17


Buset, si Maggie pala!

Parang wala akong mukhang maiharap sa kanya. Bakit ba kasi nagsinungaling pa ako. Bahala na. Ilulusot ko na lang 'to.

"Oy, Mags. Nandito ka pala?" Ngek, tinanong ko pa talaga.

"Oy, Mark. Nandito ka rin pala," sagot niya.

Lumipat siya ng isang upuan kaya ngayon ay magkatabi na kami. Nakaharap kami kay Kevin. Tinapik niya ako sa likod ng mahina.

"Mags, si Kevin nga pala. Kaibigan ko."

Tutal, inulit lang niya ang sinabi ko, 'eto mag-usap kayo ni kano. Sumenyas ako kay Kevin patago. Tinitigan ko siya. Saluhin mo 'ko. Sana nakuha niya ang gusto kong sabihin.

Kinuha niya ang kamay ni Maggie. Nabigla 'yon. Laugh trip si Huget. Makikipagkamay lang pala si loko. "Hi. I'm Kevin," sabi niya sabay ngiti. Mukhang kinilig naman si Maggie at wala tuloy nasabi.

"Mags, pauwi na talaga kami. Dumaan lang kami dito para hindi na 'ko mag-dinner mamaya. Totoo 'yun. May importante talaga akong gagawin... mamaya," mahaba kong eksplanasyon.

"Oops, Mark, hindi mo na kailangan magpaliwanag. Ano ka ba. That's okey," nakangiti niyang tugon. Maganda talaga siya. Nanlaki ang aking mga mata.

"Mags, mauna na kami," paalam ko.

"Okey. Bye. See you tomorrow."

"Bye."

"And Kevin."

Hindi na sumagot si Kevin. Ngumiti na lang siya para magpaalam.


*    *    *


Habang nasa biyahe pauwi...


"Mark."

"Bakit?"

"Gusto mo 'yung Maggie?"

"Oo."

"Ah..."

"Joke lang..." sabi ko pero ang totoo ay oo.

"Ang ganda niya. Imposible na hindi ka ma-in love."

Napangiti na lang ako. "Hindi rin," sabi ko.

Tinigil niya ang kotse, itinabi sa gilid ng highway.

"Bakit?" tanong ko.

Tinitigan lang niya ako. Seryoso. Naging seryoso na rin ako. Ilang sandali pa, biglang ngumiti siya. Hindi ko alam kung ano ang gusto niyang sabihin. Maya-maya pa ay umandar na rin kami. Napakatahimik ng naging biyahe namin. Mabagal lang ang takbo pero kabado ako. Ilang sandali pa ay nakarating na rin kami sa bahay. Maaga pa, nasa alas syete pa lang siguro nang makauwi ako.

"Tara sa loob," 'aya ko sa kanya.

"Sige, hindi na. May gagawin pa ako eh."

"Sigurado ka?"

"Yup."

"Sige."

"Oy. Saglit."

"Bakit?"

"'Yung usapan natin, ah? Ala una. Susunduin kita."

"Seryoso ba 'yun?" tanong ko habang nakakunot-noo. Nakahawak ako sa sa pintuan ng kotse niya na nakabukas.

"Oo. Basta ala una lumabas ka na. Nandito na 'ko sa gate niyo nu'n."

Tumango na lang ako. Sinarado ko na ang pinto. Medyo napalakas ata. Bumusina naman siya ng mahina habang papasok ako sa gate. Sumenyas naman ako bilang tugon.

Naninibago ata ako. Ang aga pa kasi para sa uwi ko. Naabutan ko si Yaya na nakaupo sa sala, nanonood ng paborito niyang drama. Pilit niya akong pinakakain. Pilit naman ako sa pagtanggi. Hindi kasi masarap ang ulam na niluto niya. Kalabasa daw.

"Ya, 'pag nagising ka sa busina ng kotse mamayang umaga, mga bandang ala una, 'wag mo na lang pansinin," sabi ko sa kanya.

"Bakit, Mark? Sino 'yun?" tanong niya.

"Basta, Ya. Matulog ka lang nang mahimbing."

Nagtataka siguro si Yaya sa mga sinasabi ko. Ang gulo naman kasi, sa totoo lang. Bakit naman may bubusina sa harap ng bahay ng gano'ng oras?

Nanood lang ako ng replay ng laban ng Dallas Mavericks at New York Knicks sa NBA TV at nakatulog naman agad ako pagkatapos.


*    *    *


Buset, parang kaingay. Binabangungot kaya ako? Alam ko gising na ang diwa ko pero ayaw bumangon ng katawan ko. Fifteen minutes pa 'ata bago ako nakabangon.

Oo nga pala may usapan kami ni Kevin. Teka anong oras na ba? Alas tres na pala. Puta! Ang dami kong natanggap na missed calls at text messages, lahat galing kay Kevin. Napatayo agad ako sa kama. Bumaba agad ako. Lumabas ata lahat ng adrenaline. Ilang segundo lang ay nagawa ko nang makababa. Agad kong binuksan ang ilaw sa harap ng bahay. Umuwi na ata si Kevin. Naglakad palabas. Nagulat talaga ako ng may makita akong kotse na nakaparada sa gilid. Nakita ko si Kevin nakaupo sa isang sulok malapit sa gate. Nilapitan ko siya.

"Sorry, hindi ako nagising."

"Ang tagal mo naman."

"Alas tres na, ah? Bakit hindi ka pa umuwi?" tanong ko sa kanya.

"Sabi ko naman sayo hihintayin kita, 'di ba? Alas dose y medya pa nga lang nandito na 'ko eh."

"'Di nga?"

"Oo nga. Ayo' ko kasi na ma-late ako sa usapan natin."

Nahihiya naman ako. Pupungas pungas pa ako. Hindi ko alam kung puro muta ba ako o ano.

"Gayak ka na," sabi niya.

"Ha? Bakit?"

"May pupuntahan tayo."

"Sige. Gusto mo ba pumasok muna?" Bahala na nga.

"'Wag na. Hintayin na lang kita dito."

Pumasok na agad ako sa loob. Diretso agad sa banyo. Hindi na ako naligo. Naghilamos na lang ako at nag-toothbrush. Shorts lang ako, shirt na kulay yellow, at naka-tsinelas. Gulo-gulo pa ang buhok ko, kaya nag-cap na lang ako. Kinuha ko cellphone ko, at hindi na ako nagdala ng wallet. Wala naman siguro kaming bibilhin. Nakita ko 'yong iPod ko na nakasabit sa handle ng cabinet ko kaya dinala ko na rin. Gagamitin ko 'yon in case na mangulit si Kevin. Para hindi ko siya marinig. Wala pang ten minutes nakalabas na ako.

"Ang cute mo naman," bungad niya. Sabi ko na nga ba e, mangungulit 'to. Tama ako. "Ready?" dagdag niya.

Tumango lang ako. Nauna pa akong sumakay kaysa sa driver.

"Saan ba tayo pupunta?" tanong ko sa kanya.

"Basta sumakay ka lang. Ako bahala sa 'yo."

Pinaandar niya na ang sasakyan. Unti-unting bumilis ang takbo namin. Nakarating kami sa di kalayuan hanggang... Tanong ko, saan ba tayo pupunta niyan? Sabi niya, basta daw. Hanggang sa napansin kong palabas na kami ng Pampanga. Thirty minutes na kami bumabiyahe kaya nagtaka na ako.

"Oy, saan ba tayo pupunta?" medyo galit na ako.

Hindi siya sumagot kaya inulit ko ang tanong ko.

"Saan tayo pupunta?"

Nagmenor siya.

"Sa Baguio," mahina niyang tugon.

"Ha?" Ang lakas na ng boses ko.

"Oo, sa Baguio. Hindi ka na makakatanggi kasi malayo na tayo."

Puta. Baguio? Kalayo!

"Wala akong bihisan," sabi ko.

"Don't worry. Dinalhan na kita. May damit, shorts, jeans, brief, toothbrush. Lahat kumpleto na."

Hindi ko alam ang magiging reaksiyon. Gusto ko magalit kasi hindi man lang niya sinabi pero wala na ako nagawa. 'Eto pala ang sinasabi niyang plano niya.

"Pa'no yung pasok natin?" tanong ko.

"Hindi pa naman regular class. Sabi mo nga kanina, 'di ba?" sagot niya.

Oo nga naman. Ako pala ang nagsabi no'n.

"Wala akong pera. Hindi ko dala wallet ko." Buti nga nadala ko pa cellphone ko.

"'Di ba sabi ko nga, ako bahala sa 'yo," sagot niya.

"Kelan tayo uuwi?"

"Sa isang araw."

"Hindi pwede. Three days tayo du'n? Gano'n?"

"Yup." Nakangiti pa siya.

"Bakit hindi mo sinabi sakin 'to?"

"Kasi hindi ka papayag. Ibukas mo yung ilaw sa likod ng sasakyan. Tignan mo anjan lahat ng gamit natin."

Binukas ko ang ilaw. Totoo nga. May dalawang malaking travel bag doon. May tag pa parehas. Mark at Kevin. Tig-isa kami. Halatang planado ni loko. Binuksan ko yung bag ko, may mga brief na naka-box pa. Halatang bagong bili. May toothbrush, mga damit, shorts at jeans na sa tingin ko karamihan ay sa kanya. Napangiti tuloy ako.

"Oh, may kulang ba? Dumaan kasi ako ng supermarket kanina pagkatapos kitang ihatid sa bahay niyo. Bumili na ako ng ilang gagamitin natin," sabi niya.

"May magagawa pa ba ako?" sagot ko.

"'Wag ka mag-alala, Mark. Ako bahala sa 'yo. Siguradong mag-e-enjoy ka."

Baguio? Totoo ba 'to? Tanong ko sa sarili ko. Napakamot na lang ako sa ulo.


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko