9


"ISA PA!"

Dahil saktong natapos sa isang palo ni Chester ang set namin, may isang saglit na wala nang kahit na ano pang tunog ang narinig sa loob ng resto maliban sa napakahinang ugong ng mga sasakyan sa labas na maririnig mo lang kung sobrang talas ng pandinig mo. Agad na umalingawngaw ang sigaw na 'yon sa buong 220. Nagkaro'n lang ng sandaling katahimikan bago halos sabay-sabay rin na nagsigawan na 'yong mga nasa loob pati nasa smoking section sa labas, humihingi ng isa pang kanta mula sa banda namin, kasabay ng ilan-ilang pumapalakpak.

Saglit akong napatda sa kinatatayuan ko sa hindi ko inaasahang eksena.

Ganito ba talaga ang Friday crowd dito?

Ibang-iba lang kasi talaga. Pagkarating pa lang namin kaninang six-thirty, nagulat na kami na halos puno na ang 220 sa loob. Tapos, sa smoking section naman, siguro nangangalahati na rin ng mga mesa ang okupado. Agad na naghalo ang pagkagulat at pagkasabik sa nararamdaman ko nang nakita ko 'yon kanina.

At ngayong katatapos lang ng set namin, talagang mabibilang mo na lang sa dalawang kamay ang mga mesang walang nakaupo, kasama na pati 'yong mga mesa sa labas.

Tumingin ako sa mga ka-banda kong pare-parehong todo-ngiti at saka ko lang na-realize na maging ako ay nakangiti ring tulad ng kanila.

Ang sarap!

Sumunod na hinanap ng mga mata ko si Sir Kevin, at agad ko naman siyang natagpuan kung saan siya nakapwesto simula kanina pa, sa likod ng bar, na nakangiti rin sa direksyon namin. Nang makita niyang nakatingin ako sa kanya, sumenyas siya ng thumbs up at pagkatapos nama'y itinuro ang hintuturo niya pataas. Isa pa daw.

Tumango ako at bumaling sa mga ka-banda ko.

"Isa pa daw, mga sir. Himala, kaya pa?"

Kaya pa naman talagang tumugtog. Ang kaso lang, isa 'yong Himala ng Rivermaya sa mga tinugtog namin noong Battle of the Bands. Mahigit tatlong linggo na rin mula no'ng huli naming tugtugin iyon. Kaya, nag-aalala lang ako na baka hindi na nila gamay.

Oo, simple lang 'yong kanta, pero binago kasi namin 'yong arrangement no'n, na kung pakikinggan mo lang siya nang walang kumakanta, hindi mo maiisip na Himala pala ang pinakikinggan mo. Iniba namin ang beat ng drums at ginawang mas pronounced 'yon pati 'yong mga gitara no'ng kanta, at bumagay naman siya. Hindi sa pinipintasan ko 'yong orig, pero para kasing 'yong mga nasa worship song na pinapakinggan ni Lola 'yong bass no'n kaya sobrang binago rin namin 'yon, ginawang simple. Para na talaga siyang alternative. Basta, tuwang-tuwa talaga 'ko sa kinalabasan ng arrangement na 'to no'ng una naming natapos.

"G lang," sabi ni Ron na bassist namin ngayon.

"G!"

Humarap ulit ako sa mic nang nakangiti. "Last na po talaga 'to."

Pumalo ng bilang si Chester at tumugtog ang intro na in-arrange namin.

Dahil kabisado ko na ang kanta, wala akong ginawa kun' di panoorin lang ang mga mukha ng mga nanonood sa 'min. Naalala ko kasi no'ng Battle 'yong pagkatuwa sa mukha ng mga judge nang ma-realize nila kung anong kanta ang tinutugtog namin. Hindi ko 'yon inaasahan noon.

Pangarap ko'y makita kang naglalaro sa buwan.

Inalay mo sa akin ang gabing walang hangganan—

Ngayong naalala ko 'yong expression sa mukha no'ng mga judge noong Battle, inabangan ko talaga ang magiging reaksyon ng mga tao ngayon. 'Di ko akalaing para lang do'n ay masasabik ako, pero ramdam ko talaga 'yong pagkasabik. At nang makita ko 'yong pagkamangha nila nang ma-realize nilang Himala pala 'yong naririnig nila, natuwa ako.

Pagkatapos naman ng sandaling pagkamanghang 'yon, sumabay rin silang kumanta sa 'kin.

Hindi mahanap sa lupa ang pag-asa.

Nakikiusap sa buwan—

Sa totoo lang, 'pag sumasabay na ang audience sa pagkanta, 'yon ang isa sa mga pinakagusto kong pakiramdam simula pa no'ng mag-banda kami ni Bryan noong highschool. Iba 'yong pakiramdam sa loob ng dibdib ko e. Corny, pero para bang may nagawa ako nang tama. Para bang naintindihan nila kung ano ang gusto kong sabihin. Tapos... basta. Hindi ko maipaliwanag. Basta ang alam ko, tuwang-tuwa ako.

Pa'no pa kaya kung original song pa namin 'yon?

Hindi ko na lang talaga ma-imagine.

Humingi ako sa langit ng...

Isang himala.

Malakas na palakpakan ang agad na sumalubong sa 'min pagkatapos ng kanta.

"Thank you! Maraming salamat po!" sabi ko sa mic habang nililibot ang tingin sa bawat mesa. "Again, we are Crybb and we will be opening for Two-Twenty on Wednesdays, Thursdays, and Fridays. Seven PM. Hope to see you all! Thank you, Sir Kevin!"

Mabilis naming iniligpit ang mga gamit namin at pagkatapos ay agad na ring bumaba sa stage para makapag-ayos na ang susunod na banda. Patungo sa sasakyan no'ng kambal, halos lahat ng mesang madaanan namin ay binabati kami. Kaya, nang makarating kami sa labas ay todo-ngiti na naman kami.

"Aayaw-ayaw ka pa nu'ng una, ha?" paghahambog sa 'kin ni Bryan. May mga binubulong pa siyang kung ano-anong hindi ko na rin maintindihan. Hindi ko tuloy alam kung natutuwa ba talaga siya o naiinis siya sa 'kin dahil sa ngayon lang namin ginawa ito.

"Oo na," sabi ko na lang.

Tatawa-tawa lang kami habang nag-aayos kami ng mga gamit namin. Para bang may nakakakiliti sa kaloob-looban ko. Ibang klase kasi 'yong high na dala no'ng pagtugtog namin kani-kanina lang e. Ramdam na ramdam ko. Nakakaadik.

Sana laging gano'n.

"Ano, guys? Tara?" tanong ni Bon sa 'min. At alam naming lahat na hindi pag-uwi ang niyayaya niya sa 'min. Parang sabay-sabay ding nagbagsakan ang mga balikat nitong mga kasama ko.

Napabuga ng hangin si Chester. "Sa totoo lang gusto ko mag-inom. Gusto ko mapanood 'yung mga susunod na banda kase. Kaso..." Isang kibit-balikat na lang ang ipinangtapos niya sa sasabihin niya. Tapos, tumingin siya kay Bryan kaya pati kami no'ng kambal ay napatingin din.

"May group study kasi kami nila Jade sa bahay namin. Nando'n na nga sila e," pagtatapos ni Bryan sa sinasabi ni Chester. Tumango lang ako at nginitian siya nang nang-aasar. "Sorry, guys. Finals na kasi namin e. Medyo madugo 'yon. Alam niyo namang may required score kami para payagan kami mag-board exam e. Mag-stay na lang kayo. Commute na lang kami ni Chester."

"E actually, may mga plates at lab reports pa rin kami na dapat matapos by tomorrow. Kasi nga sa Sunday, magpa-practice pa kami nila Yu," sabi ni Ron.

Sabay-sabay silang apat na malungkot na tumingin sa 'kin.

'Di ko napigilang mapangiti sa kanila. Actually, halos matawa 'ko sa mga itsura nila. Kung ano man kasi 'yong nararamdaman nila ngayon, nararamdaman ko rin. Ayaw ko pang umuwi.

Siguro, sobrang unexpected kasi na tutugtog kami ngayong gabi, kaya medyo nagulo talaga ang mga plano namin. Nila, pala. Kasi nga, halos graduation na lang talaga ang hinihintay ko. Pero kung tutuusin, ang plano naman talaga ngayong araw na 'to ay magsiuwi at tapusin ang mga dapat tapusin. Kaso, dahil sa maliit na pagbabago sa sched nila ngayong araw na 'to, mukhang biglang nagkalimutan 'ata sa nauna naming napag-usapan.

"Sa next, next Friday pa tayo pwede, 'di ba? Pagkatapos ng exam nitong kambal?"

Napahinga ng malalim 'yong kambal.

"Ano pa nga ba," sabi ni Bryan.

"Actually, tayong tatlo pwede na next week," pagpapaalala ni Chester sa kanya habang nakaturo sa 'kin.

"Ang daya!" Sabay pa 'yong kambal.

"Kung gusto niyo, 'wag na tayo mag-practice sa Sunday para do'n niyo na gawin plates niyo," sabi ko, dahil—ewan ko ba—naghahanap din siguro 'ko ng excuse na hindi pa muna 'ko umuwi ngayon. "I mean, pwede naman tayo magpractice magkahiwalay. Then sa Monday and Tuesday, rehearse tayo."

Umakbay si Bryan at bigla 'kong kinurot sa pisngi. "Naku, ang baby ko binata na! Gusto na mag-inom. Ang cute-cute!"

Natawa ako. "'Tangina mo, Bryan."

"Tsk. Puro landi," may bahid ng inis na pagkakasabi ni Ron. Medyo ikinagulat ko 'yon dahil sobrang out of nowhere. Hindi na lang ako nagpahalata. Parang lately kasi, may laman na talaga 'yong mga nasasabi niya e. Napatingin tuloy ako kay Bryan na ngumiti lang at kumindat sa 'kin. "Tatlong set 'yon, Yu. Need natin mag-practice nang Sunday, Monday, and Tuesday."

Oo nga pala.

"Saka first time natin mag-acoustic, Yu," dagdag pa ni Bon, na halata mong nagkukunwari lang na seryoso.

"Oy, Bon. Binabaligtad mo ko, ha?" biro ko sa kanya.

Napagkasunduan kasi namin na dahil exam week ni Bryan at Chester next week, kaming tatlo lang muna ng kambal ang tutugtog. Tatlong set. At lahat 'yong set na 'yan, this week namin kakantahin.

Parang napagod ako bigla.

May mga nagawa naman na kaming lineup para sa mga future sets namin e. 'Pag magkakahiwalay kasi kami at may mga klase, ang usapan namin ay kanya-kanya kaming bubuo ng mga five song sets sa mga alam naming kanta. Kumbaga, kung hindi man may theme, may daloy. Kaya itong two weeks na naggi-gig kami, ang dami na namin agad nabuong set. Pero syempre hindi naman lahat ng nabuo ng bawat isa ay tanggap ng lahat, kaya nagkasalaan pa rin kami.

Ang problema do'n, kahit na may mga lineup na kami, hindi naman lahat 'yon na-practice na namin. Plano pa lang talaga. Kasi nga, hindi naman namin inakala na magiging three times per week 'yong gig namin ngayon. Siguro kung sa iba-ibang bar ang tutugtugan namin, uubra 'yong isang lineup lang ang tutugtugin namin. Kaso, sa 220 lang naman kami at magkakasunod na araw pa.

I guess, ito ang mahirap 'pag wala kang sarili mong kanta. Wala kang excuse na magpaulit-ulit ng playlist.

At dahil tatlo lang kami, puro acoustic ang tutugtugin namin next week. Vocals ako, gitara si Ron, at beatbox or keyboard naman si Bon, depende sa kanta.

Kung tutuusin, pwede nga kaming mag-three piece band lang muna kasi papasa naman ako sa pagbe-bass kahit papa'no. Kung medyo hasa nga sana ko mag-lead, pwedeng-pwede na kaming tatlo. Kaso, pangsaktuhan lang ang guitar skills ko. Saka, kakapusin na talaga kami sa practice.

Pero nakakahanga talaga 'tong kambal kasi bukod sa backup vocals ko sila, pareho rin silang marunong mag-piano, mag-lead—masmagaling lang talaga si Bryan—rhythm, at bass guitar. Marunong din sila ng kaunting drums. Sobrang jack of all trades lang talaga sa music. Kaya minsan, 'di talaga nila maiwasang maging mahangin. Talented kasi e. Pero, mababait naman 'tong mga 'to.

"Saka kay Bon ka magalit, Ron," sabi ko, "Siya nag-aaya ng inom kanina e."

Natawa si Bon. "Hayaan mo 'yan, Yu. May pinagdadaanan lang 'yan."

"Butas ng karayom nga e," sabat ni Chester.

Sa tabi ko, nakangising umiiling-iling lang si Bryan.

"Tigilan niyo nga 'ko. Ku'nin niyo na lang 'yung TF du'n para makauwi na." Hindi na siya naghintay pa ng sagot mula sa 'min, at dumiretso na siya sa driver seat. Padabog sana ang pagsara niya ng pinto, ngunit mukhang naagapan pa niya ang sarili niya sa huli kaya parang biglang lumuwag ang paghinga naming apat sa labas nang maingat namang lumapat ang pinto ng sasakyan nila.

Na-curious tuloy ako. Ano ba ang pinuputok ng buchi no'n?

"Ako na lang kukuha," pagpiprisinta ko.

Pagkapasok ko ng 220, mukhang patapos na rin maghanda 'yong susunod na banda. May mga mangilan-ngilan pa ring bumabati sa 'kin. May mga nagyayaya pa ngang makiinom ako sa kanila, lalo na sa mga grupo ng mga estudyante. Pero dahil agad ko rin namang nakita si Kuya John, 'yong manager nitong resto, sa may bar, sa direksyon niya na ako dumiretso. Seryoso siyang nagbabasa ng mga papel.

"Kuya John, excuse me po. Pwede paistorbo?"

Umangat ang tingin niya sa 'kin saka nagbigay ng ngiti. "Yuan, kanina ko pa kayo hinihintay. TF n'yo oh." Inabot niya 'yong sobre. "Pinapasabi pala ni Sir Kevin, ipo-post n'ya sa page ng resto 'yung vid ng Himala n'yo kung okay lang sa inyo."

"Sa Facebook? May page kayo?"

"Caveman ka ba?" Sabay kamot ng ulo. "Oo, me'ron. Pati Youtube."

Hindi naman kasi ako nagpe-Facebook. Youtube pa siguro. Lakas trip kasi 'yong mga recommended vids do'n. Minsan, 'di mo alam kung saan-saan ka na napupunta.

Isa pa, may dalawang channel kasi si Yuri sa Youtube. 'Yong isa niyang channel na may pagkasikat kahit papa'no, kung ano-anong vlog lang naman na mostly puro mga pagpapa-cute niya sa mga classmate niyang patay na patay naman sa kanya. 'Di na 'ko magtataka kung biglang tumawag 'yon sa 'kin at sabihing doon na talaga siya mag-i-stay dahil kailangan niyang pakasalan 'yong classmate niyang nabuntis niya. Kalalaking tao kasi, ang landi. Kaya sobrang bihira ko panoorin ang mga vids niya do'n.

'Yong isa niya namang channel, puro mga composition lang niya ng mga background music. Sobrang chill lang. Lagi ko ngang pinapakinggan 'yon sa condo e, lalo na pagkauwi ko. Actually, baka nga 'yon ang dahilan kaya tamad akong lumabas e. 'Pag pinakikinggan ko kasi, napapasarap na lang ako ng tambay.

"Yuan? Ano, pwede daw ba i-post?"

"Ay! Sige lang po. Pwede ba humingi ng copy?"

"Syempre naman."

"Ah, Kuya John, 'yung bucket at pulutan saka na ulit namin kunin."

"Sige lang. Bale, dalawa na, 'no? I-note ko na lang."

"Saka...." Napabuntong hininga ako. 'Di ko alam kung itatanong ko ba o hindi 'yong kanina pa bumabagabag sa 'kin.

"Ano 'yon?" Bahagya pa siyang natawa nang dahil yata sa pagdadalawang isip ko. "Busy ako oh—" inangat niya 'yong bungkos ng mga papel para ipakita sa 'kin. "Sabihin mo na."

Napakamot ako ng ulo.

Bahala na nga.

"Si Mark, Kuya? Kanina ko pa 'di makita e. Yayain ko na sana sumabay pauwi."

"Ah! Nako. Umm.... Hindi siya pumasok ngayon. 'Di ka ba sinabihan? Birthday niya, ah."

Saglit akong napatigil.

Kaya pala.

"Ah sige, Kuya. Sorry sa abala. Salamat po. Una na kami."

"Sige, Yuan. Ingat kayo."

Tahimik lang akong nakapikit sa biyahe pauwi. Actually, hindi lang ako. Kaming lima sa loob ng sasakyan no'ng kambal ay pare-parehong tahimik habang nakababad sa legendary traffic ng Alabang-Zapote Road. Tanging mahinang mga kanta mula sa 96.3 at paminsan-minsang busina sa labas lang ang naririnig kong tunog. Hindi ko alam kung bakit sila nananahimik. Maging 'yong dahilan ng pananahimik ko, hindi rin malinaw sa 'kin.

Ewan ko ba.

Kahapon, malinaw naman sa 'kin na kung nasaang punto man ang pagkakakilala namin ni Mark sa isa't isa ay mas gusto kong hanggang doon na lang 'yon. Umiwas pa nga ako e, pero wala nga lang naging saysay 'yong naging pag-iwas ko—isang linggo lang 'yon pero oo, umiwas ako—dahil parang isang malaking pantitrip na muling nagtagpo 'yong landas namin. At ngayon—kanina, actually, habang kumakanta ako ng Himala—kulang 'yong audience dahil wala siya.

Hindi ko alam kung bakit.

Dahil ba buong set namin ay hindi ko siya nakita?

Hindi. Hindi naman ako tanga para 'yan ang isipin ko.

Dinasalan siguro ako no'n kagabi kaya nagkakagan'to ako ngayon.

Hindi ko naman siya gusto. O mas tamang sabihing, hindi ko pa siya gusto. Siguro. Hindi ko alam. Baka gusto ko lang siyang maging kaibigan. I mean, gusto ko naman talaga siyang maging kaibigan no'ng una. Kaso, hindi ko gusto 'yong nakikita kong pupuntahan no'n. Hindi ko nga alam kung ba't iyon ang tingin kong pupuntahan ng posibleng pagkakaibigan namin e. Kaya nga mas ginusto kong umiwas, 'di ba?

Dahil 'yong kay Thor, ayaw ko na talagang maulit 'yon.

Kaso, gusto ko talagang makilala pa si Mark.

Ngayon ko lang kasi naramdaman 'yong ganitong... udyok. 'Yong udyok na magkaro'n ng bagong kaibigan. Ang tagal kasi na si Bryan lang ang naging kaibigan ko. Tapos by extension, si Jade, noong naging girlfriend siya ni Bryan. Oo, marami akong kakilala, pero malinaw naman sa 'kin kung ano ang definition ng kaibigan at kung sino sa mga kakilala ko ang matatawag kong kaibigan. At silang dalawa lang 'yon.

Pero siguro ngayon, kaibigan ko na ring maituturing si Bon, Ron, at Chester kahit na masasabi kong masyado pa ring mababaw 'yong relasyon namin. Para sa 'kin lang naman. Hindi ko nga alam kung kaibigan din ba ang tingin nila sa 'kin e, o baka ka-banda lang. Which is okay. Ayos lang sa 'kin 'yon. Kumbaga, parang professional relationship lang.

Pero si Mark, gusto ko siyang maging kaibigan.

Napabuntong hininga ako.

Para 'kong bata sa mga pinag-iisip ko.

Bahala na.

Kung saan man iyon mapunta.

Nang maramdaman kong tuloy-tuloy na ang pag-andar ng sasakyan, dumilat na 'ko. Nasa bandang Southland na kami, at nagkalat sa bangketa ang maraming estudyanteng marino ng PMMS na parang isang katerbang sign mula sa taas. The fuck? Gusto kong matawa, pero napabuntong hininga na lang ulit ako.

Isang mahinang hampas sa ulo ang naramdaman ko.

"Kanina ka pa, Yuan. Naririndi na 'ko sa 'yo."

Natatawa 'kong tumingin sa katabi ko. "Problema mo, Bry?"

"Pasalamat ka hindi mabaho hininga mo, kun' di kanina pa kami patay dito kakabuntong hininga mo 'jan. 'Tang ina ka."

Pati si Chester at 'yong kambal sa harap bahagyang natawa na rin. Napatingin tuloy ako kay Ron sa rearview mirror, kaya saglit na nagtagpo ang mga mata namin.

"Galit na galit? Sorry na po, Sir." Hindi ko naman kasi 'yon namamalayan minsan. "Gawa ka pala page natin, Bry. Ipo-post daw nila Sir Kevin 'yong Himala sa page nila. Tayo den."

Nagtawanan 'yong apat na ikinalito ko.

Kinurot ni Bryan 'yong pisngi ko. "Ang cute-cute mo talagang hayop ka!"

"Grabe ka, Yu! Hindi ka clown pero napapasaya mo kami," sabi ni Bon.

Kahit nakatalikod, kita kong ang laki ng ngiti ni Ron. Habang tatawa-tawa lang si Chester na nakatingin sa labas.

"Ano ba kasi 'yon?"

"Matagal na po kasi tayong may page. Baka naman gusto mo pong i-share sa mga followers mo. Ano po?" sagot sa 'kin ni Bryan.

"Followers ka 'jan."

"Hay nako—"

"Saka ba't di ikaw mag-post? E ikaw naman gumagamit ng Facebook ko."

"Hoy, sabi mo kahit ano gawin ko basta 'wag ako mag-post at message!"

"Ewan ko sa 'yo! Uy, Ron! Nilagpas mo na 'ko."

Lumagpas na nga kami sa usual na binababaan ko sa Southmall, pero hindi talaga siya nag-slow down. Saka lang siya tumingin sa 'kin sa rearview mirror pagkahinto ng sasakyan sa bahagi ng barrier sa bandang Eurotel kung saan pwedeng lumiko para mag-U-turn. "Hahatid na kita."

"Nuh-na nuh-naaaa—"

"'Tang ina mo, Bryan, ha!" natatawang pagputol ni Ron sa pagkanta nitong katabi ko.

"Oy, anong kanta 'yon?" tanong ko. Familiar 'yong melody, pero hindi ko makilala dahil hindi naman kinanta ni Bryan 'yong lyrics. Saka, apat na note lang din 'yong nakanta niya bago siya naputol.

Kaso, maliban sa pigil na pagtawa ni Bryan, katahimikan lang ang sumagot sa 'kin. Napabuntong hininga na lang ako.

Ito pa naman 'yong isa sa pinakaayaw ko. 'Yong pakiramdam na parang pinagtitripan ka.

"Ano, Yu," sabi ni Bryan nang malipat na kami sa tapat ng building ko. Sa itsura niya, halata mong kalokohan na naman ang naiiisip niyang sabihin. "Pasensya na kung hindi ko alam 'yung kanta," buong seryoso niyang sinabi sa 'kin. "'Yung tunog lang talaga alam ko. Pero parang nineties 'ata 'yon."

'Di ko makita si Bon, pero si Chester, halos humagikgik sa pwesto niya, halatang tuwang tuwa sa mga pinagsasabi ni Bryan. Puro iling naman si Ron sa harap.

Napabuga na lang ako ng hangin mula sa ilong. "Oo na. Lakas trip e, 'no?" Sakto namang huminto na sa tapat ng building ko si Ron, kaya agad na rin akong bumaba. "Oy, ingat kayo pauwi. Thanks, Ron! Bry."

"Yu!" paghabol ni Bon bago ko pa tuluyang maisara ang pinto.

"Oh?"

"Sunduin ka namin sa Sunday, ha?"

Nagkibit-balikat ako. "Ayos lang kung hindi."

"May lakad kasi kami sa umaga. Kaya dadaanan ka na lang namin bago mag-lunch, okay?"

"Ah. Oh, sige."

"Oy, Yuey"—inambaan ko ng suntok si Bryan. Ayaw ko na talagang natatawag ako sa nickname na 'yon—"sorry!" Natawa siya. "'Di ko lang namalayan. Anyway. Mag-download ka na ng Facebook, okay? Sayang naman ang iPhone. Dina-download-an ng app 'yan, gets mo ba?"

"Oo na, sige na." Tumingin ako kay Ron. "Umalis na nga kayo. Salamat ulit sa paghatid, ha?"

Isinara ko na ang pintuan para wala na silang maihabol pa. Bumusina naman si Ron at nakita ko pang nag-flying kiss sa 'kin si Bryan bago tuluyan nang umabante ang sasakyan nila. Ilang saglit lang at tuluyan na ring nawala na sa paningin ko 'yong itim na Fortuner no'ng kambal.

Napailing ako. Sa 'di ko malamang dahilan, parang biglang naging kakaiba ang mga pangyayari pagkatapos naming tumugtog. Wala naman nangyaring masama, pero... weird lang talaga.

Pagbukas ko ng pinto ng unit ko, agad na naagaw ang pansin ko ng isang buong bond paper na nakahiga sa sahig sa daraanan ko papasok. Nakasulat doon ang isang maikling mensahe para sa 'kin sa malalaking mga letra, kaya halos mapuno 'yong buong papel. Printed din do'n sa papel ang picture ni Mark na naka-pose na parang nagpe-pray habang naka-puppy eyes. 'Di ko napigilang biglang matawa nang malakas pagkakita ko roon.

"Yuan — Mark to. Punta ka 1207 please, birthday ko."

*

Song credits:

Himala by Rivermaya
Songwriters: Blanco Rico Rene
Himala lyrics © Mru Music Publishing Inc (bmi)


   
Buy Me A Coffee