alam ko, hindi naman sila marami pero mukhang halos lahat yata, pati mga prof, nandito sa football field. Sa bagay kasi, dalawang banda kami nina Dave na halos puro Allied ang member. Pati ako kilala rin sa Allied dahil sinundan ko no'n sa Rad Tech si Bryan pagkatapos ng highschool.
Nag-shift lang ako ng Comm Arts no'ng second sem ng second year dahil sa naramdaman kong hindi talaga 'ko para sa kahit na anong medical program. Kaso, ga-graduate na kami't lahat, hindi ko pa rin alam kung para saan nga ba talaga 'ko. Kumbaga, nagkaro'n lang ako ng degree habang nagpapalipas ng oras.
"With an average score of ninety-one, our champion for U-Week Twenty Seventeen's Battle of the Bands is—"
ALLIED! ALLIED! ALLIED! ALLIED! ALLIED!
Syempre, nag-drum roll na naman muna. Sobrang lakas na no'ng hiyawan. Dinig na dinig ko rin 'yong mga sumisigaw ng pangalan ng banda namin.
"—CRYBB!"
At sumabog na nga 'yong footall field.
CRYBB! CRYBB! CRYBB! CRYBB! CRYBB!
Parehong nagtatalon sina Chester at Bryan. At dahil hawak nilang pareho ang kamay ko, napatayo na rin ako. 'Yong kambal, chill lang naman sila pareho, pero kitang-kitang masayang masaya silang nakangiti.
"Tara na uy," sabi ko.
"Excited pota," tatawa-tawang sabi ni Bryan.
'Di ko napigilang batukan siya habang natatawa na rin sa kanya. "'Na 'mo, hinde. Hinihintay tayo du'n sa stage, oh." Tinuro ko 'yong mga taong naghihintay nga ro'n sa taas no'ng stage.
Pag-akyat namin do'n, syempre, batian at kamayan portion agad sa mga judge at hosts. 'Yong trophy, talagang sa 'kin pa iniabot ni Christian bago siya tumabi sa 'kin para sa photo ops, kahit na 'yong kambal naman ang pinakamalapit sa kanya no'ng kaaakyat pa lang namin. Sinubukan kong ibigay kay Bryan 'yong trophy dahil siya ang leader namin, kaso ayaw niyang ku'nin. Kaya, iniabot ko naman sa kambal, pero tatawa-tawa lang silang umayaw rin. Sa pagtawa pa lang ni Chester alam ko nang aayaw din siya. Kaya tumawa na lang din ako.
"ANAKAN MO 'KO, YU!" sigaw ni Dave galing sa baba ng stage na parang tinawanan 'ata ng halos buong football field sa pandinig ko.
At talagang napagtripan na naman talaga 'ko.
"Muck fee, Yu," bulong pa no'ng nag-abot sa 'kin ng trophy. Hindi ko na lang pinansin.
Madalas talaga, feeling ko, pinagkakaisahan ako ng mga 'to e.
Kaya 'yon, hanggang matapos 'yong mga ritwal sa stage, para 'kong tangang nakangiwi ro'n at bitbit lang 'yong trophy.
May magandang dulot din naman 'yong pagkakapanalo namin: nagkaroon agad kami ng ten thousand pesos. 'Di na masama. Tig-dadalawang libo rin.
Tapos, mayro'n pa kaming isang napanalunang hindi ko pa sigurado kung gusto ko ba o hindi: isang taon kaming naka tie-in sa production company no'ng isang judge. O siguro mas tama kung sasabihing may slot na kaagad ang banda namin sa mga lineup nila. Sa production naman kasi, ang alam ko, walang exclusivity. Pwede ka pa rin magpa-lineup sa iba kung gusto mo. Sa nangyari kasi, parang naging audition na namin 'yong Battle. E usually, 'pag na-line up na ang isang banda sa isang production company, matik na rin 'yon sa iba pang mga prod.
In-announce iyon kanina lang bago magsimula ang contest. Additional lang, kumbaga. Hindi siya kontrata. Choice namin kung magpapa-under kami sa kanila, at wala ring pilitang tumugtog lalo na at puro pa kami mga estudyante ngayon. Pero, sa reaksyon pa lang ng mga kabanda ko kanina no'ng in-announce 'yon, pakiramdam ko, ako lang ang tututol.
Sana lang, magsawa rin agad 'tong mga 'to sa buhay-banda.
Parang masyado yata kasing matagal ang isang taon e.