47
Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Naitulak ko siya sa balikat. Napaatras siya. Nakasarado pasuntok ang aking mga kamao, nanginginig sa sobrang galit.
"Ano... gusto mo suntukan na lang tayo, ha?"
Tinitigan lang niya ako. Hindi niya ako pinansin.
Tumalikod siya kasabay ng muling pagdilim ng screen. Kinuha niya ang kamay ng kasintahan at agad silang naglakad papalayo, pababa, habang ako ay naiwan na nakatayo at nakaharap sa wala.
Hinawakan ako ni Mariel sa braso, nanginginig pa rin ako. Napalingon ako sa kanya, bakas sa kanyang mukha ang pagtataka, naguguluhan marahil sa kung ano ang nangyayari sa amin. Bumalik naman ako sa upuan katabi niya. Niyakap niya ako at niyakap ko rin siya. Ang bilis pa rin ng tibok ng puso ko. Sigurado akong naririnig niya ang bawat pagkabog no'n.
Habang tumatawid ang bawat eksena ng pelikula sa aming mga mata, mabilis naman humuhupa ang bigat na kanina ko pa dinadala. Kasabay ng pagtatapos ng pag-ikot ng roleta, natapos na rin ang galit na aking nadarama.
Simula sa sinehan hanggang sa kanila, wala kaming masyadong napag-usapan. Ayaw pa sana niya umuwi pero ako na ang nagpumilit na ihatid siya. Gusto ko na kasi magpahinga ang sabi ko sa kanya.
"Hon, okey ka lang ba talaga?"
Bakas pa rin sa mga mata niya ang pag-aalala.
Tumango ako, ngumiti.
"Ingat ka sa pag-uwi. Text ka 'pag nasa bahay ka na."
Tumango ulit ako. Hinalikan ko siya... nagpaalam na.
"Teka," sabi niya. Lumapit ulit siya sa akin at yumakap ng mahigpit.
"Goodnight," sabi ko. Umalis na 'ko.
Pagdating sa bahay, diretso na agad ako sa kwarto. Pagbukas ko pa lang ng pintuan, nakita ko agad ang iPod na nakasabit malapit sa computer. Nilapitan ko yun, kinuha at binuksan para pakinggan. Humiga ako sa kama. Humilata ako, nakatulala at nakatingin lang sa malayo.
Inantok agad ako sa ilang kantang natapos ko. Pagpasok ng sumunod na kanta, bigla ko ulit siyang naalala. Ang bigat... bumigat na naman ang pakiramdam ko. Puta naman oo.
Hinubad ko ang iPod na pinakikinggan ko. Hindi ko na tinapos ang kasalukyang nagpe-play. Tinitigan ko lang 'yon nang matagal. Naglakad ako ng ilang hakbang papunta sa gawing pintuan. Tinitigan ko ulit ang hawak ko nang ilan pang saglit at pagkatapos ay itinapon ko na 'yon sa basurahan.
Beep. Beep.
Kinuha ko yung cellphone na nasa bulsa ko. Si Mariel.
Nakauwi kana ba? Tagal mo mag text.
Oo nga pala. Magte-text nga pala ako kapag nakauwi na. Nakalimutan ko.
Just got home. Thanks.
Message sent.
Napahikab ako. Nahiga ulit ako sa kama. Kinuskos ang mga mata. Tumagilid ako at pagkatapos ay dumapa. Naubos 'ata ang buong lakas ko at bigla akong inantok ng todo.
Beep. Beep.
Reply siguro ni Mariel.
Napahikab ulit ako. Inililapit ko ang cellphone sa mukha ko. Bagsak na ang mga mata kaya malabo na ang tingin ko sa maliliit na letra sa screen ng cellphone. Mabagal, pero mabuti kong binasa ang nakalagay sa text message ni Mariel.
I love you hon.
Tinype ko ang sagot ko.
Love y—
* * *
Naramdaman kong may humahaplos ng buhok ko.
Binukas ko ang mga mata ko. Inaninag ang nasa tabi ko.
Nagulat ako. Si Mariel.
"Bakit nandito ka?" tanong ko agad sa kanya.
Kanina pa siguro siya. Hindi ko na namalayan.
"Hindi ka na kasi nag-reply kaya nag-alala ako. Tinatawagan kita pero hindi mo sinasagot."
Kinuha ang cellphone ko. Hindi ko na pala nai-send ang reply ko. Ang dami niyang missed calls.
"Pa'no ka nakapasok dito?"
"Buti na lang nasa akin pa 'yung susi na binigay mo nu'n. Natatandaan mo? 'Eto oh."
Inabot niya sa akin. Ibinalik ko rin agad sa kanya.
Bumangon ako. Hindi man lang pala ako nakapagpalit ng suot. Naghubad ako at ginayak ang pamalit ko. Ibinukas ko ang TV at humanap ng magandang movie. Sakto, mukhang love story sa HBO.
"Hon, ligo muna ako, ha? 'Jan ka muna," paalam ko.
Inabot ko sa kanya ang remote control. Diretso na 'ko sa banyo. Nagbabad ako sa tubig para mabuhay ang dugo ko. Inaantok pa kasi ako. Thirty minutes 'ata ako naligo.
"Labas tayo?" aya ko habang nagpupunas ng buhok. Nakaharap ako sa salamin sa kwarto.
"Ha? Saan naman?"
"Kain tayo sa labas."
"'Wag na. Busog pa 'ko saka gabi na. Uuwi na rin ako maya-maya."
"I love you too."
"Ha?"
"Yung reply ko. Sorry hindi ko na naisend sa'yo."
"Ah."
Nilapitan ko siya. Niyakap. Hinalikan sa pisngi.
"Hon, salamat."
Niyakap din niya ako nang mahigpit.
"Dito ka lang. 'Wag mo 'ko iiwan."
* * *
December 25. 3 AM.
Ilang oras na ang nakakaraan ng umuwi ako galing sa bahay nina Mariel. Sa kanila ko sinalubong ang aking Pasko... unang Pasko na hindi ko kasama ang pamilya ko.
Nakatambay lang ako sa terrace, sa harap ng bahay. Naghihintay, nagbabaka-sakali na may dumating na bisita o kahit sinong tao na pwede kong makasama. Marami akong tinext na kaibigan at mga kakilala na wala akong kasama sa bahay, pero umaga na wala pa rin dumarating kahit isa. Sayang lang ang binili kong mga alak, baka kako mapasabak. Bad trip!
Sana pala pumayag na lang ako sa imbitasyon ng tatay ni Mariel na sa kanila na matulog. Ngayon, nag-iisa ako. Asar.
Tumawag pa si Mariel para kumustahin ako. Hindi na 'ko nagsinungaling. Sinabi ko na sa kanya na hindi ako sinipot ng mga kausap ko kanina. Pinababalik niya ako sa kanila pero tumanggi na 'ko. Sabi ko patulog na rin ako at 'wag na siya mag-alala pa. Ibinaba ko na ang telepono.
Nagpahangin pa ako ng konti. Naglabas ng tatlong malamig na San Mig at ang binili kong pulutan kanina. Sayang naman kung hindi titikman. Tutal, Pasko naman. Tamang pampaantok lang para madali akong makatulog. Baka kasi mag-drama pa 'ko mamaya mahirap na. Tama na ang lahat ng kabaduyan ko sa buhay.
Nagpatugtog ako ng music. Bahala na kung mabulahaw ang mga kapitbahay.
Mabilis kong naubos ang isa, dalawa at tatlong bote ng San Mig. Hanggang do'n lang sana ako pero parang wala lang, parang hindi naman ako tinamaan man lang. Naglabas pa ako ng isa... isang case na. 'Yon na lahat-lahat ng binili ko kanina. Bahala na kung hanggang saan ako abutin nito, kako.
Nakailang lagok pa ako ng naramdaman kong may amats na 'ko. Hindi pa naman sagad, pero nararamdaman kong nahihilo na 'ko.
"Mukhang nag-e-enjoy ka na kausap ang sarili mo, ah?"
"Gago, sino ka ba, ha?!"
Hindi pa naman ako bangag para hindi makakilala ng tao. Nakatayo kasi siya sa madilim na bahagi... sa bandang gilid ng gate kaya hindi ko mamukhaan kung sino.
May dumaan na sasakyan. Tinamaan ng ilaw no'n ang kanyang mukha.
"Bakit ka nandito?" tanong ko.
Binukas niya ang gate, pumasok siya.
"Para samahan ka," sagot niya habang naglalakad papalapit sa kinaroroonan ko.
Lumapit pa siya sa akin, sa kinauupuan ko. Tumabi.
"Hindi na. Umuwi ka na. Marami akong kasama."
"Sabi ni Mariel wala ka daw kasama."
Itinaas ko ang kamay ko na may hawak ng bote ng alak at sumenyas na umalis na siya. Nagulat ako ng bigla niyang hinawakan ang kamay ko at kinuha ang inumin na hawak-hawak ko. Tumungga siya ng isang lagok.
"Anak ng..." sabi ko na pagalit ang tono.