16


Kung iba lang 'to, siguro kanina ko pa 'to nasapak.

Makatayo na nga. Hindi rin naman ako tatantanan ng Huget na 'to. Mangungulit at mangungulit 'to kahit anong gawin kong pag-iwas. Tama naman ang sinabi ko, talagang hindi niya ako tinigilan. Hanep.


*    *    *


First day of school. Na-miss ko ang pagiging estudyante. Na-miss ko ang mga classmates at mga kaibigan ko. Na-miss ko din syempre ang mga professors. Kailangan ko pagbutihan ang pag-aaral dahil graduating na 'ko. Priority ko muna ang pag-aaral ngayong school year. Aalisin ko muna sa bokabolaryo ko ang salitang bulakbol at lakwatsya. Pipilitin ko.

"Hey, Mr. Lopez, kumusta naman ang bakasyon?" tanong ni Maggie, classmate ko.

"Okey naman, Mags. Masaya."

"Halata nga e. Todo smile ka kanina pa, pansin ko."

"Ikaw, 'musta?"

"Okey din. Hindi nga lang kasing saya mo."

"Oh, bakit naman?"

"Loveless buong vacation."

Napalunok ako.

"Ows?"

"Hindi ka naniniwala?"

"Hindi."

"Bakit?"

"Sa ganda mo na yan? Imposible."

"Alam mo, Mark, tamang-tama ka sa basketball."

"Oh, bakit?"

"Kalakas mo kasi mambola. Hindi ka pa rin nagbabago."

"Kung kasalanan na ang magsabi ng totoo, makasalanan na pala ako," sabi ko.

"'Wag ka ganyan, Mark. Sige ka, baka ma-in love ako sa 'yo."

"'Wag... Pigilan mo 'yan."

Natawa naman siya. Napangiti naman ako. 'Eto ang na-miss ko sa school. Ang dami kong pwedeng makausap. Hindi tulad 'pag bakasyon, puro mukha na lang ng mga tambay sa kanto nakikita ko. Si Maggie pala, classmate ko. Crush ko siya matagal na. Alam ko may boyfriend siya na anak ng isang bigating pulitiko kaya medyo dumidistansya ako noon pero ngayon na wala na sila ng aso, este, syota niya. Pagkakataon ko ng mapapalapit sa kanya ng husto. Wala naman akong balak na iba sa kanya. Kaibigan lang talaga. Basta.

"Congrats nga pala, Mark."

"Para saan?"

"MVP."

"Tsamba lang yun. Sa'n mo naman nalaman?"

"Ako pa." Sabay ngiti.

"Salamat."

"Treat mo 'ko."

"Ha? E... sige, next time."

"Gusto ko mamaya."

"Baka may gawin ako, saka wala ako dalang sasakyan."

"May dala akong sasakyan. 'Di ba sa Concepcion Highway ka lang? Dadaan naman ako du'n eh."

"Oo. Sige. Saan mo ba gusto?"

"Mall na lang tayo. Du'n na lang."

Anak ng... Buti na lang pala kararating lang ng allowance ko. Hindi na ako naka-hindi sa kanya. Nakakahiya naman kung tatanggihan ko.

"Same pa rin ba number mo?"

"Yes. Call na lang kita 'maya."


Beep. Beep.


Mark sino ba si St. Jude?

Basta santo yun. Sa kanya pinangalan yung school. Bakit?

E tinatanong ako ng titser namin eh. Sasapakin ko 'tong bading nato. Ako ang favorite tanungin.

Easy lang. Daanin mo sa pacute tutal jan ka naman magaling eh. Ipakita mo yung killer smile mo.

Grrr.

Goodluck. Hahaha.


Hindi na siya nag-reply. Nai-imagine ko si Kevin na hindi mapakali sa upuan, natataranta. Nakakatawa. Isang linggo na ang nakakaraan nang magpaalam siya sa mga magulang niya para magtransfer sa school ko. Akala ko talaga hindi na matutuloy. Ilang beses niya kinumbinsi pero ayaw talaga siya payagan. Simula highschool kasi, sa Manila na sila nag-aral magkapatid tapos bigla-biglang lilipat dito sa province. Graduating pa. Mabuti raw sana kung noon pa niya 'yon naisipan. Oo nga naman. Nagdahilan na lang si loko na k0mo nire-recruit daw kasi siya ng isang fraternity sa school niya sa Manila, kaya 'ayun, epektibo. Pinayagan si Huget. Ka-loko, 'no? Nagsinungaling pa para lang payagan. Na-credit naman yung halos lahat ng subjects niya sa dati niyang school. Naka-enroll din siya ng isang subject sa ibang school para hindi siya mahuli. Hindi kasi offered 'yong subject sa school namin.


"Kumusta first day?" tanong ko.

"Wala man lang akong kausap sa room kanina."

"Sa una lang yan. Naninibago lang sila sa 'yo. Transferee ka kasi saka baka natatakot sila lumapit sa gwapo."

Tinignan niya ako nang masama. Nakakunot ang noo at nakasalubong ang mga kilay. Imbis na matakot ako ay natawa pa ako. Lahat ata ng gawin nito sa mukha niya, gwapo pa din ang loko.

"Bagay pala sa 'yo 'yung uniform ko, ah?" sabi ko.

Ayan, ngumiti na siya.

"Oo nga," sabi niya.

Pinahiram ko kasi muna siya ng dalawang uniform kasi ayaw daw niyang isuot 'yong pinagawa niyang polo. Palalabhan daw muna niya nang maraming beses para hindi mukhang bago. Nakakairita raw kasi isuot kapag bagong bili. May school logo kasi 'yong uniform niya sa school nila kaya no choice, magpapagawa talaga siya ng bago.

"Oy, Mark, baka naman iwan-iwanan mo 'ko dito sa school. Wala pa naman ako laging kasama."

"Ikaw pa."

May tumatawag. Nagpaalam ako kay Huget. Sasagutin ko lang kako saglit yung tawag ko. Agad kong tinignan. Si Maggie pala.


Mark saan ka na?

Dito lang sa tapat ng Admin building. Ikaw saan ka?

Ah... kalalabas ko lang sa last subject ko. Daanan na kita jan.

'Wag na. Tatawagan na sana kita. May sasabihin kasi ako.

Ano yun?

Baka next time na lang kita i-treat. May importante kasi akong gagawin.

Ah ganon ba. It's okey. Don't worry, Mark.

Mags, thanks.

Next time huh?

Yes. Promise.

Okey, bye.

Bye.


Hindi ko naman kasi maiwan si Kevin. First day namin 'to bilang schoolmate tapos ipagpapalit ko lang siya sa isang Maggie. Ang dami nang ginawa para sa 'kin ni Kevin. Nakakalula ang mga sakripisyo niya para sa 'kin. Mas pinili niyang mapalayo sa mga kaibigan niya sa Manila dahil ayaw niyang malayo sa akin. Handa niyang isakripisyo ang paggraduate para lang makasama na ako lagi. Ilang beses na siyang napaaway dahil ayaw niya akong nakikitang nasasaktan. Lagi siyang nariyan kapag kailangan ko ng isang kaibigan. Ako? Ano ba ang nagawa ko para sa kanya. Siguro, oras na para makabawi naman ako.


"Sino 'yun?" tanong niya.

Umiling ako. "Wala. Isang kaibigan," kako.

"Ah."

"Kevin, gusto mo Jolibee tayo? Treat ko ulit."

"Aba. Maraming pera."

"Hindi. Sakto lang."

"Haha!"

Sa simpleng bagay na tulad nito, masaya na si loko. Ang sarap tignan ang kanyang pagngiti na parang sobrang saya. Hindi siya maingay kung tumawa pero nakakahawa.

Noong una ko siyang makilala, akala ko suplado. Kwento niya, kabaligtaran naman ang sa kanya. Magaan na raw ang loob niya sa 'kin sa simula pa lang.


"Maiba ako. 'Di ba irregular pa ang klase this week?" tanong ulit niya.

"Medyo. Marami pa kasi ang nag-e-enroll. Bakit mo naitanong?"

"Wala. Basta."

"Anong 'basta'?"

"May pinaplano kasi ako," sabi niya. Nakangiti na naman siya. Natatakot ako sa iniisip niya. Mukhang may balak ang loko. Hindi ko nga lang alam kung ano.

"Nako. Kevin, kung puro kagaguhan lang 'yan, itago mo na lang 'yang plano mo."

"Basta, Mark." Kumindat siya. "Maaga ka gumising bukas. Susunduin kita sa inyo."

"Bukas? May klase tayo."

"Basta. Mga ala una ng umaga."

"Adik ka ba? Ala una? Sa'n naman tayo pupunta?"

"'Wag ka na maraming tanong. Basta, ako bahala sa 'yo."


Kahit na hindi ko alam kung ano ang plano ni Kevin, napa-oo na lang ako. Ala una ng umaga? Adik ba? Mga limang minuto pa, nag-decide na kami umuwi ni Kevin. Maaga pa nag-aya na agad siyang umuwi dahil aayusin pa raw niya 'yong plano niya. Hindi na ako nagdala ng motor dahil delikado raw sabi ni Kevin. Kotse na lang daw niya ang gagamitin namin. Sa madaling salita, siya ang maghahatid-sundo sa akin. Tignan natin kung makatagal siya. Dumaan kami sa Jolibee para kumain. Paalis na sana kami nang may umupo sa aming tabi. Galing yung tao sa likod na kinauupuan ko kaya hindi ko agad napansin.


"Aha... may importante daw na gagawin ha."

Nagulat ako.

Si Maggie pala!


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko