30


Napaangat ako ng tingin nang hablutin ni Yuri ‘yong card mula sa kamay ko. Pinasadahan niya ‘yon ng basa bago ipinasa kay Mama at saka nanatiling nakatayo sa harap ko, nakaawang ang bibig na parang pilit na sinusubukang magsalita.

“Dude,” ang halos pabulong na lang niyang nasabi habang nakatingin sa ‘kin bago nagsimulang maglakad paroo’t parito sa kwarto. Hindi ko alam kung anong nakita niya sa mukha ko, pero kitang-kita ko ‘yong pagkalito at pagkabigla sa kanya.

Nagpahid ako ng luha’t umayos ng upo, pilit na pinapakalma ang sarili. Pero kahit na anong gawin ko, ramdam na ramdam ko ‘yong magkahalong kumikirot na sakit at nagpupuyos na galit sa kaloob-looban ko. Pakiramdam ko, unti-unti ‘yong gumagawa ng butas sa gitna ng dibdib ko. 

Gusto kong magsisigaw. Higit pa ro’n, gusto kong magwala. Gusto kong wasakin lahat ng gamit na nakikita ko rito sa kwarto.

Hindi ko maintindihan kung pa’no ‘yon nagawa sa ‘kin ng sarili kong tatay.

Alam ko, hindi kami close, pero kahit na.

‘Tang ina, mahal daw niya ‘ko?

“What’s going on, Ma? Where’s Dad?”

Sa tanong ni Yuri, sa ‘kin tumingin si Mama, may panic sa mukha. Isang expression na ngayon ko lang nakita sa kanya sa buong buhay ko. Inangat niya ‘yong post card sa harap niya na parang karatula. “Yuan? Ano ‘to, Yuan?”

“Where’s Dad, Ma?” pagpupumilit ni Yuri. “He asked Kuya to invest in your company.”

“What? But—but… I sold it! Anak, binenta ko ‘yon.”

“What?”

Napatigil si Yuri sa paglalakad habang ang pakiramdam ko naman, palaki nang palaki ‘yong butas sa loob ng dibdib ko.

“I was trying to tell your Dad, but he kept rejecting my calls. Kaya ako nasa Florida—and he was supposed to join me there—para sa acquisition, to sign it over to the new owners.”

Lalo akong natulala. Brainchild ni Mama ‘yong tech company na ‘yon. Marami nang nagtangkang bumili no’n mula sa kanya, pero never siyang nagdalawang-isip na tumanggi. Kumbaga, ‘yon ang tunay niyang anak at ampon lang kaming dalawa ni Yuri. At, para ibenta ‘yon ni Mama, ibig sabihin lang, may nangyaring sobrang ikinagipit nila ngayon.

Kaya pala gano’n na lang ang itsura niya kanina pagkakita ko sa kanya sa airport.

“How much?” tanong niya pagkalipas ng ilang sandali.

“One million,” umiiling kong sagot.

“Ano? Yuan, d’yos ko naman! Why didn’t you call me first?”

“No, Ma! Why didn’t you call me?” tiim-bagang kong sagot sa kanya. Sa kung anong dahilan, nagsimula na namang magsibagsakan ‘yong mga luha ko. “I was just here. I was just here! I’ve always been here. I’ve been here for twenty fucking years and you never even called! Dinala n’yo ‘ko sa Canada pero halos ‘di ko naman kayo nakikita do’n. Ta’s pagkabalik ko rito, malalaman ko pang binenta mo ‘yung bahay ni Lola! ‘Yun na nga lang ‘yung—‘tang ina!”

Napayuko ako at tuluyan nang napaiyak—sa galit, sa sakit, hindi ko na alam.

Hindi ko rin alam kung bakit sobrang sakit. Pakiramdam ko, parang bumalik na naman ako do’n sa oras na kagagaling ko lang sa kwarto ni Lola para gisingin siya dahil naihanda na ni Manang Rose ‘yong almusal pero ‘yong malamig na niyang katawan ang nadatnan ko.

Naramdaman kong may yumakap sa ‘kin. Si Yuri. Kaya kahit papa’no, unti-unti, pinilit kong kumalma. Pilit kong pinigilan ‘yong pag-iyak—ang tanda ko na para maiyak pa sa mga ganitong bagay.

Humugot ako ng hininga bago marahang itinulak si Yuri palayo sa ‘kin. Hindi ako makatingin sa kanya, pati na rin kay Mama, pero sa gilid ng paningin ko, kita kong nagpupunas siya ng luha.

“Sorry, Anak.”

Hindi ako sumagot. Dinukot ko ‘yong susi ng van sa bulsa ko at inilagay ‘yon sa kamay ni Yuri, at saka ako tumayo.

“Bigay mo kay Bryan ‘yan,” sabi ko. “I need some air.”

Lumabas ako ng kwarto. Dire-diretso ‘kong naglakad palabas ng hotel hanggang sa marating ko ‘yong kalsada, at saka naman ako naglakad sa direksyon ng Alabang.

Tanghaling tapat, pero naglakad lang ako nang naglakad.

Nang may dumating na bus, sumakay ako. Nagbayad ako hanggang Lawton, pero pagkarating pa lang sa Baclaran, bumaba na ‘ko.

Hindi ko alam kung saan ako dapat pumunta.

Ang alam ko lang, gusto kong pumunta sa malayo.


   
Buy Me A Coffee