25
"'Lo?"
"Yuan? P're?"
"Hm? Who's 'is? Time's it?"
"P're, ini-English ako. Pa'no to?"
"Takte ka naman, Roy. Akin na nga. Yuan? Hello?"
"Hm?"
"P're, sorry talaga. Si Chris 'to."
"Wha?"
"Chris. Friend ni Mark. Sorry, gising ka na ba?"
"Um, wa... wait."
"Okay."
Pilit kong iminulat 'yong mga mata ko. Sa lalim kasi ng tulog ko kani-kanina lang bago walang tigil na nag-vibrate sa tabi ko 'yong phone ko, parang magkasabay na tulog at gising ngayon 'yong utak ko. Nagre-register naman sa 'kin 'yong mga nangyayari sa paligid ko, kaso nga lang, ayaw sumunod ng dila ko sa inuutos ng utak ko kaya sobrang nonsense ng mga naging sagot ko. Nang tuluyan na 'kong nakadilat, pinilit ko na ring umupo.
"Kuh-Chris?" pilit 'kong pagsasalita kahit na pakiramdam ko, parang pipiyok ako. "Sorry. Baket?"
"Hindi, Pare. Kame 'yung dapat mag-sorry. Pasensya na talaga. Pwede ka ba pumunta dito sa bahay ko?"
"Ha? Baket?"
"Ano, 'yung boyfriend mo kase—"
"Boyfriend?"
"—ayaw paawat. Ikaw lang daw pwede magpatigil sa kanya."
"Teka, ano... 'di ko ano si Mark."
Narinig ko 'yong bahagyang pagtawa ni Chris sa kabilang linya. "S'ya may sabi e."
Saglit akong natahimik. "Pa'nong ayaw paawat?"
"Naku, P're"—lalo pa siyang tumawa—"inubusan kami ng alak! Ngayon ko lang nakitang gan'to 'to. Sobrang lakas pala sa alak neto. Tapos, pati alak dito sa bahay sinisimulan na n'ya. Buti sana kung isa lang, e kaso ang dami n'yang binuksan. Patay ako kay Daddy neto e."
"Malalasing din naman siguro 'yan, P're?" may inis kong balik sa kanya.
"Promise, Yuan, 'di s'ya nalalaseng. Actually, lasing s'ya pero hinde. Mahirap i-explain e. Punta ka na, please? Sunduin sana kita kaso delikado na mag-drive e. I'm sorry talaga."
Napabuntong-hininga ako. "Sige, text mo sa 'ken 'yung address mo."
"Salamat, P're. Pasensya na talaga."
Nahilamos ko ng palad 'yong mukha ko nang makita ko 'yong oras. 1:37 ng madaling araw—tamang tama lang para pumatay ng tao.
Pinulot ko 'yong T-shirt at shorts sa sahig, 'yong pinaghubaran ko kagabi bago matulog, at isinuot. Tapos, mabilis akong pumunta sa banyo para maghilamos at mag-mouthwash. Tapos, dinampot ko 'yong phone, wallet, at susi ko sa desk at saka ako nag-book ng Uber habang naglalakad papunta sa lobby ng condo. Wala pang fifteen minutes pagkatapos ko makausap si Chris, nasa harap na 'ko ng bahay niya.
Hindi ako nag-doorbell. Baka kasi may maistorbo pa ko e. Nag-text na lang ako do'n sa number na ipinangtawag niya sa 'kin kanina para sabihing nakarating na 'ko, at pagkaraan lang ng ilang minuto, dahan-dahan nang bumukas 'yong gate at lumabas si Chris na nakaitim na T-shirt na pinutulan ng manggas at Bulls na basketball shorts habang nagkakamot ng batok. Hindi naman siya lasing kung gumalaw, pero amoy na amoy ko 'yong alak galing sa kanya.
"Bilis mo, ah. Pasok."
Nagkibit-balikat ako. "Good morning," walang kabuhay-buhay kong bati sa kanya. Pagkapasok ko, isinara niya na agad 'yong gate.
"Sorry ulet, ha? Tara."
Naglakad siya papasok no'ng bahay nila at sumunod naman ako. Saktong malaki 'yon—hindi mansyon, pero malaki. Tatlong floors 'yon at mukhang may roofdeck din. Isang kotse ang naka-park do'n sa pangtatluhang garahe; base sa setup, kotse 'ata nitong si Chris.
"Kanina pa kayo nag-iinom?"
"Mga eight siguro? Ta's naging weird na si Mark nu'ng nag-uwian na 'yung iba. Mga twelve na 'yon."
Walang tigil siyang naglalakad paakyat ng hagdan habang kasunod naman ako ilang hakbang lang sa likod niya. Nang marating namin 'yong pintong palabas sa roofdeck nila, saka lang siya saglit na tumigil at nakangising sumulyap sa 'kin bago iyon buksan na parang sinasabing "tignan mo 'to".
Sa isang sulok no'ng roof deck nila, may nakapwestong mesang napalilibutan ng mga upuan, at sa mga upuang 'yon nakaupong magkaharap sina Roy at Mark na kasalukuyang nagsasalin ng alak mula sa bote ng Bailey's. Nasa magkabilang side sila no'ng mesa. Agad kaming napansin ni Roy na ngumisi't kumaway sa direksyon namin, habang patuloy namang nagsasalin ng alak si Mark na akala mo kung sinong bartender.
Parang normal lang naman 'yong kilos niya, sa totoo lang, pero kung kilala mo siya, masasabi mo agad na unusual 'yong inaakto niya. 'Di ko maipaliwanag, pero iba 'yong ere niya no'ng mga saglit na 'yon. O baka gano'n lang talaga siya malasing? Ewan ko. Ilang dipa na lang ang layo namin sa kanya nang mapansin niya na 'yong paglapit namin. Para na naman siyang bagong sinding Christmas tree na ngumisi at agad na ibinaba sa mesa 'yong bote at basong hawak niya at saka kumaway.
"Uuuy, Babyyy! Upo ka rito, upo." Tinapik-tapik niya 'yong upuan sa tabi niya at itinaas 'yong basong puno ng Bailey's. Para siyang batang excited. "Tikman mo 'to. Masarap! Syempre, masmasarap ka pa ren."
'Di ko napigilan 'yong biglang tawang lumabas sa bibig ko. Panigurado, baka gustuhin ng sira ulong 'tong tumalon sa building pagkagising niya kinabukasan at maalala niya 'tong mga kagaguhan niya. Tumingin ako sa dalawang tropa niyang kapwa tumatawa rin nang tahimik.
"Baby? Upo na dito."
Napailing ako, nagdadalawang-isip kung babatukan ko ba siya o yayakapin. Kanina ko pa siya gustong makita e. Kanina ko pa siya gustong tawagan, pero hindi ko na nagawa. Nakatulugan ko na nga e.
Ewan. Ang gulo lang kasi talaga ng isip ko kanina.
Sa mga nalaman ko kanina tungkol sa totoong dahilan ng pag-alis ni Thor—pati na rin sa paghalik niya sa 'kin no'n—hindi ko malaman kung ano ba talagang nagbago sa 'kin kasi, no'ng nakapag-isip-isip na 'ko, parang wala naman. Pero—sigurado ako—kung mayro'n man, isa na do'n 'yong pagkakaroon ko ng awa para kay Thor. Dati kasi, pagkalito at galit 'yong naramdaman ko dahil, ang pakiramdam ko nga, pinaglaruan ako.
Siguro, pagkatapos akong halikan, natakot din siya. Lalo na at wala namang kahit na anong usapang namagitan sa 'min pagkatapos no'n. Nanghuhula lang ako base sa pagkakakilala ko sa kanya, pero malamang naghintay 'yon ng kahit na anong message galing sa 'kin. Ang kaso, busy rin ako no'n sa paghihintay sa kanya. Hanggang sa lumipas na lang ang apat na taon nang hindi man lang kami nagkakausap kahit isang beses. Kaya pala habang tumatagal na siya ro'n sa US, ibang Thor na 'yong nakikita ko sa Facebook. At ngayon, hindi ko mapigilan 'yong pakiramdam na, siguro, kasalanan ko rin 'yon kahit papa'no.
Ilang beses kong tinanong 'yong sarili ko kung anong nararamdaman ko, at ilang beses din na sigurado akong ang sagot, hindi ko na siya mahal. Kaso, nalilito ako kung bakit sobrang sakit no'ng naramdaman ko kanina no'ng nalaman ko 'yong totoo. Pero. Pero. Alam ko—sigurado ako—ang gusto ko, 'yong makalaya na mula ro'n. Wala na 'ko ro'n sa puntong nakikita ko pa at nagpapantasya pa 'kong kasama ko si Thor sa future ko.
Ilang beses akong nagpabalik-balik sa profile niya kanina. Gusto ko kasi sana siyang makausap ulit para humingi sana ng tawad para sana maisalba man lang 'yong pagkakaibigan namin, kahit na hindi ko naman alam kung ano 'yong kailangan kong ihingi ng tawad sa kanya. Kaso, natakot ako—hindi ko lang malaman pa sa ngayon kung saan o bakit.
Kaya nga, naisip ko, sana hindi na lang ako sumama kay Hannah. Sana hindi na lang ako nag-sorry sa kanya. Sana umuwi na lang ako kasama si Mark at itinuloy namin 'yong plano niyang manood sa practice namin kanina. Wala sana 'kong ibang iniisip ngayon. 'Pag kasama ko kasi siya, parang ang gaan-gaan ng loob ko; para bang wala 'kong problema; at parang bawat lugar, payapa at kumportable.
At ngayong nasa harap ko na 'tong ungas na 'to, nalaman kong tama nga 'yong iniisip ko kanina. Na hindi nga kumpleto 'tong araw na 'to dahil nasa condo lang ako habang nasa kung saang lugar naman siya.
Sana tinawagan ko na lang.
Kaso, 'tang ina, parang naligo 'ata sa alak 'tong isang 'to. Umaalingasaw e.
"Sige na. Tabihan mo na 'yan nang matigil na," sabi sa 'kin ni Chris. Tinapik niya 'ko sa balikat bago tinungo 'yong upuang katabi ni Roy.
Kinuha ko 'yong basong iniaabot sa 'kin ni Mark at inilapag 'yon sa mesang marami-rami pa ring handang pulutan hanggang ngayon, saka ako naupo do'n sa upuang hindi niya tinigilan sa kakatapik.
"Anong me'ro'n?"
"Inom mo muna 'yan." Itinuro niya 'yong basong sinalinan niya kani-kanina lang ng alak na kulay capuccino.
Bumuntong hininga ako. Muli kong kinuha 'yong baso at dire-diretsong ininom 'yong laman no'n. Nakatikim na kasi 'ko ng Bailey's dati, at hindi naman gano'n katapang 'yong lasa no'n. Ang kaso—saka ko lang naisip no'ng maubos ko na 'yong isang basong alak—ilang oras na nga palang walang laman 'yong sikmura ko. Alak pa rin naman kasi 'yong ininom ko kahit papa'no.
"Masarap, 'di ba?"
"Oo na," sagot ko na lang. "Nagpaalam ka ba sa kuya mo?"
Imbis na sumagot, sinubukan niyang yumakap sa bewang ko at isiksik 'yong mukha niya sa leeg ko kaya ipinagtulakan ko siya.
"Ang bango-bango mo talaga."
"Gago—ang baho mo—sasapakin talaga kita!"
Puro tawa 'yong naririnig ko mula do'n sa dalawa sa kabila ng mesa. Ramdam na ramdam ko rin 'yong pag-iinit ng mukha ko. 'Di ko akalaing ganito malasing 'tong ungas na 'to. Bukod sa walang tigil siya sa kakatawag sa 'kin ng baby, para pa kaming nagre-wrestling at tanging ako lang 'yong napapagod sa 'ming dalawa. Sa huli, talagang napagod na nga lang talaga ako, kaya hinayaan ko na siya sa gusto niyang mangyari.
Hindi naman ako tututol kung kaming dalawa lang 'yong magkasama e. Ang kaso, nasa harap kami no'ng dalawa niyang kaibigang hindi ko matignan ngayon nang diretso. Puro sila bungisngis habang naghalo naman 'yong hiya at takot sa dibdib ko.
Napakislot ako nang isang halik ang naramdaman kong dumampi sa leeg ko.
"I love you."
Biglang tumahimik 'yong dalawa habang parang may biglang nagpumiglas naman sa loob ng dibdib ko.
Rinig na rinig namin 'yong tatlo. At kasabay no'n, tumahimik na rin si Mark at bumigat 'yong pakiramdam ng kaliwang balikat ko. 'Di ko sinasadyang mapadapo ang tingin ko kay Chris na ngising ngisi ang mukha sa amin. "Tulog na," sabi niya nang halos walang boses. Tumango lang ako at bumuntong hininga.
"'Tang 'na n'yo! Kinikilig ako sa inyo," tatawa-tawang bulalas ni Roy.
'Di ako sumagot. Wala 'kong masabi e. 'Di ko kasi alam kung anong dapat kong sabihin.
"Don't worry, Yuan," sabi ni Chris. "Atin-atin lang 'to."
"Thank you," sincere kong sagot sa kanya. Rinig na rinig ko 'yong hiya sa boses ko. "Pero hindi ko talaga boyfriend 'to. I mean, nan—ano—nanliligaw. S'ya."
"Naku, P're! 'Andami kong kilalang tagong magjowa sa Maritime. Ayos lang 'yan! 'Tsaka 'di namin pagkakalat 'yan kase delikado," sabi ni Roy. "Baka mamaya kase pag-uwi n'yang jowa mo galing sa barko, maluwag na e." Sabay hagalpak.
Bahagya 'kong natawa at napangisi at napailing sa sinabi niya. Binatukan siya ni Chris na tatawa-tawa rin naman, pero hindi siya tumigil sa pagtawa sa sarili niyang paliwanag.
Tinuro sa 'kin ni Roy 'yong walang lamang bote ng Emperador sa ibabaw ng mesa. "Inubos n'ya 'yan mag-isa."
"Seryoso?"
Nakangising tumango-tango 'yong dalawa.
"Ba't buhay pa 'to?"
Tatawa-tawa lang sila. Hindi rin naman kasi seryosong tanong 'yong tanong ko e. Pero seryoso, gusto kong malaman kung pa'no siya nakainom nang gano'n karami nang sarili niya lang.
"Sumuka na ba s'ya?"
"Isang beses 'ata," sagot ni Chris bago tumayo at tumungo sa side namin ni Mark. "Tara, Yuan, dal'in na naten 'yan sa kwarto. Roy, tulungan mo kami, P're."
Nagtig-isang sukbit kami ng braso ni Chris sa mga balikat namin sa pag-akay kay Mark, habang umaalalay naman sa 'min si Roy, lalo na sa pagbaba sa hagdan dahil may pagkamabigat rin si Mark kahit papa'no. Dinala namin siya ro'n sa unang kwarto pagkababa ng hagdan galing sa roofdeck. Sabi ni Chris, kwarto raw niya 'yon. May nakalatag na ring mattress sa sahig at doon namin dahan-dahang ihiniga si Mark.
Kinuha ni Chris 'yong trash can sa ilalim ng desk niya at inilagay malapit kay Mark para kung sakali raw na magising siya at kailangang sumuka at hindi na kayanin pang maglakad papunta sa banyo. Naupo naman si Roy sa kama at pinanood ako habang tinatanggalan ko ng sapatos at medyas si Mark. Nang natapos na kami sa mga pinaggagawa namin, natahimik kaming tatlo at may pagka-awkward na nagkatinginan.
Tumayo ako. "Mm. Pa'no, guys"—pinagpag ko 'yong kamay ko sa hita ko—"uwi na 'ko."
"Ah, ano...." Tumingin si Roy sa 'kin at, pagkatapos naman, kay Chris. "'Wag muna, Yuan. Shot muna tayo."
"Oo nga," pagsang-ayon ni Chris sa tropa niya. "Sayang naman pagpunta mo dito."
"'Tsaka para makilala naman namen 'yung boyfriend ng tropa namen."
Tatawa-tawa 'ko. "'Di ko nga 'yan boyfriend!"
"Mali, P're. Hindi pa!" pagkontra ni Roy, sabay tawa. "Alam mo, masmaganda pag-usapan 'yan habang may alak."
"Sige na, oh. Sayang 'yung mga alak na binuksan n'yan."
Napahaplos ako sa batok ko. "Oo na. Papapak lang muna 'ko konte nu'ng pulutan, ha? Kaninang alas sais pa 'yung huling kain ko e."
"Ayos!"
Bago ko pa makalimutan, nag-text muna 'ko kay Kuya Kevin para sabihin kung nasaan kami ni Mark, at nagpasalamat naman siya agad. Nag-text na rin ako kay Yuri para sabihing baka 'di ako magising nang maaga—kung makakauwi man ako.
Naglagay na agad si Chris ng isang shot ng whiskey sa harap ko pagkabalik namin sa mesa sa roofdeck nila, pero bago ko inumin 'yong shot na 'yon, kumain muna 'ko no'ng tira nilang medyo makunat nang slice ng Hawaiian pizza at isang stick ng barbeque. Pagkatapos, saka lang nagsimulang umikot sa 'ming tatlo 'yong shot.
Sa totoo lang, ngayong kaming tatlo na lang ang nag-uusap, napatunayan kong totoo naman pala 'yong sinasabi sa 'kin ni Mark na maaayos naman makitungo 'tong mga tropa niya. Syempre, dahil sa ngayon lang talaga kami nagkausap, parang puro pagpapakilala lang 'yong mga topic namin—kung saan kami nakatira, saan kami nag-highschool, mga tinatambayan sa school, mga prof sa minor na nagkapareho kami, et cetera. At matagal na nga raw nila 'kong kilala. Katulad no'ng kwento ni Mark, kaklase ko raw sila sa FCL 2. Nag-sorry rin sila sa 'kin do'n sa nangyari no'ng birthday ni Mark.
"Sila Trish kase crush ka. E tirador ka pa naman ng Tourism," tatawa-tawang dahilan ni Roy na ikinatawa rin ni Chris.
"Uy, 'di ah!"
"Umamin ka na, Yu! Nakailan ka do'n?"
Natawa 'ko. "Grabe 'yung tirador. Umiiwas na nga 'ko e."
"E ilan nga?" pangungulit ni Chris.
Ramdam kong namula 'yong mga pisngi ko. "Dalawa lang. Hindi naman ako nag—ano—naghahanap kasi talaga. Nagkataon lang 'yon."
Sa ilang beses na nahatak ako ni Bryan sa mga party, dalawang beses lang kasi 'yong kusa 'kong sumama sa kanya. Gusto ko kasing makalimot no'n sa mga masasakit na nangyari sa 'kin—una 'yong kay Thor at pangalawa no'ng kay Lola. Hindi naman sa walang nangyayari sa 'kin do'n sa ibang pagkakataong nahahatak ako ni Bryan, pero 'yong partikular na dalawang beses lang kasing iyon 'yong kumalat 'ata sa mga tsismoso. Nagkataon pang parehong Tourism 'yong course no'ng dalawang 'yon. Siguro, dahil sa ako 'yong nag-initiate do'n sa dalawang instance na 'yon, maraming nakapansin. Pero, ang gusto ko lang talaga no'ng mga oras na 'yon, 'yong maramdaman 'yong init ng katawan ng ibang tao sa tabi ko.
"Alam n'yo ba kung ba't naglasing 'yung isang 'yon?" tanong ko sa dalawa.
Saglit silang nagkatinginang dalawa, tanda na pareho nga nilang alam 'yong dahilan.
"Sorry, P're. S'ya na lang siguro tanungin mo," sabi ni Chris.
"Baka magalit sa 'min e."
Tumango na lang ako bilang pagsang-ayon.
Lagpas alas tres y media na nang balikan namin 'yong Bailey's. Ayaw na rin akong pauwiin ni Chris, dahil baka kung ano pa raw ang mangyari sa 'kin sa daan, kahit na sinabi ko namang mag-u-Uber naman ako pauwi. Sa pagitan naming tatlo, nakaubos lang kami ng isang bote ng whiskey at ilang bote rin ng beer. Hindi pa naman ako lasing. Ramdam ko lang 'yong init sa katawang dala no'ng alak at 'yong slight na paglangoy sa hangin ng ulo ko. Pero 'yong dalawa, medyo kinakain na nila 'yong mga salita nila dahil nga sa nakainom na rin naman sila bago pa 'ko dumating.
"Seryosong tanong, P're," medyo intense na pasakalye ni Chris. "Ilang percent ang ano, ang chance no'ng tropa namen? Sa 'yo."
"Ay, ay! Gusto ko 'yan!"
Natawa 'ko. "Putek, ang out of the blue naman n'yan!"
"Walang English-an, Pare!" pagsita sa 'kin ni Roy.
Lalo akong natawa. "P're, para kang si Mark. Ayaw na ini-English s'ya."
"P'reee, 'wag ganu'n, p're," sabat ni Chris habang iwinawasiwas 'yong kamay niya sa harap ko. "'Wag mo baguhin 'yung topic."
Bahagya 'kong natawa. Napahaplos ako sa batok ko, natahimik, at seryosong napaisip. Saglit akong tumingala sa madilim pa ring langit. "Bakit kasi number?"
"E syempre! Para alam namen kung pa'no tutulungan 'yung tropa namen," may ngising sagot ni Chris.
"Alam mo ba, Yu," sabi ni Roy, "matagal na namin pinipilit mag-jowa 'yan si Mark. Ang dami-dami na naming nireto 'jan pero ayaw. May mahal na daw kasi talaga s'ya. Ta's ngayon lang namin nalaman na ikaw pala 'yon. Maawa ka naman, baka kaong na 'yung lumabas do'n!"
Nagkahagalpakan kami ng tawa—'di ko akalaing makikipag-usap ako sa mga 'to tungkol sa ganitong topic—pero muli rin kaming natahimik pagkatapos. Seryoso kasi talaga silang naghihintay sa sagot ko, habang seryoso naman akong nag-iisip.
"Siguro..."—bumuntong-hininga 'ko—"eighty-five percent."
"Ang baba naman!" bulalas ni Chris.
Natawa 'ko. "Mababa ba 'yon?"
"Bakit eighty-five lang?" tanong ni Roy.
Bumuntong-hininga ulit ako at seryosong sumagot. "Siguro, 'yung ten percent dahil sa mga issue ko sa buhay. Tapos 'yung five percent naman—ewan—sa mga general uncertainties sa buhay. Ewan!"
Tumango-tango 'yong dalawa.
"So ibig mo sabihen," sabi ni Chris, "wala kaming matutulong?"
Ramdam ko na naman 'yong pag-iinit ng mukha ko. Naalala ko kasi 'yong biro ko kay Mark no'ng nag-date kami. E hindi ko naman akalaing hindi pala niya 'yon makakalimutan.
Sinalinan ko ng alak 'yong baso ko. "Ewan ko," sagot ko sa tanong niya, bago bahagyang natawa.
Mabilis na rin naming naubos 'yong Bailey's—masarap kasi e. Pagkatapos, dumiretso na kami sa kwarto ni Chris at may ngisi niya 'kong sinabihan na kay Mark na 'ko tumabi at sila na ni Roy ang magtatabi sa kama niya. Binigyan na rin niya 'ko ng bagong toothbrush habang nauna nang naghilamos si Roy. Nang matapos naman ako, sinilip ko muna kung may suka 'yong trash can sa tabi ni Mark, at saka ako humiga sa tabi niya nang masigurado kong wala iyong laman.
Unang beses ko pa lang makakatabi si Mark sa kama at akala ko hindi ako makakatulog. Pero ilang saglit lang pagkahiga ko, nawalan na rin agad ako ng malay. Sa sunod na pagdilat ko ng mga mata ko, maliwanag na ang araw sa labas, nakapatong sa mainit na braso ang pisngi ko, at may isa pang brasong nakayakap sa dibdib ko mula sa likod.
Pumikit ako't huminga nang malalim.
Parang gusto kong makatulog pa ulit.
Sakto namang humigpit nang kaunti 'yong yakap sa 'kin ni Mark nang saglit ding 'yon.
"Baby, sarap ba?"
Rinig ko sa boses niya 'yong nagbabadyang tawa. Niyugyog niya 'ko nang marahan, pero hindi pa rin ako kumibo. Parang napahiya kasi ako nang kaunti ro'n. Akala ko, tulog pa siya, pero mukhang hinihintay lang niya 'kong magising. Baka sabihin niya, sinisinghot ko siya.
"Oy, Baby, alam ko gising ka na."
"Tigilan mo nga 'ko sa kaka-baby mo."
"Sinasanay lang kita," sabi niya.
Naramdaman kong nagdampi siya ng halik sa batok ko, at naisip ko, sana lagi na lang ganito ang kada umaga.
"Baby, maligo ka. Ang baho mo."
"Kapal! Ikaw nga rin e."
"Ooy, naligo na 'ko, 'no! Kayong tatlo 'jan 'yung mabaho e."
Oo nga. Ngayong nabanggit na niya, saka ko lang napansing hindi na nga siya amoy alak tulad kagabi. Kaya pala parang napapalibutan na naman ako no'ng amoy niyang hindi ko mapangalanan.
"Talagang naligo ka pa talaga para mantsansing e, 'no?"
"Tsansing pa ba 'yon kung gusto mo naman?"
"Ulul. Bitawan mo na nga 'ko." Naramdaman ko 'yong mahina niyang pagtawa sa likod ko, pero hindi naman siya bumitaw at hindi rin naman ako umalis sa pagkakayakap niya sa 'kin.
'Yong totoo, sa tagal na no'ng huling umagang nagising akong may ibang taong nakayakap sa 'kin—except kay Yuri, syempre—hindi ko na maalala kung ano 'yong pakiramdam no'n. Kaya ito, parang bagong karanasan ulit 'to para sa 'kin. Hindi ko alam kung bakit magkaiba 'yong pakiramdam nito sa mga pagkakataong nagigising akong nakayakap sa 'kin 'yong kapatid ko, pero iba 'to. Ito kasi, parang ayaw ko nang matapos.
"Ano oras na, Mark?"
"It's our time. It's our time, mmm."
Bahagya 'kong natawa sa kinanta niya. "'Yan pa talaga kinanta mo, ah?"
"Weh, alam mo 'yon?"
"Oo. Jack Johnson 'yan, 'di ba?"
Tumawa siya. "'Di ko alam. Lagi lang pinapatugtog ni Kuya 'yon kaya medyo na-memorize ko lang."
"How many times must we go through this? You'll always be mine. Woman, I thought you knew this."
"'Yan nga 'yon," sabi niya. "Tuloy mo."
"How many times must we go through this? You'll always be mine. Cupid only misses sometimes, mmm."
Naramdaman kong nagdampi na naman siya ng halik sa batok ko. "Idol talaga kita."
"Lul! Tama na nga. Naiihi ako."
Pinilit kong bumangon, at pinakawalan naman niya 'ko. Kaso, pagtayo ko, napatingin ako sa kama at binati ako no'ng mga nakangising mukha no'ng dalawang tropa ni Mark do'n. Agad ring bumangon si Roy.
"Yuan, ako muna, ha?" sabi niya, bago dire-diretso siyang naglakad papunta sa banyo. "Kanina pa ko ihing-ihi sa kilig e. Ayaw lang ako patayuin no'n." Tinuro niya si Chris.
"Baka kasi maistorbo kayo," tatawa-tawang dahilan no'ng isa.
Napakamot na lang ako ng ulo at napatingin sa ngising ngisi ring mukha ni Mark.
Akala ko lagpas tanghali na, pero mag-aalas diyes pa lang pala nang tignan ko 'yong oras sa phone ko. Gusto ko na sanang umuwi na rin kaagad, pero pinag-almusal na muna kami ni Chris. Marami raw kasing inihandang pagkain 'yong katulong nila. 'Yong totoo nga, kung 'di lang dahil kay Yuri, baka nagpaabot na rin ako ng hapon sa bahay ni Chris. Alas kwatro pa kasi 'yong pasok ni Mark sa 220 at may dala naman daw siyang uniform, habang wala naman kaming practice nina Bryan ngayon. Kaso, medyo lungkut-lungkutan pa 'yong isa do'n sa condo e. Ayaw ko namang iwanang laging mag-isa 'yon.
Pero, 'di bale.
'Di ko rin naman kasi akalaing magkakaayos kami nitong mga tropa ni Mark. Hindi naman kami magkaaway, pero alam kong may ilangang nangyayari sa pagitan namin. Lagi kong sinasabing wala 'kong pakialam sa iniisip sa 'kin ng iba—at siguro, totoo naman 'yon up to some point—pero no'ng nag-sorry sila sa 'kin, ramdam ko 'yong pagluwag ng hininga ko. Nakakagaan rin pala sa pakiramdam.
Bago pa makatanggi si Mark, naka-book na 'ko ng Uber. Malapit lang naman 'yong condo, kaya wala pang thirty minutes, nakarating na kami. Niyaya ko siyang sumama sa unit ko, pero tumanggi siya.
"Takot ka ba talaga kay Yuri?"
"'La, hindi ah!" sabi niya. "Kelangan ko kasing kausapin si Kuya bago siya pumunta sa Two-Twenty. Kung gusto mo, punta 'ko sa inyo pagkatapos."
"Tungkol ba 'yan sa paglalasing mo kagabi?"
Natahimik siya.
"'Di naman siguro tungkol sa 'kin 'yan, 'no?"
"Uy, hindi ah! Ano kase...." Bumuntong-hininga siya. "Wait lang. Mamaya na tayo umakyat." Tinuro niya 'yong puno sa kabila ng street. "Du'n muna tayo."
Umupo siya sa lilim no'ng puno at tumingin sa 'kin nang may pagkaseryoso. Actually, masmalapit 'yong expression ng mukha niya sa nagpipigil ng iyak e. Naalarma tuloy ako, at napatingin na rin sa kanya nang seryoso.
Humugot ulit siya ng malalim na hininga at inihilamos 'yong dalawa niyang palad at saka lang bumalik, kahit papa'no, sa normal 'yong expression sa mukha niya.
"Kase... 'di na 'ko aabot sa kasal ni Kuya. Mapapaaga kase 'yung pagsampa ko sa barko. Sa May na daw, e 'tang ina, sa November pa daw ang balek. Ayo' ko sana, kaso... lalo na kase...."
Tumitig siya sa 'kin nang malungkot.
Hindi ako nakapagsalita. Napatitig lang din ako pabalik sa kanya.
Kitang kita ko 'yong problemado niyang itsura, at gusto ko sana siyang pakalmahin. Gusto ko siyang i-reassure. Gusto kong sabihing para naman 'yon sa kinabukasan niya at ng pamilya niya pero hindi ko magawa. Kasi, baka iba 'yong lumabas sa bibig ko. Baka 'yong pagkamakasarili ko lang 'yong mabigyan ko ng boses kung magsalita pa 'ko.
Nag-aalala siya sa kasal ng kapatid niya, samantalang ang tanging nasa tuktok lang ng isip ko ngayon ay 'yong mga tanong na 'bakit ang bilis?' at 'pa'no na kami?'
Pa'no ako?
Parang—sa saglit na 'to—biglang naging sobrang laki no'ng five percent na sinasabi kong mga uncertainties sa buhay.
*
Songs in this chapter:
Cupid by Jack Johnson
Songwriters: Jack Hody Johnson
Cupid lyrics © Universal Music Publishing Group, Bubble Toes Publishing