Extra I
Eksakto alas otso pa lang.
Ng umaga.
Ng Sabado.
'Di ko na 'kailangang tignan pa sa peephole kung sino 'yong nag-doorbell at gumising sa 'kin. Dalawang tao lang naman kasi ang pwedeng gumawa no'n at si Bryan 'yong isa, na imposible namang puntahan ako ngayon dahil may group study sila nina Jade kagabi para sa finals nila. Kaya malamang, tulog pa 'yon ngayon.
Ako rin sana e. Kaso.
Binuksan ko 'yong pinto at binigyan ng masamang tingin 'yong isa sa dalawang taong posibleng mag-doorbell sa condo ko nang ganitong oras. Basta. Kung ga'no man kasamang tingin ang kaya kong ibigay habang pinipilit ko pang imulat ang mga mata ko.
At tama naman ako. Si Mark nga. May hawak siyang eco-bag na mukhang maraming laman.
Hindi ko maintindihan 'yong expression sa mukha niya. Parang hindi niya alam kung ngingiti o ngingiwi o magugulat ba siya.
"So-sorry, Yu. Nagising pala"—mabilis na pumasada 'yong mga mata niya mula sa mukha ko hanggang sa mga paa at saka bumalik pataas, bago may kung ano siyang nakita sa likod ko at hindi na niya binitawan ng tingin—"kita? Aahhh, kung gusto mo balik na lang ako? Mamaya? Um, sorry, ha?"
Naalala kong sinabi nga pala niyang dadalhan niya 'ko ng almusal ngayon. Pero hindi ko naman alam na seryoso pala siya do'n. Akala ko, isa lang 'yon sa mga pautot niya. Iniisip ko kasi, baka abutin na sila ng umaga sa pag-iinom dahil birthday naman niya.
O baka naman katatapos lang nila.
"Natulog ka ba?" tanong ko.
"Ha? Ano...." Nagkamot siya ng ulo. "'Di ko gets."
Nagkibit-balikat na lang ako. Wala rin naman akong naaamoy na alak galing sa kanya e.
"So, what—um, anong meron?" pagkukunwari kong hindi ko alam kung anong pakay niya.
"Almusal?" May pag-aalangan 'yong ngiti niya. "'Di ba sabi ko kagabi?"
"Pasok."
"Hindi ka na ba galet?"
"Galet?"
"Galit ka nu'ng binuksan mo 'yung pinto e."
"Tss." Bahagya 'kong natawa. "Hindi ako galet. Pero bad trip ka. Ginising mo 'ko."
"Payag naman ako maparusahan e," sabi niya nang may malaking ngiti na ngayon.
"Ulul." Nag-echo sa hallway ang langitngit ng pagbukas at pagsara ng isang pinto kung saan. "Pumasok ka na nga dito."
Sumaludo siya. "Yes, Sir!"
Napangisi ako sa kanya, nang pagkapasok na pagkapasok niya sa unit ko, napatitig agad siya sa sofa at coffee table at halatang natigilan bago siya lumapit do'n at isa-isang inilapag sa table 'yong mga microwavable na laman ng dala niyang eco-bag. Inabutan ko siya ng tigdadalawang plato, kutsara, at tinidor.
"Oh, Sir, pasensya ka na, ha? Wala 'kong aircon dito sa labas e."
Tumawa siya. "Si Kuya lang 'yung mayaman kase. 'Tsaka mahangin naman oh," sabi niya. Hindi ko naman kasi sinasara 'yong bintanang katabi ng TV, maliban na lang kung pumapasok ang ulan.
"Ah, um, kain na tayo pero maghilamos ka muna at damit ka muna, Sir. Ang hot mo e—"
"Tss."
"—pero okay lang kung ayaw mo."
Naglakad na 'ko papuntang kwarto ko at hindi na pinansin 'yong kalokohan niya.
"Mag-briefs ka rin sana," tatawa-tawang pahabol pa niya bago ko pa maisara 'yong pinto.
Gagong 'yon.
Sinuot ko na lang 'yong T-shirt ko kagabi at pinatungan ng sweatpants ang boxers ko. Mamamatay muna 'ko bago ko pagsabayin ng suot ang briefs at boxers.