26


Nagulat ako dahil hindi ko inaasahang makikita ko siya sa gano'ng paraan. Nakatingin lang din siya sa akin. Himala, hindi siya naka-killer smile. Hindi siya nagpapa-cute. Hindi siya nangungulit.

"Oh, para kayong nakakita ng multo," pinitik ni yaya ang kanyang baso gamit ang isang tinidor.

"Oy." 'Yon lang ang tanging nasabi ko sa kanya. Tinapik ko siya sa kanang balikat.

"Oy." 'Yon lang din ang kanyang nasabi. Ngumiti naman siya pero halatang pilit.

"'Musta?"

"Okey naman. Ikaw kumusta ka?"

"Ah.. eh... 'eto okey din."

Nakanganga si Yaya habang nagmamasid lang sa aming dalawa.

"Ako nagluto niyan." Sabay turo sa ulam na nakahain sa aming harapan.

"Ah. Kaya pala mukhang hindi masarap. Tssk."

"Aha! Nagsisinungaling ka. Sabi mo sa 'kin dati, my adobo is the best in the world!"

Tumawa na lang ako. Tinignan ko si Yaya, mukhang gulong-gulo sa mga pangyayari.

"Natanggap ko text mo kanina. Pauwi na ako nu'n kaya dumaan na ako sa mall para mamalengke ng pang-adobo. Kinasabwat ko si tita," paliwanag niya.

"Bakit naka-off cellphone mo?" tanong ko.

"Para naman ma-miss mo ako kahit konti."

Tumawa ulit kaming dalawa.

Lilinga-linga ang mata ni Yaya. Halatang nagtataka.

Pasimple akong sinipa ni Kevin sa paa. Tinitigan niya ako at dinala ang aking tingin kay Yaya. Agad ko namang nakuha ang gusto niyang sabihin. O.P. na si Yaya sa amin kaya tinigil na namin ang kulitan.

"'Ya, 'yung binigay ko sa 'yong Jollibee kanina, hati kayo ni Kevin, ha?"

Ka-gago ko. Binigay ko na sa kanya tapos bigla kong babawiin. Pero okey na 'yon, hati naman sila at saka hindi naman niya 'yon kayang ubusin. Hahaha!

Buti na lang tumango naman si Yaya at hindi nagalit. Akala ko magtatampo siya pero mukhang naiintindihan naman niya. Naiintindihan niya na para talaga kay Kevin 'yon.

"Kain na tayo?" aya ni Kevin.

Nanlaki ang mata ni Yaya ng kuhanin ni Kevin ang aking plato para lagyan 'yon ng pagkain. Sinipa ko si Kevin sa paa para itigil niya ang ginagawa niya.

"Aray, Mark. Bakit mo naman ako sinisipa?" sabi niya.

Buset na Huget 'to, ibuko ba ako. Ngumiti siya, nakakagago.

"Tita, si Mark po sinisipa ako sa ilalim ng lamesa. May gusto atang ipahiwatig, hindi ko lang alam kung ano."

Lokong Kevin, mas lalo pang pinagulo ang iniisip ni Yaya. Palagay ko may world war three na sa utak ni Yaya ngayon.

Ang sarap ng kain naming tatlo. Ang tagal namin nagkwentuhan. Gaya ng pagkain, masarap din ang aming naging usapan, este, dalawa lang pala kaming nagkulitan. Hindi kasi maka-relate si Yaya sa amin.

"Mark, dito ako matutulog ha?" paalam niya habang kumakain ng burger.

Nakatayo na kaming pareho papuntang sala. Tapos na kasi kami kumain at si Yaya naman ay naghuhugas na ng mga pinggan.

"May pasok na tayo bukas, loko. Baka mapuyat na naman tayo niyan," sabi ko.

"Okey lang 'yun. Minsan-minsan lang naman."

"Anong minsan-minsan ka 'jan? Lagi-lagi kaya."

Wala naman akong magagawa e. Umuwi muna siya sa bahay nila para magbihis at para kumuha ng mga gamit. Sa bahay na daw siya gagayak bukas para sabay na kaming pumasok. Alas otso ang klase ko, alas diyes naman siya.

Saglit lang siyang nawala at ilang minuto lang ay nasa bahay na ulit ang loko.


Inaayos ko na ang bihisan namin. Para bukas, kung sakaling mapuyat man kami ngayong gabi, hindi na kami mahihirapan sa paggayak. Siya naman ay nakaupo lang, tahimik na nanonood ng basketball sa TV. Interview 'ata kay Kobe Bryant 'yon kaya tutok na tutok sa harap ng telebisyon.


"Mark..."

"Oh?"

"Baka may assignment ka bukas, tulungan na kitang gawin."

Oo nga pala, may assignment ako sa laboratory bukas. Di bale na, kokopya na lang ako siguro.

Bigla akong natigilan, parang ilang segundong huminto ang lahat ng sistema ng katawan ko, biglang kumabog ang aking dibdib. Bigla kong naalala si Maggie. Bigla kong naalala ang mga nangyari sa amin. Bigla kong naalala ang mga katangahan ko no'ng isang araw. Natakot ako. Natatakot ako nang hindi ko alam.

"Mark, bakit tinapon mo lang 'yung brownies?" seryoso niyang tanong. Tinalikuran niya ang kanyang pinanonood at humarap sa akin.

Nasa magkabila kaming side ng kama. Malapit siya sa trash can katabi ng computer table. Nakalabas ang ilang bahagi ng box ng brownies kaya nakita niya agad. Hindi pa pala naitapon ni Yaya ang mga basura ko.

Hinugot niya ang box. Nakita niya na hindi man lang 'yon nabawasan.

"Kanina ko pa gusto 'to itanong, Mark. Ano ang nangyari sa 'yo nu'ng mga nakaraang araw?" tanong niya, seryoso.

Hindi ako makasagot sa kanya. Ni hindi ko nga siya kayang tignan man lang sa mata. Kinakabahan pa rin ako, mas malakas pa 'yon sa mga naramdaman ko dati.

"Sorry, Kevin." Nauutal ako sa sobrang kaba.

Tinitignan lang niya ako.

Akala ko maibabaon ko na sa limot ang lahat. Akala ko okey na ako. Akala ko...

"Wala na kami ni Mariel."

"Alam ko," mabilis na sabi niya. Nagulat ako.

"Pa'no mo nalaman?"

"Nu'ng oras na alalang-alala siya sa 'yo dahil hindi mo man lang sinasagot ang mga tawag niya, ako ang tinawagan niya. Ako ang sinabihan niya. Ako ang nilapitan niya para alalayan ka. Kung nag-alala si Mariel sa 'yo, syempre ako din. Kaya panay ang tawag ko sa 'yo noon. Maaga akong umuwi, nagpumilit akong makaalis agad kahit na hindi ako pinayagan ng pamilya na lumisan nang wala sa oras dahil sobra ang pag-aalala ko sa 'yo. Tinakbo ko ang Manila-Pampanga ng halos dalawang oras lang para makita agad kita. Naghintay ako sa 'yo dito sa bahay niyo magdamag pero walang Mark Lopez na dumating. Alam ko masakit para sa 'yo ang mga nangyari pero masakit din sa akin 'yun dahil ayaw kitang nasasaktan. 'Di bale ako na lang, 'wag ka lang."

"Sorry, Kevin." Huminga ako ng malalim. "Nakipagkita ako kay Maggie... Magkasama kami buong gabi. Hinanap ko sa kanya ang isang Mariel, ang isang Kevin. Magkasama kaming natulog sa isang kama..."

"Ha?" seryosong tanong niya.

Kaibigan ko siya. Dapat sabihin ko sa kanya.

"Oo, Kevin, sa isang maikling gabi, naging marupok ako... May nangyari... pinagsisisihan ko 'yun."

Lumapit siya sa kinatatayuan ko. Ang bigat ng bawat hakbang niya. Sa unang pagkakataon sa buong buhay ko, ngayon lang ako natakot ng gano'n.

Alam ko ang gagawin niya kaya hinarap ko 'yon ng buong tapang. Sinapak niya ako sa kanang mukha. Napaatras ako sa lakas. May malakas na tunog akong naririnig sa aking tenga, nakakabingi, paulit-ulit.

"Para 'yan kay Mariel!"

Tumayo ako at buong tapang ko siyang hinarap, tinignan sa mukha. Naramdaman kong may tumutulo sa aking ilong, dugo. Pinunasan ko 'yon gamit ang aking braso pero patuloy pa rin 'yon sa pag-agos. Kung kanina ay wala akong maramdaman dahil sa manhid, ngayon nararamdaman ko na ang sakit na dulot ng kanyang malakas na kamao.

Lumapit muli siya sa akin. Umamba muli ng suntok.

"At 'eto, para sa akin!"

Napapikit ako ng malapit na ang kanyang kamao sa kaliwa kong mukha.

Ang lakas! Sobrang lakas na tunog ang aking narinig. Wala akong naramdaman na panibagong suntok pero natatakot pa rin akong ibukas ang aking mga mata.

"Mark, ano tingin mo sakin, ha?" Umiiyak na siya. Nararamdaman ko ang mabigat niyang paghinga.

Ibinukas ko ang aking mga mata. Nakasuntok pa rin siya pero tumama 'yon sa kabinet sa tabi ko. Dumaan ang kanyang kamao sa gilid ng aking mukha. Imbis na ako ang sapakin niya sa ikalawang pagkakataon, kabinet na lang ang pinagbuhusan niya ng sobrang galit.

"Kevin."

Inalis niya ang kanyang kamao sa nananahimik na nasira at nawasak na kabinet. May sugat siya. Mabilis niyang itinago yun sa aking mga mata. Umalis siya, lumabas ng kwarto nang wala nang sali-salita.

Umupo ako sa isang gilid, pinunasan ang dugo na patuloy pa rin lumalabas sa aking ilong. Alam kong namamaga ang aking kanang mukha, ramdam ko ang sakit, ang kirot.

Hindi ko na namalayang umiiyak na pala ako, hindi sa sakit ng katawan, kun' di sa sakit na nararamdaman ng aking puso.


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko