30
Kung kaya ko lang ibalik ang nakaraan, gagawin ko. Mas pipiliin kong hindi ko na lang makilala ang isang Kevin Huget sa buhay ko. Nagbago ang buhay ko, mas nagbago ang buhay niya. Nasasaktan ako ng sobra dahil nasasaktan ko siya.
Kung alam niyo lang kung gaano kabigat sa pakiramdam tuwing ako ay papasok na hindi siya kasama. Ang bagal ng pagdaan ng mga oras ko nung nawala siya sa buhay ko. Nasanay na 'ata akong lagi ko siyang nakikita.
No'ng mga unang araw, madalas kaming magkasalubong sa mga pasilyo ng eskwelahan. Lagi siyang may kasama at gano'n din naman ako. Kilala na ako ng mga kaibigan niya at gano'n din naman sa akin kaya hindi maiiwasang magkabatian at kaunting kwentuhan kapag nagkakasalubong sa mga daan. Nagkaka-ngitian pa rin naman kami ni Kevin pero hanggang do'n na lang. Madalas magtanong ang mga kaibigan namin kung bakit hindi na kami laging magkasama. Nagtataka silang lahat pero hindi na namin yo'n pinapansin pa.
Dumaan ang mga araw. Ginawa ko ang mga dati kong gawi tulad ng pagsama-sama sa mga dating mga kaibigan, paminsan-minsang labas at inuman, pagpunta sa mga dating tambayan, bla bla bla...
* * *
Wa-epek ang ingay ng alarm clock sa akin. Hindi ako nagising sa paulit-ulit na pag-iyak no'n. Marahil ay dahil na rin sa sobrang puyat na dulot ng nagdaang gabi. Hindi na naman kasi ako nakatulog agad dahil sa kakaisip ng kung anu-ano.
Maaga naman akong nakarating sa school... maaga para sa next subject. Absent na naman ako sa first subject, may quiz pa naman kami do'n. Kakausapin ko na lang siguro professor ko. Kailangan ko nga lang mag-isip ng magandang dahilan para makalusot.
Hihikab-hikab pa ako habang naglalakad pagpasok ng school. Marami akong nakitang mga kaibigan na nakatambay sa gilid-gilid pero hindi ko sila nilapitan. Patay-malisya lang ako kasi 'pag nagkataon matatambay lang ako kasama nila.
Nagpatuloy lang akong maglakad, mabagal, parang pagong sa kupad. Para akong naglalakad sa ilalim ng buwan.
"Pssst."
Hindi ko nilingon. Ayaw kong tumambay.
"Pssst."
Buset. Gusto kong pumasok! Hindi ko ulit nilingon.
"Hindi ka na namamansin."
Nasa likod ko na ang boses, malapit na sa akin. Hindi ko pa rin pinansin.
"Absent ka sa first subject mo."
Masmalapit na ang boses kaya mas nakilala ko 'yon. Pamilyar.
Huminto ako at agad nilingon ang likuran.
"Oh, bakit para kang nakakita ng multo?"
"Oy, Kevin."
"Tignan mo itsura mo. Haggard na haggard ka."
"May mga requirements lang akong tinapos kagabi," paliwanag ko.
"Hindi ako naniniwala." Ngumiti siya, ang kanyang ngiting nakakagago.
"Loko. Good boy na 'to."
"Tamad nga lang."
Napakamot tuloy ako ng ulo. "Bakit ka nga pala naglalakad?" tanong ko.
"Madalang na 'ko magdala ng kotse e."
"Bakit?"
"E wala ka na e. Wala na 'kong kasama."
"Ah. Sige na alis na 'ko. May gagawin pa ako."
"Ingat," mahina niyang sambit.
Tumango na lang ako.
Tumalikod ako at nagpatuloy sa paglalakad.
Hindi kami magkaklase ni Maggie sa araw na 'yon pero madalas kaming magkasalubong. Walang pansinan. Maliit lang ang mundo para sa amin. Magkasama kami sa iisang building.
Maaga na naman akong umuwi sa bahay. School-bahay-school lang ako lately hindi gaya dati na inaabot ako ng hatinggabi.
* * *
Nasa isang lugar ako na madilim, nag-iisa, natatakot. Naglakad ako nang naglakad. Sobrang layo ng nilakbay ko pero tila walang katapusan. Sa mga daan na aking nilagpasan, wala ako ni isang nakita o nakausap man lang. Pawis na pawis ako, pagod na pagod, takot na takot. Hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng paglalakbay na 'to.
Tinahak ko ang isang madilim at nakakatakot na daan. Sa dulo ay may maliit na lagusan. May kaunting liwanag akong nakikita. Nagmadali akong naglakad, tumakbo patungo sa butas na 'yon. Nakarating ako sa dulo.
Dali-dali akong lumabas. Nakita ko si Maggie na naghihintay. May kilik na bata, umiiyak. Hindi siya nagsasalita. Seryoso ang kanyang mukha. Nagpalinga-linga ako sa paligid, pero kami lang ang naroon. Ilang sandali pa ay inabot niya sa akin ang bata, umiiyak pa rin. Hindi ko 'yon kinuha. Pilit niyang ibinibigay sa akin ang batang bitbit niya pero nagmatigas ako. Lumayo ako sa kanila.
Nadapa ako, nakatingin pa rin sa kanila. Papalapit sila sa akin at ako naman ay nagsimula nang manginig sa takot nang hindi ko alam, hindi ko maintindihan. Kakaibang takot ang namutawi sa aking buong katawan.
"Mark... Mark!"
Nakita ko si Yaya sa aking harapan. Hawak-hawak niya ang aking balikat. Takot na takot pa rin ako.
"Mark, nananaginip ka," patuloy niya.
Dilat na dilat ang aking mga mata. Pawis na pawis at hinahabol ang aking paghinga.
"Nagising ako dahil sumisigaw ka kanina pa." Nanginginig ang boses niya.
Niyakap ko na lang si Yaya nang mahigpit.
"Anak, may problema ba?" Bakas sa kanya ang pag-aalala.
"Wala po," sabi ko.
Hinagod niya ang aking likod.
Halos gabi-gabi akong nananaginip ng mga nakakatakot na bagay tulad nito. Hindi ko maintindihan pero natatakot ako.
Hindi pa man ako nakakabalik sa pagkakahiga, sunod-sunod na text ang aking natanggap. Lahat 'yon galing kay Maggie. Gabing-gabi na kaya nakakapagtaka.
Mark delayed na ako ng ilang araw. Natatakot ako.
Mark natatakot ako.
Mark .
Mark...
Tuluyan nang bumaliktad ang mundo ko ng gabing 'yon. Hindi ko na alam kung kaya ko pang matulog dahil tiyak na iisip-isipin ko na naman 'yon buong magdamag.
Tumayo ako at nagbihis. Lumabas ako ng bahay. Bahala na kung saan ako makarating.
Dumaan ako sa bahay nila Kevin.
Dinalaw ko si Jollibee. Umorder ng B3. Kumain mag-isa.
Magbubukang liwayway na nang ako ay makauwi sa bahay. Pagod, puyat, inaantok.
* * *
Dumaan ang mga araw, linggo, at mabilis na nagpalit ang buwan. Mabagal pero hindi ko namalayan. Madalang na kaming magkita ni Kevin sa school at kung magkasalubong man, parehas na kaming umiiwas sa isa't-isa. Mas mabuti na siguro 'yon.
Nakatanggap ako ng mga tawag mula sa aking pamilya sa Canada, kay Mariel sa Saudi Arabia at sa ilang mga kaibigan.
Umaapaw ang inbox ng aking cellphone sa dami ng nagpadalang mensahe.
Ang dami rin nagpost ng greetings sa Facebook at Friendster accounts ko.
Hindi ako pumasok dahil mas gusto kong mapag-isa. Sa okasyong tulad nito na dapat ay pinagdiriwang kasama ng iba, mas pinili kong magkulong na lang sa bahay.
Tahimik lang kaming nagharap ni Yaya sa hapag-kainan. May ilang putahe siyang niluto, masyadong marami para sa aming dalawa.
"Mark, wala ka bang darating na bisita?"
"Wala po."
"Bakit naman?"
"Sa ibang araw na lang po siguro."
"Si Kevin?"
"Hindi po pupunta."
"Bakit?"
"Ewan."
Naputol ang aming usapan nang biglang bumuhos ang malakas na ulan.
Birthday ko ba talaga?