24


"Ehem," diretsahang pagbigkas ni Mark.

Ni hindi man lang siya nag-effort na magkunwaring naubo siya. 'Di ko napigilang mapangiti sa kanya.

Nakapangalumbaba siya do'n sa conference table paharap sa direksyon namin. Hindi ko siya agad napansin pagkapasok ko dahil sa gulat ko sa bilis ng mga pangyayari. 'Yong expression ng mukha niya, parang 'yon 'yong nai-imagine kong expression ng mukha ko 'pag wala 'kong choice kun' di panoorin 'yong kahit na anong Tagalog movie na napili ni Jade at isinama 'ko ni Bryan para damayan siya sa kababawang 'yon. Ngayon ko lang nakitaan si Mark ng gano'ng klaseng expression habang nakatingin sa direksyon ko, at hindi ko gusto 'yong pagbigat sa loob ng dibdib ko dahil do'n.

Saka ko naalala 'yong pwesto namin ni Hannah. Nakaramdam ako ng panic kasabay ng mabilis na pag-init ng mga pisngi ko dahil sa hiya. Pero kahit na gano'n, marahan ko pa ring tinanggal 'yong mga braso niya sa leeg ko. Saka ako humakbang paatras para makapaglagay ng kaunting distansya sa pagitan namin.

"Awww, Yu, ang bilis mo pa rin mag-blush," ngingisi-ngising comment ni Hannah sa 'kin habang tinatapik-tapik 'yong pisngi ko. Pakiramdam ko, para 'kong tuta sa ginagawa niya.

Pero dahil do'n, nakampante ako. Siguro, may tinatago lang talaga 'kong kayabangan kaya ang una kong naisip nang yakapin niya 'ko ay hindi pa rin nagbabago 'yong nararamdaman niya para sa 'kin, pero ngayong medyo nakabawi na 'ko, nakikita ko namang mali ako at baka nasabik lang talaga siyang makita ako. Ang kaso, hindi kami pareho ng nararamdaman. Natatakot ako sa kanya, at hindi ko alam kung bakit.

O baka naman sa kuya niya lang ako natatakot.

No'ng nag-break kasi kami, inihatid ko pa siya sa bahay nila. At sa mismong gate nila, naranasan ko sa unang pagkakataon kung pa'no masapak ng dalawang beses sa mukha. Tangina, minsan nga, nai-imagine ko pa rin e. Siguro, kung hindi lang pinigilan ni Hannah 'yong kuya niya, baka napatay na 'ko no'n.

"Ba't ka 'andito? I mean, Ikaw ba 'yung—"

Hindi ko na tinapos 'yong sasabihin ko. Tumingin na lang ako kay Kuya Kevin para ma-confirm 'yong tanong sa isip ko. Sa itsura niya, parang natatawa siya sa mga nangyayari.

"Yep, s'ya 'yung bagong accountant naten. Papakilala ko sana sa 'yo kaso magkakilala na pala kayo. Kanina ko lang nalaman. Anyway, ibig sabihin, saglit na lang 'to."

'Yon nga lang. 'Yong sinabi niyang saglit lang, inabot pa rin ng halos kalahating oras.

Bago magsimula si Kuya Kevin, pinaupo niya muna kami. Bumalik si Hannah sa pwesto niya kanina, habang naupo naman ako sa kabila niya. Pabiro niya 'kong tinaasan ng kilay dahil nag-iwan ako ng halos isang metro sa pagitan naming dalawa. Hindi ko naman masabi sa kanyang dahil 'yon sa nako-conscious ako hindi lang sa pagtingin-tingin sa 'kin ni Mark, kundi pati na rin kay Kuya Kevin.

Actually, parang in-orient niya lang kaming dalawa ni Hannah—mostly si Hannah, kasi siya ang employee e. Lalo na sa monthly obligations niya sa mga partners, since kailangan niyang i-confirm kung saan mapupunta 'yong profit sharing no'ng mga 'yon, kung sa bank accounts ba nila o kung ii-invest ulit nila sa resto, bago siya mag-finalize ng reports niya. Syempre, pagdating sa 'kin, automatic na ide-deposit na agad 'yon sa account ko.

"Kung alam ko lang na mayaman ka, nagpajontis sana 'ko sa 'yo no'n."

Kasabay ng pag-iinit na naman ng mga pisngi ko, 'di ko napigilang matawa sa sinabi ni Hannah. Alam ko naman kasing nagbibiro lang 'yan dahil mas mayaman pa sa 'kin 'yang babaeng 'yan. May pagka-vulgar lang talaga 'yan magsalita kung minsan, pero magaling din naman 'yan umarte nang mahinhin kung gugustuhin niya.

Ang kaso lang, nang mapadapo ang tingin ko kay Mark, halatang hindi niya nagustuhan 'yong sinabing 'yon ni Hannah. Sa itsura niya, mukhang kailangan ko pang amuin 'yong isang 'yon nang totohanan.

Na-curious tuloy ako kung ano pang nangyari kanina bago ako dumating. Kasi, I assume, si Hannah ang dahilan kung bakit nag-message sa 'kin si Mark nang gano'n kanina. Na 'wag na nga lang akong tumuloy sa usapan namin ng kuya niya.

"Yu? Let's catch up muna bago ka umuwi?"

Nakaabang na 'ko sa pinto. Hinihintay ko si Mark habang nililigpit niya 'yong mga nakakalat niyang gamit sa conference table. Pinauna na kasi kami ni Kuya Kevin dahil mamayang hatinggabi pa siya uuwi. Nasanay na raw kasi siya.

Dahil sa pagyayaya sa 'kin ni Hannah, napatingin ako kay Mark, pero may hinahalungkat pa siya sa bag niya. Gusto kong tanggihan si Hannah dahil may usapan na kami ni Mark na umuwi nang sabay. Kaso, gusto ko rin sumama kay Hannah dahil—ewan ko—gusto ko ring malaman kung ano na ang mga nangyari sa kanya nitong nakaraang mga taon. At saka, gusto ko rin mag-sorry nang maayos sa kanya.

Nakaisip ako ng solusyon.

"Um, sama natin si Mark. Okay lang?"

"Ha?" Tumigil si Mark sa pagkalikot sa bag niya at kunot-noong tumingin sa 'kin. "Ayo' ko nga. Kayo na lang. Uuwi na 'ko e."

"Kung makaayaw ka naman."

"Ito!" Hinampas ni Hannah 'yong braso ko. "Ayaw mo ba 'ko kasama? E di 'wag. 'Di ka naman pinipilit e."

"Yu, oks lang talaga, P're. Samahan mo na si Hannah," sabi ni Mark. "Nag-aaya rin naman sila Chris ngayon e. Susunod na lang ako du'n sa kanila."

Gusto ko sana siyang biruing takot lang talaga siyang makilala si Yuri, kaso nawalan na 'ko ng ganang magbiro. Saka, alam ko rin namang hindi 'yon ang dahilan niya, at ayaw ko naman siyang piliting sumama sa 'min ni Hannah kung ayaw niya talaga.

Kung bakit naman kasi sa lahat ng araw na tatanghaliin ng gising si Yuri, ngayon pa. Hindi tuloy sila nagpang-abot ni Mark kanina. Hindi ko na nga ma-gets sa sarili ko kung bakit ba pinipilit ko silang magtagpo e. Hindi naman siguro 'yon mahalaga pa sa ngayon, 'di ba?

Bahala na nga.

Siguro, hindi talaga bagay sa 'kin 'yong nagpaplano 'ko ng araw. Ang daming nagiging variables e.

Napabuntong hininga 'ko.

"Sige," pagsang-ayon ko kay Mark, "um, text-text na lang mamaya?"

"Text-text."

Nginitian niya 'ko, 'yong katulad ng ngiti niyang nakita ko sa mga mata niya bago niya 'ko halikan no'ng isang gabi, kaya naramdaman kong hindi naman gano'n kasama 'yong loob niya. Kahit papa'no.

Sabay-sabay na kaming lumabas ng opisina kung saan naiwan naman si Kuya Kevin—marami raw talaga siyang gagawin. Nagkahiwalay lang kaming tatlo nang makalabas na kami sa resto. Tumawid si Mark sa kabila ng kalsada para sumakay ng aircon bus na pa-Alabang, habang sumakay naman kami ni Hannah ng jeep na pa-Zapote. Actually, walking distance lang naman 'yong Starbucks na pupuntahan namin, kaso sobrang init kaya nag-jeep na kami.

Sa daan, walang nagsasalita sa 'ming dalawa. 'Di ko alam kung anong iniisip ni Hannah, pero sa kaso ko, pinagpaplanuhan ko na 'yong script kung pa'no 'yong pagsu-sorry na gagawin ko. Balak ko ring aminin na sa kanya 'yong totoong dahilan kung bakit ako nakipag-break sa kanya. Alam ko, hindi ko na siguro siya gano'n kakilala dahil matagal na kaming hindi nagkikita at pwede niyang ipagkalat 'yong malalaman niya kung sakali, pero ayaw ko na rin kasing patagalin pa 'to.

Kung sakaling magkaro'n ng backlash—tanggap ko na rin kasing, kahit papa'no, maraming nakakakilala sa 'kin—wala na 'kong magagawa kun' di mag-quit na lang sa banda namin dahil ayaw ko namang pati sina Bryan ay madamay pa. Kahit na, lately, isa na 'yong pagbabanda sa mga bagay na nakapagpapasaya sa 'kin, hindi ko naman pwedeng unahin 'yong sarili ko kung pati kasiyahan ng mga kaibigan ko ay maaapektuhan. Kasi, aminin man natin o hindi, walang rock band ang magiging successful kung sa simula pa lang ay nadawit na agad ito sa ganitong klaseng issue.

At least, kahit na nagsisimula na 'ko ngayong mangarap na magiging successful kami sa banda at isang sakripisyo para sa 'kin 'yong talikuran 'yong pangarap na 'yon, hindi ko pa nararating 'yong puntong magiging sobrang sakit sa 'kin 'yong mawala iyon. Malungkot man ako nang ilang linggo dahil do'n, makakabawi pa rin ako.

Bata pa naman ako, at marami pa 'kong oras.

Yata.

Biglang kumapit si Hannah sa braso ko no'ng nakapila na kami sa counter. "Boooss," paglalambing niya kuno, "treat mo ba 'to?"

"May free meal ka na du'n sa Two-Twenty, ah? Ibibigay pa nga sa 'yo ni Kuya Kevin 'yong ginagamit niyang laptop e. Saka dami-dami mong pera; ikaw dapat ang nanlilibre."

"Seryoso mo naman!" Kinurot niya 'yong braso kong kinakapitan niya. "Alam mo, Yu, ang yummy mo na. May abs ka na ba? Patikim nga ulet."

'Di ko napigilang mapahagalpak ng tawa, kaya bigla kaming pinagtinginan no'ng ibang mga tao. "Bunganga mo talaga."

"Ayaw mo ba? Masmalaki na boobs ko ngayon, oh."

"Alam mo, 'pag 'di ka tumigel, isusumbong kita sa kuya mo."

"Ay, teka!" Tumawa siya. "Alam mo ba, sabi niya t'wing nakikita mo daw siya, tumatakbo ka palayo." Tatawa-tawa siya habang ramdam ko na naman 'yong pamilyar na pag-iinit ng mga pisngi ko sa hiya.

"Bulaan 'yang kuya mo. Huling kita ko 'jan parang two years ago na e, nu'ng"—napailing ako—"'harap mo sa 'kin 'yan ngayon, pagbuhulin ko pa kayong dalawa."

"Tapang!" sabi niya kasabay ng isang malakas na hampas sa braso ko.

Hindi na 'ko nakapag-react sa kanya dahil kami na 'yong sumunod na kinunan ng order sa counter. Nagtag-isang frappe at cheesecake kami; inilibre ko na rin 'yong sa kanya. Pagkatapos, pinauna ko na siya sa taas no'ng store para maghanap ng table habang nagpaiwan naman ako para hintaying matapos 'yong order namin. Habang nag-iisip ng pagkakasunod-sunod ng mga sasabihin ko sa kanya.

"Kumusta ka naman?" tanong niya pagkalapag ko no'ng tray sa table sa gitna namin.

Saglit akong napatingin kay Hannah. Parang nag-iba kasi 'yong ere niya. 'Di ko alam kung dahil ba 'yon sa pagkaka-bun no'ng buhok niyang naka-ponytail kanina o may iba pang dahilan na hindi ko makita o baka naman schizophrenic siya at 'di lang namin alam.

Nagkibit-balikat ako. "Ikaw ang kamusta. Tagal mong nawala e." Agad akong napangiwi at napaiwas ng tingin dahil sa nasabi ko. Kasi, kung may dahilan man siya para hindi magpakita nang matagal, alam kong ako 'yon.

Bahagya siyang tumawa. "'Di lang talaga tayo nagkikita, pero nasa Manila lang ako. 'Pag weekends, umuuwi ako dito, pero knowing you, nasa bahay ka lang kaya 'di tayo nagkakasalubong. Honestly, akala ko mag-yu-UST kayo ni Bryan."

"Ayaw ni Bryan e. 'Andu'n ka daw."

"Uy, jumo-joke!" Tatawa-tawa siya.

"Saka, oks naman ang med course dito," dagdag ko pa.

'Di ko na lang sinabing hindi ako nagbibirong isa 'yon sa mga dinahilan ni Bryan sa 'kin. Tanggap naman kasi kaming dalawa sa DLSU at UST, pero ang sabi kasi ni Bryan noon, dahil sa presyo ng tuition doon, parang tinatanggap na rin daw niya talaga 'yong gusto ng parents niyang mag-medicine siya 'pag do'n kami nag-aral. Kaya, dito na lang daw kami sa malapit. Hindi rin naman niya 'ko kailangang kumbinsihin pa noon dahil ayaw ko ring laging malayo kay Lola. Pero, siguro, para mas lalo akong engganyuhin, sinabi niyang lagi daw naming makikita si Hannah kung doon kami sa Manila mag-aaral.

"E nag-shift ka naman," sabi ni Hannah.

"'Di ko trip e, 'yung sa medical field. E ikaw, ba't ang aga mo 'ata mag-board exam?"

Napangiti siya. "Start pa lang kaya ng second sem, nag-a-attend na 'ko ng review classes. You'll see. Actually, no'ng first sem pa lang, nagse-self review na rin ako. Kaya 'pag nag top ako, Boss, gusto ko may pa-bonus ka, ha?"

"Advance na 'yan, oh," sabi ko, habang nakaturo sa pagkain at inumin sa table.

"Corny mo talaga, Yu."

Nginitian ko lang siya.

Kanina ko pa tinatanong 'yong sarili ko kung dapat ko pa bang aminin sa kanya 'yong katotohanan. Mukhang naka-move on naman na siya e. Mukha ring napatawad na niya 'ko. Kaya, may bahagi ng isip kong nagsasabing hindi na niya kailangan pang malaman 'yong totoong dahilan ng pakikipag-break ko sa kanya, na hindi na 'yon mahalaga ngayon. Ang kaso, pakiramdam ko, hindi ako patatahimikin ng konsensya ko kung hindi ko 'yon sasabihin sa kanya.

Siguro nga, makasarili lang talaga 'ko.

Sarili kong peace of mind lang ang inuuna ko, at hindi ko yata 'yon makukuha hangga't hindi nabubura sa isip ko 'yong itsura niya dati, no'ng lumuluha siya't nagmamakaawa sa 'kin.

Huminga ako ng malalim.

"Han, sorry, ha?" Nawala 'yong ngiti sa mukha niya. Alam na niya kaagad kung anong tinutukoy ko. Wala naman na kasi akong iba pang kailangang ihingi ng tawad mula sa kanya e. "I just... um, gusto ko lang—kailangan ko lang ilabas 'to. Nu'ng time kase na 'yon, na-in love ako kay Thor e—no. Actually, um, I think matagal na 'kong in love do'n. Ewan ko kung pa'no. Basta. Sinubukan ko naman ibalik 'yung sa 'ten nu'ng na-realize ko 'yung nangyayari e, kaso.... I'm sorry."

Hindi ko magawang mag-angat ng tingin. Napako 'yong mga mata ko sa kamay niyang may hawak na tinidor at paulit-ulit at walang kapwersa-pwersang tinutusok 'yong cheesecake sa harap niya. Halos hindi bumaon 'yong tinidor e.

"I know. Alam ko," sabi niya pagkatapos ng ilang saglit. Saka lang ako kunot-noong napatingin sa kanya. "Actually"—bumuntong hininga siya—"sa 'ting dalawa, ako dapat 'yung mag-sorry e. Kung 'di dahil sa 'ken, hindi ka malulungkot these past few years, hindi siguro magpapaka-wild si Thor sa States. Siguro, masaya sana kayo ni Thor ngayon." Isa-isang nagbagsakan 'yong mga luha niya. "Sorry, Yuan."

"Ano ka ba." Bahagya 'kong tumawa para maibsan 'yong biglang kaba sa dibdib ko. "'Di mo naman kasalanan 'yon."

Kahit na nagulat ako sa sinabi niya, mas nanaig pa rin 'yong naramdaman kong panic dahil sa bigla niyang pagluha. Iniusog ko 'yong upuan ko sa tabi niya at iginiya siya sa balikat ko, pero hindi siya pumayag. Tinanggal niya 'yong braso ko sa balikat niya at naninitiling nakaupo nang tuwid at nagpupunas ng luha. Napakamot ako ng ulo at mabilis na naglibot ng tingin sa cafe. Buti na lang at hindi naman karamihan ang mga tao at wala naman masyadong pumapansin sa 'min.

"We should talk about this somewhere private," sabi niya pagkaraan ng ilang saglit.

Pinabalot namin sa counter 'yong mga cake. Saka kami naglakad papunta sa direksyon ng Philam Village, kung saan may maliit na park sa bungad. Maraming puno roon, at kung privacy rin lang, pwede na. Sobrang init nga lang talaga sa daan, kaya buti na lang at venti na frappe 'yong binili ko para sa 'ming dalawa.

Panay ang sipat ko sa kanya. Mula kasi nang sabihin niyang doon na lang kami sa park mag-usap, hindi na siya umimik pa. Kaya, inabala ko na lang ang sarili ko sa pagtingin-tingin, naghahanap ng mga magandang tambayan, umaasang may makita 'kong bago kahit na matagal ko nang kabisado 'tong lugar na 'to.

Ewan ko ba. Lately kasi, parang naeengganyo na 'kong lumabas-labas.

Pagkarating sa park, pumwesto kami sa lilim ng isang puno. Wala namang katao-tao, kaya malaya kaming mag-usap tungkol sa kung ano-ano. Binuksan ko 'yong box ng cake, at sinimulan ko iyong lantakan.

"Alam mo, iba ka na talaga ngayon."

Napatigil ako sa pagnguya at napatingin kay Hannah nang may pagtataka. Ngayon lang ulit siya nagsalita nang walang kinalaman tungkol sa direksyon kung saan kami liliko o kung aling puno ang masmalilim. Mabilis kong nilunok 'yong cheesecake sa bibig ko bago sumipsip ng patunaw nang caramel frappe.

"Good or bad?"

"Both?"

Bahagya 'kong natawa. "Ewan ko sa 'yo. By the way, salamat pala sa pagpunta nu'ng kay Lola, ha? 'Di ko na kayo nakausap ng kuya mo no'n."

"Okay lang. I know overwhelmed ka lang talaga no'n," sabi niya, habang tinatapik-tapik ako sa balikat. "By the way, 'di ko alam na kilala mo pala sila Kuya Kev."

"'Kaw rin e," sagot ko sa kanya nang may ngisi. "Under 'yung band namin nila Bryan sa Two-Twenty kase."

"Ah, that's why. Ako, cousin ko naman 'yung girlfriend ni Kuya Kev, si Ate Lei."

Tumango lang ako at nagpatuloy na sa pagkain. Gusto ko sanang magreklamo tungkol do'n sa pagkaka-hire sa kanya, kaso baka ma-offend siya. Isa pa, hindi naman multinational company ang 220 para maging mapili ako sa tao, kaya sinubukan kong itatak na sa isip kong magtiwala sa desisyon ni Kuya Kevin. Siya naman ang nagpalaki do'n sa resto e. Siguro naman, pinag-isipan niya ng maigi 'yong desisyon niya.

"Yu, may aaminin kasi ako sa 'yo," sabi ni Hannah. "Parang mali kasi na gan'to na agad tayo kakumportable e ang laki ng kasalanan ko sa 'yo."

Seryoso 'yong tono niya, kaya tinignan ko rin siya ng seryoso. "Sige. I'm all ears."

"Hinde, 'wag ka tumingin sa 'ken." Tumuro siya sa isang puno sa malayo. "Du'n ka tumingen. Nape-pressure ako sa tingin mo e."

"Oks."

Hindi ko sinunod 'yong sinabi niyang doon sa puno sa malayo lang ako tumingin. Pero, hindi rin naman ako tumingin sa kanya. Nag-focus na lang ako sa pagkain no'ng cheesecake. Pati kasi 'yong sa kanya, ipinaubos na rin niya sa 'kin.

Narinig ko siyang bumuntong-hininga.

"Um, kinausap ko kase si Thor no'n, nu'ng bago tayo mag-Christmas break nu'ng fourth year naten," sabi niya. "Um, sabi ko sa kanya, sabi ko—shit, napaka-bitch ko." Muntik na 'kong matawa nang malakas. "'Wag ka nga tumawa, Yu! Tumalikod ka, putek."

Saglit akong napangisi sa kanya bago 'ko sumunod at tumalikod. Narinig ko ulit 'yong pagbuntong-hininga niya.

"Okay. Ano, sabi ko sa kanya... fuck"—bumuntong hininga na naman siya—"sabi ko, ipagkakalat kong bakla siya 'pag, um, 'di ka n'ya nilayuan."

Napatigil ako sa pagkain. Na-imagine ko 'yong itsura ni Thor no'n. Parang nakikita ko pa sa harap ko 'yong semikal niyang ulong hindi niya napigilang kamutin dahil sa sinabi sa kanya ni Hannah. May kung anong sumikip sa loob ng dibdib ko.

"Bata pa 'ko nu'n e; wala na 'kong ibang maisip na threat. Kaso, wala naman s'yang pakialam, pero nu'ng sinabi kong pati ikaw idadamay ko—sorry, Yu. Wala naman talaga 'kong balak gawin 'yon e, I swear, kahit kay Thor. Gusto ko lang talagang hindi tayo maghiwalay nu'ng time na 'yon."

Hindi ko alam kung bakit, pero nagsimulang lumabo 'yong paningin ko dahil sa pangingilid ng mga luha sa mga mata ko. Hindi ko rin alam kung anong nararamdaman ko. Hindi ako galit kay Hannah, alam ko. Pero at the same time, parang hindi ko na rin kayang magtagal pa sa lugar na 'to kasama siya.

Gusto ko nang umuwi.

"Sabi niya, gawin ko na kahit ano sa kanya pero 'wag lang kitang sasaktan. 'Di ba dapat ako 'yung nagsasabi no'n?"

Narinig ko siyang sumisinghot. 'Di ko na rin napigilang magbagsakan 'yong mga luhang naipon sa mga mata ko.

"Sabi niya, 'wag daw ako mag-alala kase tatanggapin daw niya 'yong gusto ng parents niyang pag-aralin siya sa States."

Napalunok ako.

Kaya pala.

Kaya pala.

"Yuan, sorry. Sorry talaga. Sana mapatawad mo pa 'ko."

Alam kong tapos na siyang mag-confess, pero hindi ko magawang humarap sa kanya. Hindi rin ako makapagsalita. Nablangko ako, sa totoo lang. Sobrang natulala ako. Oo, ang tagal nang nangyari no'ng kinwento niya, pero ang tagal ko na rin kasing naghahanap ng sagot. Halos mabaliw nga 'ko no'ng una e.

Buong paniniwala ko no'n, ako 'yong biktima.

Pero, hindi lang pala ako 'yong nasaktan.

"Yu, gusto mo ba tawagin ko si Bryan?"

Saka lang ako ulit lumingon kay Hannah. Bakas sa mukha niyang katatapos lang niyang umiyak.

Umiling ako bilang sagot sa tanong niya.

"Akala ko kase 'di n'ya 'ko mahal e."

Muling nagbagsakan ang mga luha ko.


   
Buy Me A Coffee