21
Namalayan ko na lang na nakayakap na sa bewang ko 'yong mga braso niya nang maghiwalay na ang mga labi namin. Tapos, agad rin niyang isiniksik ang mukha niya sa gitna ng leeg at balikat ko. Kumiskis 'yong mga hibla ng mga papatubo pa lang niyang balbas sa balat ko ro'n, dahilan para magtayuan ang mga balahibo ko sa kiliti. Kulang na lang, pati legs niya ipulupot niya rin sa 'kin at para na 'kong may alagang higanteng koala.
Kunot-noo 'kong natatawa sa pinaggagawa niya. Itinutulak ko siya palayo, pero ang tatag ng kapit niya. Kaya, wala na 'kong nagawa kun' di ipatong na lang sa likod niya 'yong kaliwa kong braso.
Pinipilit kong hindi matulala pero wala 'kong magawa.
Parang lumalangoy sa makapal na hamog 'yong ulo ko.
Hindi naman ako nagpakasanto nitong nakaraang apat na mga taon, pero pakiramdam ko, parang ngayon pa lang ako nahahalikan sa tanang buhay ko. Hindi mawala sa mga labi ko 'yong pakiramdam ng pagkakalapat do'n ng mainit niyang labi. Nandoon pa rin 'yong lasa niya.
Nakakaadik.
Umiling ako.
"Mark, mainet."
"Umm, sorry, ha? 'Di ko napigilan e. 'Wag ka magalet, please?"
Napangisi ako sa hangin. Minsan talaga, may pagkabaliw rin 'tong ungas na 'to e. Pero, hindi ko alam kung bakit 'yong mga kabaliwan niyang tulad nito 'yong lalong ikinatutuwa ko. 'Yong mga minsang pagpapadalos-dalos niya—tulad nito—'yong mga sinasabi't ginagawa niya out of impulsiveness at pagkatapos ay akala mo may takot niyang ihihingi ng tawad, sobrang refreshing para sa 'kin—hindi ko alam kung bakit. Gusto kong sabihin sa kanyang isa 'yon sa mga gusto ko sa kanya, pero nahihiya ako.
Nasasayangan ako.
Nanghihinayang akong hindi ko siya nakilala agad.
"Hindi ako galet," sabi ko. "Kung galit ako, e di sinapak na sana kita."
"Galit e, oh."
Halos ubuhin ako sa naghalong tawa at biglang kaba nang ma-realize ko kung anong tinutukoy niya, na totoo 'yong sinasabi niya. Pakiramdam ko, biglang naubos lahat ng dugo sa ulo ko. Kaso, ngayon, mas lalo akong naging conscious do'n sa nakababaliw na singaw ng katawan niya. Gusto ko ring isiksik sa leeg niya 'yong ilong ko at langhapin lahat 'yon. Gusto kong halikan ulit 'yong mga labi niya.
Huminga ako nang malalim.
Pilit kong hinila pabalik sa totoong mundo 'yong isip ko.
"Mark, bitaw na."
"Baka iwanan mo 'ko dito 'pag binitawan kita, ah?"
"Hindi nga sabe." Tinapik-tapik kong parang nag-aalo ng bata 'yong likod niya. "Promise, 'di kita iiwan dito."
"Pa-kiss nga ulet kung 'di ka galet?"
Natawa 'ko. "Wow, ah? Saka na. 'Di pa nga tayo e."
"E di sagutin mo na 'ko. Na-kiss na nga kita e."
"Tss, 'kakulet. Buti na lang walang tao dito," sabi ko habang naglilibot ng tingin. Bukas naman 'yong mga ilaw ng mga building sa paligid, pero kaming dalawa lang ang tao ngayon dito sa labas. Kung sa bagay, Sabado kasi, kaya malabong maraming tao rito ngayon. Puro opisina kasi 'ata 'yong mga building dito. "Sige na, Mark, oh. May sasabihin pa 'kong importante sa 'yo e."
Inangat niya 'yong ulo niya mula sa leeg ko at tumingin sa 'kin nang diretso. "Isang kiss na lang talaga, please?"
Napangisi ako sa kakulitan niya. "Oo na," pagpayag ko, at agad naman siyang ngumiti at kumalas sa pagkakayakap sa 'kin.
Tutal, nagkahalikan naman na kami kanina e.
Kaso, kumpara do'n, mas ramdam ko ngayon 'yong kaba. Para 'kong aatikihin.
Lalo na nang simulan niyang ilapit ang mukha niya sa 'kin. Ang bagal. O siguro 'yong sarili kong speedometer lang ang nagsasabi no'n. Hindi niya inaalis 'yong mga mata niya sa mga mata ko, at hindi ko rin magawang maglihis ng tingin. Saka lang siya tumigil sa paglapit nang magdikit na ang mga ilong naming dalawa. Pero, patuloy naman siyang tumitig pa 'rin sa 'kin nang malapitan. Hindi ko napigilang mapangiti ulit. Ewan ko ba. Hindi ko alam kung anong nararamdaman niya sa mga saglit na 'to, pero may kung ano ro'n sa mga mata niyang nagpagaan sa loob ko.
Naramdaman ko 'yong marahang paghaplos ng kamay niya sa pisngi ko. Tapos, buong lamyos niyang idinampi 'yong mga labi niya sa 'kin.
Ang lambot.
Ang init.
Ang bango.
Nababaliw na yata talaga 'ko.
"Mahal kita, Yuan."
At saka lang siya naupo nang maayos sa tabi ko.
Natigilan ako. Kahit na halatang iniiwas niya sa 'kin 'yong mga mata niya, hindi ko pa rin maalis sa kanya 'yong tingin ko. Parang may kung anong sumibat sa dibdib ko kaya parang saglit na tumigil iyon sa pagtibok. Hindi 'ko maibuka 'yong bibig ko. Hindi ko alam kung anong tama kong dapat sabihin.
Ang tahimik naming dalawa.
At ang awkward.
"Mark."
Hindi pa rin siya makatingin sa 'kin nang diretso, kaya nag-indian seat na 'ko sa bench paharap sa kanya habang nag-o-overdrive na kung saan-saan 'yong utak ko.
Sa loob-loob ko, alam ko naman e.
Pero, nakakabigla pa ring marinig 'yon mula sa kanya ngayon.
Kinuha ko 'yong kanan niyang kamay at binalot sa dalawa kong kamay. Hindi ko napansin kanina, pero kumpara sa 'king nasa dulo ng mga daliri ang mga kalyo, nasa palad naman 'yong kanya. Sinalat-salat ko 'yon ng hinlalaki ko.
Huminga ako nang malalim.
"Hindi ko... 'di ko pa alam kung ano 'tong, ano, nararamdaman ko e. Sa 'yo. Pero"—humugot ulit ako ng hininga—"Mark, mahalaga ka sa 'ken. Sana... sana, hindi ka magsawa."
Saka lang niya ulit sinalubong 'yong tingin ko nang nakangiti. Nakahinga 'ko nang maluwag nang sa ngiti niyang 'yon, tuluyan nang nawala 'yong awkwardness sa ere.
"Hindi talaga."
Napailing ako. "Tss, ayaw mo nga tumingin sa 'kin kanina."
"Naiilang lang kase 'ko."
"Ewan ko sa 'yo. Dahil sa 'yo, nasa-sidetrack ako e."
Bahagya siyang tumawa. "E ano ba kase 'yon?"
"Mag-promise ka muna please na hindi mo 'ko sasapaken."
O.A. na kung O.A., pero takot kasi akong masapak. Oo, minsan nagbabatukan kami ni Bryan pero alam ko kasing biruan lang 'yon, kaya kahit minsang nagkakasakitan kami, ayos lang sa 'kin. Pero, iba kasi 'yong may susuntok sa 'yo sa mukha e, 'yong alam mong galit sa 'yo 'yong tao at 'yon na lang 'yong pinaka-expression ng nararamdaman niyang 'yon.
Umangat 'yong dalawa niyang kilay. "Parang ano 'yan, ah.... Hm, pramis"—tumango-tango siya't itinaas niya 'yong kaliwa niyang kamay dahil hawak ko nga 'yong kanan—"'di kita kayang saktan."
"Bumanat pa nga." Napangisi ako sa kanya. "Anyway, okay. Okay," sabi ko.
Hindi nga lang ako sigurado kung sa kanya ko ba 'yon sinasabi o sa sarili ko. Bukod kasi sa takot kong masapak ako sa mukha, ayaw ko ring mag-iba 'yong kung anong mayro'n kaming dalawa ngayon. Do'n sa una kasi, may magagawa pa 'ko, pero do'n sa pangalawa, hindi ako sigurado. Parang dapat yata, no'ng una pa lang, sinabi ko na 'to sa kanya. Kaso kasi, kung hindi ko nakakalimutan, hindi ko naman mahanapan ng tiyempo.
Huminga ulit ako nang malalim.
"'Yung share kase ng kuya mo sa Two-Twenty, binili ko."
Naramdaman kong saglit na pumitlag 'yong kamay niyang hawak ko, pero hindi naman niya iyon kinuha. Instead, lalo pa siyang kumapit. Kaso nga lang, parang ang tagal ko nang naghihintay kung anong sasabihin niya, pero hindi pa rin siya nagsasalita. Puro buntong-hininga lang niya 'yong naririnig ko.
Kung awkward kami kani-kanilang, parang mas awkward pa kami ngayon.
"Huy." Inalog ko 'yong kamay niyang hawak ko.
Saglit siyang umiling. "Sorry," sabi niya. "Nablangko lang kasi ako e. Pero...." Humugot siya ng hininga. "Ang kaso lang talaga sa 'ken, parang—ewan ko—lalo ka pang lumayo e. Parang ang hirap mo na lalo abuten. Pero 'yung sa resto"—nagkibit-balikat siya—"actually, naisip ko na rin na baka 'yun 'yung pinag-uusapan n'yo ni Kuya e. 'Di ko lang sigurado. 'Di ko alam na ang yaman mo pala talaga."
"Hinde, 'no ka ba. 'Di ko naman pera 'yon. Bigay lang sa 'ken ni Lola 'yon."
Hindi ko nga lang nagamit. At least, hindi literally. Kasi, 'yong perang 'yon din naman ang naging dahilan kung bakit na-approve ng bangko 'yong loan application ko.
"'Tsaka, wala naman akong pakialam sa gano'n," dagdag ko.
"Alam ko naman 'yon dito"—tinuro niya 'yong ulo niya—"kaso, iba pa ren 'yung ano e, 'yung sa pakiramdam. Sobrang layo na talaga ng agwat naten," tugon niyang medyo nasobrahan ng drama.
Napabuntong hininga ako't napangisi.
Alam ko na 'to e.
Artista talaga, amputek.
"Gusto na naman ng kiss n'yan."
At dinaig pa nga niya 'yong bagong sinding Christmas Tree sa biglang pagliwanag ng mukha niya. Ngising ngisi e. Natawa 'ko sa kanya.
"Siguro ang pangarap mo talaga, mag-artista, 'no?"
"'Di, ah." Ngumisi siya. "Ang pangarap ko"—napa-shit ako sa isip-isip ko—"ibigin ka."
Sabi ko na nga ba e.
Pakiramdam ko, hindi ako natututo. O kaya, talagang magaling lang siyang tiyumempo ng banat.
Kaso, habang tumatagal, 'yong katangian niyang iyan ang isa sa mga nagiging paborito kong bagay sa kanya. Kinikilig na kung kinikilig, pero 'pag mag-isa lang ako at sumasagi sa isip ko 'yong mga pinagsasabi niya, hindi ko mapigilang mapatawa nang malakas.
Binitawan ko 'yong kamay niya't tumayo't nag-inat.
"Tara na, Sir," yaya ko sa kanya. "Uwi na tayo."
Tumayo rin naman siya, pero kunot-noo siyang bumaling sa 'kin. "Baket? Alas otso pa lang, oh." Pinakita niya sa 'kin 'yong oras sa screen ng phone niya.
"E walang kasama si Yuri du'n e."
Bahagya siyang tumawa. "Matanda na 'yon. Jollibee muna tayo du'n, oh," sabi niya habang nakaturo sa direksyon kung saan kami nanggaling. May nadaanan kasi kaming Jollibee nang maglakad-lakad kami pagkagaling sa Sigekiya. "Libre ko."
"Kakakain lang kanina e."
"'Di naman kasi ako. Ikaw. Baka sabihin ni Bayaw ginugutom kita e."
Napangisi ako. Gusto kong pisilin 'yong pisngi niya. "Takot ka nga magpakilala du'n e."
"Hindi ah!"
"Oo na lang!" Inakbayan ko siya at iginiya sa direksyon ng Jollibee. "Tara na nga, Sir. Gusto ko ng—"
"Champ."
"Stalker."
"Secret admirer. Pogi ako e!"
Tatawa-tawa ko siyang itinulak palayo.
Sa puntong 'yon, napunta na sa asaran ang usapan naming dalawa. Para 'kong bumalik no'ng highschool, no'ng buo pa ang tropa namin nina Bryan. No'ng mga panahong wala pa 'kong alam kun' di ang magpakasaya at maging masaya. Oo, hindi pa naman ako matanda ngayon pero pakiramdam ko, dahil kay Mark, unti-unti akong bumabalik sa pagkabata.
'Yong pakiramdam ko, 'yong parang unti-unti, nahahanap ko na 'yong mga nawawala kong mga laruan no'ng bata pa 'ko.
Ang sarap no'n sa pakiramdam, hindi ko maitatanggi.
At, ayaw kong matapos 'yong kung ano man 'tong nangyayaring 'to.
Hindi ko alam kung pa'no, pero... bahala na.
Mag-aalas diyes na ng gabi nang dahan-dahan akong pumasok sa unit ko—napilit ko si Mark na 'wag na 'kong ihatid at lumabas na ng elevator sa twelfth floor. Bahay ko naman 'to, pero hindi ko alam kung bakit para 'kong 'di makabasag-pinggan. Siguro, gano'n lang talaga 'pag may matanda sa paligid. Pero nang mag-check naman ako, mukhang mas nauna pa 'kong makauwi kaysa kay Papa.
Napakagala talaga no'n.
"Looks like ya got lucky," may ngising bati sa 'kin ni Yuri pagkapasok ko sa kwarto ko.
Boxers na naman ang tanging suot lang niya kahit na ang lamig naman sa kwarto dahil naka-on 'yong air con. Naka-indian seat siya sa ulo ng kama ko't nakasandal sa patayong unan sa likod niyang nakasandal rin sa pader habang may kung ano siyang ginagawa sa iPad niya. Sa tabi niya, may nakalapag na malaking head phones—no'ng Monday pa lang, hinihingi ko na 'yon sa kanya kaso ayaw niyang ibigay dahil bago raw 'yon.
May naamoy akong kakaiba pagkapasok ko pa lang sa pinto, pero hindi naman 'yon masama. Pamilyar 'yon sa 'kin, kaso hindi ko nga lang maalala kung saan ko nga ba 'yon naamoy dati. Napatingin na lang ako nang may pagtataka kay Yuri.
Actually, no'ng isang araw pa dumating na 'yong kama niya. Kaso, dahil 'andito pa si Papa, sa kanya na lang muna pinagamit 'yon ni Yuri. Bago rin 'yong air con do'n sa kwarto niya. Binili ni Papa para sa kanya. At dahil okay lang naman sa 'king magkatabi kaming matulog, hindi ko na siya pinatulog do'n sa couch sa labas. Sa totoo nga lang, nasanay na rin akong katabi siya sa nakalipas na limang gabing magkatabi kaming natutulog. Ito lang rin siguro 'yong magandang dulot ng pag-uwi ni Papa rito. Dahil sa kanya, halos bawat segundo kaming magkasama ni Yuri nitong nakaraang mga araw.
Kahit naman kasi pinirmahan ko na 'yong tseke nila, halos di rin kami nagkikita ni Papa dahil lagi siyang may lakad mula pagkagising ko pa lang. Manlilibre siya ng dinner, pero halos hindi naman kami nag-uusap kasi nga, bukod sa hindi talaga 'ko sanay na kasabay siyang kumain, bad trip din ako sa kanya. Parang bigla kasing sumikip 'yong condo ko. Hindi ko nga lang alam kung dahil ba 'yon do'n sa binili niyang mesa o dahil sa presensya niya.
"Ulul." Natawa ako. "Lucky ka 'jan."
Nag-make face si Yuri, 'yong universal expression ng 'weh?'.
"Looks like you did." Binato ko sa kanya 'yong medyas ko, kaso hindi nga lang umabot. "Ooorrrr"—tumawa siya nang nakakaasar—"don't tell me you're waiting for Ron."
"Gago, 'di ah! Baka mamaya pati kay Bryan sinasabi mo 'yan, ah?"
"I mean... it's not like I have to tell him, ya know. He knows."
Humiga ako sa tabi niya't ipinatong 'yong braso ko sa mga mata ko. "There's nothing to know."
"Suuuuure." Tinapik niya 'yong braso ko. "If you say so."
"No, really." Tinanggal ko 'yong brasong nakatakip sa mata ko para tumingin sa kanya. "I don't see Ron that way." Napabuntong hininga ako. "Ang awkward na tuloy. Kasalanan mo 'to e. Nananahimik ako, ta's kung ano-ano sasabihin mo sa 'ken."
Tumawa siya. "Sorry, Bro. I really thought you knew. Ever since I arrived, his eyes were all like 'fuck me, Yuan, fuck me!'"
Natigilan ako. Pagkarinig ko sa sinabi niya, saka lang nag-click sa utak ko 'yong naamoy ko no'ng pagkapasok ko sa kwarto ko.
"WHAT THE FUCK!" Napabangon ako sa kama't binato siya ng unan. "'Tang ina ka, ba't ka kumantot dito sa kwarto ko?!" Sinubukan ko siyang suntukin pero mabilis siyang tumayo at tatawa-tawang nagtatakbo palabas ng kwarto. HInabol ko siya. "Kaya pala Sabado 'tas wala kang balak lumabas, tapos may nalalaman ka pang lucky-lucky, ha? 'Tang ina ka, 'di mo man lang pinahanginan muna 'yung kwarto!"
"Daddyyyy!"
"Hoy, gago!"
Buti na lang at hindi naman kalakihan 'yong condo ko. Bago pa siya makapasok sa banyo at magkulong do'n, naabutan ko na siya. Ikinawit ko sa leeg niya 'yung braso ko at ibinuhos ko 'yong gigil ko sa pagkiskis ng kamao ko sa ulo niya. Sigaw siya nang sigaw. Sakto namang bumukas 'yong pinto ng condo at pumasok si Papa, kaya napatigil ako. May dala siyang malaking paperbag ng Jollibee na nangangamoy Chickenjoy at tatlong large na drinks.
Seryoso ba 'to? Gabing gabi na kaya para kumain nang mabigat.
Kunot-noo siyang tumingin sa 'min. "Nag-aaway ba kayo? Rinig na rinig kayo sa labas."
"Yeah, Dad. He hit me," tatawa-tawang pagsusumbong kuno nitong ungas na kawit-kawit ko.
"Hoy!" Pinakawalan ko 'yong magaling kong kapatid. "Anong 'hit you'? E mukhang may iba nang nag-hit sa 'yo e, oh!" sabi ko habang isa-isa kong kinurot 'yong mga hickey sa katawan niyang ang akala ko kanina ay mga pantal. Tawa lang siya nang tawa.
Iiling-iling na lumapit 'yong isa sa kwarto ko at isinara 'yong pinto habang nakatingin sa 'ming dalawa. "Lumalabas 'yong air con," sabi niya.
"Tss."
Siniko ako ni Yuri.
Natawa ako. "Sorry, matik e."
Umiling lang ulit si Papa. "Hay nako, tama na 'yan. Samahan niyo na lang akong kumaen."
Agad na pumwesto si Yuri do'n sa upuang naging paborito na 'ata niya, 'yong upuang katabi ng bintana at nasa sulok ng wall ng kwarto ko at wall ng mismong building. Doon kasi namin inilagay 'yong table na binili ni Papa sa mismong tabi ng bintana—utos no'ng ungas na interior designer. Doon din ang usual na pwesto ko dati 'pag nagja-jump rope ako. Kaso ngayon, wala na talaga dahil nga sa mesa.
Actually, dahil do'n, apat na araw na 'kong 'di nakakapag-jump rope—dagdag pa 'yan sa inis ko kay Papa. 'Yong oras kasi ng gising ko, masyado nang mainit ang araw kung sa roof deck ako pepwesto. Dahil diyan, pinag-iisipan ko na tuloy na gumising na lang nang masmaaga. Minsan naiisip ko rin, kung gigising lang din ako nang maaga, mas okay 'ata kung sumama na nga lang ako kay Mark na mag-jogging sa Southmall. Kaso, ang alam ko, alas singko pa lang, nagsisimula na 'yon e. Parang hindi ko yata kayang gumising nang gano'n kaaga kung wala naman akong mahalagang pupuntahan.
Napapabuntong hininga na lang talaga 'ko tuwing naiisip ko.
Tinabihan ko si Yuri, at naupo naman si Papa sa harap naming dalawa. Dahil busog pa 'ko, namapak lang ako ng manok at pinakain ko na lang kay Yuri 'yong spag at burger na inuwi pa ni Papa para sa 'kin. Actually, ilalagay ko lang sana muna sa ref 'yong spag at kakainin ko bukas, kaso napansin ko 'yong mata ni Yuri na naghahanap pa ng pagkain kahit na naubos na niya 'yong spag at burger na para sa kanya. Ngayon ko lang kasi talaga napansin—hindi ko naman kasi siya masyadong inoobserbahan no'ng mga bata pa kami e—isa siya sa mga taong nakakatuwang panooring kumain.
Wala siyang pinipiling pagkain, kaya baka after one year dito sa Pilipinas, sira na ang fitness goals niyan. Pero, ewan ko lang din. Baka medyo malabong mangyari 'yang iniisip ko kasi nga, hindi na siya makakapanglandi sa channel niya kung sakali. E mukhang 'yan 'ata ang pinaka-goal niyan kaya umuwi 'yan dito e.
Pero, wala na 'kong pakialam do'n.
Ang mahalaga lang sa 'kin, nandito siya.
"Keep lookin' at me like that, and I'm sleepin' on the couch tonight."
Padaplis ko siyang binatukan. "Gago!"
May mga pagkakataon nga lang na talagang gustong gusto ko siyang kutusan.
Kinabukasan, wala na 'kong katabi nang magising ako. Actually, 'yong unang gabi lang talaga 'yong ako ang mas naunang magising kaysa kay Yuri. Ang kaibahan nga lang ngayon, naamoy kong nagluluto na siya ng almusal. Hindi ko alam kung anong pumasok sa kokote no'n, pero mukhang nagsawa na yata siya sa mga pinapakain ko sa kanya.
O baka naman si Papa talaga ang nagluluto.
Siguro naman, wala 'yong gala ngayon. Linggo e.
Napabuntong hininga na lang ako.
Ang pinakanakaka-bad trip lang kasi, kaya ako nagising ay dahil bukod sa sobrang liwanag dahil nakataas 'yong lahat ng blinds sa kwarto ko, medyo mainit na rin dahil nakapatay na 'yong air con at hindi man lang ako pinagbuksan ng electric fan ng kung sino man 'yong pumatay no'ng air con. Pawis na pawis akong nagising. Sigurado ako, hindi si Yuri ang may gawa no'n.
"Good morning, and it wasn't me kaya 'wag mo 'ko tignan nang ganyan," ang bati agad sa 'kin ni Papa pagkalabas na pagkalabas ko ng kwarto. Iiling-iling siya. "Batang 'to."
Napakunot ako ng noo sa kanya. Nakatayo siya sa harap no'ng kalan at nagpiprito ng hotdog. Sa tabi naman no'ng kalan, may platong puno ng pan de sal at isa pang plato ng bacon na hindi ko alam kung saan nanggaling dahil wala naman akong iniligay na gano'n sa ref. Lalong kumunot ang noo ko nang napatingin ako kay Yuri sa couch na nanonood ng NBA sa TV—Cavs at Rockets.
"Dude, you don't watch that," may kaunting lito at matter-of-factly kong pagsita sa kanya.
"Oh, I don't?" Tatawa-tawa siya.
"You don't."
Kahit anong hagilap ko sa isip ko, alam kong hindi 'yan mahilig sa basketball.
Salit-salitan ko silang tinitignan ni Papa. Nalilito ako sa asal nila. Pakiramdam ko tuloy, para 'kong nasa twilight zone. Muntik ko nang isiping nananaginip pa 'ko nang sakto pang bumukas 'yong pinto ng banyo nang papalapit na 'ko doon at iniluwa no'n si Bryan.
"Oh, P're, buti naman gising ka na"—bigla siyang tumawa—"ay, galit nga pala ko sa 'yo," sabi niya bago niya 'ko pabirong banggain at lagpasan.
May pagtataka ko siyang sinundan ng tingin hanggang sa naupo na siya sa couch sa tabi ni Yuri. Dumila muna siya sa 'kin bago tumutok sa TV. Napailing na lang ako.
Saglit akong nawirduhan sa mga nangyayari, hanggang sa ma-realize ko ang isang bagay. Dahil sa apat kami ngayong nandito, itong sandaling 'to na ang record ng may pinakamaraming naging laman ang condo ko nang alas otso ng umaga.
"Anak," pagtawag-pansin sa 'kin ni Papa, "'wag ka na tumulala 'jan. Maghilamos ka na do'n at sabay-sabay na tayo mag-almusal. I had to rebook my flight. I need to leave after breakfast."
Napatitig ako sa kanya.
Sanay naman na talaga 'ko. Pwede ko ngang sabihing wala 'kong pakialam e. Pero... ewan ko.
Ewan ko.
Sa gilid ng mga mata ko, kita kong nakatingin sa gawi ko si Yuri.
Siguro nga, nasa twilight zone talaga 'ko ngayon.