20


Pigil na pigil 'yong tawa ko.

Pa'no ba naman kasi 'tong si Mark, kung makaiyak no'ng namatay si Wolverine, pigil na pigil din.

Akala ko nga no'ng una, tsumatsansing lang siya no'ng hawakan niya 'yong kamay ko at pabiro ko na sana siyang susuntukin no'ng napatagal na 'yong paghawak niya do'n. Kaso, nang simulan niya nang pigain 'yong kamay ko, napatingin na 'ko sa kanya at nakita kong tiim-bagang na pala siyang lumuluha habang pinapanood 'yong huling eksena sa movie.

Kaya, hinayaan ko na lang.

'Yong totoo, kahit na hindi ko masyadong gusto 'yong kwento—ayaw ko kasing nanonood ng malungkot sa sine—na-enjoy ko naman 'yong movie. Maganda siya. Siguro, mga four out of five, pero gagawin ko nang five out of five dahil sa kasama kong sa sobra-sobrang pagka-focus sa movie, hindi na nakihati sa popcorn. Hindi ko nga alam kung ginalaw niyan 'yong Coke niya e. Actually, kanina pa talaga 'yan nagpipigil ng iyak no'ng namatay si Professor X. Kaso, putek, pati si Logan namatay. Kaya iyan, credits na at 'andito pa kaming dalawa sa loob ng theater dahil binabawi pa raw niya 'yong mood niya.

Pero, pakiramdam ko, gusto lang magpaalo ng Mark na 'to.

Nag-text ako kay Bryan.

"Pre kakalungkot patay si prof x at si logan."

At mabilis naman siyang nag-reply.

"PUTANGINAMO!!!!!!!!!!!"

'Di ko napigilang mapahagalpak sa tawa. Napakabihira kasi kung mai-spoil ko 'yan si Bryan e. Masmadalas, siya ang nang-ii-spoil sa 'kin, kaya gumaganti lang din ako ngayon. Kasi usually, kung hindi siya ang kasama kong manood ng movie, nahuhuli naman akong mag-isa dahil nauna na silang manood ni Jade—hindi ko kailanman binalak maki-third wheel sa kanila. Ayos lang naman din dahil wala namang kaso sa 'kin manood nang solo. Masgusto ko nga 'yon dahil maikli ang pasensya ko 'pag makulit ang kasama kong manood.

E ang tantsa ko, malamang, mamayang gabi pa 'yon manonood si Bryan kasama si Jade. Mga alas singko pa lang kasi ng hapon ngayon e.

"Ganyan ka ha," sabi nitong ungas sa tabi ko nang may tonong nagtatampo, "pinagtatawanan mo 'ko."

"Gagu, hinde." Pinakita ko sa kanya 'yong screen ng phone ko na bahagya naman niyang ikinatawa.

"Ang sama mo."

"Psh. Gumaganti lang ako, 'no," sabi ko. "Ano, ready ka na?"

Ngumiti siya, 'yong halata mong nahihiya, sabay kinuha 'yong kaliwa kong kamay at pinagsalitan 'yong mga daliri namin. "Saglit lang. 'Di ko 'to na-enjoy kanina e." Saka niya inihilig 'yong ulo niya sa balikat ko at masmalapitan ko na ngayong nalalanghap 'yong amoy ng apple mula sa ulo niyang parang himalang laging bagong tasa. Pero, ang tunay na himala talaga rito ay 'yong kaunti lang naman ang buhok do'n pero nare-retain pa rin 'yong amoy ng shampoo niya. Nakakatukso tuloy na idikit sa ulo niya 'yong ilong ko. Ang lapit e. At ang bango.

Umiling ako't bahagyang natawa. Ewan ko ba. Pakiramdam ko, dahil nasanay na 'ko sa mga payakap-yakap niya, kahit na may kaunting kaba 'kong naramdaman no'ng hinawakan niya 'yong kamay ko kanina at kahit na ito ang unang beses niyang ginawa 'to, parang natural na sa 'king ganito 'yong nangyayari. Para bang ang tagal nang kami. O siguro, ito lang talaga ang naka-program sa Matrix kaya ganito ang pakiramdam ko ngayon.

Pero, siguro, kung papipiliin ako ni Morpheus ngayon, mas gusto ko 'ata 'yong blue pill.

"Maglilinis na po."

Napabalikwas si Mark. Tapos na kasi 'yong credits at nakabukas na 'yong mga ilaw. Do'n sa aisle sa dulo ng pwesto namin, may janitress na may katabing malaking de-gulong na trash bin. May ngiti itong nakatingin sa 'min.

"Tara," sabi ni Mark, sabay tayo.

Hindi niya binitawan 'yong kamay ko, kaya napatayo na rin ako. Doon sa kanan ko namang kamay, bitbit ko 'yong bucket ng popcorn na ang laman lang ay 'yong naubos ko na ring bote ng tubig. Napailing na lang ako nang agad niya 'kong hilahin palabas nang hindi muna kinukuha sa cup holder no'ng inupuan niya 'yong malaking baso ng Coke. Nginitian ko na lang din si Ate bago ihulog 'yong hawak kong basura sa katabi niyang bin. Nabawi ko naman kay Mark 'yong kamay ko bago pa kami makalabas ng sinehan.

"Oy, Sir. Marky Boy—"

"Yes, Baby Boy," agad niyang sagot sa 'kin nang nakangisi kahit 'di pa 'ko natatapos magsalita.

'Di ko napigilang matawa.

Naglakad-lakad lang kami at nagtitingin-tingin ng kung ano-ano bago mag-decide kung saan kami kakain. Ang balak ko talaga kasi, tutal sagot ko naman, ay sa Glorietta na lang sana kami pupunta. Nami-miss ko na kasi 'yong pagkain sa Aveneto e. Kaso, no'ng iniisip ko pa lang 'yong dami ng tao ro'n, napaayaw na 'ko. Kaya ito, sa ATC kami tumuloy. At least, isang sakay lang din o kaya, kung sisipagin, medyo walking distance. Wala namang tutol 'tong ka-date ko. Kahit sa dulo ng mundo pa raw, basta kasama ako.

Feeling ko, kung magkakaanak 'to si Mark, lalaking baliw 'yon dahil sa mga dad jokes niya.

'Yong totoo, gusto ko sana sabihing nangangapa ako kasi ito ang pinakaunang pagkakataong nakipag-date ako pagkatapos ng apat na taon. Tapos, sa lalaki pa. Kaso—kahit no'ng una pa lang—kung ikukumpara sa ibang tao, bukod kay Bryan at kay Yuri, parang kay Mark na yata ako naging pinakakumportable. 'Yon bang hindi ko na kailangang bantayan 'yong bawat sasabihin ko't gagawin. 'Di ko alam kung anong mayro'n kay Mark, pero napapalabas niya 'yong ugali ko.

"'Pag tinawag mo pa 'ko n'yan, iiwanan kita dito." Iiling-iling ako habang nakangisi sa kanya.

"Sorry na po," nakangisi niya ring tugon.

"Tss."

"E ano ba kasi 'yon?"

Nagkibit-balikat ako. "Wala. Naalala ko lang kase"—bahagya 'kong tumawa—"sabi mo hirap ka sa English. E English kaya 'yung pinanood naten."

"Ah." Tumango siya. "Nakakaintindi naman ako 'pag gano'n. Pero 'pag 'yung kausap ko kasi umi-English den, nape-pressure ako mag-English den. E nakakablangko kaya ng utak," sabi niya nang seryoso. Buong akala ko kasi, dadaanin na naman niya sa biro ang pagsagot.

"Sira, pwede mo naman Tagalugen. Si Yuri nga tina-Tagalog ko e."

"Oh? Nakakaintindi pala ng Tagalog si Bayaw?"

Natawa ako. "Lakaaas!"

"Ayaw mo ba?" Hindi maawat 'yong ngisi niya. "'Pag naging tayo, susungkitin ko 'yong mga bituin, alam mo ba? Tapos ikikwintas ko sa 'yo."

Kahit nasa gitna kami ng mall, napatigil ako sa paglalakad at napahagalpak sa tawa. Wala na 'kong pakialam kung pinagtitinginan na 'ko ng mga tao. 'Tang ina kasi, ang corny pero tawang-tawa talaga 'ko sa mga pinagsasabi nitong gagong 'to. Nakatayo lang siya sa tabi ko, titingin-tingin at ngising ngisi na parang proud na proud siyang tawa ko nang tawa sa paandar niya.

"Sinasabe ko naman sa 'yo e. Makita lang kitang masaya, masaya na rin ako."

Nagsimula na ulit kaming maglakad-lakad, pero ngayon, 'yong tipong aimless na, 'yong kung saan-saan na lang kami dalhin ng mga paa namin. Kinalimutan na namin 'yong pagwi-window shopping. Basta kung saan lumiko 'yong isa, do'n din pupunta 'yong isa. Akala ko kagabi, magiging awkward 'tong araw na 'to, pero kahit naglalakad-lakad lang kami ngayon, parang ayaw ko nang matapos.

Nang tumingin ako sa kanya, diretso rin siyang tumingin pabalik sa 'kin. May ngiti siya sa mukha, pero 'yong expression na nakikita ko sa itim niyang mga mata, halos ipako na naman ako sa lugar no'n. Halos tumagos 'yon sa likod ng bungo ko. Nakakalunod. Pakiramdam ko, hindi ako karapat-dapat sa tingin niyang 'yon.

Pero, ewan ko ba. Alam ko, gusto ko 'yon.

At siguro, kung nahuhulog man ako, kasalanan 'to ng mga matang 'yon.

Pilit kong binawi ang tingin ko at huminga nang malalim.

"Oo na, Sir. Puro ka banat e."

"Gusto naman niya."

"Tss. Gusto mo ng ramen? For dinner, I mean." tanong ko.

"Mas gusto kita."

Natawa ako. "Seryoso kase."

"Seryoso naman, ah?" tugon niyang kasama ang ngiting nasanay na 'kong nakikita sa mukha niya. "Pero, oo. May alam ako du'n sa Commerce—lage 'ko sinasama ni Kuya do'n—kung oks lang sa 'yo maglakad."

"Tara."

Inakbayan ko siya at iginiya sa direksyon ng exit na papuntang Commerce.

Ewan ko ba, pero napapansin ko, parang nahahawa na 'ko sa kanya sa mga paghawak-hawak niya sa 'kin.

Para bang naaadik na 'ata 'ko sa presensya niya.

'Yong para bang minsan, naghahanap ako ng paraan para magkaro'n ng assurance na nasa tabi ko siya kahit alam ko namang nando'n siya.

Tulad na lang ngayon.

May bahagi sa 'king gustong patunayan sa sarili kong totoong siya ang kasama ko ngayon habang nararamdaman ko 'tong mga kung anu-anong nagliliparan sa loob ng dibdib ko. Kaya, inakbayan ko siya.

Siguro, dahil sa mas naiintindihan ko na ang mga bagay-bagay ngayon, hindi tulad no'ng kami pa ni Hannah, pilit kong hinahanapan na ng dahilan 'yong bawat kilos ko. Naisip ko kasi, 'yong P.D.A. namin noon, purely by instinct 'yon para sa 'kin. Kumbaga, bugso ng damdamin. Pero simula no'ng may nangyari sa 'min ni Thor, natuto na 'kong maging introspective sa mga ginagawa ko, kung bakit ko ginagawa ang mga bagay-bagay. Ayaw ko na kasing maulit pa ulit 'yong nangyaring pananakit ko noon kay Hannah.

Kahit naman kasi may pagka-harsh 'yong sinabi ni Kuya Kevin na tigilan ko na 'tong nangyayari sa 'min ni Mark kung wala naman akong feelings para sa kanya, 'yon din naman talaga ang policy ko no'ng simula pa lang. Ang mali ko lang siguro, sa sobrang pagbabantay ko sa bawat gawin ko, hindi ko na namalayang naikakahon ko na 'yong sarili ko. Kaya, akala tuloy siguro ni Kuya Kevin, pinapaasa ko lang 'yong kapatid niya. Pero hindi 'yon gano'n. Gusto ko lang talaga masiguradong totoo 'yong nararamdaman ko at kapantay naman ng kinikilos ko 'yong nararamdaman kong 'yon. Ang kaso, nasobrahan lang talaga 'ko.

Kaya nga balak ko sana, klaruhin 'yon kay Mark. Kasi, kahit na nasasanay na 'kong para siyang si Bryan kung basahin ako, ayaw ko pa ring mag-iwan ng pagkakataong baka parehas sila ng kuya niyang ang tingin ay balewala sa 'kin 'yong nararamdaman niya at 'yong mga ginagawa niya para sa 'kin.

"Yu, sino nagsabi sa 'yong gusto ko ng ramen?"

Nakaupo kami sa bench sa minipark na mga ilang lakad din ang layo sa Sigekiya, 'yong ramen place na kinainan namin kani-kanina lang. Pagkatapos kasing kumain, nagpasya muna kaming maglakad-lakad, at dito nga sa minipark malapit sa Filinvest Tent kami napadpad.

Honestly, 'di ko gets kung bakit may mga taong gusto no'ng ramen. Para kasing masmasarap lang naman nang kaunti 'yon sa Lucky Me na hinaluan ng itlog. Actually, kahit 'yong Lucky Me hindi ko rin trip 'yon e. Or kahit na anong may sabaw na noodles. Ang gusto ko 'yong canton, extra hot chili o kaya sweet and spicy. Kung sa resto naman, 'yong crispy noodles sa North Park. Ay grabe!

Kaya lang naman ako nag-suggest na mag-ramen, dahil alam kong gusto 'yon ni Mark.

"'Di ko lang sinasabi sa 'yo, pero first year pa lang tayo inii-stalk na kita. Kaya alam ko favorite mo 'yon," may ngisi kong sagot sa kanya.

Tumawa siya nang malakas. "Bad trip!" sabi niya habang umiiling. "Pansin ko, lagi mo binabalik sa 'ken 'yung mga sinasabi ko sa 'yo. 'Nu nga? Sino?"

"Mahalaga pa ba 'yon? Ito ayaw tigilan."

"E kasi obvious naman na ayaw mo nu'ng kinakain mo e. 'Kala ko pa naman gusto mo ren no'n kaya du'n ka nagyaya."

"Ayaw mo no'n? Nakarami ka."

Hindi ko kasi inubos 'yong bowl ko, kaya siya ang umubos. Akala ko pa naman, ang akala niya, busog na ko kaya tinigilan ko nang kumain. 'Yon pala, alam naman pala niyang 'di ko trip 'yong pagkain. Nakakahiya.

"Hay," buntong-hininga niya. "Oo na lang."

Kapwa kami natahimik, pero hindi naman 'yon awkward. Nakatingala lang ako, nakatingin sa madilim at walang kaulap-ulap na langit. Sa tabi ko, nagha-hum lang ng kung anu-anong kanta si Mark. Nang silipin ko siya, nakapikit siya't patingalang nakasandal ang ulo sa sandalan ng bench habang naka-spread naman ang dalawa niyang braso sa kahabaan no'ng sandalan. Nakakatuwa siyang pagmasdan. Sobrang relaxed kasi ng expression sa mukha niya. Kung hindi nga lang siya nagha-hum, aakalain mong tulog siya e.

Humiga ako sa bench sa tabi niya't pumikit, nakikinig lang sa tuloy-tuloy niyang pagha-hum. Inunan ko ang dalawa kong palad habang nakalaylay naman ang mga hita ko mula tuhod sa dulo ng bench. Ang sarap talaga niyang pakinggan. Gusto ko sanang mag-request ng kanta, kaso ayaw kong maputol 'yong hina-hum niya. Hanggang sa hindi ko namalayang napaidlip na pala 'ko.

Nang sumunod na magmulat ako ng mata, nagha-hum pa rin siya pero nakaunan na 'ko sa hita niya at maya't maya nang hinahagod ng kamay niya ang buhok ko. Dahil sa pwesto ko, sagap ko 'yong amoy ng naghalong fabcon at singaw ng katawan niya. Ang bango.

"Sorry," sabi ko.

Sinubukan kong tumayo, pero pinigilan ako ng pagdiin ng kamay niya sa dibdib ko. Agad rin naman niyang inalis 'yon nang maramdaman niyang wala na 'kong balak tumayo. Kinabahan ako nang bigla siyang yumuko't tumapat sa 'kin 'yong itim niyang mga mata mula sa taas. Akala ko kung anong gagawin niya e. Buti na lang, wala na sa dibdib ko ang kamay niya kaya hindi niya iyon naramdaman.

Ngumiti siya. "Sige lang, Yu. 'Jan ka lang. Alam ko inumaga kayo kagabe."

"Medyo," humihikab kong sagot sa kanya, ramdam ang naghalong hiya at pagkakumportable sa pwesto namin. Napapikit ako sa paulit-ulit na paghagod niya sa ulo ko. "Ikaw? Sa'n pala kayo kagabe?"

"Sa bahay kami ni Chris. Grabe"—bahagya siyang tumawa—"ang daming tao ru'n pagkarating ko. Hinahanap ka nga sa 'ken ni Daryl e. 'Di mo pa daw sila ina-accept."

"Ang dami kasing request. 'Di ko alam kung alin 'yung kanila do'n."

"'Yaan mo 'yun. Guguluhin ka lang ng mga 'yon."

"Mm. Nga pala. Sa twenty-seven 'yung outing, ha? Gusto mo ba talaga sumama?" Dumilat ako't tumingin sa kanya. Nagbalik na ulit 'yong pwesto ng ulo niya do'n sa sandalan, pero hindi naman tumitigil 'yong mga daliri niya sa pagsuklay ng buhok ko. "Baka kasi napipilitan ka lang e. Sa Batangas lang naman tayo. Tapos, uwi na daw ng twenty-nine. Saka 'wag ka mag-alala, wala ka gagastusin kasi 'yung prize nu'ng U-Week 'yung gagamitin namin do'n."

"Okay lang ba talaga? Baka magtaka mga 'yon kung sino 'ko, ha?"

"Oks lang talaga, promise. Isasama ko rin si Yuri—'yon mas lalong walang kilala 'yun do'n. 'Tsaka hindi naman lahat ng kasama do'n kilala ko ren, so quits lang."

Yumuko ulit siya't tumingin sa 'kin. "Basta 'wag mo ko iiwan, ha?"

"Promise," may ngisi kong tugon sa kanya kahit na pakiramdam ko, hindi ako makahinga. "Saka kilala mo rin naman sila Bryan."

Tumango siya't tumingala ulit bago bumuntong-hininga. "Si Kuya siguro nagsabi sa 'yong gusto ko ng ramen."

"Ano ba 'yan!" Tinapik ko siya sa tiyan. "'And'yan ka pa ren? Oo na, kuya mo na. Sino pa ba pagtatanungan ko ng mga gusto mo?"

"'Wag mo nang gagawin 'yon, ah?"

"'La." Bahagya 'kong natawa. "'Nu kaya 'yon?"

"Ako 'yung nanliligaw e. Dapat ako 'yung gumagawa no'n. Dapat ako 'yung nagpapa-fall. Fall na fall na nga, lalo pang nafo-fall. "

'Di ko napigilang matawa sa mga pinagsasabi niya. "Gagu."

"Seryoso 'ko, Yu."

Tinanggal ko 'yong kamay niya sa buhok ko at umupo nang maayos. "Sino ba nagturo sa 'yo manligaw, ha? Hindi ganyan manligaw, 'no. 'Di mo naman kailangan kalimutan 'yung sarili mo e. 'Pag nanliligaw ka, dapat pinapakilala mo rin 'yung sarili mo du'n sa tao. 'Yun ang point no'n."

"E sabi ni Kuya, basta diskartehan ko lang daw kung pa'no ko magagawa 'yung mga gusto ng nililigawan ko e. Tapos"—bahagya siyang tumawa at nagkamot ng ulo habang nakatingin sa 'kin nang medyo alanganin—"'yon, hanggang sa maging dependent na s'ya sa 'ken. Sasagutin na 'ko nu'n."

"Tss. Sira ulu." Napangisi ako't napailing. Pagkatapos ng mga sinabi ni Kuya Kevin sa 'kin kagabi, 'yon pala, malalaman kong kalokohan rin pala 'yong itinuro niya sa kapatid niyang may pagkaungas din. "Hindi naman ako babae, saka 'di lahat ng babae gusto ng ganyan. Lalo na kung feminist pa 'yon, e di basted ka agad." Inakbayan ko siya. "Gusto mo turuan kita manligaw?" may ngisi kong tanong sa kanya.

"'Wag na lang." Nginisian niya rin ako. "Sagutin mo na lang ako. Ikaw lang naman ang balak ko ligawan e."

Natawa 'ko. "Ulol! Alam mo, tutal gusto mo ng old school na ligawan, ganito," tatawa-tawa ko pa ring sinabi sa kanya, "'pag ano, 'pag naharana mo 'ko galing sa ground floor, sige, sasagutin kita."

"Sabi mo 'yan, ah?"

"Uy, joke lang 'yon. Alam ko namang imposible 'yun e. Baka sabihin ng kuya mo...." Napailing ako.

"Walang sasabihin 'yon. Inaway ko na."

"What? Baket?" Nagulat ako. Tinanggal ko 'yong braso ko sa balikat niya at umupo nang maayos. Alam kong malabo, pero nag-aalala 'kong nasabi na sa kanya ni Kuya Kevin 'yong tungkol sa pagbili ko ng share niya sa 220. "Pinagsasabi mo?"

"May sinabe siya sa 'yo kagabe, 'di ba, kaya bad trip ka? Ayaw niya umamen, pero hindi na 'yun uulet."

"Ah."

Bahagya 'kong natawa nang mapakla. Hindi ko inaasahang walang sinabi si Kuya Kevin sa kanya. At the same time, pakiramdam ko, parang mas okay 'ata kung nasabihan na siya kahit kaunti.

Bumuntong-hininga 'ko.

"Hindi gano'n 'yun, Mark. Tama naman kuya mo e. Baka akala niya kase—ewan ko—na baka pinapaasa lang kita." Tumingin ako sa kanya nang diretso, sa itim niyang mga matang parang laging nagpapahinto sa takbo ng oras. "'Di 'ko sure, pero baka kase pakiramdam mo binabalewala kita. Kung gano'n, sorry, ha? Naa-appreciate ko, promise. Seryoso"—napalunok ako—"gusto kitang kasama. Gusto ko, lagi kitang kasama—"

May ilang saglit na tumahimik 'yong buong mundo.

Ewan ko.

Basta, wala 'kong marinig.

Wala 'kong ibang marinig kun 'di 'yong paulit-ulit na pag-ugong ng kaba sa tenga ko.

Para 'kong sasabog.

Isang saglit, nagsasalita pa ko't nahihiya pa 'kong nakatingin sa kanya habang ipinapaliwanag sa kanya 'yong nararamdaman ko. Nang sumunod, natatakpan na ng mukha niya ang paningin ko, umiihip na ang mainit niyang hininga sa mukha ko, at napagigitnaan na ng malambot niyang mga labi ang ibabang labi ko.

Nang ma-realize ko ang nangyayari, wala 'kong ibang nagawa kun' di ang mapasinghap.

Ganito kalapit, sagap na sagap ko 'yong singaw ng katawan niyang 'di ko mapangalanan.

Nakakabaliw.

Napapikit ako.

Idiniin ko pa sa kanya ang mga labi ko.

Wala 'kong marinig.

Para 'kong sasabog.


   
Buy Me A Coffee