29


Mag-uumaga na pero dilat na dilat pa rin ang aking isipan, naguguluhan sa hindi maipaliwanag na ewan. Nagkukunwari ang aking mga mata na nakapikit, natutulog pero buhay na buhay pa rin ang diwa kakaisip sa kanya. Panay ang aking baling sa kaliwa, sa kanan, sa kaliwa, sa kanan. Hindi ako mapakali.


Maghapon ko siyang iniwasan. Hindi ako sumabay sa kanya sa pagpasok. Nagdahilan ako para hindi ko siya makasama sa lunch break at madalas wala akong reply sa mga text niya.

Kevin mauna ka na umuwi. May gagawin pa kasi ako mamaya.

Hintayin na kita.

Wag na.

Hindi na siya nag-reply.

Tumambay lang ako sa harap ng building namin pagkatapos ng huling klase. Nakipag-kwentuhan sa ilang mga kaibigan. Pagpatak ng alas singko ng hapon, nagpaalam na ako sa grupo para abangan ang paglabas ni Maggie sa klase niya. Dumaan muna ako sa banyo, naghilamos, humarap sa salamin. Mark, kaya mo 'yan, sabi ko sa sarili ko. Tapos ay huminga nang malalim. Palagay ko ayos na ako.

Maraming kasama si Maggie nang lumabas ng classroom kaya nagdalawang isip akong lapitan siya. Hinayaan ko muna siyang maglakad kasama nila. Buti na lang habang papalayo ay unti-unting nalalagas ang ilan sa mga kasama niya. Ako naman ay naglalakad din kasunod nila. Maingat, para hindi niya mahalata.

Huminto sila nang ilang saglit na parang may pinag-uusapan hanggang sa maiwan na lang si Maggie mag-isa kaya agad ko na siyang nilapitan.

"Maggie, pwede ba tayong mag-usap?"

Tinalikuran niya ako at ambang hahakbang papalayo kaya hinawakan ko ang kanyang kamay.

"Maggie, sorry na," dagdag ko.

Wala naman akong naramdaman na resistance mula sa kanya kaya hindi ko siya binitawan. May ilan sa paligid na nagtinginan sa amin pero hindi ko 'yon pinansin. Siya, dedma lang din.

Napansin kong papalapit 'yong dalawa niyang kaibigan sa amin, 'yong dalawang kasama niya kanina. Binitawan ko siya. Dumistansya ako ng ilang hakbang sa kanya.

Tinitigan ako ng isa niyang kaibigan habang ang isa naman ay nakangiti.

"Hi, Mark," bati ng isa, 'yong nakangiti.

"Hello." Gumanti ako ng ngiti. "Pwede ko ba hiramin saglit si Maggie? May sasabihin lang ako," paalam ko.

"Tanungin mo siya kung gusto niya. 'Wag ka sa 'min magpaalam," sagot ng isa. May pagkamataray ang dating ng kanyang tingin kaya mas lalo akong nahiya.

Tinignan nila si Maggie at tumango naman 'yon sa kanila kaya agad silang nagpaalam sa amin.

"Maggie, sa lobby lang kami, ha? Text ka lang," paalam ng isa. Ilang sandali pa ay tumalikod na ang mga ito palayo sa amin.

"Upo tayo," anyaya ko sa kanya.

Tumango lang ulit siya kaya pinangunahan ko na ang paglalakad papunta sa di-kalayuang parke sa school, malapit sa building nila Kevin.

Nahalata niya sigurong nahihirapan akong magsalita kaya siya na ang unang nagsimula.

"Naduwag ka ata, Mr. Lopez," tumaas ang kanyang kanang kilay kaya mas lalo akong kinabahan.

"Sorry." Nabubulol pa ako habang nagsasalita.

"Puro sorry na lang ba ang sasabihin mo?" seryoso pa rin ang kanyang tono.

"Hindi ko sinasadya na iwanan ka nung mga oras n—"

Hindi pa ako natatapos nang bigla siyang magsalita.

"Paano kung magbunga ang ating mga ginawa?" tanong niya. Nakatitig pa rin siya sa akin. Seryoso ang kanyang mukha.

Hindi ako nakasagot sa tanong niya.

"Pananagutan mo ba ako?" tanong ulit niya.

Yumuko ako, pilit kong tinago ang aking mukha dahil gusto ko nang kumawala sa usapang yun. Hindi ko kayang pag-usapan ang mga gano'ng bagay sa ngayon.

"Ano, Mark, naduduwag ka na naman?" Hinawakan niya ako sa mukha at itinaas yun. Tinitigan niya ako nang diretso sa mata, seryoso pa rin. "Sumagot ka," dagdag niya.

Nakita ko mula sa kinauupuan namin ang sasakyan ni Kevin. Nakaharap kasi ako sa direksyon niya habang si Maggie naman ay nakatalikod, nakaharap sa akin. Nakaparada sa harap ng isang building, nakaharap din sa amin mula sa kabilang side. May kalayuan 'yon pero sigurado akong sa kanya 'yong sasakyan. Tinted 'yong salamin no'n pero alam kong nasa loob si Kevin. Wala naman kasi 'yon kanina. Maaari ring nakikita niya kami mula sa kinalalagyan niya. Baka. Siguro. Ewan.

Binitawan ni Maggie ang pagkakahawak sa aking mukha kaya naputol ang tingin ko sa kotse ni Kevin. Tinitigan ko si Maggie mata sa mata. Kahit kabado ay buong tapang akong nagsalita.

"Bakit mo naman nasasabi ang mga bagay na 'yan?"

"May mga bagay kasi ako na nararamdan lately. Hindi ko maipaliwanag."

"Naging maingat naman ako."

"Kilala ko ang sarili ko, Mark."

Hindi na ako ulit nakapagsalita pa. Kung kanina ay kaba ang aking nararamdaman, ngayon takot na. Sobrang takot na hindi ko maipaliwanag. Nagsimulang manginig ang aking binti, natatakot ako.

Tumayo siya at tumalikod. Naglakad nang papalayo sa akin habang ako ay nanatiling nakaupo. Malilit lang ang kanyang paghakbang kaya matagal ko siyang pinagmamasdan habang papalayo hanggang sa mawala sa aking paningin.

Tumingin muli ako sa direksyon kung saan ko nakita ang kotse ni Kevin pero wala na 'yon. Ibang sasakyan na ang nakaparada sa lugar kung saan ko siya nakita.

Tumayo na ako at nagsimulang maglakad-lakad. Pilit kong binubura sa aking isipan ang mga sinabi ni Maggie kanina.

Dumating ako sa bahay. Para pa rin akong lutang. Sinalubong ako ni Yaya pero hindi ko man lang pinansin. Ilang ulit din niya ako pinuntuhan sa kwarto para 'ayaing kumain pero mas pinili ko munang mapag-isa.

Init na init ako kahit na hindi naman maalinsangan. Marahil ay dahil sa hindi ako mapakali kakaisip. Naghubad ako at humiga. Para akong nasa isang maliit na kahong nakakulong, hindi magawang makawala. Tumayo muli ako at dumiretso sa banyo. Ibinukas ko ng todo ang shower at tumapat sa ilalim. Binasa ko ang buo kong katawan. Umupo ako sa sahig, nasa ilalim pa rin ng shower. Patuloy na pumapatak ang tubig, malamig. Sobrang lamig.


*    *    *


Beep. Beep. Si Kevin.


Mark.

Nasa klase ako.

Musta?

Ang kulit mo. Nasa klase nga ako.


Pagkatapos ng isang oras, ako naman ang nagtext sa kanya.

Saan ka?

Dito sa tapat ng building namin.

Punta ako jan.

Sige.

Nakita ko siyang nakaupo sa gilid, tabi ng isang malaking puno kasama ang ilang mga kaibigan niya. Mukha namang masaya dahil nagtatawanan ang mga ito kaya hindi ko na sila nilapitan pa. Umuwi na akong mag-isa kahit na maaga pa. Sa ibang araw ko na lang siguro sasabihin sa kanya.

Nagkulong ako sa kwarto buong gabi. Sinamahan naman ako ng iPod ko kaya hindi ko namalayan ang oras. Lumipas ang magdamag nang mabilis.


*    *    *


Kinabukasan ay dinaanan ulit ako ni Kevin. Kahit na alas diyes pa ang pasok niya ay maaga siyang pumunta ng bahay para ihatid ako. Alas otso kasi ang pasok ko. Tahimik lang kami mula sa bahay hanggang sa pagsakay sa kotse.

"Okey ka lang?" tanong niya habang nagda-drive.

"Yes."

"Parang hindi naman."

"Sorry, ha?"

"Para saan?"

"Basta."

"Yung sa Manila Bay ba ang dahilan?"

"Ha?"

"Napansin ko kasi, after ng Manila Bay bigla kang lumayo."

"Hindi."

"Nahihirapan ka ba?"

"Saan?"

"Sa atin."

"Oo. Lumayo muna tayo sa isa't isa. Siguro."

"Gano'n ba." Lumingon siya sa akin at ngumiti.

"Humanap ka ng iba, ng babae, na magpapasaya sa 'yo, ng higit sa akin."

Hindi na siya sumagot o tumingin man lang.


*    *    *


Maaga pa para sa unang subject ko at lalong mas maaga pa sa kanya. Ang aga kasi niyang pumunta ng bahay.

"Jollibee tayo? Libre ko," aya ko sa kanya.

"Hindi na. Baka ma-late ka pa."

"Maaga pa."

"Gumawa ka ng mga assignment mo ha."

Tumango ako.

"'Wag puro absent at cutting classes."

Tumango na lang ulit ako.

"Salamat sa'yo, Mark." Tinignan niya ako ulit. Nag-iba ang kanyang mga mata. Alam kong malalim ang kahulugan ng kanyang kakaibang tingin sa akin.

"Tara, Jollibee tayo," aya ko ulit sa kanya.

Ngumiti siya, kakaibang ngiti na hindi gaya ng dati.

Breakfast meal ang in-order namin. Kung dati tig-dalawang order kami, ngayon tig-isa na lang, hindi pa namin maubos-ubos.

"Mamimiss ko 'to," mahina niyang sambit habang kumakain.

Hindi na ako kumibo. Matagal bago naubos ang pagkain.


*    *    *


"Salamat," sabi ko sa kanya habang sinusuot ko ang aking bag. Nakaparada na kami sa parking lot ng school.

"Ingat ka, Mark."

"Saan ka pupunta niyan? Maaga pa para sa pasok mo."

"Basta. Bahala na. Sige na, bumaba ka na baka mahuli ka pa..." Ngumiti ulit siya.

Habang pababa ako ng sasakyan niya, napansin ko ang kanyang kanang braso. Nakasuot ang bracelet na bigay ko. Napansin niya 'yon kaya nginitian niya ako.

Hindi ko napigilan ang aking sarili.

Hinalikan ko siya sa pisingi.

Pumatak ang aking luha.

Lumayo ako. Nakita ko siya na nakapikit pa rin.

Bumaba na ako at sinarado ang pintuan ng sasakyan. Hindi ko na nagawang magpaalam. Bumusina siya ng mahina habang ako ay naglalakad na papalayo sa kanya. Itinaas ko na lang ang kanang kamay ko at hindi na muling lumingon pa.

Mas mahihirapan lang kaming parehas kung magtatagal pa 'to. Hindi na dapat mas lumalim pa ang kung ano mang meron sa aming dalawa.


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko