5


Hindi ko na natulungang magligpit ang mga ka-banda ko pagkatapos naming tumugtog. Pagkatapos kasi ng set namin, agad akong nilapitan no'ng manager at dinaldal nang todo. Ang dami niyang sinasabi na umiikot lang sa "ang galing niyo" at "parang hindi niyo first time mag-gig". Wala naman akong magawa kun' di tumango at ngumiti nang awkward—feeling ko gano'n ang ngiti ko—at magbigay ng sagot paminsan-minsan. Hanggang sa nakita ko na lang sila Bryan na palabas ng resto at dala-dala ang mga gamit namin. Napakamot ako ng ulo habang nakatingin sa kanilang direksyon. Napatingin din 'yong manager sa tinitignan ko.

"Uy, pasensya na," patawa-tawa pa siya. "Naabala na pala kita. 'Di mo na natulungan mga kasama mo."

"Ayos lang, Sir," ang naging sagot ko na lang. Kahit na kanina ko pa siya gustong takasan.

"Basta, tuloy-tuloy niyo lang 'yan! Si Sir Kevin ang bahala sa inyo," sabi niya. "Malay niyo, i-line up niya kayo sa Nineteen East."

Magugustuhan 'yon ni Bryan. Highschool pa lang kami, pangarap niya nang makatugtog kami do'n e. Kaso nga, nagkawatak-watak kami agad pagka-graduate at natagalan naman siya bago niya ako nakumbinsing mag-banda ulit. 'Di ko tuloy maiwasang ma-guilty na naman dahil do'n. Pakiramdam ko, ang laki ng utang ko sa kanya.

Ewan ko ba. Lagi ko namang sinasabi dati sa kanyang humanap na lang ng ibang vocalist. Wala namang kaso sa 'kin kung palitan niya 'ko. Hindi naman matatapos ang pagkakaibigan namin dahil lang do'n.

Kaso, 'eto na e. Saglit lang 'yong set namin kanina pero parang nabuhayan ako ulit. 'Di ko maipaliwanag.

Parang lalong ayaw ko na munang magtrabaho.

Parang ang gusto ko na lang munang gawin ay kumanta.

Parang 'di ko na talaga alam kung ano ba talaga ang dapat kong unahin.

Bahala na.

"Oh, ito"—inabot sa 'kin no'ng manager ang isang sobre na may handwritten na pangalan ng banda namin sa likod—"'yung talent fee niyo 'yan. Hanap na lang kayo ng pwesto dito at ipapasunod ko na lang 'yung bucket at pulutan niyo. Una na ko sa'yo at mag-iikot pa 'ko dito."

Nginitian ko siya. "Salamat po, Sir."

Saktong kababalik lang galing sa labas ng mga ka-banda ko nang iwan niya 'ko sa baba ng stage. Sabay na tumuro sa taas 'yong kambal nang mapansing nakatingin ako sa kanila. Tumango na lang ako bilang pagsang-ayon dahil doon din naman ang gusto kong pwesto, pagkatapos ay lumakad na 'ko pasunod sa kanila. Saka sila nagsimulang umakyat papunta sa mezzanine kasama si Chester, habang mukhang naiwan pa rin sa labas si Bryan.

Pahakbang na 'ko paakyat ng hagdan nang pumasok si Bryan kaya hinintay ko na siya. May kausap siya phone at rinig ko pa ang "bye, love" niya bago niya ibinulsa 'yon.

"Si Jade?"

Umakbay siya sa 'kin at nagsimula na kaming umakyat. "Oo, nagre-report lang ako."

"E ba't daw wala siya dito?"

"Next time na lang daw kasi may tinatapos pa silang project."

"Oh, e ba't nagtatampo ka pa 'jan?"

Sinimangutan niya 'ko at binatukan ako gamit ng kamay niyang nasa balikat ko. "Hindi ako nagtatampo."

Hindi daw? Tinawanan ko na lang siya.

Relationship goals talaga 'yang sila Bryan at Jade. Siguro dahil na rin sa sobrang matured na mag-isip ni Jade. Kasi kung si Bryan lang, napaka-isip-bata n'yan. Gusto laging nakabuntot sa girlfriend niya simula pa no'ng ligawan niya ito no'ng first year college pa kami.

Actually, kung hindi dahil kay Jade, malamang hindi na kami magkaibigan nitong si Bryan. Ramdam ko kasing si Jade 'yong mismong gumagawa ng paraan para kahit papaano ay nagkakasama pa rin kami in Bryan, lalo na at hindi naman ako 'yong tipong mahilig mamilit kung ayaw sumama sa 'kin ng tao. Kapag nagpapasama kasi ako kay Bryan o kaya nagpapaalam ako kay Jade para magpasama sa boyfriend niya sa mga lakad ko, ang bilis niyan pumayag. Siya pa minsan ang namimilit kay Bryan na samahan ako. Ramdam kong may tiwala siya sa 'kin bilang kaibigan ni Bryan.

Sobrang supportive niya rin sa boyfriend niya sa mga extracurriculars, lalo na sa pagba-banda. Talagang marami lang siyang ginagawa ngayon dahil kasama siya sa student council. Noon pa, kita ko na sa kanyang ang gusto lang niya ay makitang masaya si Bryan. Kaya kung ako ang tatanungin, siya ang gusto kong makatuluyan ni Bryan.

Tingin ko naman, pareho nilang alam 'yon.

Sa table sa pinakadulo sa tabi ng railing nakapuwesto sila Chester at 'yong kambal. Saktong saktong nakatapat 'yon sa stage. Mukhang seryoso sila sa usapan nila kaninang panoorin lahat ng naka-line up na banda ngayon.

Sa aming tatlo nina Bryan at Chester, wala namang problemang magpagabi. Marami akong dahilan noon kay Bryan no'ng pinipilit niya 'kong mag-gig pero alam ko namang halos maluwag na rin ang mga sched namin ngayon dahil graduating na kami at patapos na rin ang sem. Kaso, inaalala ko lang itong kambal. Buti sana kung hindi engineering ang course nila. Isa pa 'yong nasa fourth year pa lang sila. Pero, alam naman nila siguro kung anong ginagawa nila.

"Kung wala ka lang talagang girlfriend, Bryan, iisipin namin, mag-jowa kayo ni Yu," ang bati sa amin ni Bon nang makalapit kami sa kanila.

Ramdam ko 'yong pag-init bigla ng mukha ko sa bati niyang out of the nowhere. Buti na lang, hindi gaanong maliwanag.

"Tanga, kabit ko 'to," ang balik sa kanya ng ungas na ikinatawa naman namin. At, talagang inalalayan pa 'kong umupo.

Binatukan ko nga.

Ang totoo, ilang beses na kaming nai-issue ni Bryan na tagong mag-jowa. Basta naluluma na 'yong current tsismis sa year nila—kasi mga ka-year ko rin sila dati sa Rad Tech—at wala nang masyadong mapag-usapan, biglang may bubuhay no'ng issue namin. Kaya, sanay na kaming dalawa. Kaso, hindi naman alam ng kambal na paulit-ulit na 'yon. May pagka-isolated kasi ang mga engineering sa school—lalo na mga third year and up—dahil solo nila ang isang building. Kaya, bigla akong nakaramdam ng hiya.

Masyado kasing touchy-feely 'tong si Bryan kung sobrang kumportable niya sa tao. Dahil sanay na 'ko sa kanya simula pa no'ng highschool kami, naging normal na 'yon para sa 'kin na umabot na sa puntong hindi ko na napapansin. Minsan nga, 'yong akbay n'yan sa 'kin nagiging himas na sa leeg ko, lalo na 'pag pareho kaming tulala at malalim ang iniisip.

"Pero, Yu," sabi ni Ron, "Tagal mo nang single ah."

Buong college na nga e.

Muntik na 'ko matawa. Para kasing may tinutumbok 'yong tanong niya. Pero maaari ring wala. Sa isip-isip ko, napapakibit-balikat na lang ako.

"Wala e. Nu'ng una, nagmu-move on lang kasi talaga ako. Hanggang sa nasanay na lang ako."

Tumango-tango naman 'yong kambal sa sagot ko. Parang ang dating tuloy sa 'kin, ang tagal na nilang dalawang pinag-uusapan 'tong subject na 'to. Hindi rin naman kasi talaga 'ko mahilig mag-share ng mga personal na bagay sa kung kani-kanino. Usually, dine-deflect ko na lang 'yong tanong. Pero siguro dahil do'n sa moment namin kanina sa stage, gumaan 'yong loob ko at naging mas kumportable pa 'ko sa kanila kaya napasagot ako nang makatotohanan.

Kita ko rin sa mukha ni Bryan na may kaunting gulat siya sa mukha na sinagot ko 'yon nang hindi sarcastic o pabiro. Napangiti na lang siya sa 'kin nang nakakaloko.

"Kayong kambal kayo, kung may balak kayo dito sa kabit ko, bilis-bilisan niyo naman. Galingan niyo! Sawang-sawa na ko dito e hahaha!"

"Tigilan mo nga, Bry," iiling-iling ko na lang na pagsita kay Bryan. "Anyway, ano pala gagawin natin dito?" tanong ko sa kanila, sabay lapag sa table no'ng sobreng naglalaman no'ng talent fee namin.

"Tago muna natin, tingin niyo?" Si Chester.

"Yep, tago muna." Si Bon.

"Oo, habang 'di pa natin need." Si Ron.

"Ikaw na magtago, Yu," sabi ni Bryan, at tumango naman 'yong tatlo.

"Okay."

Nag-usap-usap na kami ng arrangement sa line up namin para sa susunod na Huwebes. Gusto rin nilang subukang tumugtog ng original, dahil 'yon naman talaga ang pinaka-goal once na mapasali ka sa mga ganitong production company hanggang sa magkaro'n ka na ng fan base na magkaka-interes sa EP mo. O kaya naman, 'yong may magkainteres na label sa banda niyo. Kaso, isang malupit na suntok sa buwan 'yan lalo na dito sa Pilipinas.

May original naman kami ni Bryan mula sa dati naming banda, pero parang masyadong juvenile 'yong mga 'yon. Actually, mas tamang sabihing corny 'yong mga 'yon kaya nag-aalangan naman akong i-suggest.

Sa huli, napagkasunduan na lang naming pakinggan ang mga composition ng bawat isa. Bilang pag-substitute din sa original song namin, magko-cover na lang kami ng kanta sa sarili naming style. Ang inaalala ko lang, para sa 'kin, wala pa kaming gaanong chemistry para magkaro'n ng style.

'Pag style kasi ang usapan, naiisip ko lagi 'yong cover ng Lifehouse sa Somewhere Only We Know, 'yong cover ng The Calling sa One, 'yong cover ng The Fray sa Heartless, or 'yong cover ni Damien Rice sa Hallelujah. Lalo pa 'yong cover ni Chis Cornell sa Billy Jean. 'Yong alam mo agad na cover 'yong kanta, pero alam mo ring hindi siya kopya ng original. 'Yong nare-recognize mo pa rin 'yong tunog ng banda or singer kahit na hindi sa kanila 'yong kinakanta nila. Para sa 'kin kasi wala pa kaming gano'n—'yong sariling tunog. Pero malapit na. Kaunti na lang.

Ilang saglit pa ay dumating si Mark sa pwesto naming dala ang isang bucket at isang sizzling plate ng sisig. Mukhang ako lang yata ang nakapansin kanina na dito siya nagtatrabaho. Kahit kasi nakilala naman siya agad ni Bryan, parang nagulat pa ito nang makita siya.

"Uy, pre! Ikaw 'yong R 'n B na magaling kumanta ah?"

Napakamot ng ulo si Mark. "Sakto lang, schoolmate. Masmagaling pa rin si Yuan."

"Ulol, Mark. Ba't nasali ako bigla?"

"Idol kita e," sabi niya nang may ngiti, sabay tapik sa balikat ko. "Kahit anong genre walang tapat sa 'yo."

"Kung kami nga lang masusunod, fans club ang itatayo namin e. Hindi banda. 'Di ba, Ron?" biglang sabat ni Chester.

"Hay nako, fan na fan ako niyan ni Yu!"

'Di ko napigilang matawa. "Gago! Tigilan niyo 'ko."

Pinakilala ko naman si Mark sa mga ka-banda ko. Pinaalala ko na rin na siya 'yong kumakanta ng R 'n B no'ng suma-shot kami sa MJ noong University Week. Kaso parang kami lang 'ata ni Bryan 'yong nakikinig no'ng mga oras na 'yon dahil kahit um-oo 'yong tatlo sa 'kin, blangko pa rin 'yong mga mukha nila. Hinayaan ko na lang.

Nagpaalam na rin agad sa 'min si Mark na babalik na siya sa trabaho niya. Bago naman siya umalis ay um-order pa 'yong kambal ng dalawa pang bucket at chicken neck at calamares.

"Oi," sabi ni Bryan, "Kung sinuman sa inyong kambal ang magda-drive, two bots lang ah? Gusto ko pa mabuhay nang matagal."

Sumaludo naman sa kanya 'yong dalawa.

Tumutungga ako ng San Mig Light nang nag-vibrate ang phone ko sa mesa. Sabay pa kami no'ng tsismosong si Bryan na napatingin sa display.

Si Yuri, tumatawag. Napakunot ako ng noo.

"Excuse lang, guys. Tumatawag kapatid ko."

Nagmadali akong lumabas ng resto bago ko siya sinagot. Ang daming sasakyan sa kalsada dahil sa traffic, pero buti na lang at hindi naman masyadong maingay. Actually, 'yong mga ugong nga lang ng mga makina ang tunog e. Para bang tanggap na nilang parte na 'yon ng buhay dito sa Las PiƱas.

"Hey, Bro."

"Kuya." Halata sa boses niyang kagigising niya pa lang, pati na rin ang matinding pagkabwisit. "They're at it again!"

Napatingin ako sa relo ko. "Five o' clock pa lang 'jan ah? Ng umaga."

"Exactly!"

Natahimik ako. Hindi ko alam kung ano bang dapat kong sabihin sa kanya. Hindi ko alam 'yong pakiramdam ng buong buhay kong kasama sa isang bubong ang mga magulang ko at ngayon ay nag-aaway na sila. At hindi lang basta away 'yon ngayon, dahil hindi na nila pinili ang oras. Diyos ko naman. Sinong matinong mag-asawa—o kahit sinong tao na lang e—ang mag-aaway nang alas singko ng umaga?

"I can book a flight for this weekend with my own money, Kuya. Ayo' ko na dito."

"Yuri, 'wag. Kailangan mo muna maka-graduate," pagtutol ko. "Napag-usapan na natin 'to. Oks lang sa 'kin pumunta ka dito, basta may highschool diploma ka. Kasi kung wala, uulit ka ng senior year dito. Trust me, that's worse."

"Pero, Kuya, 'tang ina naman!" Narinig ko siyang bumuga ng hangin. "Fuck!"

Kahit nakakatawang marinig siyang nagmumura nang may accent, hindi ko nagawa. Napabuntong hininga na lang ako. "Sige, stay put ka lang muna 'jan, ha? Tatawagan ko sila."

"Hindi na ba talaga 'ko pwede mag transfer 'jan?"

"Hindi na siguro, Ri. Patapos na 'yung school year dito. Most schools, two weeks na lang."

Saglit siyang natahimik. "Okay. Can you just call them?"

"I will. Hindi sa ayaw kitang pumunta dito, okay?"

"I know, Kuya. I'll see what I can do about that diploma. I know I have a lot of credits."

"Kung makuha mo nang masmaaga—promise—ayos lang talaga sa 'kin. You know I have room for you here."

"Thanks, Bro."

"No prob. Bye."

Pagka-disconnect ko sa tawag niya ay agad ko namang tinawagan sa Whatsapp ang papa ko. Ang totoo, hindi ko alam kung sino sa kanila ang tama kong tawagan. Pero, sa pagkakakilala ko kasi sa kanila, mas levelheaded ang papa ko. Kaya umaasa akong makikinig siya sa 'kin. Sana.

Matagal bago niya 'ko sinagot. Kinailangan ko pa siyang tawagan ulit.

"Do you know what time it is here?!" ang bungad niya agad sa 'kin sa mataas na boses, na akala mo ang laki ng kasalanan ko sa kanya. Ni hindi man lang bumati muna. Nakaramdam ako ng inis do'n. Akala mo naman, talagang nagising siya sa tawag ko.

"Do you?"

"Bastos ka ah! Anong klaseng sagot 'yan, Yuan?!"

Pilit kong pinakalma ang sarili ko. "Pa, kanina pa daw kayo nag-aaway 'jan. Baka naman po pwedeng 'wag masyadong malakas? Alas singko pa lang po ng umaga."

Natahimik siya nang matagal. Akala ko nga na-disconnect na ang tawag, pero pagtingin ko, ay ongoing pa rin naman.

"Pa?"

"I'm sorry," sabi niya sa mababa nang boses. "Tinawagan ka ba ni Yuri?"

Hindi ko sinagot ang tanong niya. "Pa, baka po pwedeng 'wag naman ganito kaaga?"


   
Buy Me A Coffee