3


"Anong gradwaiting?"

"Sure pass ka naman, ah?"

"Once a week lang naman 'to."

"Halos wala ka nang requirements, oh!"

"Sige na, please!"

Grabe, napakakulit talaga nitong taong 'to. Sinabi ko na ngang kahit araw-araw pa kami tumugtog sa bakasyon, ayos lang sa 'kin. Pero ayaw pa rin pumayag. Lahat na ng pambabara sa mga dahilan ko ginawa niya. Nakausap na raw nila 'yong Kevin Real at nakapagdesisyon na raw silang next week na 'yon agad.

"Isang set lang naman 'yon. Ta's five songs per set. Maximum na ng thirty minutes siguro 'yon. One-thousand pa 'yon kada tugtog, plus isang bucket at pulutan. 'Di na tayo lugi do'n."

"'Di naman 'yan ang iniisip ko e."

"E ano?"

Buong akala ko pa naman, nagkalimutan na tungkol do'n sa pagsama sa lineup ng 220 Productions dahil lumipas na ang isang linggo pero wala pa rin sa kanilang nagbabanggit tungkol do'n. Pero aba, itong si Bryan, kahit alam niyang ayaw ko, siya pa talaga ang nagpasimunong mag-contact sa number na binigay sa 'min no'ng judge sa Battle of the Bands, si Kevin Real. At syempre, sila munang apat ang nakaalam at nagdesisyon bago nila ako sabihan na simula sa parating na Huwebes, weekly lineup na kami sa 220.

Ang alam ko, medyo sikat na restobar dito sa Las PiƱas 'yong 220. Pero—seryoso—'di pa kasi ako nakakapasok do'n kasi hindi naman ako mahilig gumala, lalo na sa mga gano'ng lugar na samo't sari ang mga tao. Mas trip ko talaga 'yong sa bahay-bahay lang tumatambay, 'yong tahimik. Ayos lang kung may inom o wala dahil hindi rin naman ako mahilig sa alak.

At mas lalong okay din kung nandito lang ako sa condo ko.

Ewan.

Saka parang wala 'kong gana sa mga bagay-bagay ngayon.

Actually, sobrang walang gana talaga 'ko sa mga bagay-bagay. Tapos.

Nito kasing mga nakaraang araw ay may medyo masamang balita 'kong nasagap mula sa kapatid ko sa Canada. At sinasabi ko lang na medyo dahil kung titignan ko—siguro—halos wala namang epekto sa 'kin 'yon.

Sana.

Still, masamang balita pa rin 'yon. Walang makakapagpabago d'yan.

Tapos, dumagdag pa 'to si Bryan na nire-railroad ako sa pagbabanda.

Kaya kahit na proud na proud pa siya na sa 220 agad kami regular na tutugtog, binatukan ko pa rin siya. Makaganti man lang ako sa pagtatago niya sa 'kin ng mga nangyayari at pagdedesisyon niya para sa 'kin. Pero, mukhang handa na rin si Bryan sa reaksyon ko dahil may dala na kaagad siyang Champ, kaya kahit gusto kong magalit nang matagal ay hindi ko naman magawa.

Sino ba namang hindi lalambot ang puso sa Champ?

Shit. Amoy pa lang.

Bumuntong hininga na lang ako habang tatawa-tawa 'tong isa.

"Pre, buti kung simpleng jam lang 'yon. Tugtog na may bayad 'yon kaya syempre kailangan mag-practice kasi may expectation 'yon na maayos tayo. Dami pa tayong gagawing adjustment. Ta's may mga pag-aaralan na mga kanta kasi di naman pwedeng paulit-ulit kaya kahit sabihin mong maximum thirty minutes 'yung tugtog, 'yung prep naman no'n sobra-sobra."

"Kaya nga napag-usapan na namin 'yan—"

"Mga boss ko kayo e, 'no?"

"—kung five songs max na 'yon. Para naman daw fair sa 'yo, ikaw na mag-decide ngayon kung ano 'yung first five natin para kami lang muna mag-aaral. Tapos may one week pa tayo mag-decide para sa susunod."

"Ay wow, ang fair niyo naman pala!"

Tinawanan lang ako ng sira ulo, bago sumeryoso ulit ang mukha niya.

"Sige na, Yuan. Please. Minsan lang ako humingi ng favor sayo, oh. Please?"

Napamulagat ako do'n.

"Minsan? E kung batukan kaya kita ulit? Kapal amputa! Minsan daw."

Syempre, tinawanan niya lang ulit ako.

"Tangina. Um-oo na kayo do'n ta's saka mo lang ako kinausap. Imposibleng 'yung tatlo ang nakaisip n'yan. Ikaw pasimuno malamang."

Saglit siyang napaiwas ng tingin nang sabihin ko 'yon.

Sa totoo lang, alam ko naman talaga kung bakit pinipilit niya 'tong banda e. Pangarap kasi niya 'to, at ayaw siyang payagan ng parents niya. Malamang, gusto niyang makita kung kakayanin ba niyang mabuhay sa pagbabanda lang. Kaso, 'yong one thousand pesos, may mararating ba 'yon e lima kami sa banda? Kahit na araw-araw pa kami tumugtog, siguradong kulang pa rin 'yon. Buti nga, may sariling studio 'yong kambal e. At least, bawas gastos na kaagad 'yon sa practice.

"Kung kakausapin pa kasi kita, hindi ka papayag. Kahit na sa bakasyon pa 'yan i-sched."

Natawa 'ko. "Siguradong sigurado ka, ah?"

"Oh sige. Kung sa bakasyon, kailan tayo tutugtog?"

"E di pagkatapos n'yo mag-board exam."

"Kita mo na? Sa July pa 'yun. Wala tayong mararating kung ikaw magdedesisyon, kaya 'wag ka na tumangge, please."

"E um-oo ka na nga do'n e! Pa'no pa 'ko makakatanggi?"

"Buti alam mo!" sabi niya, with matching ngiting aso.

"'Tang ina mo, Bryan."

Kahit na ayaw ko pa, mas ayaw ko naman 'yong masira ang pangalan namin dahil sa hindi kami tumupad sa usapan. At alam ni Bryan 'yon. Kaya heto ako ngayon. Walang magawa kung 'di sumang-ayon na lang.

Sabi ko na nga ba. Nang pagbuksan ko siya kanina ng pinto at may dala siyang Jollibee, kung hindi ito nangangailangan, malamang ay may ginawang kasalanan sa 'kin 'to nang hindi ko nalalaman. Malay ko bang all of the above pala.

Kaso nang aabutin ko na mula sa pagkakalapag sa table 'yong supot ng Jollibee, bigla niya iyong hinablot.

"Akin na 'yan, 'tang ina mo!"

Humagalpak siya ng tawa. "Ba't, sa 'yo ba 'to?"

"Di 'wag. Madali naman ako kausap e. Dito ka ba kakain?" tanong ko, bago tumayo mula sa sofa. "Magluluto ako."

Lalo siyang tumawa pero hinawakan niya ko sa braso para pigilan akong makaalis.

Tinignan ko lang siya.

"Parang sira 'to. Nagbibiro lang e. Syempre sa 'tin 'to."

Isa-isa niyang nilabas ang laman ng dala niyang supot—Champ, dalawang peach mango pie, two-piece chickenjoy with rice, at spaghetti. 'Yong usual. Tig-isa kami sa peach mango pie, hati naman kami sa spag, kanya 'yong chicken, at akin naman 'yong Champ. Tumayo naman ako para kumuha ng Coke at yelo sa ref at dalawang baso. Pagbalik ko, nagsimula na kaming magtanghalian.

Nangangalahati na ko sa Champ nang mapansin kong hindi pa rin mapakali si Bryan sa kinauupuan niya. Hindi ko muna siya inusisa at inobserbahan ko lang siya. Kasi kung hindi 'yan nababagot, malamang may kailangan pa 'yang sabihin at hindi niya alam kung pa'no sisimulan.

'Yon nga lang, natapos na kami kumain ay hindi pa rin niya masabi kung ano pa bang dapat niyang sabihin sa 'kin.

Noong hindi ko na siya matiis—para kasing kiti-kiti e—iniabot ko na lang sa kanya 'yong remote ng TV.

"Ano 'to?"

"Remote."

"Tsss. Anong gagawin ko dito?"

"Para kasing nabo-bore ka jan e."

Nilapag niya 'yong remote sa tabi niya sa sofa at bumuga ng hangin paitaas bago tumingin sa 'kin nang seryoso.

Medyo—medyo lang naman—kinabahan ako.

"Tinawagan kasi 'ko ng mama mo kagabi e."

Natawa 'ko bigla nang marinig 'yon. "'Kala ko naman kung ano na e. 'Kala ko nabuntis mo si Jade."

"E alam mo na ba kung bakit?"

"Ano, sabi n'ya sa 'yo, pilitin mo 'kong sumunod sa kanya do'n?"

"Oo e—"

"Kung ayaw ko dati, mas lalong ayaw ko ngayon," sabi ko sa kanya. "Unang una, alam mo namang hindi kami close. Tapos ngayon, alam mo bang hiwalay na sila? Puro away sila ni Papa do'n. Tangina, gagawin pa nila 'kong referee do'n. Ta's idadamay ka pa ngayon!"

Napabuntong hininga ako at napailing.

Parang sira talaga 'yong dalawang 'yon. Ni wala nga sa isang beses kada taon sila umuwi dito sa Pilipinas simula pa noong magkaisip ako. Tapos, iisipin nilang gusto kong sumunod sa kanila do'n sa Canada ngayon? E di sana, noong bata pa 'ko, saka nila ako kinuha kay Lola para walang pilitan ngayon. 'Di ko sila gano'n kakilala para sumama sa kanila do'n, at 'di rin ako atat na umalis ng Pilipinas.

"Wait lang. Hiwalay na parents mo?"

Tumango ako. "Hiwalay ng kwarto," sabi ko nang may bahagyang tawa, sabay peace sa kanya. "Dalawa silang tumawag sa 'kin nu'ng isang araw. Ang tanda ko na ta's balak pa ko pag-agawan. Tapos, si Yuri, minsan halos magdamag akong 'di pinapatulog kakasumbong. Matagal na daw nag-aaway 'yung mga 'yun. Isipin mo, 'yung taong 'yon, napakabihira ako kausapin no'n dati. Pero dahil sa kanila, close na kami ngayon."

Natawa ko sa mga pinagsasabi ko.

"Dito na lang daw siya pagka-graduate niya ng highschool sa June. E kung susunod ako sa kanila do'n, e 'di nagalit naman sa 'kin 'yung kapatid ko. Kaya dito na lang ako. Hihintayin ko si Yuri. Makilala ko man lang 'yon. Kung sakaling magbago isip n'ya at 'di na s'ya tumuloy, ayos lang din naman sa 'king mag-isa dito."

I mean, sanay naman na 'ko.

Naalala ko tuloy bigla si Lola, at 'di ko naiwasang makaramdam ng pangungulila. Hindi na 'ko masyadong naiiyak ngayon, pero no'ng una talaga, hindi ko maintindihan ang sarili ko. Parang maya't maya, naiiyak ako.

Mahigit dalawang taon na rin mula nang pumanaw siya, at simula no'n, dito na 'ko sa condo tumira. Simula no'n, mag-isa na lang talaga 'ko dito sa Pilipinas. Nag-iisang anak niya kasi si Mama. May mga malalayong kamag-anak naman kami pero hindi kami close at wala silang pakialam sa 'kin.

Sa side naman ng Papa ko, hindi ko alam kung anong issue ang mayro'n sila. O baka gano'n lang talaga sila magturingan. 'Yong tipong naghahayaan lang sila. 'Yong tipong "buhay ka pa naman, 'di ba?"

Naaalala ko pa, noong niregaluhan ako ni Lola nitong condo no'ng nagsimula akong mag-college, lalo kong naramdaman 'yong pagdistansya nila sa 'kin. At no'ng mamatay si Lola at iniwanan ako ng two million sa bangko, ni walang nakaisip sa kanilang mag-text o mag-message sa 'kin sa Facebook ng "condolences". Hindi sa naghahanap ako noon ng kalinga mula sa kanila, pero ano ba naman 'yong iparamdam sa 'yo ng mga kamag-anak mo na hindi ka mag-isa? As if naman, napakalaking pera ng two million para kainggitan nila. E pa'no kung tanga ako't ipinambili ko ng Fortuner 'yon?

Hindi ko nga alam kung pa'no nila nalaman 'yon e. Basta isang araw, tinadtad na lang ako ng mga message ng mga pinsan ko na manlibre daw ako. Nang tanungin ko sila kung anong mayro'n, ang sagot nila sa 'kin, rich kid na daw kasi ako. Napaka-insensitive lang talaga nila. Sa isip ko, si Papa ang sinisisi ko, pero hindi ko na siya tinanong pa kung sa kanya nga ba nanggaling ang balita tungkol do'n.

Naisip ko tuloy, kaya ako binigyan ni Lola ng pera at titirahan, dahil alam niyang ganito ang mangyayari sa 'kin. Siguro kung 'yong as usual sa batas na naipamana lahat sa mama ko ang kung anumang mayro'n ang lola ko, malamang napilitan na 'kong mag-Vancouver dahil no choice ako no'n kung 'di ang umasa sa parents ko. Agad-agad din kasing binenta ni Mama 'yong bahay ni Lola. Kaya ang sama lang talaga ng loob ko sa kanya. Gusto ko pa sana kasing magtagal do'n para man lang sa alaala ni Lola.

Buti na lang at hanggang sa huli talaga, inalagaan ako ni Lola.

Sa dalawang taong mag-isa 'ko dito sa Pilipinas, maliban sa pag-uwi nina Yuri, Mama, at Papa para sa libing ni Lola, isang beses lang ulit ako dinalaw nina Mama at Papa. Pinapunta pa rin naman nila akong Vancouver noong Paskong pagkatapos mamatay ni Lola, pero hindi na 'ko nakaulit nitong nakaraan dahil nga graduating na 'ko at idinahilan kong masyadong maraming kailangang tapusin sa school. Kahit wala naman talaga.

Kina Bryan ako noong buong Christmas break na 'yon—ayaw ko, kaso sinundo niya 'ko dito sa condo at ipinag-empake. Sa kanya lang din ako sumandal no'ng namatay si Lola at hinding-hindi ko makakalimutan 'yon sa buong buhay ko. Kaya lahat siguro ng leeway, kaya kong ibigay sa kanya. Siguro.

Kaya iyong pagre-railroad niya sa 'kin sa gig sa 220, masasabi kong hindi naman 'yon ganoon kalaking atraso.

"Dapat popcorn pala dinala ko dito e," tatawa-tawang sabi nitong si Bryan. "Sarap mong panoorin—umuusok ilong mo e haha!"

Pinakita ko sa kanya 'yong middle finger ko. "Basta, 'di nila ko mapipilit pumunta do'n."

Bumuntong-hininga siya. "Buti naman. Kasi ayo' ko rin namang pilitin ka."

"'Pag tinawagan ka pa ulit, sabihin mo magkaaway tayo."


   
Buy Me A Coffee