4


Parang hindi bar 'yong 220.

Mas parang restaurant siya.

Pero sa bagay, maraming bar—lalo na mga acoustic bar—ay restaurant din.

Actually, mula sa labas, obvious na dati siyang malaking bahay na converted na ngayon sa resto. Ginawang open space 'yong buong ground floor para lagyan ng mga mesa't upuan. Pagkapasok, 'yong pinakaharap, hinati sa dalawa. Sa kaliwang bahagi, nando'n 'yong bar. Sa kanan naman, nando'n ang stage. One-fourth na bilog ang hugis no'n, pero hindi naman mukhang maliit. Kasya naman kaming lima kahit pa may drum set na ro'n.

Kaya, kung ang balak mo lang ay mag-inom sa bar, para ka na ring nasa VIP section ng concert.

Sa likod ng stage at 'yong buong kaliwang side ng resto, nababakuran 'yon ng glass partition. 'Yong buong side at likod na 'yon ng resto ay mukhang 'yong dating garden nitong bahay na smoking section na ngayon. Marami ring table do'n at maaliwalas. Mukhang masarap tambayan dahil may ilang puno. Siguro, three-fourths no'ng bilang ng mga table ang may sariling canopy at one-fourth naman ang wala.

'Yong second floor—actually, loft siya—ay halos kalahati ng ground floor. Natatakpan no'n 'yong side ng resto magmula sa entrance. Doon siguro masarap pumwesto, lalo na sa mismong tabi ng rail kung maganda ang tugtugan.

Medyo nawiwirduhan lang ako sa layout ng lugar, pero ako lang siguro 'yon.

Akala ko noong una, magiging matao rito, kaso hindi naman dikit-dikit ang mga mesa kaya mukhang magiging maaliwalas naman. Hindi katulad sa Padi's na halos magkasandalan na kayo ng mga nakaupo sa mga katabing table. Kaya kapag nayayaya talaga ako do'n, napakabihira 'kong sumama.

Tapos, no smoking pa dito sa loob. Nag-aalala kasi akong baka umuwi akong amoy ash tray.

Dahil d'yan, medyo nabawasan naman kahit papaano 'yong nararamdaman kong pagkabalisa. Malayo kasi sa ine-expect ko kanina ang impression ko ngayon. Dagdag pa na kanina, bago kami pumasok ng bar, kasama ang pangalan ng banda namin doon sa malaking LED display sa harap.

Nakaka-boost din pala ng confidence 'yong gano'n.

Seven PM kami naka-sched tumugtog—opening, pang-una sa lineup—kaya six-thirty pa lang, dumating na kami. Wala naman ding kaso sa 'min kasi galing kaming lahat sa school, at malapit lang 'yon dito.

Dumiretso si Bryan sa manager na nakatayo malapit sa bar habang kaming apat naman ay pumwesto muna sa booth na malapit sa guard sa entrance.

"Yu," sabi Ron, "Trip mo dito, 'no?"

"Weh. Bakit naman?"

Napangiti lang siya.

"Mga ganitong lugar daw kasi ang gusto mo, sabi ni Bryan no'ng pumunta kami dito," sagot niya.

Natawa 'ko, at may pagka-sarcastic 'yon. Naalala ko na naman kasi 'yong ginawa nilang pagdedesisyon para sa 'kin. Napatawad ko naman na sila pero nakakabwisit lang kasi.

"Sakto lang," sabi ko. "'Di talaga 'ko mahilig maglabas-labas kasi ayo' ko rin nang masyadong gumagastos. Pero oo, ayos dito."

Tumango-tango lang 'yong tatlo.

"E kayo ba? Ayaw niyo dito?"

"Ako, sakto lang din 'to. Lalo na kung tutugtog," sabi ni Chester. "'Yung ibang banda nga kailangan pa mag-pass ng audition vid para lang makasali sa production e. E tayo, kasali na agad sa lineup. 'Yun nga lang, pang-Thursday lang. Pero 'di na masama para sa first time."

"Tagal mo kasi nagpakipot, Yu," sabi ni Bon nang may halong tawa. "Ayaw naman pumayag ni Bry na 'di ka kasama."

"Tss. Di sana sinabi niyo sa 'kin para napilit ko si Bryan maghanap ng ibang vocals."

"Sira! 'Di 'yon papayag," sabi ni Ron. "Saka ikaw rin naman talaga ang gusto namin, kaya oks na 'to kahit ngayon lang tayo nagsimula."

"Oo, ikaw ang gusto namin," natatawang pagsang-ayon ng kakambal niya na may pag-emphasize sa 'namin'. Tumango-tango lang si Chester habang nakangiti nang may ani mong kahulugan.

Natahimik ako at napatingin sa papalapit naman sa 'ming si Bryan.

"Oh, bakit nagba-blush si Yu?" nagtataka pero nakangiti niyang tanong.

Tumawa 'yong tatlo.

"'Na n'yo."

Napailing lang si Bryan.

"Ano, tara na?" sabi niya sa 'min. "Pwede na daw tayo mag set up do'n."

Sabay-sabay kaming tumayo—'yong kambal at si Bryan para kunin ang mga gamit nila sa Fortuner no'ng kambal at kami naman ni Chester para tumulong sa kanilang magbuhat kung kailangan. Drum sticks lang kasi ang baon ni Chester. Samantalang ako naman, sarili ko lang ang dala ko.

Saktong alas syete ng gabi, nakatuntong na kaming lima sa stage at handa nang tumugtog.

"Good evening!" bati ko sa mangilan-ngilan na ring mga tao. Kung tama ako, halos kalahati na rin ng mga tables sa loob ang may laman. Halo-halo sila—may mga estudyanteng gaya namin, mayroon ding mga nagtatrabaho na.

Sumenyas ako, at sinimulang paluin ni Chester ang beat ng Belief ni John Mayer.

"We are Crybb, your first band for tonight."

At saka lang pumasok ng intro si Bryan.

Is there anyone who ever remembers changing their mind from the paint on a sign?

Is there anyone who really recalls ever breaking record off for something someone yelled real loud one time?

Sa kalagitnaan ng kanta, napatingin ako sa pintong malapit sa bar nang bumukas iyon. Naagaw ng puting ilaw mula sa loob no'n ang atensyon ko. Sa pinto, mayroong signage na iyon ang kitchen nitong resto. Nagulat ako nang lumabas mula doon si Mark, 'yong marinong R 'n B. Nakaitim siyang T-shirt, jeans, at half apron—uniform ng waiter sa 220. May dala siyang tray na may plato ng pagkain. Nang lumingon siya sa stage at makitang nakatingin ako sa kanya, ngumiti siya sa 'kin at nag-thumbs up.

Ngumiti naman ako habang kumakanta at nag-thumbs up rin pabalik sa kanya.

Sa totoo lang, ngayong tumutugtog na kami, inaamin ko sa sarili kong nakaka-miss din pala 'yong ganito. Huling beses kasi na nag-gig kami ni Bryan ay noong high school pa kami, at sa birthday lang 'yon. Ngayon lang talaga kami nakatugtog sa isang bar. Kahit na, oo, sumali kami sa Battle of the Bands kamakailan lang, iba 'yong pakiramdam no'n e. Iyong Battle kasi, naramdaman kong gustong manalo ng mga ka-banda ko kaya nandoon 'yong pressure na hindi ka dapat magkamali. Na dapat galingan mo. 'Yong dapat magpakitang gilas ka.

Pero itong gig, walang ganoong klaseng pressure. Masaya siya.

Malaya.

'Yong pakiramdam mo, pwede mong gawin ang gusto mo.

Parang dati lang din, noong mga panahong nangangarap pa lang kami. Pakiramdam ko, bumabalik ako doon. Pakiramdam ko, parang gusto kong mangarap ulit.

What puts a hundred thousand children in the sand? Belief can, belief can.

What puts a folded flag inside his mother's hand? Belief can, belief can

Nang magsimula nang mag-intro para sa Hangover ng Sugarfree, sinulyapan ko si Bryan sa kanan ko. Ang laki ng ngiti ng hayop. Parang nakahithit. Nakita ko na naman ngayon kung gaano siya kasaya sa pagtugtog. I mean, alam kong masaya siya 'pag tumutugtog kami. Pero 'yong ganito kasaya ngayong naggi-gig kami, ang tagal na noong huling nakita ko ito. Almost four years na rin. Bakas na bakas 'yong sayang 'yon sa mukha niya. Sayang lang dahil 'di siya nakikita nina Tito at Tita ngayon.

Medyo na-guilty tuloy ako na ngayon lang ako pumayag sa gusto niya.

Bubuntong hininga pa sana ako nang bahagya niyang sipain ang paa ko.

"Tumutulala ka pa," sabi niya. "Patapos na intro."

Napangiti na lang ako.

Mahirap bumangon.

Anong nangyari kahapon?

Pa'no umabot dito?

Nang makita kong nag-eenjoy ang mga kasama ko ay nadala na rin ako. O mas tama sigurong sabihin na nagpadala na ako. Nagpatangay na 'ko sa agos ng kung anumang damdamin ng mga saglit na 'yon. 'Di ko na napigilang magpakasaya rin katulad nila. Pati pagkanta ko ay naiba ko na rin kumpara sa routine ko sa practice namin.

Tama naman si Bryan e. Thirty minutes lang 'to. Make the best of it na lang.

Akala ko kasi no'ng una, lalong babalik 'yong mga alaalang pilit kong kinakalimutan 'pag ginawa namin 'to. Pero ngayong nandito na 'ko sa taas ng entablado at kumakanta—'di ko alam kung bakit, pero—mas lalong nalilihis ang mga alaalang iyon sa aking paningin. Mas lalong nababaon sa limot. Mas lalong natatangay ng alon palayo.

Ito lang pala ang gamot.

Sobrang iba sa sinasabi ng kinakanta ko ngayon.

Lumangoy sa alaala mo.

Lumangoy hanggang malunod sa iyo

Natapos namin ang set namin nang may kaunting pagkakaiba sa practice namin ngunit walang palya. Kung mayro'n man, hindi ko na namalayan. Para kaming nag-jam lang sa studio.

Bukod pa do'n, mukhang hindi lang banda namin ang nag-enjoy sa pagtugtog, kun' di lahat din ng nakikinig sa 'min sa 220.

Napakasarap no'n sa pakiramdam.


   
Buy Me A Coffee