27


Tumayo ako. Inangat ko ang aking katawan nang buong lakas. Nanginginig pa rin ako sa sakit. Pumunta ako ng banyo. Humarap sa salamin. Namamaga ang aking kanang pisngi. May paunti-unti pang dugo na lumalabas sa aking ilong. Umiiyak pa rin ako.


*    *    *


Friday.

Sobrang lakas ng ulan. Baha na ang mga lansangan. Ang lakas ng ihip ng hangin. Hindi na sana ako papasok kung wala lang kaming exam. Absent ako nang apat na sunod-sunod na araw, simula Lunes hanggang Huwebes kaya pinilit ko nang pumasok. Ang dami kong text at calls na natanggap mula sa mga kaklase at kaibigan. Ang ilan ay galing pa sa mga professors namin. Lahat sila nag-aalala sa akin.

Nagsisimula na ang klase nang ako ay dumating. Natagalan kasi ang biyahe ko dahil commuter ako ngayong araw. Traffic sa daan dahil sa lakas ng ulan. Pagpasok ko pa lang sa loob ng kwarto, nakita ko na agad si Maggie. Hindi niya ako pinansin. Tahimik lang akong naglakad sa loob ng kwarto, diretso sa dulo. Umupo ako malayo sa iba, nag-iisa. Lahat ng galaw ko, bawat hakbang ay pinagtitinginan ako ng lahat, pati professor namin.

Maaga dinismiss ang klase dahil sa lakas ng ulan. Wala namang bagyo pero walang tigil ang buhos ng ulan at hampas ng hangin. Inaaya ako ng ibang kaibigan na mag-mall pero tumanggi ako, marami kako akong gagawin. Magulong naglalabasan ang buong klase, lahat ay tuwang-tuwa dahil walang pasok. Ang gulo, ang ingay. Nakaupo pa rin akong mag-isa, tahimik lang sa isang gilid.

Nagnanakaw-tingin ako kay Maggie, pasimple ko siyang sinusulyapan. Gusto ko kasi siyang lapitan para kausapin pero nanatili siyang mailap sa aking paningin, umiiwas siguro.

Ilang sandali pa ay biglang nawala si Maggie sa aking mga mata. Napansin kong nakatingin ang iba naming kaklase kasama na ang kanyang mga kaibigan sa akin, parang may mali.

Kinalabit ako ng isang tao na galing sa aking likuran at agad ko naman 'yon tinignan. Nagulat ako.

"Maggie," sambit ko.

Seryoso ang kanyang mukha, nakatingin sa akin.

Ang bilis ng mga pangyayari, sinampal ako ni Maggie. Ang lakas. Nangingilid ang luha niya. Ako naman ay dedma. Hindi siya umiimik pero alam kong marami siyang gustong sabihin. Dedma pa rin ako. Nilabas ko kunwari ang cellphone ko para may gawin. Pinagpipindot ko ang keypad, nagbusy-busy-han. Alam kong pinagtitinginan kami ng mga tao sa paligid. Buti na lang iilan na lang ang naroon.

Tahimik lang siyang naglakad palayo sa akin. Kinuha ang bag sa hindi kalayuan at dali-daling lumisan ng classroom. Sumunod naman sa kanya ang kanyang grupong nakatingin pa rin sa akin, nagtataka, nag-aalala. Sigurado akong wala silang ideya sa mga nangyayari.

Ayaw ko agad lumabas ng classroom dahil siguradong haharangin ako ng mga kakilala ko para ayain sa mga lakad nila kaya nagpatiiwan na lang ako sa loob ng kwarto.

Ang tagal kong nanatili sa loob ng campus, hinihintay na tumila ang ulan pero wala naman. Mas lumalakas pa yata ang buhos kaya nagpasya na akong umuwi... mag-isa.


Dumaan muna ako sa isang simbahan na malapit lang sa school. Tutal, maaga pa naman. Wala naman akong gagawin sa bahay kun' di matulog. Mas mabuting dito na lang ako mag-ubos ng oras. Wala halos tao sa loob nang ako'y pumasok, pati simbahan ay malungkot. Umupo ako sa gilid, nagmasid-masid. Hindi ko siya matignan nang tuwid, nahihiya kasi ako. Taimtim akong nanalangin.

Ayaw kong makita ako ng ibang tao na lumuluha. Ayaw kong isipin ng ibang taong ako'y mahina. Mahusay akong magtago ng tunay na nararamdaman. Mahusay akong magkunwaring malakas at hindi nasasaktan pero hindi sa pagkakataong ito. Pumatak ang luha ng isang anak na naghahanap ng makakausap. Sumabog ang emosyon ko. Ang sakit, ang hapdi, ang lungkot.


*    *    *


"Anak, gusto mo ng makakausap?" salubong na tanong sa akin ni Yaya habang hinuhubad ko ang basa kong polo. Hinagod ko ang basa kong buhok, ngumiti upang magkunwari. Tumalikod ako para hindi niya makita ang aking mga mata.

"Ya, medyo masama lang pakiramdam ko. Akyat lang po ako sa taas."

"Ilang araw kang absent, Anak. Halos hindi ka lumalabas ng kwarto mo. Maghapon ka lang nakakulong. Masaya ako nang makita kita kanina na nakagayak para pumasok pero hindi pa rin maaalis sa akin, Anak, na mag-alala sa 'yo. Alam kong may mabigat kang dinadala."

Humarap ako at lumapit sa kanya. "Ya, salamat po." Hinalikan ko siya sa pisngi.

Muli akong tumalikod, naglakad papalayo. Umakyat ako sa aking kwarto, nahiga sa kama. Sobrang lakas pa rin ng ulan.

Masyado pang maaga. Wala naman akong ibang magawa kaya nagbukas na lang ako ng computer. Bahala na kung saan ako mapadpad sa mundo ng internet. Pagbukas ay picture namin ni Kevin ang bumungad, yun kasi ang desktop background ng computer. Picture namin yun sa Mines View Park na kuha ng isang matandang foreigner. Magkaakbay kami, nakangiti, sobrang saya.


*    *    *


Sabado.

Hindi na umuulan. Sumikat na si haring araw. Unti-unti nang natutuyo ang bakas ng nagdaang ulan. Walang pasok kaya lumabas ako ng bahay. Tumambay ako sa kanto malapit sa amin. Nakihalubilo ako sa mga kakilala na matagal ko nang hindi nakakasama. Sinamahan ko silang mag-ubos ng oras sa kakaiba nilang paraan. Ang dami nilang trip. Ang saya, kaya saglit kong nakalimutan ang aking dinadala.

Sa unang pagkakataon sinubukan kong magyosi. Ang sakit sa ulo ng bawat singhot ng Winston at Fortune. 'Yon kasi ang madalas na yosi ng mga tambay sa amin, mura daw kasi. Nakarami din ako ng stick sa loob lamang ng ilang saglit. Pagkatapos namin tumambay ay nagkayayaan kaming magbola. Dumayo kami sa ibang lugar para makipagpustahan. Nanalo naman kaya tuloy na 'yon sa maboteng harapan. Napilitan akong uminom ng pambansang alak, ang Gin kwatro kantos. Ang tapang pala ng inumin na 'yon, parang asido na lumulusaw ng lalamunan. Bawat lagok ay napapapikit ako sa pakla, sapat na 'yon para matunaw ang aking problema, panandalian.

Mabilis akong nalasing. Wala ako sa kalingkingan ng mga tambay kong kaibigan. Hindi ko na kayang umuwi kaya hinatid na lang nila ako. Sinalubong ako ni Yaya sa gate ng bahay, susuray-suray. Hilong-hilo talaga ako, umiikot ang paligid ko.

Sobrang hirap ni Yaya na iakyat ako sa kwarto. Umiiyak siya habang pinapangaralan ako. Unang beses 'yong nangyari sa akin. Naiintindihan ko pa rin ang kanyang sinasabi kahit ako'y langong-lango sa alak. Alam kong sobrang dami kong salita. Alam kong sobrang dami kong drama kay Yaya sa mga oras na 'yon. Hindi niya ako iniwan hangga't hindi ako nakakatulog.


*    *    *


Sobrang sakit ng ulo ko. Nasisilaw ang mga mata ko sa liwanag na nagmumula sa nakabukas na bintana. Ang sakit ng sikmura ko, parang nabutas ng asido. Ang sakit. Buset ang daming masakit...

"Sunog baga ka na pala," sabi ng taong nakaupo sa aking harapan.

Pilit ko siyang tinignan. Pilit ko siyang inaninag.

"Tinawagan ako ni Tita kagabi, umiiyak," dagdag pa niya.

Pamilyar ang boses niya pero hindi ko pa rin siya makilala. Sobrang liwanag kasi sa direksyon kung saan siya naroon.

"Tumayo ka. Tignan mo sarili mo sa salamin." Mataas na ang tono ng boses niya.

Nasa katawan ko pa ata ang ispirito ng alak kaya medyo nanghihina pa ako. Tumayo ako at tinuon ang mga mata ko sa kanya.

Nagkatitigan kami. Matagal, sobrang tagal. Walang gustong bumitaw ng tingin.

"Bakit nandito ka?" tanong ko.

Hindi siya sumagot.

"Umalis ka na. Hindi kita kailangan."


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko