13


Patapos na 'yong Bridge to Terabithia nang dahan-dahan akong pumasok sa condo nina Mark. Nakita ko sa kitchen counter 'yong dala-dalang alak ni Sir—este, Kuya—Kevin kanina, pati na rin ang isang stainless na food tray na, nang iangat ko ang takip, ay may lamang inihaw na—tingin ko—tuna belly. Umuusok-usok pa. Tinakpan ko naman agad ulit 'yon at muling naupo sa pwesto ko kanina sa gitna ni Daryl at ni Mark. Wala sa paligid ang kuya niya. Malamang, naabutan no'n itong magtotropa habang nag-iiyakan at nagpasyang magtago muna sa kwarto niya.

Putek!

Oo nga pala. Akala niya siguro umiiyak ako kanina.

I mean, technically, oo.

Ewan ko ba. Na-touch lang talaga siguro 'ko sa sinabi ni Yuri kaya ako naluha kanina. Saka, siguro, dahil na rin 'yon sa first time makipag-usap sa 'kin ni Yuri nang gano'n. Pero, hindi naman talaga ako umiiyak no'n.

Pwede ba kitang ligawan?

Umiling ako't napabuntong hininga.

Pasimple kong tinignan isa-isa 'yong mga kaibigan ni Mark. Ang weird dahil wala kong naririnig na nagsasalita. Weird, dahil obvious naman na malapit na matapos 'yong movie. Ilang scenes na lang, credits na. Pinag-blindfold na nga ni Jess si May Belle e. Usually kasi sa mga magkakaibigang nagmu-movie trip, 'pag ganyan, nagdadaldalan na. Pero sila, hindi. Si Trish na parang umiyak magdamag, nakayakap lang sa seryosong si Roy. Si Pia, nakayakap sa katabi ko ring si Daryl, at si Chris naman, may ginagawa sa phone niya.

Pagdako ng tingin ko kay Mark—hindi ko alam kung inaabangan ba niyang mapunta sa kanya ang mga mata ko—agad siyang ngumisi at kumindat sa 'kin. Napailing na lang ako habang pinipigilan kong magpakita ng kahit na anong emosyon sa mukha ko, bago muling sinimulang ubusin ang malamig nang spaghetti sa plato ko. Gusto ko sanang initin muna 'yon sa microwave oven, kaso nakakahiya naman kung feeling at home ako.

"Birthday ko ta's drama papanoorin niyo," iiling-iling na bulalas ni Mark nang lumabas na nga ang credits.

"Si Daryl," sagot ni Roy habang tumatawa.

"Hoooyyy! Sabi niyo hindi love story pero nakakaiyak," sabi ni Daryl bago tumingin sa 'kin. "Kaso nakaligtas naman si Yuan."

Umiling ako. "Napanood ko na rin dati 'yan."

"Umiyak ka naman?" tanong ni Mark.

Napangiti ako. "Naluha lang, nu'ng umiyak 'yung teacher ni Jess."

Tumayo si Chris at nag-inat. "Ano, Babe? Tara na?" sabi niya kay Pia.

Napatingin tuloy ako sa relo ko sa pagtataka at nakita kong mag-aalas onse na pala ng gabi. Mali pala. Mag-aalas onse pa lang pala ng gabi. Dahil sa dami ng nangyari ngayong gabing 'to, pakiramdam ko, parang sobrang haba na ng oras. Parang kinabukasan na agad ng gabi.

"Last na lang! 'Di ba, Daryl?"

"Nako, P! Ikaw nakaisip n'yan. 'Wag mo 'ko idamay."

"Trish?"

"Pia, naman. Tara na. Para 'di ma-bad shot 'tong bebe ko kayla Mommy."

"Babe? Please?"

Sabay-sabay kaming napatingin kay Chris. Napakamot siya ng ulo. Nang tignan ko si Mark, nakatingin din siya kay Pia nang may pagtataka. Kaya—malamang—kung ano man 'yon, napag-usapan lang nila 'yon habang nasa roof deck kami ni Mark.

Natawa si Roy nang biglang napabuga na lang ng hangin si Chris bago tumingin siya sa 'kin. "Um, Par," sabi niya, "kung okay lang, pa-request daw kanta. Kahit isa lang, please? Sorry, ha? Hindi ako patutulugin nito e."

"Uy, gusto ko 'yan!" biglang sabi ni Mark na nagmamadaling tumayo. "Wait lang. Hiramin ko gitara ni Kuya." Agad siyang lumapit at kumatok do'n sa isa sa dalawang bedroom door, 'yong para sa masmalaking kwarto.

Ako naman ngayon ang napakamot ng ulo.

"Sino maggigitara, aber?" tanong ni Daryl kay Mark.

"Marunong 'yan si Yu."

"Pumayag na ba siya?"

Go, Daryl! Hinimas-himas ko 'yong likod niya para lalo niyang pag-igihan.

"Hindi 'yan tatanggi."

"Pwes, ibahin mo 'ko! Bilang manager niya"—bigla siyang humalakhak na siya namang nagpatawa rin sa 'ming lahat—"char lang!"

"'Lang 'ya!" Muntik ko na siyang mabatukan e. May split second kasi na parang isa sa mga biro ni Bryan ang nag-register sa utak ko. Buti na lang, naalala ko agad na si Daryl nga pala 'tong katabi ko. Feeling ko tuloy, makakasundo ni Bryan ito si Daryl kung sakali, lalo na sa mga ganyang klaseng biruan. Kung ako kasi, talagang nababatukan ko lang si Bryan.

Lumabas 'yong ulo ni Kuya Kevin sa siwang ng pinto. "Oh? Tapos na ba iyakan?"

Lalong nagkatawanan 'yong mga kaibigan ni Mark. "Tapos na, Kuya. Pahiram daw gitara si Yuan."

Tumingin siya sa 'kin nang may pagtataka. "Marunong ka?"

"Um, oo, Kuya. Pero 'di ako kasing galing nu'ng kambal, ha? Or ni Bryan."

"Saglit," sabi niya, bago parang pagong na umatras papasok 'yong ulo niya sa loob ng kwarto. Hindi naman na niya isinara 'yong pinto.

Bumalik si Mark sa pwesto niya, pero hindi siya umupo. "Yu, dito ka umupo. 'Jan na 'ko sa pwesto mo."

Sinunod ko naman siya. "Dami mo talagang alam."

"E syempre, para 'di ka mahirapan maggitara."

"Yuan, okay lang i-video?" tanong ni Daryl.

"Tapos ngayon may video ka pang nalalaman?!" panunumbat ni Pia.

"Um, sige"—napakamot ako ng ulo—"kaso 'di ko pa nga alam kakantahin ko e. Baka may request ka, Mark? Since birthday mo."

"Ako, may request ako," sabi ni Kuya Kevin na kalalabas lang ng kwarto niyang dala ang isang itim na gitarang may puting pickguard. Kita kong Martin ang tatak no'n.

Shit, mamahalin.

"Nakakahiya naman gamitin 'yan, Kuya, hehe."

"'No ka ba, kaya nga mas lalong dapat tugtugin e." Iniabot niya sa 'kin 'yong gitara. "Ako magre-request, Markey, okay lang?"

"Oo ba."

"Everlong. Alam mo 'yon, Yuan?" Ang lapad ng ngiti niya sa 'kin.

"Yes, Kuya, pero okay lang ba i—"

"Don't worry. Naka-drop D na 'yan."

"Ah!" Muntik na 'kong matawa. May pinagmanahan naman pala si Mark ng ugali e. Hindi pa nga niya alam kung alam ko ba 'yong kanta o kung alam ko bang tugtugin 'yon, pero na-drop D niya na agad 'yong gitara bago pa ibigay sa 'kin. Pero sa bagay, isang string lang naman 'yon kaya hindi naman 'yon masyadong hassle.

Huminga ako nang malalim.

"Wait lang, Yu," pagputol sa 'kin ni Mark. "Akin na phone mo, bilis. Unlock mo muna."

Iniabot ko naman sa kanya 'yon nang naka-unlock na. Hindi na 'ko nagtaka nang umakto siyang parang bini-video ako. Ang ipinagtataka ko lang, kung bakit kailangang sa phone ko pa.

"Start ka na," sabi niya.

Napailing na lang ako sa laki ng ngisi niya.

Ipinuwesto ko ang mga daliri ko at sinubukan lang muna ng isang strum 'yong unang chord para sa ikapapanatag ng kapraningan ko. Sinigurado ko lang 'yong tono, kasi baka hindi pa talaga naka-drop D e.

Nginitian ko 'yong may hawak ng phone ko.

"Oh, para sa 'yo, birthday boy."

Huminga ako nang malalim at sinimulang i-strum 'yong pamilyar na rhythm ng Everlong, isa sa mga pinakamagandang kantang naisulat ng tao.

—Hello, I've waited here for you, everlong—

Gaya ng nakagawian ko na sa mga gig namin sa 220, mabilis akong naglibot ng tingin habang kumakanta. Kahit papa'no kasi, memoryado ko naman na kung pa'no tugtugin 'yong Everlong. Pero syempre, kailangang tignan-tignan ko pa rin kung tama 'yong pwestong nililipatan ng mga daliri ko. Hindi naman ako katulad nina Bryan na memoryado na kung saan pupunta e.

—Slow, how you wanted it to be.

I'm over my head.

Out of her head, she sang—

Himalang seryosong nanonood sa 'kin 'yong dalawang tropa ni Mark na si Roy at Chris. Akala ko kasi, dahil sa animosity nila sa 'kin kanina, kakornihan lang itong ginagawa ko para sa kanila. Si Kuya Kevin naman nakangiti at, kasabay no'ng tatlong Tourism, ay nagba-bop 'yong ulo sa rhythm no'ng kanta. Samantalang si Mark, pinapanood ako sa maliit na screen ng phone ko at maya't mayang tumitingin sa 'kin nang nakangisi.

and I wonder when I sing along with you if anything could ever be this real forever, if anything could ever be this good again.

The only thing I'll ever ask of you, you've got to promise not to stop when I say when, she sang—

Nang matapos ko 'yong kanta, pinakaunang pumalakpak si Kuya Kevin. Nagsunuran naman 'yong iba, maging 'yong dalawang masama ang loob sa 'kin kanina, lalo na sina Trish at Pia na may kasama pang paghiyaw. Parang tanga naman si Mark na iniikot pa 'yong phone ko sa kanila na parang videocam.

"Sabi ko na 'di mo ibababa ng octave e!" bulalas ni Kuya Kevin habang ang laki ng ngisi sa 'kin.

"Nakakapagod kantahin 'yun, Kuya, ha." Natawa ako, napa-strum, at napabuga ng hangin. Pagkatapos ay tumayo na 'ko at buong ingat na iniabot sa kanya 'yong gitara niya. Mahirap na. Baka mapabayad pa ko nang wala sa oras. Hindi ko alam kung magkano 'tong gitara, pero sigurado akong nakakalula. Kaso, hindi naman niya kinuha.

"'Wag na, Yuan." Lumakad siya paatras papuntang kwarto niya. "Kunin ko na lang 'yung stand n'yan saglet. Mamaya ka na umuwi, ha?"

"Um, sige, Kuya."

Napakibit-balikat na lang ako sa isip-isip ko habang bumabalik sa pwesto kong dala-dala pa rin 'yong gitara.

"Oh, kayo. Hatid niyo na mga jowa niyo," sabi ni Mark. "Baka madagdagan pa request e."

"Oo nga," pagsang-ayon ni Roy, tatawa-tawa. "Tara na at baka madale na naman kayo sa curfew niyo. Kami na naman sisisihin."

"Parating din kasi 'yung ibang staff sa resto," pagsagot ni Mark sa tanong sa isip ko, "kaya mamaya ka na umuwi, please. Taga-dito ka lang naman e. Saka babalik pa 'yang dalawa. Ihahatid lang 'tong tatlo."

Tumango-tango na lang ako habang umii-strum ng kung anu-anong chords.

"Yuan, kung gusto mo, pwede pa naman ako mag-stay para sa 'yo," tumatawang pagsabat ni Daryl.

Nginitian ko siya. "Baka mapagalitan ka sa inyo."

"Hay nako! Sige, iisipin ko na lang, concerned ka lang sa 'ken."

Bago tuluyang umalis ay nagpumilit muna si Pia na mag-group picture kami kung saan ang nagprisintang photographer ay si Kuya Kevin at pagkatapos ay nagbilin pa 'yong tatlong Tourism na i-accept ko sila sa Facebook bago sila tuluyan nang nahila palabas ng condo ng mga boyfriend nila.

"Mark," sabi ni Kuya Kevin, "tawagin niyo na lang ako pagdating nila, ha?"

"Sige, Kuya."

Saglit kaming nagkatinginan ni Mark sa tunog ng paglapat ng pinto ni Kuya Kevin sa hamba.

Mag-isa na naman kaming dalawa, pero 'di tulad kanina, may pagka-awkward 'yon ngayon sa pakiramdam.

Pwede ba kitang ligawan?

"Tsk. Birthday Boy, magsalita ka nga."

Bahagya siyang natawa bago tumingin sa 'kin nang may kaunting alinlangan. "Ano... ah, ang lakas mo palang kumain, 'no?" sabi niya.

"Tss. 'Yan talaga nasa isip mo?"

"Parang nakaapat na plato ka kasi e. Ta's pinag-iinteresan mo pa 'yong pulutan nila mamaya."

"Tatlong plato lang, 'no. 'Tsaka, that was my first meal since lunch."

"Oh, sabi ko naman sa 'yo, kontian mo lang ng English e."

"OA. 'Di mo talaga naintindihan?"

"Naintindihan ko kaso—"

"'Yon naman pala e."

"—minsan ang bilis mo magsalita e."

"Sus."

"Dalhan kita almusal bukas, ha?"

"Luh. Bakit?"

"E sabi mo 'di ka nagluluto, kaya isasama na kita sa paglulutuan ko ng almusal."

"Sabi mo saing at hugas ng plato ka lang."

"'Pag lunch at dinner lang 'yon. 'Pag almusal, ako lang mag-isa kasi tulog pa si Kuya pero nagluluto pa rin ako para sa 'kin."

"Sus."

"Saka puro tira naman ang pagkain natin bukas e."

"Talagang sinama mo ko, ah?"

"Oo, tutulungan mo kami ubusin 'yan. 'Tsaka favorite mo naman 'yung spag e." Sabay tawa.

"Hindi ah."

"Hinde? Nakailang plato ka nga."

"Masarap. Pero hindi ko favorite."

"Alam ko. Alam ko favorite mo e."

"Stalker."

"Sa pogi kong 'to? Secret admirer naman, sir!"

"Wow," sabi ko habang umiiling sa kanya.

Natawa siya. "Sorry na. Sabi mo kasi magsalita ako, e gan'to lang talaga 'ko 'pag kinakabahan."

"Ulul."

"Totoo!" Mabilis niyang hinablot 'yong kanan kong kamay na kasalukuyang umii-strum ng kung ano-ano lang sa gitara at inilapat sa dibdib niyang mabilis ngang tumitibok. "Check mo pa, oh."

Binawi ko 'yong kamay ko. "Oo na."

"'Di mo ba tatanungin kung bakit?"

"Ayo' ko. Hmm. Teka, 'lam ko na. Ano favorite song mo? Baka alam ko tugtugin."

"Feeling ko hinde. Luma na 'yun e."

"Malay mo naman. Lola ko nagpalaki sa 'kin, 'no."

"Bridge Over Troubled Water."

"Tss. Luma nga 'yon, pero lahat ng tao alam 'yon, 'no!"

"Hindi ren."

"Alam nila."

"Hinde."

"The fff..." Agad ko namang naagapan 'yong murang lalabas sana sa bibig ko.

Tumawa siya. "Oo na, sir. Alam nila."

'Di ko na napigilang tumawa habang napapailing sa kanya. "Ano, kantahin mo na lang kasi."

Nag-strum ako ng chord.

"Sail on, silver boy."

"Daya. Ba't 'jan agad? 'Tsaka anong 'boy'? Girl 'yon!"

"Para sa 'yo kasi 'to."

Napabuga 'ko ng hangin. "Oo na lang. Sige, isa pa."

Inulit ko 'yong chord.

Sail on, silver boy, sail on by.

Your time has come to shine.

All your dreams are on their way—

Napangiti ako sa kanya sa ginawa niyang pagkulot sa dulo ng linyang 'yon.

See how they shine.

Oh, if you need a friend, I'm sailing right behind.

Like a bridge over troubled water, I will ease your mind.

Like a bridge over troubled water, I will ease your mind.

I will ease your mind.

"Galeeeng!" Pumalakpak ako.

Nakangisi lang siya at halatang tuwang tuwa sa pagpuri ko sa kanya.

"Seryoso, ba't 'di ka sumali sa TV? Madaling manalo 'pag ganyang boses e."

Ngumiwi siya, 'yong parang may naamoy na mabaho. "Ta's 'pag nanalo ka, ano? Kung ano-ano papakanta sa 'yo. Sasabihin dapat all-around singer ka?"

Napahagalpak ako ng tawa. "Lakas! Panalo agad!"

"Ano nga tawag nila do'n?"

"Sa'n?"

"'Yung mga singer na kahit ano kinakanta?"

"Ah"—natawa na naman ako—"versatile?"

"Nako, Yuan. Kung ano man 'yang iniisip mo, payag ako."

Hindi ako matigil sa kakatawa. "Gago. Partida, kinakabahan ka pa n'yan ah?"

"Oh, bakit?" Halos mahati 'yong mukha niya sa laki ng pagkakangisi niya. "Ikaw 'tong tumawa ng kung ano dahil sa versatile e."

"Di ako na. By the way, may tanong ako."

"Oh?"

"Ilang taon na kuya mo?"

"Kaya ba ayaw mo sa 'kin?"

"'Tang ina ka!"

Napahagalpak siya ng tawa. "Joke lang! Joke lang!"

"Ano nga?"

"Mukha lang bata 'yon pero twenty-nine na 'yon. Magte-thirty na siya this year."

Napatango-tango ako. "E ikaw?"

"Twenty-one na 'ko ngayon."

"Kuya pala dapat tawag ko sa 'yo e."

"Kuya ka 'jan. Sa November one, magkaedad na tayo, 'no."

"Doesn't work that way."

"Umi-English ka na naman."

"Mahirap Tagalugin 'yon. Saka ba't alam mo birthday ko?"

"Nasa Facebook kaya."

"Ah, oo nga pala. Pero..." Napailing ako, natahimik, at narinig ko na naman sa isip ko 'yong tanong niya kanina. Bumuntong hininga ko't tumingin sa mga mata niya. Bahala na. "Mark... 'yung tanong mo—"

May kumatok nang malakas sa pinto nila. Halos kalabugin na nga 'yong pinto e. At nakita kong hindi lang ako, pati na rin si Mark ay halos napatalon sa gulat sa kinuupuan niya.

"Bad trip," narinig kong bulong niya nang tumayo siya't puntahan 'yon.

Napabuntong hininga na lang ako.

'Tang ina kasing tanong 'yon e. Paulit-ulit sa utak ko.

Pagbukas niya sa pinto, puro pagbati na ng 'happy birthday, Mark' ang narinig ko habang nagpapasukan 'yong mga nasa labas. Lima silang lahat. 'Yong isa sa kanila ay si Kuya John na dining manager sa 220. Dalawa naman sa kanila ang babae; 'yong isa medyo pamilyar ang mukha sa 'kin, pero hindi ko maalala kung saan ko nakita o nakilala. 'Yong isang lalaki ay 'yong bartender sa 220, at 'yong isang lalaki naman ay ngayon ko lang nakita. Isang tingin ko pa lang sa kanila, alam kong lahat sila ay masmatanda ng ilang taon sa 'kin.

Naisip ko tuloy, parang sobrang tagal ko nang puro mga kaedaran ko lang ang mga nakakasama ko kaya parang na-isolate na 'ko mula sa mga masmatatanda sa 'kin. Pakiramdam ko tuloy ngayon, para 'kong bumalik sa elementary at napapaligiran ako ng mga teacher.

"May door bell kaya," sabi ni Mark sa kanila.

"E ang tahimik e. Baka tinulugan niyo na kami," sabi ni Kuya John. Tumingin siya sa 'kin at ngumiti. "Yuan."

"Uh, hi, Kuya," bati ko sa kanya.

"Kain na kayo. Tawagin ko si Kuya."

Kanya-kanya naman na silang nagkuhaan ng mga plato nila't kutsara't tinidor at nag-umpukan sa kitchen counter kung saan nakalagay ang mga tray ng pagkain.

Saglit na kinatok ni Mark ang kwarto ng kuya niya, bago rektang pumasok do'n. Nakaramdam ako ng kaunting pagkailang sa pwesto ko kaya tumayo ako at inilagay muna sa stand 'yong gitara, saka ako saglit na nakigulo sa kanila para magsalin ng maraming lumpia sa plato, at pagkatapos ay lumipat naman ng upo sa beatbox na inilabas ni Kuya Kevin kanina. Sakto namang nakasandal 'yon sa pader na helera ng TV kaya medyo kumportable naman 'yong pwesto ko.

Naisip ko tuloy na kaya 'yon inilabas ni Kuya Kevin kanina ay para gawing upuan at hindi pantugtog. Para kasi sa walong tao, kukulangin ang upuang mayro'n sila dito sa unit nila. Kaya, tingin ko talaga, tama ako sa desisyong sa sahig paupuin ang mga bibisita sa 'kin sa unit ko. Mas bihira pa sa bihira naman kasi 'yon mangyayari, at wala akong pagtatambakan ng mga upuan sa mga araw na wala naman akong bisita.

Pwede ba kitang ligawan?

Napabuga na lang ako ng hangin.

Kanina pa paulit-ulit 'yong tanong na 'yon sa utak ko.

Ilang saglit lang din naman ay lumabas na si Mark mula sa kwarto ng kuya niya. Kinuha niya 'yong isang stool, itinabi sa beatbox na inuupuan ko, saka naupo at bumuntong hininga bago kumuha ng lumpia sa platong hawak-hawak ko.

Nagkatinginan kaming dalawa.

Hindi ko alam kung pareho kami ng nararamdaman, pero pakiramdam ko ngayon, parang biglang naging mga saling pusa kaming dalawa dito sa loob.

"Wala ka bang exam sa Monday?" halos pabulong niyang tanong sa 'kin.

"Exempted ako."

"E 'di hindi ka na papasok?"

"'Di na siguro. May isang exam na lang ako pero sa Thursday pa 'yon. Pagkatapos, puro practice at gig na lang talaga pagkakaabalahan ko."

"Kaya pala pa-easy-easy ka lang ngayon."

"Kayo nga 'yon e."

"Uy, judgmental siya—"

"'Di ah."

"—tapos na lahat ng exam namin kase."

"E 'yong tatlong Tourism?"

"Problema na nila 'yon," sabi niya sa tonong parang sinasabing "wala 'kong pake'".

Napakunot ako ng noo. "'Di mo ba tropa mga 'yon? Parang close naman kayo ah."

"This year ko lang nakilala mga 'yon. Mga bagong jowa nu'ng dalawa."

"Oh, nasusukat ba sa araw 'yon?" tanong ko sa kanya nang may malaking ngiti sa mukha.

Natawa siya sa pagbabalik ko sa kanya ng tanong niya sa 'kin kanina. Ilang ulit niyang sinubukang sumagot, pero walang kahit na anong lumabas sa bibig niya kun' di puro bahagyang pagtawa. Nakakatawa tuloy na makita siyang speechless.

"Oh, ano ka ngayon?"

"Gusto ko lang sabihin na gusto ko sanang suntukin 'to"—tinapik-tapik niya 'yong braso ko—"kaso hindi kita kayang saktan kaya tatapikin ko na lang."

"Luma na 'yang mga ganyang paandar, Mark."

Kung saan-saan pa napunta ang usapan namin. Hindi siya nauubusan ng bala e. Halata ko ring pilit niyang inaaliw ang sarili niya dahil sa mga taong kumakain ngayon sa mesa nila. Akala ko, mga bisita niya 'yon, pero mukhang mga bisita 'ata 'yon ni Kuya Kevin at mukhang may seryoso silang pag-uusapan. Hindi ko lang maintindihan kung bakit pati ako sinabihan niyang 'wag muna umuwi kanina.

Nang lumabas na siya sa kwarto niya, hila-hila niya ang isang malaking de-gulong na itim na leather office chair, at dahil mukhang walang gustong pumwesto do'n sa kabisera, wala siyang choice kun' di doon dalhin 'yong upuan niya. Naging parang pormal na meeting tuloy ang dating nila do'n sa mesa, at parang si Kuya Kevin ang pinaka-boss.

"Sorry, ha? May kausap kasi ako e," sabi niya, habang dumudukot ng Chickenjoy mula sa isang bucket. Hindi ko maintindihan 'yong expression sa mukha niya. Para siyang nagpipigil ng tae.

"Ayos lang, Vin."

"Um, okay. Sige, sige. Ayo' ko na magpaligoy-ligoy pa."

Tumingala siya at medyo marahas na bumuga ng hangin. Kasabay no'n, ramdam ko ang biglang pag-iiba ng atmosphere na nanggagaling sa mesa. Biglang naging intense.

"Okay. Siguro may mga hint na rin kayo pero gusto ko, ngayon pa lang, sa 'kin niyo na marinig 'to. Sorry kung medyo awkward kasi hindi ko alam kung pa'no sasabihin e. Nag-decide na kasi kami ni Lei—"

"Girlfriend ni Kuya," bulong sa 'kin ni Mark.

"—na mag-migrate sa States pagkakasal namin. Biglaan, I know. I don't think we'll come back. Or maybe we will." Tatawa-tawa siyang nagkibit ng balikat. "Kaya ngayon, naghahanap ako ng buyer ng share ko sa resto. I'm sorry, guys. Alam ko"—naubo siya—"alam ko, ang tagal na nating magkakasama dito. Honestly—"

"Parang 'di yata tayo dapat kasali dito," bulong ko kay Mark. Nakakatawa mang isipin, pero sa dalawang taong ako na ang nagdedesisyon para sa buhay ko—maikli pa lang 'yon, alam ko—pakiramdam ko ngayon, masyado pa 'kong maaga para sa adult talk na nangyayari ngayon. Pakiramdam ko, hindi pa 'ko handa.

"—nahihirapan akong i-give up ito, pero it'll be for the best—"

Kinalabit ako ni Mark. "Tara sa kwarto ko," bulong niya.

Tinanguan ko siya. No choice na e.

"—dahil mapapabayaan ko lang, kasi hindi ko naman mama-manage 'yung resto from there."

Bitbit ang nangangalahati nang plato ng lumpia, dahan-dahan kami ni Mark na payukong tumayo para hindi makatawag pansin. Kahit na alam ko naman—at ni Mark din siguro—na may pagka-imposible 'yon. Basta sumunod lang ako sa bawat yapak niyang mabagal na lumalakad sa harap ko.

In short, para kaming tanga.

"Yuan. Markey."

Pareho kaming napatigil at napatingin kay Kuya Kevin. Wala na 'yong seryosong expression sa mukha niya. Ang nandoon lang, pagtatakang nahahaluan ng kaunting pagkalibang. Para siyang nakakita ng comedy, at mukhang kaming dalawa ni Mark 'yon.

"Ginagawa niyo?"

May narinig akong nagpigil ng tawa.

"E, Kuya, parang seryosong usapan 'yan?" patanong na pagdadahilan ni Mark habang nagkakamot ng batok. Sinang-ayunan ko siya sa pamamagitan ng pagtango-tango. "Sa kwarto na lang muna kami."

"'Wag na. Saglit lang 'to."

Mabilis naman kaming bumalik sa kaninang inuupuan namin na parang mga batang napagalitan. Binulungan ko si Mark, "Kasalanan mo 'to e."

"Para sa 'yo, aakuin ko," bulong niya pabalik.

"Ta's, uh, Sheila," nagpatuloy si Kuya Kevin, "'yung prod company, almost one hundred percent na ikaw naman na nagma-manage n'yan. I don't mind kung i-buy out mo na 'ko. Pero I hope—favor sana—maalagaan mo 'yung band nila Yuan." Sabay turo ng nguso niya sa 'kin.

Napatingin ako sa mga bisita. Kaso, hindi ko naman mahulaan kung sino sa dalawang babae 'yong Sheila.

Sa totoo lang, nagulat ako sa special mention na 'yon. Wala naman ako, o 'yong iba ko pang mga kabanda, na kahit na anong koneksyon kay Kuya Kevin para gawin niya 'yon. Except kay Mark siguro na schoolmate namin. At tingin ko, hindi naman sapat 'yong koneksyong iyon kay Mark para paboran niya kami. Kung tutuusin, practically strangers kami sa isa't isa. Hindi naman siguro sapat 'yong talento namin ng mga ka-banda ko para siguraduhin niya 'yong magiging "career" namin. 'Di ba?

"Kev?" pag-interrupt ni Kuya John.

"Oh?"

"Tama na."

Sabay-sabay silang biglang nagtawanan.

"Parang naghahabilin e!"

Kahit papa'no, dahil do'n, nawala 'yong tensyon sa expression sa mukha ni Kuya Kevin. Mukha na siyang mas composed at focused ngayon. Katulad kagabi no'ng kinausap niya kami at nag-advise tungkol sa mga plano namin sa banda.

Putek.

Kagabi lang ba talaga 'yon?

"E kasi—alam niyo naman, 'di ba?—pangarap ko 'tong resto." Natawa siya. "Gusto ko lang ilabas. Pagbigyan niyo na 'ko."

Huminga siya nang malalim at tumahimik naman 'yong lima para sa kanya.

"Alam niyo naman, di ba—lalo na nu'ng first year—how much time and effort I put in 'cause you've been with me from the start. Kaya sobrang hirap i-let go. Not because of the resto, but because of you, guys. I can't believe tumagal tayo. Even then nu'ng mga schoolmates, friends, ko pa lang kayo. And Two-Twenty now's what, six—almost seven—years? Two-Twenty is my baby, but I feel like you, guys, became my family and—"

"Kevin, naman e," sabi no'ng isang girl na familiar ang mukha sa 'kin. Nagsisimula na siyang maiyak.

"—all that—mamaya ka na umiyak, Rica—"

"Si Chef Ric 'yon," bulong sa 'kin ni Mark.

"—and, um, all that because I decided to be impulsive. I'm just glad I was impulsive with the right people." Ngumiti si Kuya Kevin. "Siguro, meron pa tayong mga one year at most? Or as short as next week. Siguro, ano, ang gusto ko lang sabihin—parang ang sama lang pakinggan pero—maraming salamat sa lahat. And sana let's make the most of our remaining time together."

"Gusto mo ba ng translation?" pabirong bulong ko kay Mark. Napansin ko kasing natahimik siya, 'yong tipong nagdaramdam. Kung sa bagay, sabi nga niya, doon na siya nagtrabaho sa 220 mula no'ng first year pa siya.

Saglit siyang tumitig nang seryoso sa 'kin at saka bumulong pabalik, "Mas gusto ko 'yung translator," bago ngumiti.

Hindi ko napigilang mapailing.

Pakiramdam ko kasi, nag-set ako ng trap para sa sarili ko.

Nagsimulang pumailanlang ang intro ng isang kanta sa condo nina Mark. Hindi ko kilala 'yong tugtog. Pero kung may masasabi man ako, 'yon ay sobrang ganda talaga ng sound system nila. Surround sound. Akala ko pang-movie lang 'yon kanina, pero ngayong music na ang tumutugtog, masmaganda pala. Parang ang sarap na lang pumikit at malunod sa music. Nakakainggit. Gusto kong gayahin sa condo ko.

"By the way, Yuan," pagtawag sa 'kin ni Kuya Kevin habang nakaturo do'n sa babaeng hindi si Chef Ric, "meet Sheila. Siya talaga nagha-handle sa Two-Twenty Prod. Hindi ako."

"Nice to finally meet you, Yuan," nakangiting pagbati naman sa 'kin no'ng Sheila habang kumakaway. Isa siya sa mga nakaupo sa bench ngayon. Bale, siya, si Chef Ric, at 'yong isang lalaking hindi ko kilala ang mukha ang magkakatabi sa bench. Sa kabilang side nila ng table nakaupo sa mga stool sina Kuya John at 'yong lalaking bartender sa 220. Kumpara kay Chef Ric na naka-ponytail ang mahabang buhok, maikli naman ang kay Ms Sheila at kulot. Saka maputi siya. Para siyang si Betty Boop.

Nginitian ko siya pabalik at lumapit para makipag-shake hands. "Hello po. Nice to meet you ren."

"Oh, 'di ba?" Sabay tawa. "Masyadong magalang," sabi ni Kuya Kevin kay Ms Sheila.

"Oo nga. Hindi halata sa picture."

"Nako, Kuya, kung alam mo lang," narinig kong pabulong na comment ni Mark na sumunod pala sa 'kin. Ipinatong niya 'yong plato ng shanghai sa mesa saka hinila 'yong mga inuupuan namin palapit sa table. 'Yong stool ipinwesto niya sa mismong opposite side ni Kuya Kevin bago ako itulak paupo do'n. Tapos, 'yong beatbox naman, ipinwesto niya sa mismong corner no'ng table saka siya naupo.

Napasalubong ang kilay ko sa kanya. Kulang na lang, talagang pagdikitin niya 'yong mga upuan namin.

"Kaya nga sa Two-Twenty ko muna sila nila-lineup. Kung sa ibang bar kasi, alam mo naman," pagpapatuloy ni Kuya Kevin.

"Pero good move 'yung live mo kanina, Yuan," sabi ni Ms Sheila.

Live?

"Ano pong live?"

"Nako, tigilan mo nga kaka-po sa 'ken! Can't you see? Bata pa 'ko." Tumawa siya.

Sa totoo lang—hindi naman sa sinasabi kong mukha siyang matanda—hindi siya mukhang kaedaran ko. Mas mukha siyang kaedaran ni Kuya Kevin. Na totoo naman. Yata. Kaso, siguro, sa mga ganitong pagkakataong may nakakausap akong alam kong masmatanda sa 'kin, lumalabas 'yong pagpapalaki sa 'kin ng lola ko. Naalala ko pa nga, lagi niyang sinasabi sa 'kin no'n, ang magalang, iginagalang.

"Sigep—sige, Miss."

"Hay nako! Aaah. Teh. Repeat after me. Ate."

"Ate."

Biglang nagtawanan 'yong buong mesa at kasabay no'n, ramdam ko 'yong sobrang pag-init ng mukha ko sa hiya. Lalo na't 'di ko alam kung anong nakakatawa pero alam kong ako 'yong pinagtatawanan nila.

"Easy-han mo lang, Shi, ha? Malay mo, si Yuan na ang hinahanap mo," comment ni Kuya John na lalong nagpainit sa mukha ko.

"Pulang-pula ka, Yu," tatawa-tawang sabi sa 'kin ni Mark.

"Hoy, daddy ang hanap ko with a capital D, hindi baby!"

"Hindi pa ba daddy 'yan? Ang laki-laking tao."

"Naku, John! Lahat kasi ng tao malaki sa 'yo e." Hagalpakan na naman sila, pati na rin si Kuya John na tinuro-turo lang ng hintuturo si Ms Sheila. Para naman akong tuod na nangingiti-ngiti lang sa harap nila. Takte kasing Mark 'to at dito pa talaga 'ko ipinwesto e.

"Naka-one point ka na naman sa 'kin, ha!"

Sa totoo lang, 'yong height kasi ang isa sa pinaka iniiwasan kong topic ng tuksuhan. Maliit kasi ako no'ng highschool hanggang second year, kaya lagi akong tampulan ng tukso noon. Wala naman ako masyadong pakialam no'n kasi may mga kaibigan naman ako, pero hindi ko pa rin maikakailang minsan, nasasaktan ako sa mga panunukso. Buti na lang at biglang humabol ang height ko no'ng mag-third year na kami. Pero, hanggang ngayon, naaalala ko pa rin kasi 'yong pakiramdam nang natutukso kaya napakabihira ko talagang mamintas ng itsura ng iba, lalo na sa height, maliban na lang kung masamang tao ang pinag-uusapan.

"Babyyy, ilan ba height mo?" tanong pa ni Ms Sheila sa 'kin. 'Yong tono ng pagtawag niya sa 'kin ng baby, 'yong tonong alam mong literal na baby talaga 'yong kinakausap niya. Or tuta, gano'n. Hindi ko alam kung dapat ba 'kong ma-offend o ano e.

"Five-ten po."

"Kita mo na? Pumo-po pa, may gatas pa sa labi." Mahina niya 'kong hinampas sa braso. "Sinabi nang tigilan ang kaka-po sa 'kin e! Virgin ka pa, 'no?"

"Hindi nap"—bahagya 'kong natawa—"hindi na."

"Sheila, nato-trauma na si Yuan sa 'yo," sabi ni Kuya Kevin.

"Ay! Baby, sorry naman. Ito kasi si John e, puro baby na tuloy ako kay Yuan. Saka na-stress kasi 'ko do'n sa announcement mo, Kev! Kaya kung ano-ano nasasabi ko."

"Parang normal mode mo naman 'yan," sabi no'ng bartender na hanggang ngayon hindi ko pa rin alam ang pangalan.

"Pero, Yuan," pagkambyo ni Ms Sheila, "binibigyan lang kita ng heads up, ha? Maraming gan'to"—tinuro niya 'yong sarili niya—"sa ibang bar, lalo na sa 'yo kasi ikaw ang frontman. Ta's mukha ka pang baby, baka mamaya ma-child abuse ka. Sinasanay lang kita."

Alam kong kalmado lang ako sa labas, pero sa isip-isip ko, lukot na lukot na 'yong noo ko sa sobrang pagtataka sa mga sinasabi niya sa 'kin. Gusto kong tumanggi. Ito na kasi—yata—ang pinakaunang beses na na-describe akong mukhang baby. Parang napakakakaiba kasi. Parang hindi ako. Parang... basta. Kaso, wala namang kumokontra kay Ms Sheila sa kanilang magtotropa, kahit si Kuya Kevin, kaya ang dating tuloy sa 'kin, para sa kanilang mga nakatatanda sa 'kin ngayon, sang-ayon silang gano'n ako.

Si Mark naman, nang tignan ko, ay kumindat lang sa 'kin. Gusto ko siyang batukan.

Pero effective naman 'yong ginawa niya. Biglang nahinto 'yong pag-o-overdrive ng utak ko.

Bale kung susumahin, sa school, suplado ako. Minsan, maangas pa nga e. At sa mga—I guess—taong gumagalaw na sa tunay na mundo, parang baby naman ako.

Wala naman akong magagawa do'n kaya bahala na lang.

Never ko namang inintindi 'yan dati e. Hindi ko alam kung bakit ngayon, tumatambay 'yan sa isip ko. Pagkanta naman ang ginagawa ko at hindi kung ano pa man.

Pero, dahil tuloy do'n sa baby comment ni Ms Sheila sa 'kin, may naalala akong bagay na matagal ko nang gustong gawin. At, tingin ko, ito na nga ang tamang panahon.

At least, mukhang magiging mas hands-on si Ms Sheila sa banda namin kaysa kay Kuya Kevin, na dahil na rin sa mga sinabi niya kanina, naiintindihan ko naman kung bakit hindi niya na kami maaasikaso. Siguro, ang ipakilala si Ms Sheila sa 'kin ang dahilan kung bakit ayaw pa 'kong pauwiin ni Kuya Kevin kanina.

Hindi ko lang talaga malaman kung bakit ayaw mag-register sa utak kong Ate ang itawag sa kanya, gaya ng gusto niya. At ang 'wag siyang po-in. Samantalang sobrang casual naman na ako kay Kuya Kevin at kay Kuya John.

"Mi—um, Ate. Ano pala 'yong sinasabi mong live ko?"

"Nag-live ka kanina, 'di ba, sa Facebook?"

Ano daw 'yon?

"Good move 'yon para masmabilis kayo mapansin ng mga label since medyo sikat ka naman na. Ta's classic pa 'yung kinanta mo—"

Kinanta ko?

"—kaya additional points. I'm not saying na nakakasawa na 'yung mga pics mo, ha? Post lang nang post! The more random, the better." Sabay tawa.

"Ha? Ano po?"

"Follower mo kasi ako. Saka update mo naman 'yung Instagram mo! At shirtless sana hihi!"

"'Kala ko ba baby pa?" tatawa-tawang comment ni Chef Ric.

"If I know, Ric, baka nilalagyan mo ng ativan 'yung pulutan nila Yuan. Tignan mo 'tong kambal oh"—halos iduldol niya 'yong screen ng phone niya sa mukha ni Chef Ric—"pwedeng spit roast. Rap!"

Hindi ko napigilang mapasama sa kanila nang muli silang naghagalpakan sa banat ni Ms Sheila, kahit na medyo awkward sa 'kin dahil tungkol sa mga kilala ko ang topic.

"Napakapasmado ng bibig mo talagang hayop ka!"

Binalikan ko 'yong pag-ubos sa lumpiang kinuha ko kanina. Hindi ko na rin muna pinansin 'yong kulitan ng mga tropa ni Kuya Kevin dahil inabala ko na ang sarili ko sa pag-check na naman sa phone ko para makita kung ano 'yong sinasabi nitong si Ms Sheila. Tambak na naman ako ng notifications sa Facebook. May ilang mga text din mula sa mga ka-banda ko. "Nakarating ka rin sa 21st century tanginaka," sabi no'ng isa sa mga message galing kay Bryan.

At, pag-check ko sa Facebook, naka-upload na nga sa profile ko 'yong pagkanta ko kanina ng Everlong. Hindi lang siya basta uploaded video, kun' di naka-indicate ding live 'yon habang kumakanta ako kanina. Ni hindi ko nga alam na may gano'ng feature pala 'yon.

"Oh, para sa 'yo, birthday boy."

Parang tanga 'yong itsura ko do'n. Parang... ewan.

Takte.

Napatingin ako nang masama kay Mark na pinapanood pala 'ko.

"Birthday ko," may pagka-defensive niyang nasabi agad.

"Lagpas na." Tumingin ako sa relo ko. "Ten minutes nang tapos ang birthday mo. Paisang sapak lang, oh?"

Tumawa siya. "Bakit? 'Di ba ipo-promote mo nga 'yung banda niyo? Tinulangan lang kita."

Napabuga 'ko ng hangin mula sa ilong.

Tama naman siya e. Kaso, parang sobra-sobra naman 'tong atensyon na nakukuha ko. Nakaka-overwhelm. Parang gusto kong bumalik na lang ulit sa dating wala akong malay na may ganito palang nangyayari. Parang gusto kong i-delete na lang ulit 'yong Facebook at Instagram sa phone ko.

"Yuan." Tinignan ko lang siya. "'Di mo naman kailangang isipin 'yan masyado. Wala kang kailangan baguhin sa buhay mo."

Napabuntong hininga ako. "Buti na lang wala 'kong Twitter."

Ngumiti siya. "'Wag ka na mag-Twitter. Pang-bading 'yon."

"Bading ka kaya," bulong ko sa kanya.

"Bading na bading sa 'yo," bulong niya rin.

Natawa ako. "Gago. Sumbong kita sa kuya mo."

Saglit siyang sumulyap sa kuya niya bago nginitian ako nang pagkalaki-laki. "Boto sa 'yo 'yan, 'no."

"Ulul," sabi ko, natatawa pa rin.

Pati siya, tumatawa. Parang kiliting-kiliti siya sa mga pinagsasabi niya sa 'kin. Buti na lang at nagtatawanan din 'yong magtotropang kasama namin ngayon, kaya hindi kami masyadong standout.

Hindi man lang kasi mamili ng lugar 'tong Mark na 'to e.

"Teka, Yuan, gusto mo pala ice cream? Cake? O shot? Masarap 'yung sina-shot nila, oh."

"Actuallyyy...." Dinampot ko muna 'yong huling piraso ng shanghai sa plato.

"Um?"

"Ah... okay lang ba uwi na 'ko? May mga gagawin pa 'ko bukas e."

"Ha? Sabado kaya."

"Oo nga. E darating na kasi sa Monday 'yung kapatid ko galing Canada. Biglaan. Eeeh, hindi pa handa 'yung condo ko."

"Aaah. Oh sige," sabi niya nang naglulungkot-lungkutan. Kapani-paniwala naman 'yong expression sa mukha niya. Hindi lang talaga ako naniniwala.

Napabuntong hininga ako. "'Tsakaaa...."

"Oh?"

"Pwedeng samahan mo 'ko saglit? Saglit lang."

Nagliwanag ang mukha niya at agad siyang tumayo kaya tumayo na rin ako. Dahil do'n, nagtinginan 'yong limang magtotropa sa 'min.

"Kuya, samahan ko lang sa baba si Yu."

"Ha?"

"Um"—nahiya naman ako bigla—"uwi na 'ko, Kuya."

"Ah! Oh, sige. Baka hinahanap ka na nga sa inyo."

Hindi ko na siya itinama sa assumption niya.

"Babyyy, 'yung instagram mo, ha?" May mga narinig akong naghagikhikan dahil do'n. "Don't worry, papa-ban ko ang ativan sa Two-Twenny."

"Yes, Ate," tatawa-tawa kong sagot kay Ms Sheila.

Bigla akong hinawakan ni Mark sa braso at hinila. Nakapagsabi pa 'ko ng mabilis na good night bago niya 'ko tuluyang nahila palabas ng condo nila at naisara ang pinto.

"'Wag ka maniwala du'n. Type ka nu'n," sabi niya.

Hindi muna 'ko sumagot. Nakikita naman kasi sa mata ng tao kung trip ka nila o hindi e, at kita ko sa mga mata ni Ms Sheila na hindi. Kahit na medyo nakaka-offend 'yong pagtawag niya sa 'kin ng baby, sa totoo lang—'di ko alam kung anong nangyayari sa 'kin pero ewan ko ba—may bahagi sa 'king gusto 'yong gano'ng klase ng atensyon.

"Hindi naman ganu'n 'yon."

"Type ka nga." Pinindot niya 'yong up na pantawag sa elevator.

Napabuntong hininga ako.

"Oo na. Tumigil ka lang," sabi ko. "Nga pala. Hindi ko pa kilala 'yung isang lalake du'n. Ta's 'yung bartender, 'di ko rin alam name nu'n."

"'Yung bartender, si Kuya Vince. 'Yung isa naman, si Chef Tim. Asawa siya ni Chef Ric."

Naalala ko tuloy 'yong comment ni Ms Sheila kay Chef Ric tungkol sa ativan habang katabi nito 'yong asawa niya. Normal ba 'yon?

"By the way, okay ka lang ba? Du'n sa announcement ng kuya mo?"

"Oo, kaso"—bumukas 'yong elevator at pumasok siya at pumindot ng floor. Sumunod naman ako at agad na napahinga nang maluwag nang makita kong 15 ang nakailaw at hindi R—"nakalimutan niya na 'ata 'yung usapan naming hahati ako sa share niya 'pag may ipon na 'ko e."

Saglit akong natigilan. Ang tinutukoy ko kasi, 'yong plano ng kuya niyang mag-migrate sa US, hindi 'yong pagbenta sa shares niya sa 220.

"E 'yung sa US?"

Bumukas rin agad sa fifteenth floor 'yong elevator at magkasunod kaming lumabas.

"Malungkot syempre. Pero ganu'n talaga e. Matagal na rin kasi namin napag-usapan 'yon kaya handa na 'ko."

"Wala ba siya—kayong—kapatid na iba pa?"

"Meron, sa ibang bansa. Pero bunso kasi siya sa kanila. 'Di ko nga alam ano pumasok sa isip no'n at kinuha ako kay Nanay para pag-aralin e. Simula first year high school ko magkasama na kami." Tumawa siya. "At bago mo pa tanungin, wala na si Papa. Ten years na."

Bahagya rin akong natawa. "Sorry. Curious lang naman."

"Okay lang, Yu." Kumindat siya. "Basta ikaw."

"Sus."

Nakarating na kami sa tapat ng unit ko.

"Gusto mo ba pumasok?"

"'Wag na. Hinahatid lang naman talaga kita."

"Mark... ano kase"—napabuntong hininga ako—"payag na 'ko," sabi ko, at saka lang talagang tumahimik ang mga nagliliparang kung ano-ano sa isip ko.

Para kasing tangang echo na paulit-ulit sa isip ko 'yong tanong niya kanina sa roof deck sa tuwing matatahimik ako. Tuwing sasagutin ko ng hindi 'yong tanong, laging binabalikan ako ng 'why not?' na hindi ko naman masagot. Saka no'n ipaaalala sa 'kin 'yong mga nasayang na pagkakataon kay Thor. Na magsisisi lang ako sa huli kung hahayaan ko lang na lumipas itong pagkakataon kay Mark. At saka lang mauulit ulit 'yong loop sa isip ko magmula do'n sa tanong niyang kung pwede ba siyang manligaw.

Ang kinaiinis ko lang, bakit kailangang pati ito matali kay Thor? Saka wala namang nasayang do'n dahil hindi naman 'yon nabigyan ng pagkakataon.

Putang inang utak kasi 'to e.

"Saan?" maang-maangang tanong nitong gago dahil kitang kita ko namang nagniningning na naman ang mga mata niya.

"Tss. Sa tanong mo kanina. Sa roof deck."

"'Yung akin ka na lang?"

"Tangek, hindi 'yon tanong."

"Alin ba kasi do'n?" tanong niya nang may pagkalaki-laking ngiti, na akala mo may kumikiliti sa kanya.

Napailing ako sa itsura niya. "Payag na 'ko manligaw ka."

"Pakiulit nga."

"Tss. Ba'la ka 'jan kung bingi ka." Isinuksok ko ang susi ko sa door knob at pinihit.

"Yuan."

Tinignan ko siya, 'yong mukha niyang parang may Christmas lights dahil sa saya.

"Thank you."

"Happy birthday."

"Wala bang birthday—"

"Ulul."

"—kiss?"

"Wala."

*

Song credits:

Everlong by Foo Fighters
Songwriters: David Grohl
Everlong lyrics © 1997 Kobalt Music Publishing Ltd

Bridge Over Troubled Water by Simon & Garfunkel
© 1969 Words and Music by Paul Simon


   
Buy Me A Coffee