6


Hindi ko naman akalaing maririnig kong sumisinghot na para bang umiiyak ang papa ko sa kabilang linya.

Oo, hindi kami close. Pero, wala rin naman akong malaking galit sa kanya o sa kanila ni Mama kaya hindi ko siya—sila ni Mama—gustong makita sa estadong kinaroroonan nila ngayon. Hindi sapat 'yong kaunti kong sama ng loob sa kanya para maisantabi ko 'yong kasalukuyan niyang nararamdaman.

Kahit kasi halos pinabayaan na nila 'ko dito sa Pilipinas, pinalaki naman ako ng lola kong naniniwalang mahal nila 'ko. Kaya, parang kay Santa Claus lang, noong una naniwala ako doon. Pero, kahit hindi na 'ko masyadong naniniwala do'n ngayon, bahagi pa rin 'yon ng dahilan kung bakit ngayon ay parang wala lang sa 'kin 'yong pambabalewala nila sa 'kin simula pagkabata ko. Kumbaga, dahil sa gabay ni Lola, natutunan ko nang tanggapin nang maluwag iyon bilang parte na ng buhay ko. At dahil do'n, hindi ko kailanman naging hangad na may mangyaring kasiraan o masama sa kanila.

Pero, baka naman kasi praning lang talaga ako at baka naman may sipon lang talaga siya.

"Pa, ano po ba kasing problema?"

Narinig ko siyang malakas na suminghot sa kabilang linya, bago ilang saglit pa ay nagsalita na rin. "Sorry, Yu. Sa 'min na lang muna siguro 'to. Pasensya na kayo, ha? Pati ikaw 'jan nadadamay pa sa gulo dito."

Hindi naman ako nakaramdam ng pagkadismaya sa hindi niya pagsasabi sa 'kin ng kung ano man 'yong problema nila. Hindi ko na rin siya pinilit na magsabi pa. Ang totoo, kahit na medyo concerned ako—medyo lang naman—para pa rin akong nakahinga nang maluwag nang tumanggi siyang sabihin sa 'kin kung ano 'yong pinag-aawayan nila. Hindi sa ayaw kong malaman kung ano man 'yon, pero ayaw ko lang na hindi sinasadyang mapagitna ako sa away nila. Sapat na sa 'kin 'yong pagkakadamay ko ngayon bilang kapatid ni Yuri.

Hindi ko na rin binanggit kay Papa ang plano namin ni Yuri. Saka na lang siguro, 'pag kasado na ang lahat. Tutal, in-assure naman ako ni Yuri na kahit tanggap na siya sa mga ibang inapplyan niyang college do'n, hindi pa siya nag-e-enroll. Wala pa silang nababayaran. Kaya, walang kaso kung dito na niya sa Pilipinas pipiliing mag-aral.

Balak ko sanang humingi ng tulong kay Papa para do'n sa highschool diploma ni Yuri, pero baka kabaligtaran lang ang mangyari. Kaya, hindi ko na sinabi pa ang plano namin sa kanya. Ayaw kong magalit sa 'kin ang kapatid ko kung sakaling mabulilyaso lang 'yon dahil sa 'kin.

Natapos ang pag-uusap namin nang walang kinahinatnan. Pero, siguro, opinyon ko lang 'yon. Nangako naman kasi siyang hindi na sila mag-aaway—at least—nang ganito kaaga roon. Pero, hindi naman kasi ako naniniwalang naipapangako ang mga gano'ng bagay. Mas tama siguro kung nangako na lang siyang ayusin kung ano mang pinag-aawayan nila sa lalong madaling panahon. Kaya, imbis na matuwa ako sa sinasabi niya, mas lalong ginusto ko na lang na tapusin na ang tawag namin.

Nanatili pa 'ko sa labas pagkatapos naming mag-usap ni Papa, nakatitig lang sa mabagal na paulit-ulit na pagtigil at pagsulong ng mga sasakyan sa daan. Saka ko lang din napansing tumutugtog na pala sa loob 'yong bandang sumunod sa 'min. Sakto lang ang lakas ng tunog dito sa labas para makaengganyo ng mga dumaraan upang pumasok sa resto. Hindi iyon malakas na maririndi ang mga dumaraan.

Gusto ko mang pumasok na para manood ay mas gusto kong pagpagin muna itong nararamdaman ko. Tuluyan na kasing nawala sa katawan ko 'yong hype na naramdaman ko kaninang nagpe-perform kami. Napalitan 'yon ng halu-halong inis, kaunting lungkot, at pagkalito. Akala ko kasi, wala 'kong pakialam pero akala ko lang pala 'yon. Apektado pa rin pala 'ko kahit kaunti. Kung ten out of ten si Yuri, mga two out of ten naman ako. Or three, siguro.

Mas okay sana kung zero.

Kaso, may mga bagay sigurong mahirap talaga pigilang maramdaman.

"Okay ka lang?" sabi ng boses sa kaliwa ko kasabay ng naramdaman kong pagtapik sa likod ko.

Si Mark. Naka-tuck out na 'yong itim niyang T-shirt at hindi na rin niya suot 'yong half-apron. Nakasuot siya ng itim na cap at may nakasukbit na itim na knapsack sa balikat niya. Para lang siyang tatambang ng holdap sa isang madilim na eskinita. Pauwi na siya. Siguro.

Iniisip ko tuloy kung kanina pa ba siya do'n sa likod ko at nakikinig. Tsismoso, 'lang 'ya.

Napatingin ako sa kanya nang may pagtataka at, siguro, medyo masama na rin dahil bigla siyang nagkaro'n ng kaunting taranta sa mukha niya.

"Uy! 'Wag ka magalet," sabi niya, tatawa-tawa, habang nagkakamot ng ulo. "Nakatulala ka kasi 'jan kaya kita tinatanong. May masamang nangyari ba?"

Umiling ako, hindi bilang sagot sa tanong niya, kun' di upang subukang ipagpag ang utak ko. Syempre, alam ko namang walang epektong pisikal 'yon, puro sa isip lang. Pero, para sa 'kin nakakatulong kasi 'yon. Feeling ko. Kaya nga sa isip lang e. Basta, parang pang-reset ba.

Tama, oo nga pala. Kanina, palakad-lakad ako habang kausap ko si Papa at wala naman ako nakitang ibang tao sa paligid maliban sa guard sa entrance ng resto at mga pailan-ilang dumaraan.

Pilit kong nginitian si Mark. Pero, pakiramdam ko, ngiwi 'ata 'yong naibigay ko sa kanya. "Oks lang ako, Pre."

"Parang hindi naman."

Ang seryoso ng tingin niya, walang kurap. Na-realize ko tuloy na itim pala ang kulay ng mga mata niya. As in black. Itim din naman ang kulay ng mga mata ni Bryan, pero hindi 'yon ganyan ka-black. Itong kay Mark, parang 'yong sinasabi ni Nietzsche na abyss. Basta. 'Di ko alam kung bakit pero kinabahan ako bigla. Napaiwas na lang ako ng tingin.

Pinilit kong tumawa, pero kahit sa sarili kong pandinig, alam kong peke 'yon. "Oks lang talaga 'ko."

"Hmm. Gets," sabi niya. Ramdam ko 'yong titig niya sa gilid ko kahit na sa ibang direksyon ako nakatingin. "Yayayain sana kita e, kaso alam kong hinihintay ka na nila du'n sa loob."

"Next time."

Narinig ko ang bahagya niyang pagtawa. "Sabi mo 'yan ah? Nakalista na 'yan."

The fuck? Napamaang ako sa kanya. Wala ba 'tong alam sa polite rejection?

"Sige, una na 'ko," sabi niya nang nakangisi, 'yong para bang kaunti na lang ay tatawa na siya dahil alam niya kung anong nasa isip ko ng mga saglit na 'yon.

Hindi na niya 'ko hinintay pang sumagot. Walang lingon siyang lumakad palayo at pa-zigzag siyang nakipagpatintero sa pagitan ng mga sasakyang kasalukuyang stuck sa mabagal na traffic ngayon sa Alabang-Zapote Road. Tantsa ko, 'yong aircon bus na pa-Alabang ang tinutumbok niya. Bigla siyang lumingon sa kinaroroonan ko, ngumiti, at kumaway bago ko pa magawang magkunwaring sa iba ako nakatingin. Saka lang siya lumiko bago siya natakpan ng bus at tuluyan nang nawala sa paningin ko.

Napakunot ako ng noo at umiling upang muling subukang pagpagin ang isip ko.

'Tang ina kasi e.

'Di ko ma-gets kung anong trip niya.

At kahit na ayaw ko nang alalahanin, hindi ko napigilan ang paglitaw sa isip ko ng pangalan ng taong hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maintindihan, isang taong gusto ko nang makalimutan. Kaso nga, naaalala ko na naman.

Pareho kasi sila ni Mark.

'Yong para bang wala ka nang choice kun' di matangay na lang sa agos nila at pagkatapos ng lahat ay maiiwan ka na lang na disoriented.

O, siguro, ako lang ang nakakaramdam no'n.

Ewan.

Hindi ko alam.

Pero, hindi lang 'yon. No'ng una pa lang, naalala ko na si Thor sa kanya, no'ng kinanta pa lang niya 'yong I'd Rather sa MJ. Para talaga siyang si Thor, 'yong drummer namin ni Bryan noong highschool na nasa US na ngayon. Hindi sa itsura. Pero sa dating, sa ere, sa ugali, Thor na Thor siya.

Si Thor na lagi kong kinukumpitensya sa kantahan noon 'pag kami-kami lang na magtotropa. Si Thor na idol kong kumanta ng R 'n B pero masgustong maging drummer ng rock band. Si Thor na walang sabing umalis at pagkatapos ay walang ginawa kun' di mag-post sa Facebook at Instagram ng mga pagpaparty niya kung nasa'n man siya. Si Thor na bago umalis nang walang paalam ay hinalikan muna 'ko at nagpagulo sa mundo ko kaya kami naghiwalay ni Hannah. Si Thor na in a relationship na ngayon sa Facebook.

Putang ina mo, Arturo.

Kung parehas man sila ng trip ni Mark, 'tang ina niya rin.

Isang masakit na pitik sa tenga ang halos magpatalon sa gulat sa 'kin at bumali sa muli kong pagmumuni-muni. Napahawak ako sa kanang tenga ko sa sakit. Hindi ko na kailangang tignan pa kung sino 'yong salarin.

"'Tang ina mo naman, Bry."

"Kanina ka pa kasi nawawala e," sabi niya, sabay change topic. "'Musta? Ayos ka lang ba?"

Naalala kong nakita niya nga pala kung sino 'yong tumawag sa 'kin kanina.

"'Yung totoo, biglang nasira araw ko," sagot ko nang may pagkibit ng balikat. "Ayos na sana e. 'Andito na oh," sabi ko, habang nakataas ang kamay sa ere na para bang may pinapatungang masmatangkad sa ulo ko.

Tinapik-tapik niya 'ko sa likod at saglit ring natahimik habang nakatitig sa nakaka-hypnotize na mabagal na pag-usad ng mga sasakyan.

"Tara na. Iinom mo na lang 'yan."

"B.I."

Wala namang pagtutol na lumabas sa bibig ko nang akbayan niya 'ko't may pwersang iginiya papasok ng 220.

Tama nga siguro.

Iinom ko na lang.


   
Buy Me A Coffee