32


Mag-aalas sais na ng gabi nang nakarating kami sa condo ko. Lagpas dalawang oras rin kasi 'yong naging biyahe namin. Kahit na ano pa kasi ang sabihin ni Bryan—pagpapalakas man ng loob ko o pang-aasar—wala pa rin siyang nagawa dahil takot talaga 'kong mag-drive nang mabilis. Basta umabot na 'ko ng 70 kph sa expressway, kinakabahan na 'ko. Lalo pa, hindi ko naman ramdam sa loob ng kotse kung ga'no 'ko kabilis. Nakikita ko lang 'yon sa speedometer.

"Buhay pa 'ko, oh. I'm fine," ang sinabi ko agad, pagkapasok na pagkapasok ko pa lang sa condo kong nangangamoy pizza. Akala ko kasi, 'ando'n si Mark—'yon kasi ang kwento ni Bryan, na kasunod ko lang sa likod. Agad niya 'kong binatukan bago 'ko inakbayan para pigilang makaganti sa kanya.

Ang kaso, si Yuri lang—na nag-make face sa sinabi ko—ang naabutan ko sa loob. "You could've at least messaged me, ya know?" sagot niya, nakasimangot. "You don't even have to say where you were."

"Ayan, napapagalitan ka tuloy ng kuya mo," panggagatong pa ni Bryan, pero hindi ko siya pinansin.

"Ri, sorry na."

'Yong totoo, hindi ko alam kung anong ihinihingi ko sa kanya ng tawad. Oo, kasama na do'n 'yong paglalayas ko kuno, pero na-realize ko kasi, may bahagi sa 'king nire-resent siya. Akala ko noon, kaya ilang taon kaming hindi nagpapansinang magkapatid ay dahil lang sa pareho kaming nagbibinata at may kanya-kanyang buhay na malayo sa isa't isa. Pero, sa gitna ng pag-uusap namin ni Bryan kanina, na-realize ko, no'ng nakilala ko sina Bryan at Thor at naramdaman kong may panibago na 'kong pamilya dito sa Pilipinas, malaking bahagi sa 'kin 'yong tumalikod na sa kapatid ko.

Kaya, siguro nga—oo, bata pa ko no'n, pero kahit na—kasalanan ko 'yong ilang taong wala kaming naging maayos na komunikasyon.

I mean, dinaig pa nga 'ko ni Bryan sa puntong 'yon e.

Kaya, pakiramdam ko, 'yong paghingi ko ng tawad, kasama na 'yong mga panahong 'yon.

Bumuntong-hininga lang si Yuri at hindi sumagot, pero iniabot naman niya sa 'kin 'yong iPad niya. Kasabay no'n, pumailanlang ang pag-strum ng gitara sa buong unit ko.

Yes, I do—

Agad na nanuyot ang lalamunan ko't napalunok ako ng laway. Bigla akong kinabahan sa narinig kong boses.

—I believe, one day I will be where I was, right there, right next to yooou.

And it's hard—the days just seem so dark; the moon, the stars are nothing without you—

Sa screen no'ng iPad, nakasukbit 'yong itim na gitara ni Kuya Kevin kay Mark habang kumakanta siya sa isang pamilyar na kalye. Hindi obvious na hindi siya masyadong marunong maggitara dahil isa-isang strum lang naman ang ginagawa niya, sakto lang para sa kanta.

"Ano 'to?" kunot-noong tanong ko kay Yuri.

Biglang tumigil sa pagkanta si Mark. "Sabi mo 'di ba? Haranahin kita galing sa ground floor ta's sasagutin mo na 'ko?"

"Putek, live 'to?"

Tumawa si Mark habang marahan naman akong binatukan ni Bryan. "Tanga mo. 'Ayan, oh"—tinuro niya 'yong maliit na window sa sulok no'ng screen kung saan kita ko 'yong sarili kong mukha—"vidjakol 'yan."

"Tss, bunganga mo talaga." Iiling-iling ako. "Nasa ground floor ka ba talaga?" tanong ko kay Mark.

"Oo, ah! Tingin ka pa sa terrace," sagot niya.

"Pagpasensyahan mo na, P're," sabi ni Bryan. "First time mag-vidjakol neto."

"Hindi ah!" Nagtawanan sila. Pati sa kaka-install pa lang na bagong sound system ng unit ko, rinig ko rin 'yong pagtawa ng iba pang tao bukod kay Mark. "Gago! I mean, nakakapag-video call naman ako sa computer, 'no."

"B, pwede ko na ba ituloy?"

Natawa 'ko. "B ka 'jan."

Sa panunudyo na rin nina Yuri at Bryan sa 'kin, lumipat kaming tatlo sa terrace sa kwarto ko, at doon nga sa kalye, sa mismong tapat ng terrace ko, nakita kong may nakatayong lalaking may sukbit na itim na gitara at may kasamang dalawa pang lalaki sa harap niya—si Mark 'yon malamang, kasama sina Chris at Roy.

Nakaramdam ako ng hiya. As in hiyang-hiya. Ramdam na ramdam ko 'yong pag-iinit ng mukha ko. Hindi ko naman kasi akalaing seseryosohin niya 'yong biro ko sa kanya. Hindi ko rin akalaing mahahanapan niya ng paraang maisakatuparan 'yong biro kong 'yon.

Isa pa, ramdam ko rin 'yong kasiguraduhan niyang pagkatapos nito, makukuha niya na 'yong gusto niya. Tagos na tagos 'yon sa screen no'ng iPad.

Can I lay by your side next to yoooooou? Yooooooou—

"'Wag mo career-rin, Sir," biro ko, pero ngumisi lang siya't patuloy na kumanta.

and make sure you're all riiight.

I'll take care of yoooooou.

I don't want to be here if I can't be with you toniiiiight—

Desidido na rin ako.

Alam ko sa sarili kong hindi ko pa masasabing mahal ko siya nang walang alinlangan. Pero, alam ko ring sa loob-loob ko, ang gusto ko, lagi ko siyang kasama—isang pakiramdam na ngayon ko lang ulit naramdaman pagkatapos ng ilang taon. Medyo ironic lang talaga na dahil sa magiging trabaho niya, hindi naman talaga magiging lagi 'yong gusto kong lagi. Ilang buwan lang sa isang taon 'yong pagsasamahan namin.

Pero kahit na.

Tutal, mukha namang nagsisimula nang magkandalabo-labo na ngayon ang buhay ko e.

At least, sa lahat ng kalabuang 'yon, may isang sulok na malinaw.

'Yong alam kong lagi siyang babalik sa 'kin, ayos na sa 'kin 'yon. 'Yong mga pangarap niya, 'yong alam kong kasama ako sa mga 'yon. 'Yong sinabi niyang ako ang gusto niyang uwian sa tuwing babalik siya sa Pilipinas. Sapat na sa 'kin 'yon.

Naniniwala naman ako ro'n sa sinabi niyang hindi panghabambuhay 'yong pagbabarko niya e.

Hindi ko maipaliwanag, pero kung isa siyang alon, tangay na tangay na 'ko.

"Wala bang second song?" biro ko pa ulit pagkatapos niyang kumanta. Mula kasi sa terrace, kita namin 'yong ilang mga taong nagkukumpulan sa harap niya para manood, at napansin kong nababahiran na ng hiya 'yong mukha niya dahil do'n. Gusto ko sana siyang asarin pa nang kaunti.

"Oy, P're!" Lumitaw 'yong nakangising mukha ni Chris sa screen. "Hindi gig 'to, aba!"

Bahagya 'kong natawa. "Joke lang! Akyat na kayo dito."

Wala pang limang minuto, pina-ring na nila 'yong doorbell sa unit ko at pinapasok ko naman sila agad.

Kaya pala nangangamoy pizza pagkarating ko kanina, sila pala ang may dala no'n. Ang dami rin nilang dala—apat na box—e anim lang naman kami. Pati ilang bote ng Coke at isang bote ng Jim Beam, may dala rin sila. Hindi ko na sila kinailangang ipakilala sa isa't isa dahil mukhang nagkakila-kilala na sila sa paghahanap sa 'kin. Nabanggit rin ni Bryan na matagal na raw niyang nakakalaro sina Chris sa basketball, lalo na 'pag U-Week.

Para magkasya kami sa isang mesa, ipinalibot na lang namin 'yong mga upuang mula sa dining set do'n sa coffee table. Medyo awkward pero hindi naman gaano dahil mataas naman 'yong mesa.

Napabuntong-hininga na lang ako.

Bukod kasi sa alaala ni Papa 'yong dining set na 'yon, isa ring nakakabwisit na alaala 'yon.

Mas okay talaga kung sa sahig na lang kami lahat nakaupo, nakapalibot sa coffee table. Kaso, para naman kaming mga tanga kung gano'n ang gagawin namin, e may mga upuan naman.

Kung 'di lang talaga dahil kay Yuri, bukas na bukas din, ibebenta ko 'yong dining set na 'yon. At least, nagkapera pa 'ko.

"Sorry pala sa abala, ha?" sabi ko habang nagsasalitan ng tingin kay Roy at Chris.

"Wala 'yon!" sagot ni Roy. "Para maging one hundred percent na 'yung eighty-five mo."

Bahagya 'kong natawa't napakamot ng ulo. "Hindi 'yon. I mean 'yung sa ano, ah, paghahanap sa 'ken." Napaturo 'ko ng daliri sa katabi kong si Yuri. Nakaupo siya sa dining chair na katabi mismo ng couch kung saan naman ako nakaupo, katabi ni Mark. "'To kasi e."

"Ako pa ha?" halos walang accent niyang balik sa 'kin.

"Ikaw naman talaga."

"E, P're," pagsingit ni Chris, "ba't ka ba kasi nawala?"

Napakamot ulit ako ng ulo. Ramdam ko ring namumula 'yong mukha ko. Nang napatingin ako kay Bryan, isang nakakaasar na ngisi lang ang ibinigay niya sa 'kin.

"Ano... ah, nag-away kasi kami ni Mama. E, gusto ko lang sana talaga magpalamig ng ulo e," pagsisinungaling ko. Pero, medyo half-truth din naman 'yon, kahit papa'no. "Dapat nga next week pa 'ko babalik e," dagdag biro ko pa.

"'Tang ina mo," sabi ni Bryan na hindi ko na lang pinansin.

"Pero, sorry talaga sa abala, ha?"

Paulit-ulit na "wala 'yon" 'yong isinagot sa 'kin no'ng dalawa, habang sa tabi ko naman, tahimik lang si Mark. Gusto ko siyang tawanan, sa totoo lang. Halata kasing hindi siya mapakali. Hindi ko alam kung humahanap lang siya ng tiyempo para itanong 'yong gusto niyang itanong, pero kitang-kita ko 'yong pag-o-overdrive ng utak niya.

Saglit na tumayo si Yuri at kinuha 'yong bote ng Jim Beam sa counter. "You guys don't mind if I get started, right?" may ngisi niyang tanong sa 'min. "I've not had a proper drink since I got 'ere." Binuksan niya 'yong bote at sinalinan 'yong baso niyang may laman pa ng Coke.

"Sumbong kita kay Mama," sabi ko.

Lumagok siya ng isa. "Sumbong ka," sabi niya, sabay labas ng dila sa 'kin.

Walang pumansin sa 'ming dalawa. Kanya-kanya lang sila ng usap habang pumapailanlang naman sa unit ko 'yong lo-fi mix mula sa YouTube channel ng kapatid ko.

Sa unang pagkakataon mula nang magkasagutan kami ni Bryan no'ng Friday, kapayapaan ang naramdaman ko. Sa kabila ng background music at ng mga boses nitong mga kasama ko, tahimik ang dating sa 'kin nitong gabi. Ihinilig ko 'yong likod ko sa couch, napabuntong-hininga, pumikit, at ilang saglit lang, may naramdaman akong mainit na kamay na bumalot sa kanan kong kamay. Napangiti ako, kasabay ng pagbilis ng tibok sa loob ng dibdib ko.

Ito, 'yong mga ganitong klaseng sandali, ganito lang naman ang laman ng mga hiling ko e.

Hindi na rin nagpalalim ng gabi sina Roy at Chris. Pagkaubos namin sa Jim Beam, nagpaalam na agad silang umuwi na dahil may practice pa raw sila ng graduation bukas ng umaga. Akala ko nga, kukulitin nila 'ko sa status namin ng kaibigan nila. Pero, 'yong buong oras na magkakasama kami, wala man lang silang nabanggit na kahit ano tungkol do'n. Hula ko, pinagbawalan sila ni Mark.

Pagkatapos magligpit—na mag-isang ginawa ni Bryan habang tinatawanan lang namin ni Yuri at awkward namang nakangisi si Mark—nagkanya-kanyang kwarto na kami. Si Bryan, pagkatapos kumuha ng gamit sa kwarto ko, ay dumiretso na agad sa kwarto ni Yuri para daw, biro niya, may privacy kami ni Mark. Pero, nang mawala naman na silang dalawa ni Yuri, pinatay ko na rin agad 'yong TV at niyaya si Mark na tumambay doon sa terrace ko kung saan magkatabi kaming naupo't tinanaw 'yong mga ilaw ng mga building sa Madrigal.

"Ang tahimik mo," sabi ko sa kanya. "Kanina pa."

"Masaya lang."

"Sorry, ha? Napaikli pa tuloy 'yung time mo du'n sa inyo."

"Okay lang naman e. Miss na rin kasi kita."

Nagkangisian kaming dalawa bago siya dahan-dahang nagdampi ng halik sa mga labi ko. Napabuntong-hininga 'ko, 'yong buntong-hiningang para bang may malaking bigat na naibsan mula sa dibdib ko. Sinulyapan ko 'yong bintana ni Yuri at nang makitang nakasara naman 'yong blinds, muli kong idinikit ang mga labi ko kay Mark, kinakabisa 'yong gulat na nakikita ko sa itim niyang mga mata. Nagdampi pa 'ko ng halik sa pisngi niya, at pagkatapos, muli akong napabuntong-hininga.

Na-miss ko rin naman siya.

Umupo ako nang maayos sa tabi niya at muling tumitig sa mga ilaw ng mga building sa malayo.

"Sinabi ba sa 'yo ni Yuri kung ba't ako, ah, umales?"

Umakbay siya sa 'kin at umusog pa papalapit hanggang sa nasa dibdib na niya 'yong kaliwang braso ko at magkadikit na ang mga tagiliran namin. Punong-puno na naman ng amoy niya 'yong ilong ko.

"Hinde," sabi niya. "Alam ko lang na kung ano man 'yon, ano, mabigat 'yung dahilan. Ang gusto ko lang kasi talaga malaman, kung 'asa'n ka. Ang hirap pala kasi ng gano'n, 'yung 'di mo alam kung nasa'n 'yung taong mahal mo."

Pinisil ko 'yong hita niya. "Sorry ulet."

"Okay nga lang." Bahagya siyang tumawa. "Hindi pala okay. Pero 'anjan ka na e, kaya okay na."

"Si Papa kasi e." Bumuntong-hininga 'ko. Nagsimula na naman kasing mangilid 'yong mga luha ko. Nakaka-bad trip lang talaga na tuwing naiisip ko 'yong ginawa niya, para 'kong pinipiga sa kaloob-looban. "Niloko kasi kami ni Papa, ta's dinala 'yung kalahati ng bigay sa 'ken ni Lola. Kaya pala s'ya nagso-sorry nu'ng umalis s'ya." Napabuntong-hininga ulit ako, napailing. "Kung talaga namang kailangan n'ya 'yon, ibibigay ko naman sa kanya e. Or ipapautang, actually."

"Bakit daw?"

"Ewan ko. 'Yun 'yung point na na-bad trip na 'ko e, ta's umalis na 'ko. Ta's hinanap n'yo 'ko." Bahagya 'kong natawa. "Bukas, malalaman ko."

Sabi kasi ni Yuri, nag-schedule daw si Mama ng brunch doon sa hotel para sa 'ming tatlo bukas. Bawal daw ang mag-walk out.

"Ikaw, wala ka bang ibang itatanong sa 'ken?" tatawa-tawa kong paglilihis ng usapan papunta sa mas gusto kong topic.

"Me'ron, pero... ah"—saglit na humigpit 'yong pagkakaakbay niya sa 'kin—"para kasing 'di pa 'to 'yung time para hingiin ko 'yung sagot mo e. Kaya, um, sa tamang"—bahagya siyang tumawa—"panahon na lang siguro. Gusto lang talaga kitang, ano, pasayahin kanina kaya kita hinarana. Um, sana tumalab."

Nilingon ko siya at nginitian. "Oo naman."

"E di mabute."

Tumango ako. "Sige. Promise"—kinindatan ko siya—"gusto mo 'yung sagot ko."

Ngumisi siya. "Talaga ba?"

Umalis ako sa pagkakaakbay niya sa 'kin at tumayo, bago ko siya hinila't itinayo paharap sa 'kin. Tumitig ako sa mga mata niya.

Ang dami kong gustong sabihin.

Pero, wala kahit ano sa mga 'yon 'yong kaya kong maisatinig.

Nanatili lang akong nakatingin sa mga mata niya. Hanggang sa unti-unti, naglaho na 'yong distansya sa pagitan namin at nararamdaman ko na 'yong pagdampi ng mainit niyang hininga sa mukha ko. Kasabay ng paghila niya sa 'kin, hinawakan ko siya sa leeg at tuluyan nang hinalikan, ramdam 'yong pag-akyat ng mga kamay niya sa loob ng T-shirt ko.

*

Song credits:

Lay Me Down
by Sam Smith
Songwriters: Elvin Duval Dalphinis Smith / James John Napier / Samuel Frederick Smith
Lay Me Down lyrics © Sony/ATV Music Publishing LLC, Downtown Music Publishing


   
Buy Me A Coffee