48
"Mark... pwede ba kitang makasama... kahit ngayon lang?"
Hindi ko nakita kung paano niya binitawan ang linyang 'yon pero malinaw naman na nakuha ng mga tenga ko ang sinabi niyang 'yon.
Hinatak ko ang case na nasa ilalim ng lamesa at kumuha ng dalawa... dalawang bote ng serbesa. Sinubukan ko buksan ang isang bote gamit ang ngipin ng tansan ng pangalawa.
"Oh, 'eto," sabi ko. Inabot ko sa kanya. Lumapit siya at hinatak ang upuan sa gilid ko. Umupo siya sa harap ko at kinuha ang bote ng San Mig na inaabot ko. Lumagok agad siya ng isa.
"Merry Christmas, Mark."
"Hindi merry ang Christmas ko." Napakunot siya ng noo. Hindi ko alam kung nalalasahan pa rin niya ang pait ng alak o mapait lang talaga ang naging sagot ko.
"Bakit naman?" tanong niya. Halatang medyo nag-aalangan pa siyang magsalita.
"Tignan mo naman ako. Mukha ba akong masaya?"
Hindi na nakakapagpreno ang bibig ko dahil siguro sa dulas ng alak na umakyat na sa utak ko. Nakailang bote na rin kasi ako—tatlo na ata—pang-apat ang hawak ko.
Tumungga ulit siya ng isa, matagal. Narinig ko ang sunud-sunod na lagok na umagos sa kanyang lalamunan.
"Mark... ano Christmas wish mo?" tanong ulit niya. Hindi pa naman siya lasing pero ang kulit na niya.
"Ang kulit mo. Uminom ka na lang 'jan."
Uminom ulit ako. Medyo mainit na 'yon. Hindi na swabe sa panlasa ko. Hindi ko na 'yon inubos. Hinipo ko ang natitirang mga bote ng alak sa case sa gawing paanan ko. Gano'n din, medyo mainit na rin.
Tumayo ako. Tumalikod at dumiretso sa loob.
"Oy, saan ka pupunta?" tanong na naman niya.
Sumenyas ako. "Kukuha lang ng ice cubes," sabi ko.
Bumalik ako sa harapan namin ni Kevin dala-dala ang pitsel na may yelo. Nagbukas ako ng dalawang bote at ibinuhos sa pitsel na hawak ko.
"Itabi mo na 'yang iniinom mo. Hindi na masarap 'yan. Hindi na malamig."
Nilabas ko sa bulsa ko ang baso na kinuha ko, dalawa, tig-isa kami.
"Isang baso na lang gamitin natin. Para naman tayong hindi magkaibigan niyan," sabi niya.
Napangiti ako. Oo nga naman.
Tinabi ko na lang sa gilid yung isang baso at ang isa naman ay nilagyan ko na ng alak. Mamuno-muno 'yon dahil sa kanya ko ibibigay ang tagay.
"Dahan-dahan lang, Mark, baka kasi malasing agad tayo. Gusto kong sulitin ang gabing 'to kasama ka."
Nagulat ako sa sinabi niya. Mukhang simpleng pangungusap lang naman 'yon pero parang hindi ko gaanong naunawaan ang nilalaman.
Binawasan ko ng kalahati ang baso na kanina ay puno. Kinuha naman niya pero hindi niya agad ininom.
"Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko.... Ano Christmas wish mo?"
"Ang kulit mo. Para kang bata na tanong nang tanong," sabi ko. Tinignan ko siya. Seryoso ang kanyang mukha.
Napakamot tuloy ako. Tumingin ako sa poste ng ilaw sa kalsada na natatanaw ko... napa-isip.
"Ah..." Umiling ako. "Hindi ko alam. Ikaw?"
"Sana maging masaya ka na."
Napabuntong-hininga ako. Ang lakas ng tama ng sinabi niya na 'yon, mas malakas pa sa tama ng alak na nainom ko.
"Salamat Kevin, Pare," na lang ang nasabi ko. Ngumiti ako kahit na mapungay na ang mga mata.
"Masaya na 'ko. Kasama na kasi kita," dagdag ko.
Ininom na niya ang baso na kanina pa naghihintay sa kanya. Kinuha ko ang pitsel at nagbuhos ulit ako. Itinaas, tinignan ko, mataas ang alak sa baso. Pinanindigan ko yun gaya ng paninindigan ko na 'wag siyang kalimutan... tinungga ko ang punong baso ng diretso.
Ibinulsa niya ang kanyang mga kamay. Tinitigan niya ako nang seryoso.
"Namumula ka na," sabi niya.
"Kevin... totoo ba... yung sinabi mo nu'n sa mall. Nu'ng isang, isang, isang araw 'ata 'yun," tanong ko, paputol-putol.
"Nu'ng twenty-one," sagot niya.
"Oo. Nu'ng twenty-one nga."
"Ano ba do'n?"
"Sinabi mo kasi na parang hindi naman ako ganu'n kahalaga sa 'yo."
"Ah..."
Natigilan ako. Napayuko bigla at napatitig sa baso.
"Hindi totoo yu'n. Sabi ko lang yu'n," sagot niya.
Napangiti na lang ako kahit na nakatago ang mukha ko.
Nakalimutan ko, sa kanya na pala ang ikot ng baso. Nagbuhos ulit ako, naparami ulit. Hindi ko na 'ata makontrol ang sarili ko. Lumalakas na 'ata ang sipa ng alak sa katawan ko. Nahihilo na 'ko.
Babawasan ko sana pero agad naman niya 'yon kinuha. Ininom niya 'yon ng straight.
Nagbuhos ulit ako. Pinuno ko ulit ang baso pero itinabi ko muna 'yon sa gilid para maya-maya inumin.
"Hindi ko alam kung ano meron sa 'yo. Hindi ko alam kung bakit ako nagkakaganito. Alam ko mahal kita gaya ng pagmamahal ko sa kanya." Lumalakas na ang loob ko. Mas nagiging malakas habang dumarami ang baso ng alak na naiinom ko pero ang luha ko, hindi ko na napigilan na muling pumatak. Mahirap pala kontrolin 'yon ng basta tapang lang.
Pinunasan ko ang mga mata ko ng braso. Kinuha ko ang baso na puno ng alak sa tagiliran ko. Naubos ko 'yon ng isang lagukan.
Tuluyan na 'kong bumigay. Naghalo-halo ang emosyon, tama ng alak, at pagod. Naramdaman kong unti-unti nang bumibigat ang katawan ko kaya dumukdok ako sa lamesa sa harapan.
Ilang sandali pa lumapit na siya sa akin, kinuha ang isang kamay ko, at nilagay 'yon sa balikat niya. Itinayo niya ako. Tumayo kami nang sabay.
"Tama na, Mark. Magpahinga ka na," sabi niya. Ang boses niya, kakaiba.
Wala na akong nagawa pa. Sumunod na lang ako sa paghakbang ng kanyang mga paa. Dahan-dahan, narating namin ang kwarto ko nang magkaakbay.
Nahiga agad ako sa kama habang siya ay bumaba pa para isara ang naiwang nakabukas na pinto. Bumalik naman agad siya at umupo sa tabi ko. Hinintay ko talaga siya bago ako tuluyan makatulog.
"Kevin, dito ka lang. 'Wag mo 'ko iiwan."
Inabot ko ang kamay niya, hinawakan yun nang mahigpit, at ipinikit ko na ang aking mga mata para umidlip.
Ilang sandali pa. Bumitaw siya sa pagkakahawak sa kamay ko. Ibubukas ko sana ang aking mga mata pero biglang dumampi ang kanyang labi sa aking nuo, bumaba sa pisngi, at nanatili sa labi... matagal... ang init ng kanyang mga labi. Ang bigat ng bugso ng kanyang hininga. Hindi ako gumanti. Mas pinili kong nakapikit.
Nagsimula nang lumakad ang kanyang mga kamay, parang tubig na dumudulas sa aking katawan. Hinawakan niya ako sa balikat at muling hinalikan.
Hindi ko na kinaya. Dumilat ako, bumungad sa mga mata ko ang mukha ng puso ko... kalahati ng puso ko. At siya 'yon. Si Kevin 'yon. Lumaban ako. Hinalikan ko rin siya... hinalikan ko siya sa mukha niyang maamo.
Sa mga sandaling 'yon, wala na akong iniisip pang iba... kung 'di siya.
Hinubad niya ang damit na suot ko. Nagpatuloy siya ng paghalik sa aking dibdib. Bumangon ako kahit na nahihilo. Tinukod ko ang siko ko sa kama at pinagmasdan lang siya.
Naghubad siya ng pantaas. Lumapit ulit ang kanyang mukha sa aking mukha, ang aming mga labi ay muling nagtama.
"Mark... ito ang pinakamasayang Pasko ko... dahil kasama kita," bulong niya.
Hinalikan niya ulit ako. Ngayon, napapaso na ako. Napadagan ang mainit niyang katawan kaya napahiga ako ng tuluyan.
Hingal. Pagod. Pawis. Tamis. Isang gabing hindi ko makakalimutan, kahit kailan.
Niyakap niya ako mula sa dulo hanggang sa pagpikit ng mga mata ko.
"Mahal kita" ang huling mga kataga na narinig ko mula sa kanya bago ako tuluyang makatulog. Naging mahimbing ang bawat minuto ng pagtulog ko dahil alam kong kasama ko siya.
* * *
Ang sakit sa balat ng pagtama ng sikat ng araw. Nakabukas siguro ang kurtina sa ulunan ko. Binukas siguro ni Kevin.
Kahit na hirap pang dumilat ang mga mata, pinilit ko ibukas ang mga 'yon at itinuon sa kaliwang bahagi ng kama kung saan siya nakahiga. Wala.
Kinuskos ko ang mga mata ko at agad bumangon. Hinanap ko siya. Hinanap ko siya gamit ang aking paningin na sabik sa kanya, nananabik na muli siyang makita.
Hindi ko siya nakita.
Tumayo ako. Bumaba. Tanging bakas na lang ng nangyari kagabi ang aking nakita. Wala na siya.
Bumalik ako sa kwarto. Naupo ako sa kama, nag-isip ng kung ano-ano. Karamihan do'n, puro siya.
Beep. Beep.
Hinanap ko ang cellphone ko. Natagpuan ko 'yon sa gilid ng kama. Ang daming nag-text. Text messages galing kay Mariel, sa mga kaibigan, kay Yaya, kay Lola, at kung kani-kanino pa. Lahat bumabati ng Merry Christmas.
May isang text na pinadala isang oras na ang nakakaraan.
Merry Christmas Mark. Wag ka na mangungulit ha. Wag kana magdadrama. Kay Mariel mo ibigay ang buong puso mo dahil siya ang karapat dapat para sayo. Mahalin mo siya dahil mahal na mahal ka niya. Ingat ka palagi. Smile. Bye.
Si Kevin.
Tinawagan ko agad siya, pero hindi ko na siya makontak pa.