16


"Yu, hindi ba masarap?"

"Masarap naman," sagot ko kay Mark.

May pagkasinungaling 'yong sagot ko. Kasi, siguro sa twenty years ko sa mundong 'to, napakarami ko nang natikmang sinigang na baboy pero—hindi ko alam kung anong ginawa niya dito—itong luto niya na 'yong pinakagusto ko.

Dahil walang nang ibang logical na lugar na mauupuan, katabi ko siya ngayon sa mahaba kong couch—isang furniture na medyo pinagsisisihan ko na ngayon dahil parang nagte-take advantage 'tong isa—habang maya't mayang yumuyuko para sumubo mula sa plato namin sa medyo mataas kong coffee table. Gusto ko sanang magreklamo nang umupo siya sa tabi ko matapos ilapag ang mga plato naming dalawa sa mesa, kaso ang weird naman kasi kung sa kabilang dulo ng couch o sa bean bag o sa sahig siya uupo. Saka, hindi naman kami magkatabing magkatabi. Siguro, may kalahating brasong space sa pagitan naming dalawa. Wala rin siyang ginagawang kakaiba, pero, pakiramdam ko, para 'kong sinasakal.

Hindi sa ayaw ko siyang katabi, pero... basta. Ewan. Hindi ko rin maintindihan ang tinatakbo ng isip ko ngayon.

Ikalawang araw na, matapos no'ng birthday niya. Ikalawang araw na, na ipinagluto na naman niya 'ko ng almusal. Hindi ko alam kung bakit medyo umasa akong longsilog na naman—tulad kahapon—ang dala niya nang masipat ko 'yong bagong tasa niyang ulo sa peephole kanina, e alam ko namang no'ng Friday ng gabi pa niya isinulat 'yong sulat niya sa 'kin. Siguro, mali lang talagang binasa ko 'yon bago 'ko matulog kagabi.

Putang inang Bryan kasi 'yon e.

"Ba't parang 'di ka nasasarapan?"

"Pinagsasabi mo?"

"Tsk, 'wag na nga—" sabay bigla siyang tumawa out of nowhere.

Kunot-noo akong tumingin sa kanya. "'Wag nang ano?"

"Wala." Medyo tumatawa pa rin siya. "Kausap ko lang sarili ko."

"Baliw ka na, oy!" Umiling ako. Sasagot pa sana siya, pero nagtaas ako ng kamay para pigilan siyang magsalita. "Oh, alam ko na sasabihin mo. Baliw na baliw ka sa 'ken? Ulul," sabi ko sabay tawa.

E pa'nong hindi ko maa-anticipate 'yong sasabihin niya? Halos buong araw ba naman niya 'ko pinaandaran ng mga linyahan niya kahapon. Parang hindi ko tuloy sigurado kung baka doon talaga ako napagod at hindi sa pag-aayos namin sa condo ko. 'Yong minsan, para bang sobrang corny na niya kaya nakakatawa na.

Pero, buti na lang din at tinulungan niya 'ko kahapon. Kalahati kasi ng mga gamit ko ay nando'n sa isang kwarto, kasama na nga 'yong set ng bench at weights pati na 'yong malaking salamin na akala ko itatawag ko pa sa maintenance nitong building para ihingi ng tulong na ilipat sa kwarto kong kinailangan din muna naming i-rearrange. Kung ako lang kasi mag-isa, malamang, abutin nang dalawang araw ang lahat ng kailangang tapusin. E hindi naman pwedeng hindi ako pumunta sa practice mamaya dahil baka magalit na naman sa 'kin si Ron, at ayaw ko rin namang dumating si Yuri dito na nando'n pa sa magiging kwarto niya 'yong iba kong mga gamit. Ang hindi lang talaga namin ginawa ni Mark ay ang pinturahan 'yong kwarto. Si Yuri na lang 'yon—I mean, tutulungan ko naman siya—'pag nakaisip na siya ng kung anong gusto niya para do'n sa kwarto.

Dahil din sa pag-volunteer ni Mark na tulungan ako kahapon, nagkaro'n kami ng maraming pagkakataong mag-usap. Pero ngayong inaalala ko 'yon, parang halos ako lang yata ang nagsalita. Tanong kasi siya nang tanong tungkol sa family ko, kaya naikwento ko tuloy sa kanya 'yong simula sa pagpapalaki sa 'kin ni Lola hanggang sa paglipat ko nga dito sa condo no'ng bago magsimula ang third year ko, pati na rin 'yong taunang pagbisita sa 'kin ng mga magulang ko sa Canada at 'yong balak ni Yuri na mag-stay na dito for good—I hope.

May mga pagkakataong nakikitaan ko ng pagkaawa sa 'kin 'yong expression sa mukha niya, pero mabilis ko 'yong sinasaway. Ewan ko ba. Sa buong buhay ko, hindi ko naman naramdamang kawawa ako dahil sa sitwasyon ko sa pamilya. Lalo na no'ng mag-highschool ako at nakilala ko sina Bryan. Siguro, masasabi kong—hanggang sa puntong 'to—naging matiwasay ang buhay ko kaya halos wala akong mairereklamo.

Sa kanya nga 'ko naaawa e, dahil inanakan ng tatay ni Kuya Kevin 'yong nanay niya na nakapag-asawa rin nga pero namatay rin sa huli at nag-iwan pa ng tatlong anak. Kaya ngayon, obligado siyang itaguyod sila.

Kaso, nagalit siya nang banggitin ko 'yon. Muntik ko pa ngang batukan dahil gusto pang magpaamo kunwari.

"Ah, Yuan," may pag-aalangang pagbigkas nitong kasama ko, "ano kase, ah—may iniwan ako dito kahapon—"

'Yong sulat.

"—nabasa mo ba?"

Napabuga 'ko ng hangin at napailing sa kanya. "Oo, pero ba't kasi hindi mo na lang inabot sa 'ken? O kaya iniwan mo sana sa kwarto ko, e 'andu'n ka naman kahapon. Kung sa'n-sa'n mo pa nilagay. Nabasa tuloy ni Bryan."

Bigla siyang napaharap ng upo sa 'kin, halatang may taranta sa namumula niyang mukha. "'Di nga?"

"Oo nga. Sabi n'ya"—natawa ako—"pakasal na daw kayo."

Pagkarinig sa sinabi ko, agad rin siyang napasandal sa couch at napabuntong hininga. "E ikaw?"

"Anong ako?"

"Wala," sabi niya, sabay tawa.

"Tss." Wala daw.

"Pero seryoso, 'di ba s'ya galet?"

Saglit akong natahimik. Dinedebate ko kasi sa sarili ko kung sasabihin ko ba sa kanya 'yong tungkol kay Thor. May bahagi kasi sa 'king ang iniisip, naihanda na no'ng pangyayaring 'yon si Bryan kaya hindi na naging issue para sa kanya itong tungkol kay Mark. I mean, bukod do'n sa saglit siyang nagalit no'ng kwinento ko sa kanya 'yong tungkol kay Thor, hindi naman din talaga naging issue 'yon para kay Bryan—na parehas kaming lalaki ni Thor. Saka, no'ng nagalit si Bryan no'ng time na 'yon, ramdam kong para kay Thor 'yon. Oo, siguro, kaunti rin para sa 'kin. Pero, ngayong napag-isipan ko na, siguro sa simula pa lang, hindi na talaga issue itong subject na 'to para kay Bryan.

Pagkatapos ng ilang sandali, umiling ako. "Hinde. 'Di siya galet," sagot ko kay Mark.

"Buti naman," sabi niya na ani mong nakahinga nang maluwag bago tumawa nang mahina. "Pero bad trip. Si Bryan pa unang nakabasa?"

Tumango-tango ako. "E tulog ako nu'ng dumating s'ya e."

"Pero binasa mo naman lahat?" mahiya-hiya niyang tanong.

"Oo nga sabe. Stalker ka. Binasa ko lahat." Bahagya 'kong natawa't napaiwas ng tingin. "Alam mo, ngayon lang ako nakabasa ng ganu'n kahabang sulat."

Sa isip-isip ko, naririnig ko 'yong boses ni Bryan na kino-correct ako. Love letter 'yon, tanga.

Hindi sa hindi pa 'ko nakakatanggap ng love letter—oo na, sige na, love letter na 'yon—bago ng kay Mark. Sa halos dalawang taong relasyon namin noon ni Hannah, minsan-minsan na rin kaming nagpapalitan ng mga love letter, pero siguro mas tamang tawaging notes lang 'yon dahil hindi naman 'yon lumalagpas sa limang linya. May ilan-ilan na ring sikretong naglalagay sa bag ko ng mga sulat at minsan pinaaabot din sa mga kakilala ko, lalo na kay Bryan, pero napakabihira no'n at naiilang naman akong basahin dahil hindi ko naman kilala kung kanino nanggaling kaya naitatapon ko lang din pagkauwi ko—sorry talaga.

Isa pa, masmadaling mag-send na lang ng message sa Facebook kaya masmadalas na gano'n ang nangyayari. Galak na galak nga si Bryan habang kinekwento sa 'kin 'yong mga natatanggap kong message. Kaso nga, napupunta lang naman pala 'yon sa message requests folder. Pero mabuti na rin 'yon, para hindi naman natatambakan ang inbox ko.

Nalaman ko 'yan dahil pilit akong in-orient no'ng ungas sa Facebook at Instagram kagabi. Pinipilit nga rin niya 'ko gumawa ng Twitter account e, kaso naalala ko 'yong sinabi ni Mark no'ng birthday niya kaya tinawanan ko lang si Bryan.

"First time ko rin naman gumawa ng, ah, letter," may hiya pa ring pagsasalita ni Mark, "kaya"—bahagya siyang tumawa—"special ka."

"Tss. Nako, Mark, iba na lang."

"Totoo nga!" pagpipilit pa niya habang may malaking ngiti sa mukha. "Sabi kasi ng prof ko, masmadali magsabi ng nararamdaman sa sulat. Mas... mas mabubuo mo 'yung, 'yung thought. Kaya sinubukan ko."

Napatango ako. I think, nabasa ko na 'yon kung saan. Pareho ng sa arts, gano'n 'yong concept. Na 'yong pag-e-express ng kaisipan, ng damdamin, ay masmalaya sa gano'ng paraan kumpara sa simpleng pagsasalita. Hindi sa hindi effective 'yong pagsasalita, pero may mga taong mas nailalabas 'yong gusto nilang sabihin kung ibang paraan ang gagamitin nila.

Kaya nga gano'n-gano'n lang, mas naintindihan ko na at mas tanggap na ngayon ng isip ko kung bakit parang nagmamadali siya. Gets ko na rin 'yong sinasabi ni Bryan kagabi tungkol do'n sa sulat niya. Iba kasi 'yong dating no'ng may taong walang pakialam sa iisipin mo sa kanila, na ang mahalaga lang ay ang masabi nila sa 'yo 'yong nasa loob nila. Gano'n kasi 'yong dating sa 'kin no'ng sulat ni Mark. Hindi siya nahiyang ipakita sa 'kin 'yong nasa loob niya. Kaya, feeling ko, parang masyado niya 'kong inilagay sa isang pedestal na pakiramdam ko'y hindi para sa 'kin, at naantig ako do'n.

Kung tutuusin, napaka-corny no'ng sulat niya. Hindi ko rin alam kung baka masyado lang akong naging isolated sa iba kaya nadadala ako ngayon sa agos niya.

Pero wala akong magawa sa nararamdaman ko.

Siguro, ang mali ko lang talaga, binasa ko 'yon bago ako matulog.

"Sa lahat naman ng sasabihin ng prof mo, 'yan pa tumatak sa 'yo," sabi ko.

"Favorite prof ko kasi 'yon, si Ma'am Galvez. Naging prof mo na 'yon?"

"'Di ba stalker ka?" sabi ko, nakangisi. "'Kala ko ba alam mo sched ko?"

Namula siya. As in pulang-pula. At sa pangalawang pagkakataon, nakita ko siyang speechless. Pinipilit niyang sumagot kaso parang hindi niya malaman ang sasabihin. Para siyang isdang bumubukas-sara ang bibig.

Bumulong siya. "Kiss kita 'jan e."

"Ano?" pagkukunwari kong hindi ko siya narinig.

"Sabi ko, ang pogi mo."

"Tss."

Eksakto alas diyes, tumunog 'yong doorbell.

Tapos na kaming kumain ni Mark. Nahugasan ko na 'yong kinainan namin, at naitago ko na rin sa ref 'yong natira sa luto niyang hindi naman gaanong masarap na sinigang na baboy—ngiti lang ang isinagot niya nang hingiin ko 'yon. Hawak lang niya 'yong remote at nanonood na lang kami ng kung ano-anong video sa YouTube.

"Ang saya mo, ah?" bati sa 'kin ni Ron nang pagbuksan ko siya ng pinto.

"'To kasi e," sabi ko habang nakaturo kay Mark na nakangisi pa rin sa kung ano mang huli naming pinagkekwentuhan. Pumasok naman si Ron para makita 'yong tinuturo ko.

"P're."

"P're."

"P're," pakikisali ko.

Bahagya siyang natawa. "Anyway, P're"—tawa ulit—"sinusundo na kita. Nasa baba si Bon, at pareho namin nakalimutan magdala ng phone."

Ako naman ang natawa ngayon. Feeling ko, nagpipigil lang din ng tawa si Mark dahil alangan pa rin siya kay Ron, kaya nagkasya na lang siya sa pagngisi.

"Kambal nga kayo."

Pagkatapos magligpit nang kaunti, umuwi na si Mark at umalis na rin kami ni Ron.

Kinabukasan ng alas otso ng umaga, door bell na naman ang gumising sa 'kin. Hindi ko na sinilip pa sa peep hole kung sino na naman ang gano'n kaagang mambwisit dahil alam ko nang si Mark lang 'yon. 'Yon nga lang, 'di tulad ng nakaraang dalawang araw, galing sa 220 naman ang ipinaalmusal niya sa 'kin—inihaw na tuna belly. Pero, halatang pinagpaguran 'yong dala niyang fried rice. Ang daming sahog e, 'yong tipong kanin pa lang, ulam na.

"Pinapataba mo ba 'ko?"

Mabilis na kumalat ang blush sa mukha niya. Sabay sabing, "Para samahan mo 'ko mag-jogging 'jan sa SM."

Bahagya 'kong natawa at napakibit na lang ng balikat.

Tignan natin.


   
Buy Me A Coffee