11
"Pasensya ka na sa mga 'yon, ha?"
Iyan agad ang nasabi ni Mark pagkasara ko ng pinto. Tinignan ko lang siya habang pinipilit kong magpaka-poker face, nagkukunwaring hindi ko alam kung anong tinutukoy niya.
"Pansin ko kasing 'di ka na kumportable e," pagpapaliwanag niya nang nakakailang hakbang na kami, hindi pa rin ako nagsasalita. "Mali ba 'ko?"
Hindi ko naiwasang mapatingin sa kanya nang may pagtataka. Actually, sobrang nagtataka ako. Gano'n na lang ba 'ko kadaling basahin?
Napakibit-balikat ako. "Tama ka naman."
Ngumiti siya nang may kahalong ngiwi at hindi na muling nagsalita bago pindutin 'yong pantawag ng elevator. Up ang nakita kong pinindot niya, pero hinayaan ko na lang at hindi na ako nagsalita. Birthday boy e. Tapos, pagkasakay naman namin sa elevator, imbis na G, 'yong R naman ang pinindot niya. Saglit na tumingin lang ulit ako sa kanya, pero 'di tulad ng mga usual na pakikitungo niya sa 'kin, naging mailap 'yong mga mata niya at nanatili siyang tahimik.
Ilang segundo lang ay palabas na kaming dalawa sa roof deck.
Mahangin. Walang tao. As usual. 'Yong view kasi ay so-so lang. Pa'no ba naman, napaliligiran 'tong condo ng mga subdivision. 'Yong Eurotel sa malapit lang ang nag-iisang building na medyo matangkad. E buti sana kung kita mo galing dito 'yong Laguna Lake, kaso nakaharang naman 'yong mga building sa Madrigal at sa Filinvest. At sa layo nito, kahit wala pa 'yong mga building na 'yon, tingin ko ay hindi pa rin makikita 'yong Laguna Lake. Naalala ko tuloy 'yong sabi sa 'kin ni Lola. At least, may view.
"Sorry, ha?" biglang sambit ni Mark nang pareho na kaming paharap na nakasandal sa mababang pader na railing nitong roof deck at nakatingin sa malayo. Pasay o Makati 'ata 'yon, ewan ko lang. "Tuwing may itatanong ka kanina"—bahagya siyang natawa—"panay interruption e. Saka, salamat pala sa pagpunta, ha? 'Kala ko 'di ka darating e. Kasi ang tagal mo. Kanina pa 'ko naghihintay e. Sorry, 'big ko sabihin, 'di naman kita pinipilit na pumunta kasi pero—"
Natawa 'ko at tumingin sa kanya. Parang ngayon ko lang kasi siya nakitang ganito. Flustered. Nagra-ramble. "Chill ka lang. Traffic kasi kanina e. Pero parang kaka-start niyo pa lang naman, ah? Saka ikaw kaya may kasalanan."
"Kasalanan? Kanina pa kaming alas sais do'n, 'no. Saka anong kasalanan ko?"
"Sinabi mo kasi sa kuya mo na maganda 'yung set namin nu'ng last Thursday. E Wednesday, Thursday, Friday na kami tutugtog ngayon do'n. Pinaulit niya kanina 'yung set namin nu'ng nakaraan para makatugtog na agad kami ngayon."
"Talaga? Hindi niya sa 'kin sinabi." Napakamot siya ng ulo. "Kaya pala. Kaninang mga alas kwatro ko pa kasi iniwan 'yong message ko sa 'yo e, kaya akala ko 'di ka na pupunta."
Natawa na naman ako. Bigla ko kasing naalala 'yong picture niya do'n sa sinasabi niyang message. "Akin na nga phone mo. Lagay ko number ko. Hindi 'yung susulat ka pa talaga."
Binigay naman niya 'yong phone niya. "'Di mo kasi ina-accept request ko sa Facebook e. 'Di mo tuloy nakikita message ko sa 'yo," sabi niya habang tinitipa ko 'yong number ko sa phone niya. Naalala ko tuloy na pinagla-log in nga pala ako ng mga ka-banda ko kanina sa Facebook.
"Oh." Ibinalik ko sa kanya 'yong phone niya. "'Di naman kasi 'ko nagfe-Facebook. Sobrang tagal na." Napabuntong hininga ako. "Wait lang, tanong ko kay Bryan 'yung password." Nag-text naman agad ako kay Bryan para magtanong.
"Bakit alam ni Bryan at hindi mo alam?"
Natawa ako. "Social media manager ko siya e. Pa-wifi ako sa inyo mamaya, ha? Download ko lang 'yung Facebook."
"Seryoso ka talaga?"
"Oo nga. Oh"—inabot ko sa kanya 'yung phone kong naka-unlock na—"i-check mo pa." Pero hindi naman niya kinuha.
"Kaya pala hindi ka nagpo-post. Puro lang mga naka-tag sa 'yo." Tumawa siya. "Buti na lang naisip ko mag-iwan ng message du'n sa unit mo."
"Ba't pala alam mo unit ko? Stalker ka, 'no?"
Biglang namula na naman 'yong maputi niyang mukha. "Stalker ka 'jan."
Natawa ako. "Nagba-blush ka, oy, so totoo!"
"Na-curious lang kasi ako kung saang unit ka," pagdadahilan niya. "Kaya tinanong ko kay Mang Danny. Saka matagal na 'yon, 'no."
Tumango-tango ako. Si Mang Danny kasi 'yong isa sa mga security guard nitong condo. Hindi ko alam kung alam ba niya lahat ng pangalan ng nakatira dito o talagang alam lang niya ang pangalan ko. Pero dahil lagi niya akong binabati simula pa no'n, nakilala ko na rin siya nang lumaon.
"So hindi talaga kita nakasabay sa elevator?"
"Totoo 'yun, 'no!"
"E bakit alam ni Mang Danny unit ko?"
Napangiti si Mark, labas ngipin, 'yong tipong kaunti na lang, tatawa na siya. "Sabi niya kasi, nu'ng kakalipat mo pa lang e halos two months ka daw nagpapa-deliver ng pagkain kaya na-memorize niya. Pero nagtataka ako—actually, siya talaga 'yung nagtataka pero ako na den—'di ka daw nagpapa-deliver sa McDo?"
'Di ko napigilang tumawa nang malakas. "Magnanakaw kasi 'yon!"
At natuloy na nga 'yong nagbabadyang tawa sa mukha niya. "Pinagsasabi mo?"
"Bad trip kasi kami do'n. 'Di mo ba napapansin? Laging kulang 'yung softdrinks kahit saang branch. Parang laging kulang ng fifty em-el. Ta's ang da'i pang yelo! 'Pag pinadagdagan mo ng softdrinks, galit pa sa 'yo. Kaya never na kami ni Bryan 'jan."
"Nako, e bihira kasi 'ko kumain do'n kaya hindi ko napapansin. Maka-Jollibee ako, ta's nagtitipid din ako."
"Nagtitipid? Yaman-yaman niyo e."
Natawa na naman siya. "Sila Kuya lang 'yon, 'no. Anak lang ako sa labas kaya 'di ako kasali sa yaman na 'yon. Galante naman si Kuya sa 'kin pero ayo' ko naman samantalahin 'yon."
Kaya pala hindi sila magkamukhang magkapatid.
Kaya pala parang biglang nag-iba 'yong atmosphere kanina sa loob ng condo niya habang nando'n na kami sa topic na 'yon.
'Di muna ako nagsalita. Nakatingin lang ako sa kanya habang nakatanaw naman siya sa kung ano sa malayo. Sinusukat ko 'yong mood niya pero mukhang wala namang nagbago. Kaso, hindi lang naman mga kaibigan niya pero maging siya ay nag-iba rin ang timpla kanina.
"Sooowww... kanina? ...tama ba 'ko? Pangarap mo talaga mag-Chef?"
Ang tagal bago niya 'ko sinagot.
"Oo. Gusto ko maging chef." Huminga siya nang malalim. "Kaso, ako na lang kasi ang katuwang ni Mama ngayon kasi namatay na si Tito, 'yung asawa niya. E may tatlo pa 'kong kapatid. Buti nga, kasama sa will ni Papa na patapusin ako mag-aral e. Binibigyan din ako ng panggastos ni Kuya bukod pa sa trabaho ko. Kaya at least, nakakaraos kami. 'Yun lang talaga ang pangarap ko ngayon e. 'Yung makaraos kami."
Pakiramdam ko, awkward, pero hinimas-himas ko pa rin siya sa likod. "Sorry, Mark, ha? May pagka-insensitive 'ata 'yung nasabi ko kanina. Kaya pala ang sama ng tingin sa 'kin nu'ng mga tropa mo."
"Nako, hinde"—sabay biglang tawa—"walang kinalaman sa 'kin 'yon. Saka wala lang sa 'kin 'yon, 'no. E si Roy at Chris kasi, feeling ng mga 'yon minamata 'yung department namin ng buong school. Tapos, sa 'yo pa nanggaling na dapat iba na lang 'yung kinuha kong course. Kaya 'ayun—ewan ko sa mga 'yon—ang dating siguro sinasabihan mo silang tanga." Sabay tawa na naman. "Saka, si Chris kasi prez ng council namin."
"Teka, ano naman kung sa 'kin manggaling?"
"Sikat ka nga kasi, kaya 'yung sinasabi mo, may bigat sa kanila."
"Sikat? Hindi ah!"
"Ang kulet." Tumawa siya. "Check mo kasi Facebook mo. Para makita mo 'yung sinasabi ko."
"Hindi naman talaga e. Saka wala naman akong pake' do'n kung sikat ako."
"Alam ko naman 'yon. Kaya nga"—tumingin siya nang diretso sa mga mata ko bago bumulong—"sana akin ka na lang."
Natulala ako.
Hindi ako nakagalaw.
Tama ba 'yong narinig ko?
Pabulong niya lang iyong sinabi, pero parang paulit-ulit na sigaw 'yon sa tenga ko ngayon. Halos sumabog sa biglang kaba 'yong dibdib ko. Pati utak ko, parang sasabog na rin sa lahat ng biglang nagsabay-sabay na kung anu-ano.
Hindi ko alam kung saan niya nahugot 'yon. Hindi ko alam kung paanong doon biglang lumiko ang usapan namin. Hindi ko alam kung anong koneksyon no'n sa lahat ng pinag-uusapan namin simula kanina pa.
Pabulong niya iyong sinabi, kaya baka naman mali lang ako ng dinig.
Sana ano?
Hindi ko maialis ang tingin ko sa mga mata niya. Hinihintay kong magbago 'yong nakikita 'kong expression doon, pero habang tumatagal, parang lalong nagiging buo 'yong damdamin sa likod ng mga 'yon. Kahit katiting na pagbibiro ay hindi ko mahanap do'n.
"Are you serious?"
Bahagya siyang ngumiti. "'Wag mo naman ako English-in, Yuan."
"Seryoso ka ba?"
May kaunting saglit na napansin kong nanlaki ang mga mata niya bago—sa laki ng pagtataka ko—bigla na lang siyang humagalpak ng tawa. Sa sobrang pagtawa, hindi na niya namalayang hinahampas-hampas niya na 'yong balikat ko. At kahit na nalilito pa ako kung bakit siya tumatawa, hindi ko napigilang mapangiti sa nakikita kong expression sa mga mata niya ngayon dahil ngayon ko lang naintindihan 'yong sinasabi nilang bright eyes. 'Yan kasi ngayon 'yong nakikita ko. Sigurado ako.
"Grabe ka, Yuan!" Iiling-iling siya.
"Tss. Ano nakakatawa?"
'Di ko alam kung bakit, pero maski ako ay bahagya na ring natatawa dahil sa kanya. Hindi ko na maramdaman 'yong tensyon sa ereng dala ng tanong niya kanina.
"Panira ka ng moment e." Napabuga siya ng hangin. "Hindi kasi ako nagbibiro."
"Hindi rin ako nagbibiro, Mark."
Saglit siyang natahimik at napatitig sa 'kin bago nanlaki na naman 'yong mga mata niya. Saka siya napatingala't napabuga ng hangin. "Ay shit, oo nga. Akala ko kasi tinagalog mo lang e."
Tinulak niya ang sarili niya palayo sa railing gamit ang dalawang kamay para tumayo nang diretso at humarap sa 'kin at saka ko lang na-realize na kanina pa pala siya nakaakbay dahil noon lang natanggal 'yong bigat ng braso niya sa mga balikat ko.
"Yuan, seryoso ako. 'Wag mo ko masyadong English-in, at pwede bang sa 'kin ka na lang?" Nag-iwas ako ng tingin. "Sorry—alam ko—masyadong mabilis. Hindi ko lang kasi napigilan kanina e. Ang tagal ko nang pinipigil. Ang tagal ko na kasi gustong itanong sa 'yo 'yon e, kaya bigla na lang lumabas. Pero kung pwedeng ulitin, ang itatanong ko talaga"—bumuntong hininga siya nang pagkalalim-lalim—"pwede ba kitang ligawan?"
At gano'n-gano'n lang, napalitan na naman 'yong hanging umiihip sa 'min ngayon.
Napabuntong hininga ako. Hindi ko inalis ang tingin ko sa Pasay o sa Makati o kung saan mang lugar 'yon.
Hindi ko alam.
Hindi ko alam ang sasabihin.
Hindi ko alam ang dapat kong isipin.
Hindi ko rin alam kung bakit pinag-iisipan ko pa 'to.
Kanina lang, sinasabi ko sa sarili kong gusto ko siyang maging kaibigan, kahit na nakikita ko pa kung saan iyon patungo sa panig ko. Pero 'tang ina, bakit gan'to naman kasi agad? Kahit na sinabi ko rin sa sarili kong nakikita kong baka dito ito humantong at kahit na ngayong alam ko nang hindi naman magiging one-sided iyon kung sakali, masyado pa rin akong nabibilisan.
Masyado kasi talagang mabilis.
Nabibilisan ako sa takbo ng mga pangyayari.
Baka naman maging one-sided pa rin, pero sa panig naman niya. Ayaw ko namang makasakit kung sakali. Lalo na, hanggang ngayon, hindi ko pa rin napapatawad ang sarili ko sa nagawa ko kay Hannah.
Pero, at least, hindi siya katulad ni Thor na bigla na lang nanghahalik.
Tumingin ako sa kanya, napabuntong hininga. "Galing din ng timing mo e, 'no?"
"Timing?"
"Kung kelan birthday mo, saka ka nagtatanong ng ganyan."
Napangiti siya. "E ngayon lang kita na-solo talaga e. Akala ko nga, ga-graduate tayo nang hindi man lang ako nagkakaro'n ng ganitong chance sa 'yo. Pero pagkatapos nu'ng... aah, kagabi... naramdaman ko na, may pag-asa pala 'ko sa 'yo."
Naalala ko naman.
Kahit na kagabi lang 'yon, nawala na 'yon sa isip ko dahil para kasing no'ng isang araw pa 'yon. Pero, naalala ko na naman ngayon. At oo, kagabi nga lang pala 'yon.
Sa totoo lang, pakiramdam ko parang napakatagal dumaan nitong dalawang araw na 'to.
Parang ang daming nangyayari.
"Mali ba 'ko?"
Hindi ako makasagot.
Ang tagal kong nakatitig lang sa kanya at hindi makapagsalita. Hindi ko alam kung alam ba niya kung anong tumatakbo sa isip ko, pero nanatiling diretso lang sa mga mata ko ang tingin ng mga mata niya. Ayaw bumitaw. Hindi pa 'ko nahoholdap, pero ganito siguro ang pakiramdam no'n. Pakiramdam ko kasi, sobrang laki ng hinihingi niya sa 'kin.
Buti sana kung may pasabi man lang.
Hindi 'yong biglang seryosong sasabihin sa 'yong, "Sana akin ka na lang."
'Tang ina.
Para kang dinalaw ng naka-one night stand mo no'ng isang taon at pinakitaan ng baby, tapos sabi sa 'yo, "Sustento mo?"
"Mark... ano... hindi ba pwedeng... magkaibigan muna... tayo?"
"Hindi pa ba tayo magkaibigan ngayon?"
Natawa ako nang may pagkamapakla. "Tatlong linggo pa lang kaya tayo nagkakakilala. Ilang araw pa nga lang tayo nagkakasama e."
"Ano naman? Nasusukat ba sa araw 'yon?"
"Hindi, pero—"
"Sorry, Yu. Sige." Bumuntong hininga siya. "Naiintindihan ko. Sorry, Yuan. Alam ko parang nagmamadali ako, pero"—napahinga ulit siya nang malalim—"ayo' ko lang kasi talaga na malagpasan pa 'ko ng chance na 'to ngayong magkakilala na tayo. Pero sorry talaga. Sorry. Hindi na kita pipilitin. Sorry. Sana walang magbago."
Pagkatapos niya sabihin 'yon ay obvious na obvious na nanlumo siya. Hindi naman nawala 'yong ngiti sa mga labi niya, pero hindi na 'yon kasing lapad katulad kanina. Kung kani-kanina lang ay ako 'yong tumitingin sa malayo makaiwas lang ng tingin sa kanya, siya naman ngayon. Nakapangalumbaba pa talaga siya do'n sa railing. Pakiramdam ko tuloy may masama akong nagawa sa kanya.
Parang bata.
"Huy"—tatawa-tawa ko siyang tinapik sa likod—"'wag ka naman ganyan. Nabibilisan lang talaga 'ko. Akala ko ba naiintindihan mo?"
"E feeling ko nabasted ako e."
"'Di ka pa nga nanliligaw e, basted na?"
"E ayaw mo nga kase, 'di ba?"
"Ay 'sus."
Natawa ako nang sipain niya 'yong pader na sinasandalan niya.
"Para kang bata."
"Pahingi na lang regalo. Birthday ko e."
"Loko-loko ka! E 'di sana sinabi mo sa 'kin no'ng isang araw pa o kaya kahapon."
"Hinde. Ayo' ko ng nabibili."
Natigilan ako. Alam ko na 'yong mga ganitong galawan e. "Oh, sige. Anong gusto mo?"
Tumingin siya sa 'kin. "Kiss sabay hug," sabi niya nang may napakalapad na ngiti.
'Di ko napigilang matawa kahit na alam ko namang kabalbalan 'yong sasabihin niya bago pa siya magsalita.
"'Yan! Sabi ko na e, 'no?"
Masaya rin akong wala na 'yong panlulumong nakita ko sa kanya kanina. Kahit naman kasi maikling panahon pa lang ang napagsasamahan namin, ayaw ko pa ring makita siyang gano'n.
Muli siyang tumayo nang diretso at humarap sa 'kin. "Sige na, Yu. Kahit hug na lang."
"Hay nako. Ano pa nga ba?"
Humarap ako sa kanya't ibinuka ang mga braso ko bilang pag-aanyaya. Saglit siyang tumitig sa mga mata ko at ngumiti bago ko naramdamang nakapulupot na ang kanyang mga braso sa likod ko at nakahilig ang kanyang ulo sa kaliwa kong balikat. Nag-aalangan man ay yumakap na rin ako pabalik sa kanya.
Pagkatapos ng ilang segundo ay sinubukan ko na siyang itulak palayo. Pero lalong humigpit 'yong yakap niya.
"Abuso ka na, oy."
"Konti pa, please?"
Napabuntong hininga ako. "Pasalamat ka birthday mo."
Akala ko saglitang yakap lang 'to, pero parang wala yatang balak bumitiw ng isang 'to. Parang gusto niya yatang ma-memorize ko 'yong normal temperature ng katawan niyang hindi naman pala matigas kahit na mukha iyong batu-bato pati na 'yong halu-halong amoy ng apple na galing sa buhok niya, 'yong amoy ng Downy, at 'yong natural na singaw ng katawan niyang hindi ko mapangalanan dahil wala naman akong maamoy na pabango.
O siguro, talagang sobrang tagal ko nang hindi nayayakap kaya kung anu-ano na lang ang napapansin ko.
Ilang saglit pa ay naramdaman ko ang kamay niya sa ulo ko. Akala ko hahaplusin lang niya, pero pilit niya iyong pinipwersa pababa para ihilig sa balikat niya. Hindi ako pumayag. Nilabanan ko 'yong kamay niya.
Umangat 'yong ulo niya't tumingin siya sa 'kin. "Please?"
Dahil sa sobrang lapit ng mukha niya, ramdam ko 'yong pagdampi ng mainit niyang hininga sa mukha ko. Sobrang lapit niya talaga. Kaunti na lang, mahahalikan niya na 'ko, at nang rumehistro 'yon sa utak ko, parang biglang may nahulog na nagwawalang bass drum sa loob ng dibdib ko. Ayaw paawat. Dagundong kung dagundong. Hindi na nahahagip ng mata ko ang mga labi niya pero nakita ko ang biglang pagngiti niya dahil kitang kita ko 'yon sa mga mata niyang bright eyes na naman.
"'Wag kang kabahan, Yu. 'Di kita hahalikan."
"Pasalamat ka birthday mo," sabi ko ulit, bago ako pumikit at inihilig ang ulo ko sa balikat niya.
"Thanks, Yuan. Ambait mo talaga," sabi niya habang nagba-vibrate 'yong dibdib niya dahil sa pagtawa.
Unti-unti, naramdaman ko ang mabagal niyang pagduyan sa aming dalawa, paroo't parito. Nang magsimula siyang kumanta, saka ko lang na-realize na isinasayaw niya na pala ako.
When the rain is blowing in your face—
Nagtayuan ang mga balahibo ko sa boses niya. Kantahin ba naman nang malapit sa tenga ko e.
—and the whole world is on your case, I will offer you a warm embrace to make you feel my love—
At talagang hinigpitan pa niya 'yong yakap niya for emphasis.
—I know you haven't made your mind up yet, but I will never do you wrong.
I've known it from the moment that we met.
There's no doubt in my mind where you belong—
Ngayon pa lang may gumawa sa 'kin ng ganito. Pero sa bagay, si Hannah pa lang naman ang nagiging girlfriend ko. 'Di ko maintindihan 'yong nararamdaman ko ngayon, sa totoo lang.
—I could make you happy; make your dreams come true—nothing that I wouldn't do—go to the ends of the Earth for you.
To make you feel my love, to make you feel my love.
Ang alam ko lang, ayaw kong maging ito na ang huli.
*
Song credits:
Make You Feel My Love
Songwriter: Bob Dylan
© 1997 by Special Rider Music