17
Pagkatapos naming sumaglit ng practice sa bahay nila, idinaan muna 'ko ng kambal sa 220 bago sila dumiretso sa school. Sa 220 na rin ako susunduin ni Bryan mamaya, bago kami tumungo ng airport para naman sunduin si Yuri.
Nasabi kasi sa 'kin ni Mark na after lunch, nandito na sa resto ang kuya niya. Kaya, nag-text ako kay Kuya Kevin kung ayos lang bang makausap ko siya. Pumayag naman siya, at nagkasundo kaming magkita dito nang alas singko ng hapon—napaaga nga lang ako nang mga thirty minutes. Simula kasi nang i-suggest ni Bryan na ako na lang ang bumili sa share ni Kuya Kevin sa 220, hindi na 'yon nawala sa isip ko. Gustong gusto kong bilhin 'yon. Hindi ko alam kung bakit, pero pakiramdam ko, ito na 'yong dahilan kung bakit iniwanan ako ng malaking pera ni Lola. Sana nga lang, kasya 'yon.
Pagpasok ko sa pintuan na "staff only", namangha ako dahil malaking area rin pala 'yong loob no'n, halos kalahati rin no'ng buong dining area. Mula sa pinto, 'yong right side lang talaga 'yong buong kitchen area. Kaunti lang 'yong crew doon ngayon—pati na sa dining area kung saan naroon si Mark—dahil kabubukas pa lang ng resto. Wala ring second floor 'yong kitchen kaya nagmukha tuloy iyong malaki dahil sa taas no'ng ceiling. Sa kaliwa naman ng pinto ay isang saradong glass door papunta sa isang kwartong kasulukuyang madilim, kaya hindi ko maaninag ang loob. Hula ko, tambayan lang 'yon ng mga employee. Katabi no'ng glass door 'yong hagdan paakyat sa second floor kung nasaan ang mga opisina.
"Yuan," natatawang pagtawag sa 'kin ni Kuya Kevin, "field trip?" Nasa tuktok siya ng hagdan, 'yong parang terrace na naka-overlook sa kitchen dito sa baba. Para siyang overlord do'n.
Napakamot ako ng ulo at patakbong umakyat. "Sorry, Kuya."
"Sira, binibiro lang kita." Natatawa pa rin siya. "Pasok ka muna. Salubungin ko lang 'yung pina-deliver ko."
Hindi na siya naghintay pang sumagot ako't iniwanan na niya 'ko. Kibit-balikat ko na lang na binuksan ang glass door papasok sa opisina nila at agad na napahinto sa kinatatayuan ko. Kasi, grabe, bukod sa parang North Pole sa lamig sa loob, pang-magazine din 'yong interior no'n. May frosted sticker lang kasi 'yong buong glass door at partition kaya hindi iyon kita galing sa labas.
Kung salamin 'yong wall na nakaharap sa kitchen, 'yong tatlong wall naman ng opisina, pati na 'yong ceiling ay naka-concrete finish. Sa kisame, lahat ng pipe, ducting, at 'yong labas ng mga socket ng ilaw ay pininturahan ng itim. Pati 'yong mga nakikita kong plug sa mga wall, itim din. 'Yong sahig naman ay mga malalaking grey granite tiles na darker lang nang kaunti ang shade sa concrete finish no'ng walls. Sa wall sa side ng Alabang-Zapote Road, helera ng apat na magkakadikit na glass window ang naka-install; sakop no'n 'yong buong lapad ng wall. Kasalukuyang nakataas ang mga blinds no'ng mga bintana, at 'yong sikat ng araw mula roon ang ilaw ngayon sa buong opisina.
'Yong bisagra ng glass door, nasa bandang sulok ng wall sa kanan, at pagbukas no'n, tantsa kong may isang metrong lapad na hallway sa tabi ng kanang wall mula sa pinto hanggang sa fridge na kadikit ng wall sa kabilang dulo sa side ng Alabang-Zapote Road. Kahit na walang division 'yong buong opisina, halatang nahahati 'yon sa dalawa—o mas tama sigurong sabihing dalawa't kalahati. Una, pagkapasok sa pinto, agad sa kaliwa ay ang receiving area na may dalawang magkaharap na leather couch na napagigitnaan ng isang coffee table at may malaking TV sa wall sa kaliwang gilid. Pagkatapos naman ay ang pang-animang conference table. May naka-install ring TV sa tapat no'n pero sa wall naman sa kanan, pagtawid no'ng isang metrong hallway. At panghuli, sa dulo, kadikit ng wall sa side ng Alabang-Zapote Road, ay ang helera ng fridge na pinapatungan ng microwave oven at isang mahabang mesang sinakop na 'yong natirang space sa wall. May dalawang PC do'n. Sa harap no'ng dalawang PC ay may tig-isang office chair.
In short, masarap maglagi dito.
Hindi ko alam kung bakit pinagnanasaan ko na 'yong bawat detalye ng opisina, e hindi ko pa naman alam kung sapat ba 'yong pera ko para bilhin 'yong share ni Kuya Kevin.
Baka naman pwedeng hulugan?
Kasalukuyang may backpack at nakabukas na laptop sa conference table na, ina-assume ko, ay kay Kuya Kevin. Hindi ko na 'yon inusisa pa at naupo na lang ako sa couch na paharap sa buong opisina.
Mas lalo ko tuloy naramdaman 'yong kaba. Kanina pa 'to e. First time ko kasi sa ganito, sa adult talk. Bago nito, aminado naman akong puro lang ako pasarap sa buhay. O mas tama sigurong sabihing kumportable lang, dahil hindi naman ako talaga nagpakasasa sa luho. Kung tutuusin, pwede naman akong mabuhay nang ilang taon sa two million na iniwan ni Lola. Pero, naisip ko, bakit ko pa patatagalin 'yong pagsabak ko sa tunay na mundo? E 'eto na nga 'yong pagkakataon.
Siguro, talagang masasabi ko lang na, sa unang pagkakataon, mayro'n akong gustong makuha.
Pagkabalik ni Kuya Kevin sa opisina, may dala na siyang dalawang malaking box ng pizza mula sa Shakey's na ipinatong niya sa coffee table sa harap ko. Binuksan niya 'yong isang box, at agad na kumalat sa opisina ang amoy no'n. "Yuan, oh. Kaen," pag-alok niya habang kumukuha na ng isang square slice, saka siya naupo sa couch sa harap ko.
"So, parang mahalaga 'yong sasabihin mo, ah? Ano ba 'yon?" mabilis niyang tanong habang ngumunguya.
"Ah—"
"Alam mo," bigla niyang bulalas na parang kapapasok lang sa isip niya, "iba ka pala kumpara sa first impression, 'no?"
"Um—"
"Nu'ng nag-judge kase 'ko nu'ng Battle n'yo, saka nu'ng pinakita sa 'kin ni Sheila 'yong mga pics mo, 'kala ko mahirap ka pakisamahan e. Parang spoiled brat, ganu'n."
Bahagya 'kong natawa. Nang mukhang tapos na talaga siyang magsalita, saka na lang ako sumagot. "Spoiled brat naman po talaga 'ko."
"Nah! Dami 'kong kilalang spoiled brat, and you're not like them. Siguro, naka-zone ka lang talaga nu'ng Battle kaya parang ang intense mo no'n. 'Kala ko tuloy magki-Chris Cornell kayo, e alternative pala."
Ang weird, pero pareho kaming sabay na natawa. Hindi ko alam kung anong dahilan niya, pero ako kasi, iniisip ko kung pa'no na lang kaya kung malaman niyang gusto ko lang talagang umuwi na no'ng mga oras na 'yon? E di lalong nag-iba na naman 'yong tingin niya sa 'kin.
"Anyway. Sorry. 'Yung sasabihin mo, Yuan, parang seryoso?"
"Um, Kuya, kase—"
Biglang bumukas 'yong pinto nang sandaling 'yon, kaya pareho kaming napatingin.
Si Mark. "Delivery!"
Pinigilan ko 'yong sarili kong mapakamot ng ulo. Parang ayaw kasi talaga 'ko pagsalitain ng magkapatid na 'to e.
Dala-dala ni Mark ang isang tray na may dalawang baso at pitsel ng iced tea—yata. Isa-isa niyang inilapag 'yong mga baso sa table sa gitna namin ng kuya niya, parehong sinalinan ng inumin, bago inilapag 'yong pitsel sa table at 'yong tray sa tabi no'n. Nang mapansing pinapanood ko siya, lumingon siya sa 'ki't kumindat, bago naupo sa tabi ko at umakbay.
"Ipagpapaalam mo na ba ko kay Kuya?"
"Pinagsasabi mo?"
Natawa ako, kasabay ng pakiramdam na parang nag-akyatan lahat ng dugo sa ulo ko. Napatingin ako kay Kuya Kevin na kumakain lang ng pizza at kunot-noong pinapanood kaming dalawa ng kapatid niya.
"Oo nga, Yuan. Ano ba 'yon? May lakad kayo?"
"Ahhh...." Shit. 'Tang ina. Napatingin ako kay Mark, at naalala ko 'yong sinabi niya sa 'kin no'ng isang gabi, na nagkasundo sila dati ng kuya niyang bibilhin niya 'yong kalahati ng share nito sa resto 'pag may pera na siya. Naalala kong medyo masama ang loob niya no'n. Ayaw ko munang malaman ni Mark ang totoo kong sadya sa kuya niya dahil—ewan ko ba—pakiramdam ko, baka mag-iba ang tingin niya sa 'kin. Ibinalik ko ang tingin ko kay Kuya Kevin at bumuntong hininga. "Um, oo, Kuya. May outing kasi kami ng mga tropa pag'tapos ng finals e. Three days, two nights. 'Pagpapaalam ko lang sana si Mark."
"Hindi pwede."
"Ha?" sabay pa kami nitong katabi ko.
"Joke lang!" Ngumisi si Kuya Kevin. "Grabe naman kayo makatingin."
"E kasama ba talaga 'ko 'jan, ha?" may pagsususpetsang tanong sa 'kin ni Mark.
"Oo," sagot ko, "nakakalimutan ko lang sabihin sa 'yo." Saka sa mga tropa ko.
Actually, hindi sa nakakalimutan kong sabihin sa kanya, pero hindi lang talaga 'yon sumasagi sa isip ko dahil wala naman talaga akong kaalam-alam sa mga detalye. Hindi naman kasi ako katulad nilang kailangan pang magpaalam para sa mga lakad-lakad. Kaya, usually, hinahatak na lang ako ni Bryan kung saan-saan. Kung kailangang magbaon ng damit, sasabihan niya lang ako kung pang-ilang araw at kung anong klaseng mga damit ang dadalhin.
Ngayong naiisip ko 'yan, naalala ko tuloy 'yong sinabi sa 'kin ni Bryan no'ng Sabado, na pakiramdam niya, parang anak niya 'ko.
"Hm, sige. Sabi mo e," sabi ni Mark at saka siya tumayo. "Balik na 'ko do'n, Kuya, at may sasabihin pa si Yu sa 'yo."
Natigilan ako sa sinabi niya. 'Di ko alam kung dapat ba 'kong matuwa na gano'n niya kadali akong nababasa.
Kumuha muna siya ng dalawang slice ng pizza na pinagpatong niyang parang sandwich bago ngumiti sa 'ki't tuluyan nang umalis. Nang tuluyan na siyang makalabas ng opisina, tumingin sa 'kin si Kuya Kevin. Ngumunguya lang siya at halatang hinihintay akong magsalita.
Lumagok muna 'ko ng—tama nga ako—iced tea at huminga nang malalim. "Kuya, kase, interested sana 'kong bilhin 'yong share mo. Pwede ko po ba malaman kung magkano 'yon?"
Napansin kong saglit siyang napatigil sa pagnguya bago inilapag niya sa box 'yong hawak niyang slice at muling nagpatuloy sa pagkain hanggang sa makita kong nalunok niya na 'yong laman ng bibig niya. Kinuha niya 'yong baso ng iced tea sa harapan niya, diretsong ininom 'yong lahat ng laman no'n, at naupo nang maayos na parang walang pagkain sa gitna naming dalawa. Siguro, wala pang isang minuto 'yon, pero parang ang tagal dahil sa pakiramdam kong para 'kong sinisilaban sa kinuupuan ko habang pinanonood siya.
"Hm. Akala ko...." Umiling siya, 'yong parang pilit niyang binabago 'yong takbo ng isip niya, bago tumingin sa 'kin nang diretso. "Anyway, how much. One-point-four million."
Dumagundong 'yong dibdib ko at pinilit kong lumunok ng laway para mapigilan 'yong sarili kong mapasinghap. Huminga ako nang malalim.
"I'll take it."
"Are you sure?"
"Sure ako, Kuya," sagot ko habang 'yong kaba ko, talagang hindi nagpapaawat.
Saglit siyang tumitig sa 'kin bago bumuntong hininga at nagsalita. "Sige. Alam ko, kakakilala pa lang naten, pero honestly, I'd feel better if it's you. But... you need to know a few things first."
Apparently, fifty-six percent ng 220 ang share ni Kuya Kevin, pero nagsimula 'yon sa almost ninety percent. Partners niya sina Ms Sheila, Chef Tim, Chef Ric, Kuya John, at Kuya Vince. Every month, gaya ng napag-usapan nila nang magsimula sila, pinaghahatian nila 'yong net profit base do'n sa percentage ng share nila. Kinukuha ni Kuya Kevin 'yong share niya. Pero 'yong lima, masmadalas nilang ini-invest ulit, kaysa kuhanin, 'yong kanila sa 220. Isa 'yon sa mga napagkasunduan nila. Bale, ang pinaka-goal nila ay ang magkaro'n ng equal percentage sa ownership.
Nang itanong ko kung pa'no kumikita 'yong iba, ang explanation sa 'kin ni Kuya Kevin ay dahil lahat sila, pati na rin siya, at the same time, ay mga empleyado rin ng 220. Si Kuya Kevin, bukod sa pagiging manager ng buong resto, ay ang accountant rin nito. Kaya bukod sa kinikita niya sa profit ng resto, sumesweldo rin siya sa trabaho niya. Wala namang pinagkaiba rin 'yon sa mga tropa niya.
'Di ko napigilang mapahanga sa kanila, dahil naisip nila lahat 'yon no'ng mga twenty-two years old pa lang sila. O, malamang nga, no'ng masbata pa sila. Sa totoo lang, kung hindi lang talaga namin susunduin si Yuri sa airport mamaya, mas gusto ko sanang alamin 'yong buong kwento. Kaso, pakiramdam ko, mahaba-habang kwentuhan pa 'yon.
Bale, kung desidido na raw akong bilhin 'yong share niya, hindi naman daw niya ako pipiliting pumalit sa posisyon niya sa resto dahil magkaiba naman kami ng tinapos na course. Matagal na rin silang nag-post online ng dalawang job opening para nga sa papalit sa kanya sa pagiging accountant at restaurant manager. Ang totoo, may naka-sched na raw na for final interview sa accountant position—fresh grad daw ang kinuha niya. 'Yong sa store manager na lang daw ang nahihirapan silang maghanap, which is, pwede naman daw niya akong i-train kung gusto ko, pero kailangan ko munang mag-decide kung iyon ba ang magiging priority ko o ang pagbabanda.
"Ah, Kuya, gusto ko sana kaso..."—napaisip ako at napabuntong hininga—"kailangan ako ni Bryan sa Crybb e. I mean, I also really like doing it—singing for the band. Pero, I'm also doing it para kay Bryan. Kaya, um... sorry, Kuya. Kailangan mo pa rin talaga mag-hire. Saka, I think, masyado pa 'kong hilaw para 'jan. Kung part-time waiter siguro, pwede 'ko. Saka, I might kung okay lang for extra income."
Ngumiti siya. "You're full of surprises talaga e, 'no?"
Sa totoo lang, buti na lang at medyo North Pole 'tong opisina nila. Ramdam ko kasing nag-init 'yong mukha ka sa sobrang pamumula. "Kuya, 'wag mo na lang po sabihin kay Bryan 'yon, ha, please?"
"Oo, sige"—sabay tawa—"saka nagpo-po ka na naman sa 'ken. Hindi bagay sa itsura mo."
May binabagayan ba 'yon?
Biglang naging seryoso 'yong expression ng mukha niya. "One last thing pala. If ikaw talaga bibili ng share ko, hingi sana 'ko ng pabor sa 'yo. You don't have to do it, okay? Pero, just in case lang naman." Tumango ako at hinintay siyang ituloy 'yong gusto niyang sabihin kahit na, sa totoo lang, pakiramdam ko alam ko na 'yong sasabihin niya. "If in case na bilhin ni Mark sa 'yo 'yung half ng share ko—na sa 'yo na by then—please consider selling it to him. Pero, again, you don't have to, okay? I know, matagal na namin napag-usapan 'yon pero...." Napatitig siya sa malayo. "Masyadong matalas ang memory ng kapatid kong 'yon e. And ayo' ko s'yang iwan dito pero"—muli siyang tumingin sa 'kin at nagkibit-balikat—"I really don't want to raise a child in this country. Iniisip ko pa lang, sumasakit ang ulo ko."
Bahagya 'kong natawa. Kahit papa'no kasi, naiintindihan ko naman siya. Wala na kasi yatang pag-asa 'tong Pilipinas. 'Yong mga simpleng bagay na nga lang tulad ng pagtatapon sa tamang basurahan, ni hindi pa magawa. At 'yong Rizal quote na 'yon tungkol sa pag-asa, masyadong overrated lang talaga 'yon. Pero—ewan ko ba—kahit na pwede naman akong umalis kahit kailan ko gustuhin dahil nga sa nanigurado ang mama ko na sa Canada niya 'ko maipapanganak, mas gusto ko pa rin dito.
Noong una, si Lola, Bryan, Thor, at Hannah ang mga dahilan ko kung bakit ang pakiramdam ko, itong Las PiƱas ang home para sa 'kin. Ngayon naman, kahit na si Bryan na lang ang natitirang angkla ko rito, sapat pa rin 'yon para hindi ko maramdamang dapat na 'kong umalis. Tapos mamaya, darating pa si Yuri.
At, si Mark pa.
Sabi niya do'n sa sulat niya, ginusto lang niyang masigurado kung may babalikan pa siya rito sa Maynila pagkatapos ng graduation. Ako rin naman e. Hindi ko lang talaga maamin 'yon sa sarili ko. Siguro, kahit sino rin, 'yon lang naman ang gusto, 'yong lagi silang may uuwian. At unti-unti, nararamdaman ko, hindi ako nagkamaling bigyan siya ng pagkakataon.
Sa ngayon, para sa 'kin, sapat na 'yan para manatili.
Pero, binabalak ni Kuya Kevin na magpalaki ng bata sa U.S.? 'Di ba parang out of the pan and into the fire 'yon? Mas okay kung sa Canada na lang sila.
"May tanong pala 'ko, Kuya," sabi ko. "Bakit Two-Twenty ang pangalan nitong resto?"
"Mapaghahalataan ang idad natin nito e." Bigla siyang tumawa. "Seryoso ka ba, Yuan? Hindi mo gets? Ano first phone mo?"
"iPhone 3GS."
"'Tang ina, talaga? Ilang taon ka na ba?"
"Twenty, Kuya."
"Putek!" Ngumisi siya't umiling-iling. "Okay. Long story, short: galing sa last name ko 'yon. Ri-yal, 'di ba? Real, totoo. Dati kasi 'di ba wala kaming qwerty keyboard sa cellphone? 'Tangina nade-depress ako." Sabay kaming natawa—siya, sa sarili niya, at ako naman, sa commentary niya. "Tapos, one hundred sixty characters per text message lang ang pwede, 'di ba? So, dapat paikliin mo 'yung word, saka efficient ka rin mag-type para mabilis ka maka-reply. Kaya 'yon. 'Yung 'totoo', pinaka-shortcut no'n is two-two-oh or zero."
"Wow!" Gusto ko siyang palakpakan. Napaka-creative kasi no'n e. "Akala ko talaga 'yung sa kuryente 'yan."
"E nagkasanayan na lang kase na Two-Twenty ang basa do'n. Pero nu'ng una kase, pinipilit kong Two-Two-Oh, kaso." Nagkibit-balikat siya't tumawa. "Ako naman ang may tanong, pero oks lang kung 'di mo sagutin. Ah, pa'no ba." Bumuntong hininga siya. "'Yung pambili mo sa share ko, ah, sarili mong pera 'yon?"
Umiling ako't napangiti. "Hindi, Kuya. Pamana sa 'kin ng Lola ko 'yon."
"Oh. Hm, ganu'n ba?" Saglit siyang tumahimik at tumingin sa malayo bago muling tumingin sa 'kin. "Ganito. 'Wag ka muna magpadalos-dalos. Pag-isipan mo pa nang maige. Hintayin ko 'yung final decision mo sa Friday. Saka, suggestion: mas okay kung mag-loan ka na lang sa bank—kahit not all of it—kaysa gastusin mo 'yung entire savings mo. I'm sure, kung enough 'yung savings mo to buy my share, iga-grant naman ng bank 'yung loan mo. I'll help you out, if you want. Pero kung gusto mo talaga 'yung savings mo ang gamitin mo"—nagkibit-balikat siya—"it's fine. Basta, always think of the rainy days first. Isama mo sa mga pag-iisipan mo," sabi niya, sabay tawa. "Sorry, ang dami ko na nasabi."
"Hindi, Kuya! Ayos lang," sabi ko naman, pagkalunok ko sa nginunguya kong pizza. Angus burger kasi 'yong flavor no'n kaya nakakailang slice na rin ako. "Dami ko nga natututunan e. Pero, Kuya, bakit hindi mo na lang i-maintain 'yung share mo? Parang 'di mo naman need ibenta e, since magha-hire naman kayo ng accountant and manager."
"Good question. Gusto kasi ni fiance na for good na 'yung move namin e. So, we're really selling everything."
"Oh."
Napaisip ako. Gusto ko sanang itanong sa kanya kung pa'no na lang si Mark kapag umalis siya—or even siya mismo, for that matter. I mean, walong taon na rin kasi silang magkasamang dalawa. 'Di ba, kahit papa'no, masasabi nang malalim ang pinagsamahan nilang magkapatid? Pero pinigilan ko ang sarili ko. Masyadong personal na kasi 'yon. Saka, naka-graduate naman na si Mark, at sa tinatakbo ng pag-uusap namin simula kanina pa, masasabi kong si Kuya Kevin ay isang taong laging may plano. At, ang bawat plano namang iyon, may dahilan.
Kung saan-saan pa napunta ang pag-uusap naming halos umabot na ng dalawang oras. Kaya nang mag-text si Bryan na nasa labas na siya, pakiramdam ko, alam na ni Kuya Kevin 'yong lahat ng basic info sa buhay ko, minus 'yong mga madramang detalye. Nakalahati na rin namin 'yong isang box ng angus burger at naubos na 'yong pitsel ng iced tea. Feeling ko, na-interview ako nang hindi ko nalalaman para sa isang trabahong 'di ko pa alam kung ano.
"Ah, Yuan," pagtawag sa 'kin ni Kuya Kevin.
Lumingon ako sa kanya. Hawak ko na 'yong nagyeyelong handle ng glass door, at palabas na sana 'ko ng opisina. Nagpaalam na kasi 'ko agad nang mag-text si Bryan dahil ayaw na ayaw no'n na naghihintay siya nang matagal.
"Kuya?"
Medyo nailang ako. Nakatitig lang kasi siya sa 'kin na parang nag-iisip ng sasabihin nang ilang segundo, bago siya umiling at alangan na ngumiti. "Ah, never mind. Sorry, sige... next time na lang. Ingat kayo."
"Thanks, Kuya," sabi ko. Napakibit-balikat na lang ako sa isip-isip ko.
Mabilis akong lumakad palabas. Hindi ko na nga nilapitan si Mark para magpaalam e. Kumaway na lang ako sa kanya. Saka ko na lang siguro ikekwento sa kanya 'yong plano ko kung magkasundo na kami ng kuya niya. Isa pa, iniisip ko pa kung pa'no 'yon sasabihin sa kanya nang hindi sasama ang loob niya. Ewan ko ba—pakiramdam ko kasi, hindi niya magugustuhan 'yong balak kong gawin. Ayaw ko namang dahil lang d'yan, magkasamaan pa kami ng loob. Hindi sa magpapapigil ako sa kanya, pero masmadali lang kasing gumalaw kung walang naaagrabyado. Sana.
Pagkalabas sa 220, nagulat ako na hindi kotse ni Bryan ang dinatnan ko, kun' di 'yong Fortuner ng kambal. Wala sa loob si Bon, pero si Ron ang nakita kong nakaupo sa driver seat, habang nasa passenger seat naman si Bryan.
Lumapit ako sa side niya, at ibinaba naman niya 'yong bintana. Kunot-noo ko siyang tinignan. "Ba't—"
"Marami daw dala kapatid mo," pagputol ni Bryan sa tanong ko. "Sumakay ka na do'n." Sabay turo sa upuan sa likod niya.
Nahihiya akong tumingin kay Ron. "P're, thanks, ha?"
"Para ka namang others, Yu," sagot niya.
"Oo nga, mahal ka namin, Yu. Pa-kiss nga kami."
Natawa ako. "Gago."
Six twenty-five na sa relo ko nang nagsimula kaming bumyahe. Hindi naman kasi malayo ang airport e. Siguro, thirty minutes lang or less, 'ando'n na kami, pero 'yon ay kung walang traffic. Ang kaso, may kaunting traffic pa rin kaming nadaanan, kaya inabot pa rin kami ng halos isang oras. Mga seven twenty na nang pareho kaming naupo ni Bryan sa sahig sa Arrivals kung saan tanaw pa rin namin 'yong monitor ng mga dumarating na eroplano. Si Ron naman ay naghanap pa ng parking slot sa malapit, pero pagkalipas ng mga sampung minuto, umupo na rin siya sa tabi namin. Buti na lang, hindi napaaga 'yong paglapag ng eroplano ni Yuri. 8:10 p.m. pa ang E.T.A. niya.
Habang naghihintay, hindi na napigilan ni Bryan na magtanong tungkol sa pag-uusap namin ni Kuya Kevin kanina. Kaysa isipin ni Ron na pinaglilihiman ko sila—na medyo totoo naman—ikinuwento ko na lang, kaya wala na rin akong nagawa kun' di aminin muna kay Ron na pinamanahan ako ng pera ng lola ko. Hindi siya makapaniwalang hindi ko pa nagagawang bawasan 'yon, kaya sinabi ko na lang na may allowance pa rin naman ako sa parents ko. In-explain ko na rin sa kanila 'yong system nila Kuya Kevin sa 220, na kung doon ako mag-i-invest, wala na 'ko masyadong poproblemahin sa pera, as long as hindi malulugi 'yong resto bago ko pa mabawi 'yong investment ko. Naisip ko ngang pwede rin ako mag-invest sa 220 Productions e, kaso hindi ko pa alam kung kumikita ba talaga 'yon o kung pa'no man iyon kumita. Sa ganitong paraan, ang tanging pagkakaabalahan ko na lang talaga ay 'yong banda namin.
"Hey, Kuya!"
Napatayo ako't halos pilipitin ko 'yong leeg ko sa paglingon-lingon sa paligid ko dahil sa Tagalog na 'yon na may accent.
"'Kala kow you forgot e."
"Yuri!"
Nayakap ko na siya bago ko pa mapigilan ang sarili ko.
Pakiramdam ko, may bigat na nabawas sa mga balikat ko at may mga nagtatalunang kung ano-ano naman sa loob ng dibdib ko.
"You know, you used to hug me like this when we were kids."
Totoo 'yon. No'ng grade three pa lang ako, nagbakasyon si Yuri sa Pilipinas nang isang buwan dahil may kailangang asikasuhin sina Papa't Mama sa US kaya hindi nila maaalagaan si Yuri. May pasok na 'ko no'n sa school, habang bakasyon naman nila. Pero kahit na gano'n, mabilis kaming naging malapit ni Yuri sa isa't isa, at araw-araw, naging excited akong umuwi sa bahay. Ang akala ko nga no'n, sa 'min na siya titira e, pero sinundo rin siya nina Mama na ayaw namang pumayag kay Lola na iwanan na lang sa 'min si Yuri. Simula no'n, tuwing bibisita sila sa 'min, lagi na kaming hindi mapaghiwalay, hanggang sa pareho kaming nagbinata at nagsimula na kaming hindi magpansinan tuwing dadalaw sila.
Ngayong nagbabalik ang mga alaalang iyon sa isip ko, masasabi kong napaka-weird ng progression na 'yon, sa totoo lang. Hiyang hiya ako sa sarili ko tuwing naiisip ko 'yon. Kung tatanungin ako kung anong dahilan ko, ang tanging maisasagot ko lang ay puberty.
Natawa ako't kumalas sa pagkakayakap ko sa kanya. "How could you even still remember that? And shit, you're as tall as me now!"
Ngumiti siya't nagkibit-balikat, bago biglang nakunot ang noo at mabilis na nagsalita. "By the way, gusto kow lang mag-sorry, Kuya. I swear"—tinaas niya 'yong kanang kamay niya—"I swear, I really didn't know."
"Anong—"
May biglang humawak sa balikat ko. "'Nak."
Paglingon ko sa kaliwa, sa bandang likod ko, nagulat ako nang makita ko ang papa kong nakatayo katabi ang isang malaki at itim na maleta.