8


"Yuan, 'di ba tropa mo 'yan?" tanong no'ng isa sa kambal mula sa harap ng Fortuner.

Pauwi na kami. Nakasandal ako't nakapikit lang sa tabi ni Bryan—napagigitnaan namin siya ni Chester—kaya hindi ko alam kung sino sa kambal ang nagsalita.

Dumilat ako't tumingin sa tinitignan nila.

"Si Mark 'yan, Pre," sagot ni Bryan. "Karibal mo kay Yu."

Napa-tss na lang ako habang naghagikgikan naman 'yong apat. Gusto kong batukan si Bryan, pero tinatamad akong gumagalaw. Basta ang nangingibabaw na lang sa isip ko nang mga oras na 'yon ay ang makauwi at humilata sa kama ko.

Nasa entrance si Mark ng resto at nakangiting kausap ang guard. Tulad no'ng huling Huwebes, naka-tuck out na ang itim niyang T-shirt, hindi na niya suot ang uniform nilang half-apron, at nakasukbit sa balikat niya 'yong itim niyang knapsack. Wala siyang suot na cap ngayon kaya kitang-kita 'yong pagkakaahit ng gilid ng maputi niyang ulo. Alam ko, pauwi na siya.

Magtataka pa sana ako kung bakit hindi pa kami umaalis nang pababang bumukas ang bintana ni Bon, ang driver namin ngayon, no'ng malapit nang dumaan si Mark.

"Sa'n daan mo, Mark? Sabay ka na, Pre," sabi ni Bon sa kanya.

"Ayos lang ba?" tanong niya. Kitang kita sa mukha niyang nahihiya siya. Mabilis na lumibot ang mga mata niya sa loob ng sasakyan bago napako ang tingin sa 'kin. "Sa may Southmall kasi 'ko e. Baka pa-Zapote kayo, 'wag na lang."

"Don't worry, Pre. Pa-Alabang kami lahat."

"Sa'n ka ba mismo?" tanong ni Ron.

"Sa Metropolis ako. Sa Southmall."

Nagulat ako.

"Oh, sakto!" sagot ni Bon, "Taga-do'n din si Yu, e. Sakay ka na. Du'n ka na sa tabi ni Yu. Wala naman mataba sa inyo kaya kasya kayo 'jan."

Oo nga. Dapat pang-tatluhan lang talaga 'tong row kaso wala naman mauupan sa likod dahil puro gamit namin ang mga nakalagay do'n. Umusog kaming tatlo at nakaupo naman nang maayos si Mark sa tabi ko. Saktong-sakto lang kaming apat do'n.

Nakakatawa nga lang e. Kasi, 'yong taong pinagtatangkaan kong iwasan mula no'ng isang linggo pa, naiwasan ko nga sa school at halos 'di ko nga pinansin kanina pero ngayon katabi ko na sa sasakyan pauwi at doon din nakatira sa condong tinitirahan ko. Kakasimula ko pa lang, epic fail na agad.

Hay buhay.

"Kelan ka pa do'n?" tanong ko sa kanya.

"Galet?" may tonong pang-aasar na bulong ni Bryan sa tabi ko.

"Sa Metropolis ba? Since first year pa 'ko do'n nakatira."

Napakunot ako ng noo sa sagot niya. "Ba't, anong year mo na ba? 'Kala ko graduating ka na ngayon?"

Ngumiti si Mark. "Oo nga. Fourth year na 'ko."

"Oh? E ba't 'di pa kita nakakasalubong do'n kahit kelan?"

"'Di ka lang namamansin. Nu'ng lumipat ka nga nag-offer pa ko tumulong sa 'yo kaso tinignan mo lang ako nang masama e."

"WOOOOOO!" biglang sigawan no'ng apat sa pangunguna ni Bryan. At talagang sa tenga ko pa.

'Di ko napigilang matawa, pati na rin si Mark.

"'Tang ina niyo talaga e, 'no?"

"Grabe ka, Yu! Wala kang patawad," pagsingit ni Chester sa usapan. "Alam mo ba, Mark, first time ko ma-meet 'yan ang sabi ba naman hindi ako marunong mag-drums."

"Oy, bulaan ka!"

"Ay, oo nga! Wala ka daw sa rhythm! Hahaha!"

Tawa lang nang tawa 'yong kambal. Kahit naman ako pati si Mark natatawa lang din.

"Ulul, Bryan!" Bumaling ako kay Mark. "'Baka maniwala ka 'jan, ah? Hindi ko pa siya naririnig tumugtog no'n. Kaka-meet ko pa lang. Saka biro lang yo'n. Malay ko bang mapipikon siya agad no'n."

"Biro daw pero ang sama ng tingin niya!"

Ibang section kasi sa 'min si Chester no'ng first sem ng first year. 'Di ko nga alam kung pa'no at bakit nakilala ni Bryan 'yan e. Basta ang alam ko, may kinalaman sa pagbabanda ang simula ng lahat. Tapos, no'ng second sem, sumama na si Chester sa section namin ni Bryan.

"Oy, Chester, nag-sorry na 'ko sa 'yo no'n. Laki ng sama ng loob e!"

"Pinapatawa ko lang kayo. Ang seryoso niyo kasi mag-usap e."

"'Wag na. 'Yo ko na ulit magtanong."

"Sus. Hiya pa," sabi ni Bryan.

"Ba't kami naman hindi inaangasan ni Yu?" tanong ni Ron.

"Oy, wala 'kong inaangasan!"

"Akala mo lang 'yon. Pero ganyan talaga 'pag may studio sa bahay, Ron," sabi ni Bryan. "Special kay Yu."

"Tss."

Umiling na lang ako, kahit na ang gusto ko talagang gawin ay batukan si Bryan. Alam ko kasing may double meaning 'yong sinabi niyang 'yon dahil tambay kami no'n sa studio nina Thor sa bahay nila, at tanging si Bryan lang naman ang nakakaalam ng nangyari sa 'min ni Thor.

Sa totoo lang, minsan, sinisisi ko si Bryan sa tagal ng pag-move on ko kay Thor. Simula kasi noong umamin ako sa kanya sa nangyari sa 'min ni Thor, ang hilig na niyang magsingit sa usapan ng mga ganyang linyang may double meaning tungkol sa 'kin at kay Thor. Puro pabiro lang naman 'yon, pero alam mo 'yong nakakalimutan mo na ta's biglang ilalagay ulit sa harap mo? Ganyan siya halos araw-araw. Parang tuwang-tuwa siya na may chance palang magkaroon ng development 'yong kung ano mang mayro'n kami ni Thor noon kung hindi lang siya umalis kaya halos gawin niyang joke time. Napakahilig magpasaring.

Buti na lang, kaming dalawa lang ang nakakaintindi.

Buti na lang talaga.

Isa pa ring tanong na nabuo sa isip dahil sa pinag-uusapan namin ngayon ay 'yong sinasabi nilang pag-aangas ko. Hindi naman na bago sa 'kin 'yong masabihang suplado, pero ito kasi, ngayon ko lang narinig. Saka, parang hindi naman totoo. Isa pa, bakit ngayon lang nila sinasabi sa 'kin?

Itanong ko na lang siguro kay Bryan 'pag kaming dalawa lang.

Kung sakaling totoo man, hindi ko naman sinasadya 'yon.

Pero, kung hindi ko naman 'yon namamalayan, parang ang hirap naman baguhin no'n.

Hindi naman siguro negative 'yon, 'di ba?

Bahala na lang siguro.

Buti na lang at himalang walang traffic kaya halos thirty minutes lang inabot ang byahe namin hanggang Southmall. At oo, ito na talaga 'yong walang traffic para dito sa Las PiƱas, 'yong dire-diretso kang gumagalaw kahit hindi naman mabilis. Hindi siya gaanong nakaka-stress dahil kahit papa'no nakikita mong umuusad ka. 'Pag sinabi mo kasing traffic sa LP, 'yon 'yong walang galawan. Bibilangan mo talaga ng ilang oras 'yong mula Zapote hanggang Alabang kahit na nasa 10 kilometers lang naman 'yon.

Kahit noon pa, hindi na ako nagpapahatid sa mismong condo. Sa Southmall na lang talaga 'ko bumababa dahil kaunti na lang naman ang lalakarin ko galing do'n. Nakakahiya rin kasi do'n sa kambal kasi magyu-U-turn pa sila ng ilang ulit kung ihahatid pa nila ko sa mismong building. Pero syempre, ibang usapan 'pag sa kotse ni Bryan ako sumasabay. Buraot na kung buraot.

Pagkababa, tahimik lang kaming naglakad ni Mark patungo sa overpass. Gusto ko mang isiping hindi nakakailang ang katahimikang 'yon, hindi ko magawa. Hindi kasi siya mapakali. Maya't maya siya tumitingin sa 'kin na parang may gustong sabihin. Kaya bago pa kami umakyat ng overpass, hindi ko na siya kinaya pa.

"Ano ba kasi 'yon?"

Napakamot siya ng ulo. "Malayo kasi 'jan e. Pwede naman du'n o," sabi niya, habang nakaturo sa gitna ng kalsadang may orange na barrier. Sa tapat mismo ng street na papasukan namin, may parte 'yong barrier na may uwang na sakto ang isang tao—halatang ginagamit na tawiran ng mga pasaway.

"E di du'n ka dumaan," buong ngiti kong sabi sa kanya. "Dami na kayang namatay 'jan."

Bahagya siyang natawa bago bawiin ang tingin mula sa kalsada. "Sabi ko nga dito tayo dadaan."

"Oy, hindi kita pinipilit."

"Hindi mo naman ako kelangan pilitin."

"Tss."

Natatawa 'kong humakbang paakyat ng overpass; mukha kasing totoong natakot siya sa sinabi ko.

Pero totoo naman kasi talaga 'yon, na marami nang nasagaan d'yan sa tapat ng Southmall at namatay. Hindi lang sa gabi, pati rin habang may sikat pa ng araw. Kaya, maglalakad na lang ako nang malayo—na hindi naman talaga malayo kasi ilang metro lang 'yon—papuntang overpass para tumawid kaysa dumagdag pa 'ko sa statistics. Pero syempre, alam ko namang hindi na 'yon madalas mangyari dahil nga laging traffic na ngayon sa Alabang-Zapote Road. Siguro, dumami na lang talaga dahil naipon na 'yon simula bata pa 'ko. Pero 'yong ganyang walang traffic at excited makauwi ang mga driver? 'Wag na lang.

Tahimik ulit kaming naglakad hanggang sa pagpasok namin sa street papuntang Manila Doctors nang muli kong maalala 'yong pinag-uusapan namin kanina sa sasakyan no'ng kambal.

"Alam mo," pagsisimula ko. "Nagtataka talaga 'ko kung ba't 'di kita nakakasalubong or nakakasabay dito. E four years ka na pala 'jan sa condo."

"Hmm. Dalawa lang 'yan," sagot niya. "Kung 'di ka suplado ka, bihira ka naman gabihin."

"Ano naman kinalaman nu'ng gabi?"

"Nagtatrabaho kasi ko sa Two-Twenty simula first year pa 'ko e. Madalas, ganitong oras o kaya mas late pa ang uwi ko."

Napatangu-tango ako. "Aaahh. Oo nga—"

"Saka halos buong third year ko last year, nasa barko ako para sa OJT ko. Kaya, nu'ng pagtapos mo lumipat 'jan, matagal din akong nawala. Ito namang fourth year, nakakasalubong kita minsan kaso"—natawa siya—"hindi mo talaga siguro 'ko napapansin."

"Seryoso?"

Biglang lumaki 'yong ngiti niya. "Nakasabay na nga kita sa elevator e. Ilang beses na."

"Grabe." Natawa ko nang may kasamang pagkahiya. "'Di ko maalala. Sorry ha? So both pala ako kung gano'n."

"Anong both?"

"Sabi mo, 'di ba? Suplado or bihira gabihin. So both ako."

"Baka sineryoso mo, ha?"

"Sanay naman ako nasasabihan no'n."

"Uy hinde! Biro lang talaga 'yon. Promise."

"Ayos lang 'yon. 'Di lang naman ikaw nagsasabi e."

"Hindi talaga. Binibiro lang kita. Hindi gano'n ang pagkakakilala ko sa 'yo," seryoso niyang pagkakasabi.

"Ano ka ba, wala nga 'yon sa 'kin."

Kung biro man kasi o seryoso 'yon, hindi naman na iyon mahalaga. Siguro, seryosong aalma lang ako kung masama na 'yong paratang sa 'kin, 'yong tipong makasisira na ng reputasyon ko. Pero ito? Hindi naman siguro dapat pag-aksayahan pa 'to ng panahon.

"Hindi mo lang kasi alam, sikat ka sa school. Lagi nga kita nakikita do'n e. 'Di lang ako, dami mo rin hindi napapansin. Madalas kasi, dire-diretso ka lang maglakad kaya akala nila suplado ka. Pero alam ko, mas madalas"—napahinto ako sa paglalakad nang huminto siya't humarap sa 'kin. Nang lingunin ko siya, napako ako sa kinatatayuan ko. Parang may kung anong biglang nahigop ang itim niyang mga mata mula sa mga baga ko. Kahit nararamdaman ko ang marahan niyang pagtapik-tapik sa tuktok ng ulo ko, hindi ko 'yon magawang ilagan. Ni pag-ikot ng mga mata ko para ibaling sa ibang direksyon at maiwasan ang mga mata niya, hindi ko magawa—"lumilipad lang talaga 'yung isip mo."

Isang kakaibang katahimikan ang parang biglang bumagsak sa pagitan namin, kung saan nakapatong lang ang mainit niyang palad sa ulo ko't ang itim niyang mga mata nama'y nakapako sa 'kin. Halos sumabog ang dibdib ko sa 'di ko maintindihang dumadagundong na kaba.

Walang gumagalaw.

Hindi ko alam kung ilang segundo o minuto iyon tumagal.

Hanggang sa may dumaang kotse at para 'kong naalimpungatan.

Ihinilig ko ang ulo ko paatras para maialis 'yon sa ilalim ng palad niya. Napailing ako. Pero bago ko pa tuluyang maiiwas ang tingin ko mula sa kanya, nakita ko na ang pagsisimula ng malapad na ngiti sa kanyang mukha.

"Dami mong alam," sabi ko bago ako muling nagsimulang humakbang patungo sa condo.

Narinig ko pa ang bahagya niyang pagtawa kasabay ng mga humahabol niyang yapak bago ko maramdamang naglalakad na ulit siya sa tabi ko.

'Di ko napigilang mapabuntong hininga.

Wala na ulit sa aming nagsalita pa sa daan pero hindi ko naman naramdamang awkward 'yon. Sa parte ko, talagang naubusan na lang ako ng sasabihin sa kanya at pagkatapos ng nangyari kani-kanina lang, masgusto ko na muna 'yong ganitong tahimik na lang at baka kung sa'n na naman kami mapunta.

Pagkarating sa elevator, tumingin ako sa kanya.

"Sige nga, anong floor ako? Kung totoo sinasabi mo."

Ngumiti lang siya at umiling bago pindutin ang 12 at 15. "Walang tiwala e."

Sa twelfth floor pala siya.

At isang floor lang pala ang pagitan namin.

Totoo nga sigurong marami akong hindi napapansin.

Napabuntong hininga ako habang pinagmamasdan ang pagbabago ng mga numero sa LED display sa loob ng elevator. Hindi ko alam kung bakit, pero pakiramdam ko, kailangan kong mag-apologize.

"Mark? Kamamatay lang kasi ni Lola ko no'ng lumipat ako dito..."

Ta's pinipilit pa nina Mama na sumama na 'ko sa kanila sa Canada. Sino ba namang hindi maba-bad trip no'n?

"...kaya siguro masama nga mood ko nu'ng time na 'yon."

Ting!

Huminto ang numero sa display sa 12.

"Ayos lang 'yon, 'no ka ba? 'Wag mo na isipin 'yon" sagot niya sa 'kin nang nakangiti bago lumakad palabas.

Nakaramdam ako ng sandaling pagka-awkward nang agad din siyang humarap sa 'kin at tumayo nang 'di mapakali do'n sa mismong labas ng elevator. Kahit na sa 'kin siya nakaharap, kung saan-saang direksyon naman napupunta ang mga mata niya. Para bang nagmamadali siyang mag-isip kung anong sasabihin.

"Uh, Mark... ano 'yun?"

Napabuga siya ng hangin sa ilong at umiling. "Um, wala. Sorry. Good night, Yuan."

At sumara na 'yong elevator.


   
Buy Me A Coffee