Extra II
Kanina pa 'ko naghihintay sa roof deck.
Sabi kasi ni Mark kanina nang i-text ko siyang puntahan ako dito, baka matagalan siya dahil kailangan niyang mag-overtime. Wala namang kaso sa 'kin 'yon dahil gusto ko rin namang mapag-isa muna.
Buti na lang, bihira lang talaga ang umaakyat dito. Bukod kasi sa malamig na hangin—dahil nga gabi na—wala nang iba pang mapapala rito. Masyado pang malakas 'yong light pollution sa paligid kaya kahit pag-ii-stargazing, imposible. Kita pa rin naman 'yong mga maliliwanag talagang mga bituin, pero hindi maikukumpara ang alapaap dito sa night sky sa Tagaytay o sa Antipolo.
Still, masmabuti na 'to kaysa sa wala.
Sapat na sa 'kin 'yong ganitong katahimikan at 'yong 'di matigil na pag-ihip ng malamig na hangin.
Napapikit ako nang may kamay na humaplos at nagsimulang magmasahe sa batok ko. Amoy pa lang, alam ko nang si Mark 'yon—'yong halo-halong amoy ng apple, fabcon, at 'yong amoy niyang hindi ko mapangalanan. Umabot sa ulo ko 'yong pagmamasahe ng kamay niya, at unti-unti, lumuwag 'yong nararamdaman kong pagkakapisil ng higanteng kamay do'n sa ulo ko hanggang sa tuluyan nang nawala. Dumagdag 'yong isa pang kamay ni Mark at ngayo'y magkabilaang sentido ko na ang minamasahe niya, pababa sa mga balikat ko.
Hanggang sa 'di ko na namalayang nakayakap na siya sa 'kin mula sa likod. Nakapulupot sa dibdib ko ang mga braso niya't nakasandal sa ulo ko ang kanyang noo. Ramdam ko 'yong malakas na kabog ng dibdib niya sa likod ko at 'yong init mula sa katawan niya sa gitna ng umiihip na malamig na hangin. Maya't maya, dumadampi sa batok ko 'yong mainit niyang hininga.
Nanatili akong nakapikit.
Kung pwede lang sana, ayaw ko nang lumakad pa ang oras.
Kaso, nagsimula siyang mag-hum ng isang napakapamilyar na kanta ni Elton John—'yong kanta ni Simba at Nala—kaya napadilat ako't napahagalpak ng tawa. Ramdam ko rin ang pagtawa niya sa likod ko.
Kumalas ako sa pagkakayakap niya't humarap sa kanya. Gusto ko pa sanang yumakap ulit sa kanya at ipatong ang ulo ko sa balikat niya, pero pinigilan ko ang sarili ko.
"Thanks," sabi ko nang may ngiti, "I needed that."
Tumingala siya't nagmamadaling kinalikot 'yong bulsa niya habang nakapako sa 'kin ang kanyang itim na mga mata. Mula sa bulsa ng pantalon niya, mabilis niyang hinugot ang isang panyong agad niyang ipinahid sa ilong niya. Saka lang niya ulit ibinaba ang ulo niya bago tumingin sa 'kin nang nakangisi. Natawa ako.
"Gago, ang O.A. mo."
"At ang bango mo," sabi niya, bago muling yumakap sa 'kin.
Wala na 'kong nagawa kun' di yumakap pabalik at ipatong na lang ang ulo ko sa balikat niya, tulad ng gusto kong gawin kani-kanina lang.
Pakiramdam ko, hindi lang ako ang na-stress ngayong araw na 'to.
Marahan kong hinagod ang likod niya.
At least, hindi ko na kailangang magpigil.