7


Nang sumunod na Huwebes ay si Mark ulit ang naghatid ng libre naming bucket at pulutan sa table namin.

'Di tulad no'ng nakaraan, walang balak magtagal ngayon 'tong mga kasama ko dahil finals na nila sa susunod na linggo. Except nga lang pala do'n sa kambal kasi next next week pa 'yong finals nila dahil hindi pa naman sila graduating. Kaya, bale si Bryan at si Chester lang talaga ang kailangang mag-aral nang puspusan ngayon. Ako naman kasi ay isang subject lang ang exam dahil sa exempted na 'ko sa iba at tapos na rin kami ng mga ka-group ko sa lahat ng requirements namin sa thesis.

Madali lang naman kasi ang Communications—o mas tamang sabihin sigurong nadalian lang ako sa Communications. Noong una kasi, binalak kong mag-Rad Tech para lang makasama kay Bryan dahil sa ayaw kong mag-college mag-isa. At dahil na rin sa, no'ng mga panahong 'yon, hindi ko pa alam kung anong gusto kong course. Pero, buti na lang at maaga pa lang, na-realize kong hindi para sa 'kin 'yon.

Actually, kahit itong Communications, alam kong hindi rin talaga para sa 'kin 'tong course na 'to. Tinatapos ko na lang dahil sayang naman 'yong ginugol kong oras. Saka para na rin magkaro'n lang ako ng degree. Kumbaga, ba't ko pa pahihirapan ang sarili ko sa isang medical course na hindi naman para sa 'kin kung pwede naman akong kumuha ng course na kahit hindi para sa 'kin ay madadalian naman ako? Saka, kahit tanungin naman ako ngayon, hindi ko pa rin naman alam kung ano ang talagang gusto ko.

Alam mo 'yon? Bente na 'ko pero wala pa rin akong pangarap.

Wala naman sigurong masama ro'n.

I mean, ga-graduate pa nga 'kong cum laude kahit na ubod ako ng petiks e. Kasi nga, madali.

Pwede naman siguro akong mag-Law kung sakali.

O kahit isa pang bachelor's degree.

O kaya mag-call center muna.

Pero kung tutuloy akong mag-banda ngayon, labas na siguro 'tong call center sa mga option ko.

Bahala na.

Kung sakaling dumating 'yong panahong ma-realize ko na kung ano talaga 'yong gusto ko, saka na lang siguro ako magseseryoso. Sana lang, pagdating ng panahong 'yon, hindi pa huli ang lahat.

"Ano 'yun?" pabulong na tanong ni Bryan sa 'kin.

"Ang alin?"

"'Yun," madiin niyang pagkakasabi habang nakaturo ang hinlalaki sa likod niya.

Tumingin muna ko kay Chester na nasa harap namin. Nakaupo siya at busy sa phone niya kaya hindi niya kami pinapansin. Lumingon naman ako sa direksyong tinuturo ni Bryan. Ang tanging pwede lang niyang ituro ay kung hindi mga upua't mesa, ay ang papaalis nang si Mark na may dalang tray. Malapit na ito sa hagdan pababa.

"Si Mark?" Napakunot ako ng noo. "Bakit?"

"'Di mo pinansin."

"Tinanguan ko ah?"

"Tumango ka pero hindi ka sa kanya nakatingin."

Napatigil ako't napatingin kay Bryan. "...ano naman?"

"Magkaaway ba kayo?"

"Hala. Wala kaming pag-aawayan, 'no."

"E ba't 'di mo nga pinansin?"

"Pake' mo ba?!"

"So tama nga 'ko? Hindi mo nga pinansin."

Ganyan naman talaga usually kakulit si Bryan, pero hindi ko talaga napigilang magtaas ng boses. Naiinis ako, at hindi ko alam kung bakit. Saglit lang na napatingin sa 'ming dalawa si Chester bago muling bumalik din agad sa phone niya ang atensyon niya.

Ngumisi si Bryan. "Meron ka ba ngayon?"

Binatukan ko siya.

"Ang weird mo, ha."

Sakto namang dumating na 'yong kambal galing sa sasakyan nila sa labas kaya hindi ko na pinatulan pa 'yong huling comment nitong ungas.

Sa totoo lang, hindi ko rin maintindihan ang sarili ko. May bahagi sa 'king gustong maging kaibigan si Mark at may bahagi ring ayaw dahil naaalala ko sa kanya si Thor. Nagkataon lang na sa pagkakataong ito, 'yong bahaging ayaw maging kaibigan si Mark ang nanalo. Pakiramdam ko kasi, delikado. Pakiramdam ko, kung magtutuloy-tuloy pa 'yon, mauulit lang 'yong nangyari dati. At hangga't maaari, ayaw ko nang mangyari 'yon.

Hindi ko kasi naisip na gano'n na pala kalalim 'yong nararamdaman ko noon kay Thor hanggang sa gabing hinalikan niya 'ko. Na mas mahal ko na pala siya kaysa kay Hannah—kung talagang minahal ko nga si Hannah. Nakakainis lang talaga, kasi, bigla na lang siyang nawala—si Thor. 'Di man lang niya 'ko binigyan ng chance. Ni hindi rin siya nagpaliwanag kung para saan 'yong halik na 'yon. Buti sana kung sa pisngi lang 'yon, kaso hindi. Tapos inulit pa niya nang may kasamang dila. 'Yon pala, kinabukasan na ang flight niya at hindi man lang niya ipinaalam sa 'min.

Kaya, naiwan na lang akong gulong gulo sa lahat.

Hindi ko man lang nalaman kung para saan ba 'yon. Kung may feelings ba siya sa 'kin, kung libog lang ba 'yon, o kung curious lang ba siya.

Habang ako, kung anu-anong pumapasok sa isip ko no'ng mga panahong 'yon. Paulit-ulit. Walang tigil.

Bakit gano'n 'yong naramdaman ko? Hindi ko alam. Bakla ba 'ko? Hindi siguro, nagse-sex nga kami ni Hannah e. Mahal ko ba si Thor? Hindi, miss ko lang siguro 'yon. 'Tang ina, oo, mahal ko pala siya. Mahal na mahal ko pala 'yon. Bakit ngayon ko lang nalaman? Mahal ko pa ba si Hannah? Hindi na, si Thor pala ang mahal ko simula pa lang. Bakit gano'n? Minahal ko ba si Hannah? Hindi ko alam, pero mahal ko si Thor. Pa'no na ngayon? Ewan ko. Bakit niya 'ko hinalikan? Pinaghihintay ba niya 'ko?

'Yon ang pinakaunang beses na makatotohanang nasabi ko sa sarili kong para 'kong tanga.

Nakipag-break ako no'n kay Hannah nang hindi ko man lang maipaliwanag nang maayos kung bakit. Hindi naman ako nasaktan do'n sa pakikipag-break ko sa kanya e, pero 'yong pag-iyak niya, 'yong pagmamakaawa niya, doon ako nasaktan. Kahit papa'no kasi, mahalaga siya sa 'kin, at hindi ko ginustong magmakaawa siya sa 'kin nang tulad ng ginawa niya no'n. Kaso, wala na talaga. Kahit na gustuhin ko pa. Pinilit ko naman no'ng una e, kaso wala talaga.

Hindi ko akalaing gano'n kabilis 'yon. Na sa isang iglap, sa halik ni Thor, mabubura lahat ng pagmamahal na akala ko'y mayro'n ako para kay Hannah..

At ginusto kong malaman kung bakit gano'n. Kaso nga, nasa US na 'yong ulol. Ni message sa Facebook, wala. Gusto ko sanang malaman kung bakit gano'n na lang 'yong naramdaman ko, pero hindi ko na nalaman kung bakit kasi wala nga siya para ma-explore ko kung ano man 'yon. Gusto ko sanang maghintay na makabalik siya, kaso hindi ko alam kung kailan pa ba 'yon. Tapos, kung kailan gulong gulo na 'ko sa lahat, saka pa biglang in a relationship na siya sa Facebook. Sa lalaki.

Sobrang sakit no'n. Hindi ko alam kung bakit pero sobrang sakit 'yong naramdaman ko no'n.

Para 'kong pinipiga no'n sa kaloob-looban.

Ilang araw ko rin iniyakan 'yon.

Lalo kong naintindihan no'n kung ano 'yong naramdaman ni Hannah noong nakikipag-break ako sa kanya. Doon ko unang naintindihan kung ano 'yong ibig sabihin ng heartbreak, kung bakit tinawag iyong heartbreak, at kung anong pakiramdam no'n.

Hindi malaman ni Lola no'n kung ano ang gagawin sa 'kin hanggang sa nagpatulong na siya kay Bryan.

Napaamin tuloy ako.

Pero nakaraan na 'yon. Naka-move on na talaga 'ko. Inabot pa nga ng buong college, 'di ba?

Kumbaga, kaya ako lumilingon ngayon sa pinanggalingan ko, para maiwasan ang mga dapat iwasan para makarating ako sa paroroonan ko. Kung saan man 'yon.

Pero kung sakaling bukas, biglang magpakita sa harap ko si Thor, sana makadalawang sapak muna 'ko sa kanya. Or kahit isa. Mailabas ko lang 'yong sama ng loob ko sa kanya. Pagkatapos no'n, ayos na ulit kami.

Pero 'yong tahakin pang muli 'yong daang iyon?

Ayaw ko na.

"Oh, guys! Kamusta kayo?" bati sa 'min ng matangkad na semikal na lalaki.

"Uy, sir!" halos sabay-sabay na bati no'ng apat kong ka-banda.

Napatitig lang ako sa bagong dating, pilit kong kinikilala. Pamilyar kasi ang itsura niya. Iniisip ko tuloy kung naging prof ko ba siya. Pero parang hindi, kasi medyo bata pa siya. 'Di ko maalala kung sa'n ko siya nakilala, pero alam ko, dapat kilala ko siya.

Siniko ako ni Bryan. "Si Sir Kevin 'yan."

"Ha?!" ang di ko napigilang pagbulalas dahil sa sobrang pagkagulat na ikinatawa naman ng mga kasama ko.

"Sabi ko na, Yuan, 'di mo ko makikilala e," sabi niya sa 'kin nang nakangiti.

Grabe ang iniba ng itsura niya. Bukod sa semikal na nga 'yong buhok niya, manipis na lang din 'yong bigote't balbas niya, 'yong nipis na sakto lang kung kaninang umaga lang siya nag-ahit. Ibang-iba 'yon sa itsura niya no'ng University Week na may makapal na bigote't balbas at may nakakainggit na man bun.

"Ikaw pala 'yan, Sir! Sayang naman 'yung buhok mo."

Humila siya ng upuan at pumwesto sa kabilang side ni Bryan. "Ikakasal na kasi 'ko e. Ayaw ni fiance nang masmahaba ang buhok ko sa kanya."

Nagkatawanan lang kami sa table.

"Gusto niyo pa ba?" tanong niya habang nakaturo sa bucket at pulutan. "On the house na."

"Naku, Sir. 'Di kasi kami magtatagal," sagot ni Chester.

"Finals na kasi namin next week e," dagdag pa ni Bryan.

"Ah, oo nga pala, March na! Ay teka," baling sa 'kin ni Sir Kevin. "Buti napapayag ka ng mga 'to, Yuan? Sabi nila sa 'kin tentative lang 'yung tugtog niyo kasi baka ayaw mo daw."

Naramdaman kong uminit bigla 'yong mukha ko sa hiya. Tumawa 'yong tatlo at nag-peace naman sa 'kin si Bryan.

Napakamot ako ng ulo. "Tamad kasi 'ko lumabas-labas, Sir."

"Nako, e pa'no 'yan? 'Yung last week pa nga lang na gig niyo may nagtatanong-tanong na tungkol sa inyo e. Actually, kaya 'ko kayo pinuntahan kasi baka sana interested kayo mag-gig ng Wednesday and Friday din? Pang opening slot pareho and dito lang din sa Two-Twenty."

"Payag kami, Sir!" buong excited na sagot ni Bryan.

Halos sabay-sabay namang tumawa at tumingin sa 'kin si Chester, Ron, at Bon.

"Tanungin mo kaya muna mga ka-banda mo," may pinupuntong tugon naman ni Sir Kevin kay Bryan, na halata naman din kung sino dahil sa 'kin lang siya nakatingin.

"Ako bahala 'jan, Sir. Walang palag 'yan. 'Wag ka mag-alala!"

Pinitik ko si Bryan sa tenga. "Pero, Sir, okay lang ba mag-acoustic lang minsan?" tanong ko. "Magfa-finals na kasi 'tong mga 'to e."

"Kita mo na, Sir!" natatawang singit ni Bryan.

"Choice niyo naman 'yon as a band," sagot ni Sir Kevin sa tanong ko. "Bale, same rate tayo 'pag Wednesday. 'Pag Friday naman, one-five. Saka nga pala, hindi naman required na ubusin niyo every night 'yung bucket, ha? Nakakabitin 'yon." Tumawa siya. "Pwede niyo naman ipunin kung gusto niyo, ta's saka kayo magwalwal."

Para siyang teacher. At para naman kaming mga bobbleheads na tumatango-tango sa kanya.

"Pagkatapos ng school year niyo na 'to—or kahit starting ngayon din, kung gusto niyo-sabihan niyo lang ako or si John kung gusto niyo pa tumugtog after dito. May mga lineup pa kami sa ibang bar, and may mga kilala din akong prod na interested sa inyo. Pero 'wag lang kayo mag-expect masyado sa rate sa iba, ha? Sakaaa... need ko pala kayo i-introduce kay Sheila. Siya kasi nagha-handle ng prod lineups namin."

Tumango-tango lang ulit kami.

"By the way, magkano po ba, Sir, sa iba?" tanong ni Ron.

"'Wag mo nga 'ko po-in," natatawang sagot sa kanya ni Sir Kevin. "May five hundred. May as low as three hundred. Pero I suggest, kung seryoso kayo dito, lahat ng kasya sa sched niyo, ku'nin niyo lang para sa exposure. Don't forget din 'yong originals niyo. Eventually naman, 'yung offers na mismo ang lalapit sa inyo e. Just don't do more than three bars a night. Papatayin niyo sarili niyo no'n lalo na kung magkakalayo pupuntahan niyo. Lalo na si Yuan. Boses ang puhunan n'yan. Lalo pa kung every night niyo balak tumugtog? Naku. Pero kung magkakalapit lang naman 'yung mga bars and hindi hassle sa travel, diskartehan niyo na lang. Basta, 'wag niyong patayin ang sarili niyo. Not worth it. Saka mag day off kayo. Importante 'yon.

"Gusto ko sana kayo i-manage, kaso ang dami ko talagang ginagawa ngayon para sa kasal ko saka other stuff dito sa resto." Napabuntong hininga siya. "Bigyan ko kayo ng list ng mga prod friends ko na may lineup sa Aguirre, ha? Para malapit lang dito. Send ko sa 'yo, Bryan. Kayo na bahala mag-contact sa kanila. Sabihin niyo I referred you, and I'll vouch for you. Oks?"

'Di ko alam kung anong mayro'n, pero halos sabay-sabay ulit kaming limang napatango-tango na parang bobbleheads. Natawa lang siya sa 'min.

"By the way, for tomorrow, you can do 'yung set niyo last Thursday. I'll be here. Gusto ko marinig. Maganda daw, sabi ng kapatid ko."

"Ayos! Sige, Sir," pagsang-ayon ni Bryan.

Maigi na 'yon, para 'di na namin kailangan mag-practice pa. Saka, ako ang gumawa ng lineup na 'yon, kaya trip ko lahat 'yong mga kantang 'yon. Kung sakali kasing bagong set ng kanta ang kailangan naming tugtugin, pwede naman kaming mag-acoustic muna ni Bryan o no'ng kambal. Pero mas okay kung full band na agad kami bukas para sa introduction namin sa Friday crowd.

"Oks na tayo?" paninigurado ni Sir Kevin habang tinitignan kami isa-isa.

Wala naman kaming problema.

"Good. 'Yung mga sinabi ko, ha? Saka, you have another bucket at pulutan on me tonight. Take it tomorrow if you want."

Natahimik kaming lima pagkaalis niya. Walang nagsasalita. Kapwa mga ligaw sa sariling mga pagde-daydream. Tanging tunog ng maya't mayang paglapag ng bote ng beer sa mesa lang ang naging boses namin.

Hanggang sa parang baliw na biglang tumawa si Bryan nang walang dahilan.

At kaming apat nama'y para ring mga baliw na nakitawa sa kanya.


   
Buy Me A Coffee