22


Nakaupo na silang tatlo sa mesa at kumakain na nang lumabas ako sa banyo. Si Papa, nakaupo sa tabi ng kapatid kong nasa paborito niyang pwesto na naman, kaharap no'ng napakaagang nangapitbahay na si Bryan. Wala naman na 'kong choice kun' di umupo na rin si tabi niya, kaharap ni Papa na humihigop ng mainit pang kape galing sa Starbucks—ininit sa microwave oven, malamang. Dinala siguro ni Bryan 'yon para sa kanya. Kape lang kasi talaga ang wala 'kong stock dito sa condo dahil hindi naman kami nagkakape ni Yuri, at imposible namang uminom ng instant coffee 'yan si Papa. Naisip ko tuloy na baka kaya ngayon lang siya sumabay sa 'ming mag-almusal ay dahil nga do'n.

Sa mesa, nakahain 'yong pan de sal, hotdog, scrambled eggs, bacon, at 'yong pinaghalong itlog na maalat at kamatis. Nararamihan ako sa hinanda ni Papa. Nagsaing rin kasi siya ng kanin e. Ang kaso, mukhang pareho yatang nahihiya 'yong dalawang masiba kumain. Magpa-pan de sal lang daw sila.

"Ba't 'andito ka?" tanong ko kay Bryan. 

Hindi siya sumagot o tumingin man lang sa 'kin. Tumuro lang siya do'n sa gitarang nakasandal sa couch.

"Ah!" Kailangan nga pala namin mag-practice. 'Di ko napigilang matawa sa inaasal niya. "Galit ka talaga sa 'ken?" Sinundot ko siya sa tagiliran. "Nakaganti ka na, ah?"

"Kulang pa 'yon. Sinira mo 'yung date ko e." Tinakpan niya 'yong bibig ko ng kamay niya. "Tss! Oh, inunahan na kita, 'tang ina mo! Ay, sorry po, Tito."

Humagalpak ng tawa si Yuri. Pati si Papa tinawanan lang din 'yong kaungasan niya.

"Tss," sadya kong sinabi pagkaalis niya ng kamay niya sa bibig ko. "Dala mo kotse mo, 'di ba? Hatid natin si Papa pagkakain."

"No need, Yuey. Mag-u-Uber na lang ako. Malapit lang naman airport."

Nagkibit-balikat na lang ako. Nagmamagandang-loob na nga e.

"Ah, Tito, oks lang naman i—"

"Hayaan mo siya."

"Kuya."

May ilang saglit na natahimik lang kaming apat. Ang bilis ng pagbabago sa ere e. Kani-kanina lang, nagtatawanan pa kami. Tapos ngayon, biglang ang tense na agad ng sitwasyon. Naramdaman ko 'yong paa ni Bryan na madiing inaapakan 'yong paa ko sa ilalim ng mesa para—siguro—pakalmahin ako. Pero, kalmado naman ako e.

Bumuntong hininga si Papa at ibinaba sa platito sa harap niya 'yong kinakain niyang pan de sal na pinalamanan niya ng hotdog. Hindi ko magawang mag-iwas ng tingin nang tignan niya 'ko nang diretso. Ginamitan niya 'ko no'ng usual na tingin na binibigay ng mga matatanda sa mga bata e. Hindi naman na 'ko bata, pero putek.

"Yuey, alam ko na galit ka tuwing umaalis kami, pero promise, last na 'to." Saglit siyang tumingin sa direksyon ng bintana bago muli niyang ibinalik sa 'kin ang tingin niya. "'Yung susunod na uwi ko, for good na 'yon."

Don't make promises you won't keep, muntik ko nang sabihin.

"'Di ako galit, ha."

"'Di daw," malakas na bulong ni Bryan, kaya tinignan ko siya nang masama.

"'Di ako galet, Pa."

Kasi, hindi naman talaga. If anything, indifferent pa siguro.

Hindi ko alam kung saan niya napulot 'yong idea na galit ako tuwing umaalis sila pabalik sa Canada. Pakiramdam ko, parang may ilusyon 'ata siyang sabik ako sa kanilang mga magulang ko. I mean, totoo siguro 'yan no'ng bata pa 'ko. Pero ngayon, masyado nang malayo 'yong mga panahong 'yon para sa 'kin.

Pero, hindi naman 'yon sa kinakalimutan ko nang mga magulang ko sila ngayon. 'Ando'n pa rin 'yong respeto ko sa kanila, pero nasa stage na 'ko ng buhay kong mas gusto ko nang naka-solo ako. 'Yong mas gusto ko nang ang kasa-kasama ko 'yong mga tropa ko—syempre, kasama sa mga tropa kong 'yon si Yuri. Kaya kahit na ibenta pa nila 'yong mga ari-arian nila sa Canada at umuwi na rito nang panghabambuhay, mas gugustuhin ko pa ring mag-stay na lang sa condo ko.

Sa totoo lang kasi, ngayong tapos na 'ko sa college, ramdam ko na 'yong excitement na i-build up 'yong sarili kong buhay e. Oo, alam kong kumpara sa marami, mas-privileged ako kaya mas ahead siguro 'yong starting point ko pero wala naman na 'kong magagawa do'n sa puntong 'yon. Sa huli, lahat naman tayo kailangan pa ring magsikap para makuha 'yong mga gusto natin sa buhay.

Napasulyap ako saglit kay Yuri at nakita kong naka-weh na naman 'yong mukha niya sa 'kin.

"Kayong dalawa, babatukan ko talaga kayo." Tumingin ulit ako kay Papa. "As you said, malapit lang 'yung airport kaya 'hahatid ka na namin. Sayang naman 'yong pagpunta ng driver naten nang maaga."

Ang bilis ng kamay ni Bryan. Pahampas niya agad na inilapag 'yong palad niya sa batok ko. Hindi naman 'yon masakit, pero lumagutok kasi 'yong tunog kaya parang malakas 'yong pagkakahampas niya.

"May lamok."

"You know this is the fifteenth floor, right?" tatawa-tawang tanong sa kanya ni Yuri.

Tumawa nang malakas si Bryan. "I swear, may lamok."

Hinayaan ko na lang. Makakaganti rin naman ako 'pag may chance e.

"Anyway, Pa, what do you say?" pagbabalik ko sa topic namin.

Nagkibit-balikat siya't bahagyang tumawa. "E di sige. But if you have other things do, 'yun na lang ang gawin n'yo."

Putek. Lalong dumiin 'yong pag-apak ng paa ni Bryan sa paa ko sa ilalim ng mesa. Alam niyang ayaw ko ng mga ganyang klaseng sagot. Napabuntong-hininga 'ko.

"No, Tito," agad na sinabi ni Bryan bago pa 'ko makapagsalita. "Hindi kami busy. Hatid ka na namin sa airport."

Usually naman kasi, hindi ko nakakausap si Papa nang ganyan. Kasi nga, lagi niyang kasama si Mama noon. Ayaw kasi no'n ni Mama 'yong kakausapin namin sila nang may familiarity. Dapat, laging 'ando'n 'yong boundary sa pagitan ng magulang at anak pagdating sa pakikitungo namin sa kanila. Typical na matandang Filipino, kumbaga. Hindi ko nga alam kung bakit masyadong old-fashioned 'yon si Mama makitungo sa 'min, e hindi naman ako pinalaki ni Lola nang ganyan.

Kaya itong past week na nakakausap ko si Papa, sobrang liberating. Oo, bihira kami magkausap kasi nga lagi siyang may lakad. Pero, kumpara kasi sa nakaraang dalawampung taon, mas naging matabil 'yong dila ko ngayon sa kanya, to the point na minsan, napagtataasan ko na siya ng boses. At wala lang naman 'yon sa kanya.

'Yong totoo nga, dahil do'n, na-gets ko rin kung bakit ngayon-ngayon lang din kami naging close ulit ni Yuri. Kapag napagmamatyagan ko kasi silang dalawa ni Papa, halata kong close sila sa isa't isa. Kulang na lang, mag-baby talk e. Nakakaramdam ako minsan ng kaunting inggit, pero passing thought lang naman 'yon. Mas na-realize ko kasi 'yong stress na naranasan ni Yuri no'ng bigla na lang na araw-araw na kung mag-away sina Papa't Mama. Syempre, pati 'yong closeness nila ni Papa na 'yon, siguradong naapektuhan din no'ng awayan na 'yon. Siguro, noon, may time na hindi pa 'ko kailangan ni Yuri. Hanggang sa wala na siyang choice kun' di tumawag sa 'kin.

I mean, kahit ako rin siguro, sa sitwasyong iyon, mas gugustuhin ko na lang na lumipad papunta sa kabilang dako ng mundo.

Siguro, masaya lang din akong curiosity ang naramdaman ko, hindi apathy, no'ng unang beses niya 'kong tinawagan.

At least, dahil sa 'kin, kahit papa'no ay naayos nila ni Papa ngayon 'yong relasyon nila bago sila magkahiwalay.

I mean, who knows kung kailan pa sila magkikita ulit sa personal, 'di ba?

Pero, ngayong naiisip ko 'yan—palagay ko lang naman—kung si Yuri ang context, mukhang mapapadalas ang uwi ng mga 'yon dito. Lalo na 'pag sinabi na niya sa mga 'yon 'yong balak niyang dito na mag-stay for good. Based kasi sa interaction niya kay Papa, mukha talagang one happy family sila do'n sa Canada.

At oo. Sobrang gasgas na, pero kung may inggit man akong nararamdaman, sobrang minsan at sobrang kaunti lang no'n.

"Oh, pa'no, guys?" pagpapaalam ni Papa.

Mga alas onse na rin ng umaga. Hindi naman kami na-traffic sa daan papuntang airport. Ang bilis nga naming nakarating e. May isang oras pa bago 'yong flight ni Papa, pero magche-check in na siya para makauwi na rin daw kami.

Sabay niya kaming hinawakan sa balikat ni Yuri. "Take care of each other, okay?"

Nagulat ako nang hilahin niya kaming dalawa at magkasabay na niyakap. Hindi ko mabigyan ng pangalan kung ano 'yong nararamdaman ko, pero hindi naman 'yon pagkaasiwa. Kaunting lito siguro. Ewan. Sa pagkakaalala ko kasi, ito ang unang beses na nayakap ako ng papa ko. Kumalas rin siya pagkatapos ng ilang segundo at hinawakan ako sa braso.

"Ang dami ko nang kasalanan sa 'yo. Promise, babawi ako, Yuan. I promise."

"'Di naman ako nagbibilang."

Nginisian niya lang ako—ang dating tuloy sa 'kin, para bang hindi siya naniniwala sa sinabi ko—bago bumaling naman sa katabi ko. "You sure you'll be all right?"

Tumango si Yuri at ngumiti. "Course."

Ilang saglit na salit-salitang tinitigan lang kami ni Papa bago bumuntong-hininga. "I love you both," sabi niya nang parang may nakabara sa lalamunan niya. Napatitig ako sa kanya nang may pagtataka, pero bago pa magtagal 'yong pagtitig ko, muli niya kaming hinila at sabay ulit na niyakap. "I love you both, and I'm sorry," pag-ulit pa niya nang pabulong. Saka siya kumalas, saglit na tumingin sa 'ming magkapatid, bumuntong-hininga, tumalikod, at hinila palayo 'yong suitcase niya.

I'm sorry?

Hinatid ko siya ng tingin hanggang sa tuluyan na siyang mawala sa paningin ko. Mukhang tama nga ang pakiramdam ko't maghihiwalay na talaga sila.

Bumaling ako kay Yuri para ayain siyang hanapin na si Bryan sa parking lot ng NAIA, pero nakita kong tahimik siyang lumuluha at nagpapahid ng panyo sa mukha. Napangisi ako. Hinaplos-haplos ko 'yong likod niya.

"Shh, don't cry, Baby."

"Fuck you."

At saka siya yumakap sa 'kin at humagulgol sa balikat ko.

Nagulat ako. Muntik na 'kong matulala, pero agad naman akong nakabawi. Yumakap rin ako sa kanya habang paulit-ulit na hinahagod 'yong likod niya. 

Minsan kasi, dahil halos magkasingtangkad lang kami, nakakalimutan kong mag-e-eighteen pa nga lang pala siya. Na bata pa siya. Oo, hindi naman gano'n kalaki ang agwat ng edad namin—alam kong bata pa rin ako—pero iba rin kasi 'yong naging dulot sa 'kin ng pagkamatay ni Lola noon e. Naging turning point 'yon para sa 'kin at mas natutunan ko kung pa'no maging independent at matatag. Parang naging armor ko 'yong pangyayaring 'yon. 'Yong turning point na 'yon ang kailangan ni Yuri, at ito na siguro 'yon.

Ilang minuto siyang umiyak, at pagkatapos, ilang minuto rin siyang tahimik lang na nakatungo sa balikat ko. Feeling ko, nahihiya lang siya sa mga tao sa paligid kaya ayaw pa niyang kumalas, pero wala namang pumapansin sa 'min. Kung may tumitingin man, saglit lang din 'yon. Nang tuluyan na nga siyang kumalas, basa na ng luha niya ang T-shirt ko sa balikat at ang pupula rin ng mga mata niya.

"Buti na lang 'di mo ko sinipunan." Inakbayan ko siya. "Tara na. Inip na 'yon si Bryan." Ibinaba lang kasi kami no'n sa Departure at nagsabing maghihintay na lang siya sa parking lot.

"Suh-ni—what?"

Natawa 'ko. "Si-ni-pu-nan. Sipon is snot. When you say 'sinipunan', it means, you snotted, um, got your snot on something or someone."

"See-ni poo-nuhn?"

'Di ko napigilang matawa ulit. "Yep. Sunny poo nun."

"Haa haa. By the way"—nginisian niya 'ko nang nakakaasar—"there's a letter for you in the mailbox. I put it on your desk." Nagtaas-baba 'yong mga kilay niya. "Bryan says it's a love letter from Mark."

"Ha? Mailbox?" Napakunot ang noo ko, kasabay ng biglang kaba sa dibdib ko. Talaga naman 'tong Marky Boy na 'to, oh. "Ba't ka naman nag-che-check ng mailbox?"

Kahit kasi ako, napakabihira kong i-check 'yon. Puro bills lang naman kasi ang natatanggap ko ro'n saka 'yong mga minsang sulat galing sa association sa condo. Malamang, kung hindi nag-check si Yuri ng mailbox, sa katapusan ko pa makikita 'yong sulat na 'yon.

"Because I'm also expecting a couple of docs to arrive." Ngising ngisi siya. "Kuya, you're blushing."

"I'm not."

"You are."

"Shut up."

"Don't worry." Tinapik-tapik niya 'ko sa likod. Hindi rin maawat 'yong nakakaasar na ngisi sa mukha niya. "The letter's sealed."

"'Lul."

Samantalang kani-kanina lang, parang bata siya kung makaiyak.

Siguro, mga ten minutes din kaming naglakad-lakad ni Yuri bago namin nahanap kung saan naka-park si Bryan. Ayaw niya kaming sunduin kasi raw, "'Tang ina n'yo, may driver na kayo, may yaya pa kayo." Nakatiyempo siya ng parking slot sa ilalim ng puno, at naabutan namin siyang nakaupo at nakasandal ro'n mismo sa punong 'yon sa harap ng kotse niya, habang iwinawasiwas 'yong pocket ashtray na inarbor daw niya sa classmate niyang ayaw niyang sabihin kung sino.

Napabuntong-hininga 'ko. Gusto ko talagang malaman kung sinong nagturo sa ungas na 'yan kung pa'no magyosi. Basta no'ng huling punta ko sa Vancouver, pagkauwi ko sa Pilipinas at siya ang sumundo sa 'kin sa airport, nangangamoy ashtray na siya. Ibinili ko na 'yan ng e-cigarette at pinangakuan ko pa ng lifetime supply ng pang-vape niya, pero masgusto pa rin niya 'yong Marlboro Red. Napakabihira at kaunti lang naman siya magyosi, pero naba-bad trip kasi ako sa amoy e.

"Nagyosi ka na naman."

"Tatalak ka na naman," panggagaya niya sa tono ko. Tumingin siya kay Yuri at nagturo ng daliri sa 'kin. "Oh, pinaiyak ka neto?"

"Tss."

Bahagyang tumawa si Yuri bago sumagot. "We goin' home now?"

"No. Mag-MOA muna tayo," sabi ni Bryan. "Du'n na rin tayo mag-lunch. Gusto kong malaman kung ano nangyari sa date ng kuya mo kahapon e."

Bigla kong naalala 'yong halik ni Mark, 'yong lambot at init ng mga labi niya, 'yong nakakaadik na lasa ng singaw ng katawan niya sa laway niya.

Magtatanghaling-tapat at ramdam ko 'yong biglang pag-init ng mukha ko.

'Di ko napigilang mag-iwas ng tingin. Humagalpak ng tawa 'yong 'tanginang Bryan. Sa gilid ng mga mata ko, kita ko ring napapangisi si Yuri sa 'kin. Lalong uminit 'yong pakiramdam ng mga pisngi ko.

"Yuri, mukhang nadiligan 'tong kuya mo, ah!"

"Ulul. Dilig amputa."

Tatawa-tawa si Yuri. Sigurado ako, hindi pa niyan alam kung ano talaga 'yong ibig sabihin no'ng 'nadiligan', kaso madali lang naman mahulaan 'yon base sa mga pinagsasabi ni Bryan.

"Laki ba?"

"Fuck you. Tara, uwi na tayo," sabi ko.

Tumayo si Bryan, lumapit sa 'kin, at umakbay. "MOA nga, kulit mo."

"Baho mo."

"Arte mo."

"Mabaho."

"Maarte."

"'Tang 'na mo."

"'Tang 'na mo rin."

"Hey!" Napatingin kaming dalawa kay Yuri na mukhang gusto kaming bigyan ng tig-isang sapak. "I know that's your routine and all, but it's really, really hot out here." Natawa 'ko sa pinagsasabi niya. Kasi, ang ikli na nga ng suot niyang shorts at sobrang oversized rin 'yong suot niyang sando, tapos nagrereklamo pa rin siya sa init. "Kuya, MOA nuh tayuh, please?"

"Fine. Oo na." Napakamot ako ng batok. "Mag-grocery na rin tayo. Pa'no pala si Chester?" tanong ko kay Bryan.

"Kanina pa 'ko nag-text du'n. Sabi ko sunduin na lang natin s'ya."

Medyo napatagal din kami nang kaunti sa MOA. Bago kasi kami mag-grocery, bumili muna ng bagong phone si Yuri. Iyon daw kasi ang gagamitin niya para sa banda namin. Ayaw niya kasing magkahalo 'yong mga personal na correspondence niya do'n sa trabaho.

No'ng Biyernes kasi, nagkasundo na kaming magkakabanda na si Yuri na ang magma-manage sa 'min. Basta, regardless kung ilan sa 'ming magkakabanda ang tumugtog, one-sixth ng talent fee per gig ang magiging sweldo ni Yuri, 13.33 percent ang itatabi para sa banda, at equal partition naman 'yong matitirang seventy percent sa kung ilan sa 'min ang tumugtog para sa gig na 'yon. Hindi namin alam kung pa'no 'yong usual na hatian sa mga ibang indie at amateur bands, pero nag-agree naman ang lahat na fair 'yong napagkasunduan naming 'yon. Pati 'yong talent fee namin no'ng una, ibinigay ko na rin kay Yuri para siya na ang bahalang magtabi at maghati. Syempre, hindi pa siya kasali sa hatian para do'n. Mag-o-open na rin daw siya ng passbook account para masmadaling i-manage at i-record 'yong pera.

No'ng na-setup niya na 'yong bagong phone, ang sinabi agad ni Yuri sa 'min ni Bryan, susubukan daw niya kaming hanapan pa ng mga dagdag na gig for next week, bukod pa sa gig namin sa 220, kahit medyo last minute na. Kung wala talaga, same sched pa rin naman kami. Pero, sigurado raw siyang 'yong linggong susunod do'n, mapupuno na 'yong sched namin—except Mondays and Tuesdays, dahil 'yon ang napili naming rest days—kasi maganda raw ang feedback sa 'min sa mga vids na in-upload niya.

'Yong bagong phone na ring 'yon ang gagamitin ni Yuri para mag-admin para sa 'min sa social media. Actually, pati 'yong Facebook at Instagram ko ay sa kanya ko na rin ipinagamit. Hindi ko kasi talaga makahiligan e. Natatambak lang. E sayang naman 'yong maraming followers na pinaghirapan ni Bryan. Though, dahil kay Mark, nagagamit ko rin naman nang madalas 'yong Messenger.

Sa totoo lang, dahil sa pagbabanda namin, hindi ko ramdam na tapos na 'ko mag-college. Parang ang dami kasi naming ginagawa at kailangang gawin e. Parang puro kami project. Ang kaibahan lang siguro, kahit na parang walang katapusang practice 'yong ginagawa namin, gusto ko naman. Saka hindi naman ako pinapatay sa pagkanta nina Bryan. Marami na talaga 'yong tatlong ulit lang na practice per song.

Halos hindi ko na namamalayan ang pagtatapos at pagsisimula ng mga araw.

"Kanina pa ko dito," message sa 'kin ni Mark nang tanungin ko kung papunta na siya sa 220. "Wag ka na kaya pumunta."

Napakunot ako ng noo sa sinabi niya.

Magtatanghali ng Lunes at kasalukuyan akong naglalakad papunta sa sakayan. Dahil sobrang init, bus ang balak kong sakyan papunta sa 220. Makikipagkita kasi ako kay Kuya Kevin at do'n sa bago naming accountant. Ayaw akong samahan ni Yuri dahil nga mainit daw.

Si Mark naman, nauna na sa 'kin do'n sa resto dahil may iba pa silang usapan ng kuya niya. Dumaan siya kaninang umaga sa unit ko para maghatid ng almusal—sinabi ko kasing nakaalis na si Papa—pero hindi na rin siya sumabay kumain sa 'min ni Yuri kasi may practice daw sila para sa graduation. Hiwalay ang graduation nilang mga marino sa ibang mga college dahil sa sobrang dami nila, kaya hiwalay rin ang practice nila. Pagkatapos naman no'ng practice nila, ang plano naman ay dumiretso na siya sa 220 para do'n sa usapan nila ng kuya niya. Saglit lang naman daw siya ro'n, kaya sabay na raw kaming umuwi. Wala namang kaso sa 'kin, kasi pati ako, saglit lang din do'n.

Kung hindi nga lang ako parang bad shot kay Kuya Kevin, hindi na 'ko pupunta do'n e. Nabibwisit din kasi ako sa sarili ko dahil 'di ko mapigilan 'yong pakiramdam na kailangan kong magpa-good shot sa kanya kahit na wala naman akong ginagawang masama. Wala naman siyang ibang sinabi sa 'kin, pero 'yon ang pakiramdam ko e.

Sa totoo lang kasi, gusto ko ring mainis sa kanya kasi feeling ko, tinanggap lang niya 'yong bagong accountant dahil sa kakilala niya 'yon. Tinotoo niya kasi 'yong sinabi niyang bagong graduate 'yong kukunin niyang pamalit sa kanya, at sa May pa raw 'yon mag-eexam. Ibig sabihin, maghihintay pa kaming makapasa 'yon bago namin masigurong siya na nga talaga ang magiging accountant namin. Pero, sabi ni Kuya Kevin, malaki raw ang tiwala niyang papasa 'yon sa board exam. Ang hirap nga lang kasi ng gano'n kung sakaling bukod sa hindi na nga 'yon pumasa, biglang sumabay pa 'yong pag-migrate ni Kuya Kevin sa States.

Ang kaso, na-hire niya na 'yon bago ko pa mabili 'yong share niya. Kaya, no choice na rin ako.

"Bakit? Di pwede. Magagalit sakin kuya mo," reply ko kay Mark.

Hindi na siya nag-reply. Kahit seen, hindi na rin. Kaya, inisip ko, baka na-busy na. Pansin ko kasi, minsan, may pagka-slave driver din si Kuya Kevin e. As in hindi ka niya tatantanan. Ibinulsa ko na lang 'yong phone ko at ibinalik 'yong atensyon ko sa playlist kong naka-repeat sa tenga ko—'yong set namin ni Bryan at Chester ngayong linggong 'to—habang pinapanood 'yong paglagpas ng mga na-memorize ko nang bangketa sa Alabang-Zapote Road, mula sa Southmall hanggang sa City Hall.

Pagkarating ko, pinapasok rin naman ako agad ng guwardiya at sinabihang hinihintay na raw ako nina Kuya Kevin sa opisina. Nginitian ko siya bago dirediretso akong naglakad papasok. Sa ilang beses ko nang pagpunta rito, halos memoryado ko na rin ang bawat sulok nitong resto. Pero, hindi ko pa rin maiwasang igala ang mga mata ko ngayon sa bawat hakbang. Ngayon kasi ang unang araw na napadpad ako rito mula no'ng Biyernes. Mula no'ng binili ko 'yong share ni Kuya Kevin.

Ang weird sa pakiramdam. Sobra. Ang weird sa pakiramdam na ako na 'yong may-ari ng majority nitong resto. Parang hindi totoo. Parang nakakahiyang angkinin.

Actually, nitong nakaraang Sabado't Linggo, nakalimutan ko ngang partner ako rito e.

Hindi ko kasi alam kung ano ang expected sa 'kin. Dapat bang lagi kong binibisita 'to? Hindi naman siguro, 'di ba? Kaya nga may store manager e. Pero, 'yon nga. Hindi ko kasi alam.

Sayang. Hindi ko man lang naihingi ng advice kay Papa.

Huminga ako nang malalim bago simulang akyatin 'yong hagdan papunta sa opisina.

"Oh, 'eto na pala e," bati sa 'kin ng boses ni Kuya Kevin nang itulak ko pabukas 'yong glass door papasok sa North Pole.

Pagharap ko sa kanila, napako ako sa kinatatayuan ko at nanlaki 'yong mga mata ko sa gulat nang nilingon ako no'ng kausap niyang babaeng nakaupo sa couch malapit sa pinto. Ngiting ngiti ito.

"Yuey!"

Hindi naman siya sumigaw, pero halos marindi ako.

Gusto kong kumaripas palayo pero hindi ako nakagalaw.

Mabilis siyang tumayo at tinawid 'yong maikling distansya sa pagitan namin at saka agad na niyakap ang leeg ko. Ilang taon na pero parang wala pa ring pagbabago. Nalanghap ko na naman 'yong pabango niyang amoy strawberry.

Ilang saglit na nanuyot ang lalamunan ko.

"Han?"


   
Buy Me A Coffee