15


March 3, 2017 (alam kong March 4 na talaga ngayon sir hehe)


Dear Yuan,


Bago ako matulog ngayong gabi, gusto ko lang na simulan na ang panliligaw ko sayo.

Unang una sa lahat, magpapasalamat muna ko sayo dahil binigyan mo ko ng chance na ligawan ka. Di ko alam kung nakukulitan ka lang ba sakin pero di bale na yun. Ang mahalaga pumayag ka. Di mo lang alam kung pano mo ko napasaya. Sobra-sobra pa sa birthday gift! Akala ko talaga wala na kong pag-asa pero sabi ko na nga ba at hindi ako nagkamali dun sa naramdaman ko satin kagabi.

Sa totoo lang, ang dami kong gustong sabihin sayo kanina sa roof deck kaso hindi naman ako magaling magsalita. Hindi ko alam kung pano sasabihin sayo yung mga gusto kong sabihin nung mga oras na yon, kaya yon, muntik-muntik pa tuloy mabulilyaso hehe. Muntik pa ko mawalan ng pag-asa sayo. Buti na lang at medyo pogi tayo kaya yung pinakapoging nilalang napapansin pa rin tayo. Hehe peace! Alam ko sasabihin mo puro ako kalokohan pero kahit na hindi man seryoso lahat ng isusulat ko dito, sisiguraduhin ko namang totoo. Sorry kung magulo hehe. Pero sana hayaan mo kong sabihin sayo sa pamamagitan ng sulat na to lahat ng di ko kayang masabi kanina.

Aaminin ko na sayo. First year pa lang tayo, stalker este secret admirer mo na ko hahaha! Hindi mo siguro natatandaan pero classmate mo ko sa FCL nung second sem nun. Classmate ko kayo ni Bryan, tapos napilit ka niyang kumanta dun sa group presentation niyo nung finals. Naaalala ko pa nga, Creep yung kinanta mo nun habang ginigitarahan ka ni Bryan. Simula nun, naging fan mo na ko. Kaya gusto ko lang din malaman mo na kung sakaling nag-iisa na lang ang fan mo sa mundo, sinisigurado ko sayong ako na yun. Basta, ibang klase ka.

Simula nung araw na yun, tumatak ka na sakin. Hindi naman kita talaga napapansin nung una kasi tahimik ka lang lagi sa tabi ni Bryan, pero pagkatapos nun, nalaman kong hindi naman pala tayo nagkakalayo ng sched at room kaya may chance akong lagi kang abangan. Ang kaso lang, patapos na yung sem nun. Magpapalit na naman ng schedule sa susunod na sem. Buti na lang at madali lang malaman kung anong section niyo dahil classmate ko nga kayo sa FCL. Kaso, nung second year niyo, nag shift ka naman ng course pagkatapos ng isang sem.

Kung alam mo lang kung ilang beses ako nagpaikot-ikot sa school mahanap lang kita. Nung una kasi masaya na ko sa ganun e, yung nakikita lang kita. Kaya nung nag shift ka ng course, nalungkot ako nun kasi akala ko lumipat ka ng school at hindi na kita makikita ulit. E hindi ko naman alam na nag shift ka lang pala ng course. Buti na lang na minsan, naisipan kong sundan si Bryan at yung girlfriend niya. Saka buti na lang din at may girlfriend siya ha! Akala ko mag boyfriend kayo eh. Akala ko wala na ko pag-asa sa simula pa lang.

Pero wag ka matakot sakin ha? Hehe hindi talaga kita iniistalk. Minsan lang talaga. Lalo na pag malungkot ako, pinupuntahan kita. Hindi ko alam kung anong meron sayo na nagpapasaya sakin. Kaya nga sobrang saya ko nung lumipat ka dito sa Metropolis e. Okay lang kung hindi mo ko napapansin basta ang mahalaga nakikita kita. Tuwing makikita kasi kita, sobrang punong puno ang puso ko. Sorry, alam ko ang corny pero totoo yun. Makita lang kita, masaya na ko. Kaya yon, pag malungkot nga ako, lagi kitang hinahanap.

Pero akala ko kasi magkakasya na ko sa ganun, yun pala hindi. Kaya nung may pagkakataon akong magpakilala sayo sa MJ, hindi ko na pinalagpas yon. Sobrang bonus na lang talaga na nanalo kayo sa Battle kaya alam kong mas dumami pa yung pagkakataon kong makasama ka sa 220.

Yung totoo, nagpapasalamat ako kay Roy at Chris dahil kung hindi dahil sa kanila kanina, hindi kita masosolo kanina. Siguro nagtataka ka kung pano ko nalamang hindi ka na kumportable nun. Ang totoo, siguro dahil lagi kitang pinapanood, alam ko na yung signs na hindi mo na gusto yung nangyayari. Kaya nung medyo napa sit up straight ka na kanina, kahit na alam kong dahil yun sa hindi mo na gusto ang nangyayari sa paligid mo, natuwa ako. Dahil nakahanap ako ng dahilan para masolo ka.

Ang totoo, akala ko una at huling yakap ko na sayo yung sa roof deck kaya ayaw kitang pakawalan. Kung alam mo lang, isa yun sa mga pangarap ko sa buhay. Ang mayakap ka at ang mayakap mo. At hindi nga ako nagkamali sa mga pantasya ko, napakasarap ngang mayakap mo. Pero wala pa ring mas sasarap pa sa yakapin ka. Kung pwede lang, sana tumigil na lang ang oras habang yakap kita kanina. Kaya salamat Yuan sa pagtupad sa isa sa mga pangarap ko. Walang biro, ngayong alam ko na ang pakiramdam, yakap mo na ang pinakapaborito kong lugar sa mundong ito.

Sabi ko kanina, ayokong malagpasan ako ng chance na to na mapalapit sayo. Ayokong malagpasan ng pagkakataong maging taong mamahalin mo at taong magmamahal sayo. Pakiramdam ko kasi, ito na lang yung chance na meron ako sayo e. Alam mo naman diba? Gagraduate ka na. Gagraduate na rin ako. Hindi na natin alam kung saan tayo dadalin ng mga buhay natin. Ikaw siguro, dito ka lang. Pero ako, alam mo naman kung anong course ko at kung saang trabaho ako mapupunta.

Ang totoo, pagkagraduate ko, konti na lang ang aayusin kong papel at makakasampa na ko sa barko sa March next year. Pagkatapos ko maayos mga papel ko, ang plano ko sana ay uuwi na muna ko sa probinsya. At siguro kung hindi ako nabigyan ng pagkakataong ito sayo, pagkababa ko naman sa barko nun sa October next year, diretso uwi na naman ako samin sa probinsya. Pero ngayong nabigyan ako ng chance na to, ayokong sayangin to. Hanggang maaari, gusto kong umuwi sayo. Gusto ko, habang nasa barko ako, alam kong ang uuwian ko ay ikaw. Para sakin, sapat na yun. Alam ko sobrang advance lahat nitong pinag-iisip ko dahil nanliligaw pa lang ako. Feeling ko nga baka iniisip mo para kong tanga. Pero gusto ko lang kasi malaman mo kung anong tumatakbo sa isip ko kanina, kung bakit parang nagmamadali ako. Gusto ko lang kasi talagang malaman kung may babalikan pa ba ko dito sa Maynila, kung may uuwian pa ba ko.

Alam ko na baka masyadong unfair sayo na lagi akong mawawala ng 7 months kung sakali. Alam ko na baka sobrang laki ng hihingiin ko sayong maghintay ka sakin lagi. Sa totoo lang, doon pa lang parang nawawalan na ko ng pag-asang sasagutin mo ko. Kahit sa sarili ko kasi, ayaw kitang paghintayin ng ganun katagal kada taon. Sobrang nakakahiya sayo. Kaya kung sakaling basted ako, maiintindihan ko. Pero ngayon pa lang sinasabi ko na, susulitin ko itong natitira kong isang taon sa panliligaw sayo hanggang sa sabihin mong itago na lang kita sa maleta ko hehehe.

Basta, ang mapapangako ko sayo. Pag sapat na ang naipon ko para makatapos ng pag-aaral ang mga kapatid ko, titigil na ko. Sorry ha? Alam ko, parang ang pangit na nanliligaw pa lang ako sinasabi ko na sayo na hindi ikaw ang magiging priority ko. Pero gusto ko lang talagang maging honest sayo.

Gusto ko rin na malaman mo na kung magiging tayo, kung sagutin mo man ako, wala akong pakialam sa sasabihin ng iba. Ipagsisigawan kong sayo lang ako. Kaya kitang ipagmalaki sa Nanay ko. Kay Kuya. Sa mga kaibigan ko. Pero naiintindihan ko rin kung hindi ka pa handang maging bukas tayo sa iba. Wala akong pakialam kung may makaalam man o wala Yuan. Basta makasama kita ayos na ko don. Kahit ako lang ang nakakaalam, sapat na yon. Basta alam kong sayo ako at akin ka, sapat na yun. Nagawa kong maghintay ng ilang taon at kaya kong maghintay ng ilan pa. Para sayo, maghihintay at maghihintay ako.

Pasensya ka na, sobrang haba na yata nitong sulat ko. Marami pa kong gustong sabihin Sana pero hanggang dito na lang muna. Kung nabasa mo man ito hanggang dito sa puntong to, gusto ko lang malaman mo na ang bango ng leeg mo. Hahahaha!

Salamat sa napakasayang pa-birthday mo sakin Yuan! Araw araw akong babawi sayo.


Nagmamahal,
Mark


P.S. Joke lang na tira-tira ang ipapa-almusal ko sayo sir. Alam kong gusto mo ng longsilog :)


   
Buy Me A Coffee