10
Siguro, halos limang minuto na rin akong nagdadalawang isip sa harap ng pintuan ng unit ni Mark kung pipindutin ko ba 'yong doorbell o hindi.
Pagkauwi ko kasi kanina at nabasa ko 'yong iniwan niyang message sa 'kin, pinalitan ko na agad ng shorts ang pantalon ko para makapangapitbahay na. Kaso, pagkarating ko naman sa tapat ng condo niya, narinig ko mula sa loob ang tawanan ng mga tao—parang puro lalaki—at maya't mayang sound effects na malamang ay galing sa isang video game. Sa itsura ni Mark, tingin ko, PS4 'yon—hindi PC at hindi rin Xbox. Pero malay ko ba. Maliban sa mga sikat na games, wala naman akong alam masyado sa mga 'yon. Hindi ako mahilig.
Pero, hindi naman 'yon ang dahilan kung bakit ako nagdadalawang isip na pindutin 'yong doorbell. Parang nagkakasiyahan na kasi sila do'n sa loob e. Kung makikisali ako do'n, si Mark lang ang kakilala ko. Kaya, malamang OP ako do'n. Mas gusto kong mag-isa lang ako, kaysa marami akong kasama na hindi ko naman kilala.
Kaso, tuwing binabalak kong bumalik na lang sa unit ko, naaalala ko 'yong pic ni Mark do'n sa papel.
Napabuntong hininga ako.
Bahala na nga.
Nasa akto akong pipindutin na sana ang doorbell nang bigla namang bumukas ang pinto at mukhang plano sanang lumabas ng isang babae kaso nga, nakaharang ako sa daan. Maganda siya—at matangkad, para sa isang babae. Kahit na 5'10" na 'ko, tantsa ko, hanggang ilong ko na siya. Nang umangat sa mga mata ko ang tingin niya, saglit muna kaming nagkatitigan bago siya bigla na lang tumili nang sobrang lakas na—putang ina—gumulat sa 'kin at saka muling tumahimik at tumitig lang.
Agad na may mga sumita sa kanya mula sa loob ng condo ni Mark.
"Hoy!"
"Ba 'yan!"
"Problema mo 'jan?"
"Nakakita ng pogi 'yan."
Napakamot ako ng ulo sa naging reaksyon ng kaharap ko ngayon. "Um... Ate? Si Mark?"
Walang sabi-sabi niya 'kong hinawakan sa pulsuhan at hinila papasok ng condo, at ang una kong napansin agad ay ang pagkaka-aircon ng loob. Yayamanin.
Dahil rektang nasa tapat sa ilalim ng unit ko ang unit niya, alam ko na agad ang layout ng lugar. Parehong two-bedroom unit ang condo namin ni Mark. Pagkapasok ng pinto ay ang halos dalawang metrong kitchen counter agad ang nasa kaliwa at isang open space naman sa kanan na para sa living at dining area, na sa kaso ni Mark, ay dining area lang—walang couch. Masyado kasing masikip 'yong lugar kung pipilitin pang lagyan ng parehong living at dining setup 'yon. Sa wall sa opposite side ng kitchen counter naman naka-setup ang TV.
Halos pareho kami ng setup, actually, except na wala akong dining table. Pero 'yong pinili kong coffee table ay mahaba at medyo mataas para pwede ko ring gawing kainan, nakaupo man sa couch o kahit pa sa sahig. Tapos, imbis na stools, mayro'n lang akong dalawang bean bags kung sakaling may bisitang hindi kasya sa couch. Pero kasi, no'ng nag-iisip ako ng setup ng condo ko, ang naisip ko noon ay masyadong masikip kung maraming gamit. E pwede namang sumalampak na lang sa sahig kung sakaling medyo maparami 'yong bisita.
"Mark!" sigaw ni Ate.
"Ang ingay mo, Trish!" halos pasigaw na pagpuna ni Mark dito sa matangkad na babaeng Trish pala ang pangalan. Hindi niya kami nililingon. Nakaupo siya sa isang stool sa dining table, at naka-focus lang siya sa TV habang seryosong nagpipipindot sa controller na hawak niya—at oo, PS4 nga. Tekken ang nilalaro nila.
"Patapusin mo muna maglaro, Ate," sabi ko kay Trish nang mukhang aabalahin niya ulit si Mark.
Kaso, bigla namang may nag-pause no'ng game, at saka lang tumingin sa direksyon namin si Mark. Dahil do'n, nawala sa TV ang mga atensyon ng mga bisita niya at lima na sila ngayong nakatingin sa 'min ni Trish.
'Yong akala ko kaninang maraming tao ay aanim lang pala. Dalawang babae—si Trish na 'yong isa do'n—at apat na lalaki. Si Mark, tapos 'yong dalawang kung hindi ako nagkakamali ay 'yong mga marino ring kasama niya noon sa MJ, ay sa stool lahat nakaupo sa isang side ng table. 'Yong isang lalaki naman na may pagkamapayat at effeminate, katabi no'ng isang girl sa bench sa side ng table na katabi ng wall.
"Yu!"
"Me!" At napangiti ako sa sarili kong joke na bumenta rin naman kay Mark kahit papa'no dahil nakita kong napangisi ito. "Happy birthday pala! 'Di mo sinabi agad."
"E baka magregalo ka pa e." Sabay tawa. Inabot niya 'yong controller sa katabi niyang marino at lumapit sa 'min ni Trish. "Kumain ka na ba?" tanong niya, kahit na hindi naman na niya 'ko nahintay pang sumagot dahil agad na rin siyang naghalungkat sa hanging cabinet.
"Actually, hindi pa," sagot ko habang pinapanood siya.
"Oh." Inabot niya sa 'kin 'yong kinuha niyang plato, tinidor, at kutsara. "Kuha ka na lang kahit ano 'jan. Ang daming pagkain sa totoo lang. Ta's may mga parating pa," sabi niya, sabay turo sa mga pagkain sa counter.
"Shit! 'Yung pina-deliver ko!" biglang bulalas ni Trish bago tumakbo palabas. "Wait lang, ha!"
"Oh, guys, kilala niyo si Yuan, 'di ba? Yuan, 'yung maingay na 'yon, si Trish 'yon. Si Pia, si Daryl"—itinuro niya 'yong magkatabing girl at payat na lalaki—"mga Tourism sila. Tapos, si Roy, B.F. ni Trish. Si Chris, B.F. nito ni Pia."
"Ako, Markey, 'di mo ba 'ko ike-claim?" seryosong sabat ni Daryl na ikinatawa no'ng apat. Nakangiti lang akong nagmamasid sa kanila habang namimili ng pagkaing ilalagay sa plato ko at maya't mayang dumudukot ng lumpia. Biglang sumimangot si Daryl. "May nakakatawa ba?" may pagtataray niyang tanong na lalo namang ikinatawa no'ng apat.
"Hay nako, Daryl, magpaborta ka muna," sabi ni Mark.
Nang pumasok sa tenga ko 'yong sinabi ni Mark, halos sabay akong nasamid sa nginunguya kong lumpia at may pagkamalakas ko ring nailapag 'yong platong hawak ko sa counter. Agad kong itinaas ang leeg ng T-shirt ko hanggang sa ilalim ng mata ko para ipantakip sa bibig bago 'ko maluha-luhang naubo nang naubo. Nagmamadali namang kumuha no'ng red na plastic cup si Mark at nagsalin ng Coke. Tawang tawa 'yong apat na kaibigan niya, kabilang na si Daryl. 'Di ko lang masiguro kung dahil ba sa 'kin o sa naging banat ni Mark.
"Bilis"—itinapat ni Mark sa bibig ko 'yong cup habang hinimas-himas ang likod ko—"inumin mo na 'to."
Wala akong nagawa kung 'di uminom na lang kahit hawak pa niya 'yong baso dahil hindi pa rin niya binitawan 'yon kahit na nakahawak na rin ako. Para lang akong bata habang pinapainom niya. Saka lang ako nakaramdam ng hiya nang maubos ko na 'yong laman ng baso at matanggal na rin ang bara sa lalamunan ko, lalo na nang mapansin kong pinapapanood pa rin kami no'ng apat niyang kaibigan. Nakakahiya talaga.
"Sorry, nagulat 'ata 'ko sa joke mo," ang nasabi ko na lang kay Mark.
"Ayos lang 'yan," tatawa-tawa niyang sagot sa 'kin. Inabot niya ulit sa 'kin 'yong plastic cup na puno na ulit ng Coke. "Ito pa oh. Grabe ka, wala pang laman 'yong plato mo. Akin na nga"—sabay dampot sa plato ko—"baka naman ayaw mo lang nu'ng pagkain?"
Agad akong umiling. "Uy hinde, promise! Nag-iisip lang ako kung magkakanin ba 'ko o spag."
Natawa siya. "Pwede naman pareho kase."
Sinalukan niya 'ko ng spaghetti. Pagkatapos nama'y nagsalok siya ng, tantsa ko, isang cup na kanin. Habang nagsasalok siya no'ng beef na puti ang sauce na may sahog na mushroom, saglit akong napatingin sa TV dahil naging hiphop 'yong background music. Nagpalit na pala sila ng game. NBA 2k17 na.
"Mark, palaro muna, ha? Pa-try lang nito. Wala pa naman si Trish e," pagpapaalam ni Chris.
"Sige lang. Five minutes niyo lang 'yung quarter, ha?" sagot ni Mark nang hindi sila nililingon na nagpabalik naman ng atensyon ko sa kanya. Bahagya pa 'kong natawa sa pinaggagawa niya dahil talagang namili pa siya ng ilalagay na mga piraso ng liempo sa plato ko, e pare-parehas lang namang inihaw na liempo ang mga 'yon. Ngiti lang ang tinugon niya bago iangat 'yung isang piraso na may pinakamaraming taba. Tumango naman ako. "Sabi na e. Pero 'wag ka masyado kumakain ng taba, ha?"
"Bihira naman talaga. Sobrang healthy nga ng pagkain ko lagi e—"
"Wait lang, ha? Ako rin kakain." Kumuha pa siya ng isa pang plato at nagsimulang magsalok ulit ng pagkain.
"—kasi gulay lang ang mabilis lutuin. Minsan nga kahit 'di na luto e. Ta's Century Tuna. E madalas, nakakatamad pa magsaing. Kaya puro sandwich lang ako."
"E ba't 'di ka na lang kumain sa school?"
"Mahal do'n. Sayang pera. Saka nagbabaon ako."
"So, mag-isa ka lang talaga 'jan?"
May kaunting kirot pa rin talaga sa 'kin 'yong tanong niyang 'yon. Napakibit-balikat ako. "Oo e."
"Mahirap?"
"Nu'ng una. Sanay na rin ako ngayon. Ikaw ba?"
"Ah, kasama ko minsan si Kuya dito sa condo, kaso parehas kaming tamad magluto. Kaya nga halos food sa Two-Twenty ang lagi namin kinakain dito. O kaya de lata."
"Parang hindi naman kita nakikitang nag-uuwi ng food."
Tumawa si Mark nang malakas. "Hindi ako nag-uuwi. Siya. Tigasaing at hugas ng plato lang ako." Pinakita niya sa 'kin 'yong plato niyang ang naiba lang sa 'kin ay walang spaghetti pero masmarami ng kaunti 'yong rice at beef na ulam, sabay dampot sa plato ko. "Tara na muna sa table."
"—ang daya niyo talaga!" Si Pia. Kanina ko pa naririnig na binubungangaan niya 'yong dalawa. 'Di ko lang napapakinggan kung ano mismo 'yong sinasabi niya, pero mukhang naiinis siya dahil naglalaro ng 2k 'yong dalawa—Cavs at GSW.
"Hay nako, P!" pagsasaway sa kanya ni Daryl. "Hayaan mo na kasi sila. Masmasaya manood. Ahihi!"
Nilapag ni Mark 'yong plato ko sa pwesto sa tabi ni Daryl at 'yong kanya naman sa kabisera sa tabi ko. "'Jan ka, okay lang?"
"Um." Tumango ako. 'Yong pinwestuhan niya kasi, parang sentro ng atensyon kaya ayaw ko ro'n.
"So, Markey," sabi ni Daryl pagkaupo namin, "kaya pala konti lang kinain mo kanina?"
"Oo. E mahihiya 'to si Yuan kung walang kasabay e."
"Sa'n ka ba kasi galing, Yuan?" tanong ni Daryl na parang akala mo matagal na kaming magkakilala.
"Ah, sa Two-Twenty. May gig kasi kami do'n." Bumaling ako kay Mark. "Speaking of, sino kuya mo do'n? Parang 'di mo naman kamukha si Kuya John, e parang siya lang naman kilala kong pwedeng mag-uwi ng pagkain do'n."
Pigil 'yong tawa ni Mark, 'yong puro biglang pagbuga lang ng hangin sa ilong, dahil may laman ang bibig niya. Pero kung wala, feeling ko humagalpak na 'to.
Pero napapansin ko lang, ang hilig niyang tumawa kahit sa maliliit na mga bagay. Hindi ko tuloy alam kung pa'no ko nasabing pareho sila ng ugali ni Thor, e napakahirap patawanin no'n—kailangan mo pa talagang kilitiin minsan.
Pagkalunok ni Mark sa kinakain niya, lumagok pa siya ng Coke na feeling ko may halo dahil sa pitsel niya 'yon kinuha at hindi sa bote. Hindi ko na lang tinanong, at baka mayaya pa 'ko.
"Si Kevin. Kuya ko 'yon."
"Ha?" Napakamot ako ng ulo. Wala namang nag-react sa mga kaibigan niya kaya naniwala akong totoo ang sinabi niya.
Napatitig ako sa kanya. Talagang kinilatis ko 'yong mukha niya nang maige. Sobrang iba kasi sila ng features ng mukha. Saka moreno kasi si Sir Kevin, at maputi naman si Mark. Actually, may pagka-mestizo nga 'yong features nito ni Mark e, samantalang nasa Asian side naman si Sir Kevin. Kaya, hindi mo sila mapagkakamalang magkapatid.
Ngumiti siya. "Malayo ba sa itsura?" tanong niya nang mapatagal ako sa pagsagot.
"Actuallyyyy"—napansin kong biglang nagkulay pula 'yong maputi niyang mukha—"hawig pala kayo ng mata."
'Di ko naman natititigan 'yong mata ni Sir Kevin, pero ngayong kinukumpara ko 'yong mukha nila ni Mark, na-realize kong pareho nga silang tumitig pati na 'yong hugis ng mga mata nila. Ang nagkaiba lang, brown kasi 'yong kulay ng mata ni Sir Kevin kaya hindi kasing intense 'pag si Mark ang tumitig sa 'yo.
"Ayos ah! Ikaw pa lang nagsasabi n'yan bukod kay Papa, saka syempre sa Mama ko at kay Kuya," sabi niya.
Mukhang bumebwelo pa siya ng kwento, kaya ipinagpatuloy ko na lang ulit ang pagkain ko. Masarap 'yong spaghetti, sa totoo lang. Mukhang mapapaulit nga ako e, dahil paubos ko na 'yong nasa plato ko. Mamamapak na lang din siguro 'ko ng ulam at hindi na magkakanin.
"Kase—"
"'Tang ina naman!"
Sabay kaming napatingin kay Pia na nakatingin din pala sa 'min at parang naiinis.
"Panira ka, Girl!" tatawa-tawang pagpuna ni Daryl sa kanya na may kasamang hampas.
"E akala ko magki-kiss sila—"
Ano? Naramdaman ko ang biglang pag-init ng mukha ko.
"—kaso sumubo naman ng spag si Yuan!"
"'Di mo naman kasi narinig pinag-uusapan nila. Sabi sa 'yo manood ka lang ta's sinira mo naman!"
"Pinagsasabi n'yo?" tanong ni Mark na lalong masmapula ang mukha ngayon.
"Wala!" Sabay tawa. "'Tangina kasi ng babaeng 'to kahit kailan e!"
Sakto namang tumunog ang doorbell nang saglit ring 'yon. At mabuti lang din. Dahil kung hindi, pakiramdam ko, kaunti na lang ay magiging awkward na ang lahat. Sandaling pinagbuksan ni Mark ng pinto si Trish na may dalang dalawang bucket ng Chickenjoy na parang air freshener na kumalat agad sa unit ni Mark.
"'Di ba pwede naman magpa-deliver dito sa unit?" tanong ko kay Mark na kauupo lang.
"Kuya niya kasi nagdala nito," sabi niya, habang nilalagyan ng leg part 'yong plato ko mula sa isang bucket. 'Yong isang bucket naman, inilapag ni Trish sa counter.
Natawa 'ko. "Bata?"
"Ibang part ba gusto mo? Lagay mo na lang sa plato ko 'yan."
"'De, ayos na 'to."
Kahit anong part naman ng manok, basta Chickenjoy e. Pakpak naman ang inilagay niya sa plato niya.
"So, itong handa mo, galing sa Two-Twenty 'to?" tanong ko.
"Uy, 'di ah! 'Yung liempo lang. 'Yung beef, pinaluto lang 'yan ni Kuya kay Chef Ric. Gawa ko naman 'yung spag."
"'Di nga?" manghang-mangha kong tanong sa kanya dahil sobrang sarap no'ng spaghetti.
"Masarap, 'no?" Ngiting ngiti siya, 'yong para bang proud na proud siya sa sarili niya.
"Oo na lang." Tawang-tawa 'ko sa itsura niya no'n. Para siyang si Damulag no'n habang kumakanta no'ng Ako Ay May Lobo. "Pero alam mo, ang dami ko na nakainan ng spag, ito pinakamasarap."
"Weh." Ang laki ng ngiti niya.
"Dapat nag-Chef ka na lang e."
Pagkabigkas ko no'n—kung pwede lang—ay gusto ko na agad bawiin. Parang may nag-iba kasi.
"Malay mo," sabi niya, sabay buntong hininga. At kahit hindi naman nawala 'yong ngiti sa mukha niya—'di ko alam kung pa'no niya nagawa 'yon—pero may nahalong pagkaseryoso naman sa expression sa mga mata niya. 'Yong para bang iba ang iniisip niya sa sinasabi niya.
Nag-iba rin 'yong buong atmosphere sa condo. 'Yong para bang nakaapak ako ng tae ng aso nang 'di ko nalalaman at, pagkatapos, sumakay naman ako ng aircon bus. Kung kanina ay parang wala namang pakialam 'yong mga kaibigan niya sa mga pinag-uusapan naming dalawa, ngayon naman ay ramdam kong parang intense na ang titig sa 'kin nina Roy at Chris kahit nakikita ko namang hindi naman sila sa 'kin nakatingin, kun' di sa TV. Tumigil din 'yong trasktalk-an nila, at tanging commentator lang sa NBA ang naririnig ko sa background.
"Gusto ko sana e, kaso kailangan ko kasi ng trabahong kikita agad ako ng pera."
May bigat 'yong pagkakasabi niya no'n. Gusto kong itanong kung bakit, kaso nahihiya ako. Actually, kung kami lang dalawa ang magkasama, itatanong ko. Kaso, kasama namin 'yong mga kaibigan niyang kulang na lang ay lagyan ako ng duct tape sa bibig para hindi na makapagsalita.
Ang awkward.
"Ahhh. Hehe." Napakamot ako ng ulo.
'Yong atmosphere ngayon, 'yan 'yong pakiramdam na pinakaayaw ko. 'Yong may mga kasama ka pero parang hindi ka... belong. Mas sanay akong mag-isa lang, kaysa 'yong katulad nitong kailangang makisama. Hindi naman na ako bata para maging big deal sa 'kin 'yong hindi ako mapasama sa isang grupo. Kaya, ang weird lang talaga. Mas gusto kong umuwi na lang kaysa ganito. Hindi ko naman naramdamang galing kay Mark 'yong ganoong ere. Pero 'yong dalawang tropa niyang marino, no'ng minsang mapasulyap ako sa kanila, ang O.A. lang no'ng tingin nila sa 'kin. Akala mo pinatay ko 'yong tuta nila.
Biglang tumayo si Mark.
"Tara, Yu. Samahan mo 'ko."
"Sa'n ka punta, Tol?" tanong ni Roy.
"Bili 'ko alak." Nabuksan niya na 'yong pinto, pero nakaupo pa rin ako at nakatingin lang sa kanyang may malaking ngiti at nakatingin din sa 'kin. "Yuan?"
"Ah!" Ito naman kasing si Mark, sobrang out of the blue, kaya saglit akong nabigla. "Wait."
Tumayo na rin ako at agad na sumunod sa kanya palabas ng unit.
Para lang makatakas do'n sa kabigla-biglang kakaibang atmosphere na 'yon.