26
Ilang minuto pagkaalis no'ng delivery guy ng Jollibee, tumunog ulit 'yong doorbell sa unit ko.
Tumingin ako kay Yuri, kasabay ng marahang kaba sa loob ng dibdib ko. Ngumisi naman siya sa 'kin na parang may pinaplanong kabalbalan, pero baka may pagkapraning lang talaga 'ko. Pumayag kasi si Mark na sabay-sabay na kaming magtanghalian ngayon pagkatapos nilang mag-usap ng kuya niya. Kaya, malamang, siya na 'yang nasa pinto.
"'Yung usapan natin, ha?"
Umikot pataas 'yong mata ni Yuri. "Yes, yes, don't worry! I-tuh na, oh. Tag'log na," may inis niyang sagot sa 'kin mula ro'n sa spot niya sa table. Alam ko namang nagbibiro lang siya at hindi talaga siya naiinis.
Nag-peace ako sa kanya at saka ko tinungo 'yong pinto para pagbuksan si Mark. Parang dalawang oras pa lang mula no'ng huli kaming nagkita pero mukhang bagong tasa na naman siya. Pati 'yong mga katutubo pa lang na balbas sa mukha niyang kinikiskis niya sa batok ko kaninang umaga, inahit din niya. Kung hindi ko nga lang alam na maritime student siya, matagal na siguro 'kong nag-assume na sundalo siya. Para kasing laging sobrang linis niya e. Napakaraming time.
"Nagpagupit ka pa talaga, ah?"
Bahagya siyang tumawa at hinimas 'yong fade ng buhok niya sa bandang tenga. "Sabi ni Kuya kasi e. E siya rin naman kasi naggugupit sa 'ken kaya oks lang."
"Sana all masunurin sa kuya."
"I heard that!"
Hindi ko na pinansin si Yuri—kakatapos lang naming magkasundong magta-Tagalog lang muna siya, pero mukhang hindi niya namalayan 'yong sarili niya. Napangisi na lang ako sa nakangisi ring si Mark.
"I mean, di-neyg kuh 'yown."
Pagkauwi ko kasi kanina, may nakasalubong akong bagong ligong babaeng palabas pa lang sa mismong pinto ng unit ko. E alangan namang nakiligo lang 'yon sa 'min. Okay lang naman sa 'kin 'yong minsan-minsang magdala si Yuri ng babae sa unit ko, pero ayaw ko kasi 'yong maraming nakakaalam kung saan kami nakatira. Kung sakali kasi, pwede naman siya do'n sa Eurotel or Dream Hotel sa malapit kung talagang kating-kati na siya. Mura lang naman do'n e. O kaya, mas okay pa siguro sa 'kin kung mag-girlfriend na lang siya para kahit magpabalik-balik pa sa bahay namin, oks lang sa pakiramdam. Kaso, hindi ako naniniwalang girlfriend niya 'yong kanina.
Hindi ko naman sinasadya, pero parang lahat 'ata ng stress ko nitong nakaraang mga araw, naibuhos ko kay Yuri.
Sising-sisi talaga 'ko, sa totoo lang, kaya humingi rin agad ako ng tawad sa kanya. Natakot kasi akong baka bigla na lang siyang mag-impake at lumipad papuntang Vancouver. Pero pinatawad naman niya 'ko, at nag-sorry rin naman siya. Hindi ko alam kung kailan pa 'ko naging bukas na libro sa kanya, pero sabi niya sa 'kin, aalis lang daw siya kung paaalisin ko siya.
Pero, bilang peace offering pa rin sa kanya, Jollibee ang lunch namin ngayon.
Napakaisip-bata lang talaga minsan.
"Pasok na," yaya ko kay Mark
Isa sa mga napansin ko rito, may pagka-vampire 'tong taong 'to. 'Di katulad nina Bryan, na pagbuksan mo lang ng pinto ay dire-diretso nang papasok kaagad, itong si Mark kailangan mo pa muna talagang tahasang yayaing pumasok. 'Di ko alam kung pa'nong disiplina ang ginawa ng nanay niya sa kanya no'ng bata pa siya, pero sigurado ako, isa siya sa mga batang hindi nakikipag-usap sa strangers.
Akala ko pa nga no'ng una, mabait lang talaga 'yong nature niya, pero—hindi naman sa sinasabi kong hindi siya mabait—mas tamang sabihing napakagalang niya. Kahit sino pa 'yan, nagiging considerate siya. Kaya, sa totoo lang, isa 'yon sa mga dahilan kung bakit ayaw kong lagi niya 'kong binibigyan ng kung ano-ano. Pakiramdam ko kasi, nate-take advantage ko siya. E ang kaso, napakatigas naman ng ulo niya.
Pero, kung mayro'n man sa mga ginagawa niya ang ayaw kong tigilan niya, 'yon ay 'yong lagi niya 'kong isinasama 'pag nagluluto siya ng pagkain nila ng kuya niya.
Kaso nga lang, dalawang buwan na lang at aalis na siya.
Pero 'di bale, dalawang buwan pa naman 'yon.
Napalitan ng malungkot na ngiti 'yong ngisi sa mukha niya. "Huy"—sinundot niya 'ko sa tagiliran—"'yung mukha mo. 'Andito pa 'ko, 'oh. 'Di ba may kasunduan na tayo?"
Sabi niya kasi kanina, magsabi lang daw ako at hindi siya tutuloy sumampa sa barko sa May. Sigurado pa rin naman daw kasi 'yong pagsampa niya sa March sa susunod na taon e. Pero hindi ako pumayag. Hindi kasi 'yon kaya ng konsensya ko.
Pakiramdam ko, sobra-sobra 'yong binibigay niya sa 'king kapangyarihan sa buhay niya. E sino ba naman ako?
Syempre, may bahagi sa 'king gustong muling maramdaman 'yong pakiramdam na maging priority ako sa buhay ng taong mahalaga rin sa 'kin, pero hindi naman na 'ko bata para hindi ko maintindihan kung pa'no gumagalaw ang tunay na mundo. Pangit mang isipin, pero alam kong masmahalaga pa rin 'yong kikitain niyang pera kaysa sa 'kin. Isa pa, sabi ko sa kanya kanina, dahil masmaaga siyang magsisimula, masmaaga rin siyang matatapos. Sigurado, masmapapaaga 'yong sinasabi niyang balak niyang pagki-quit sa pagiging seaman. Hindi ko alam kung bakit, pero bigla siyang naluha no'ng sinabi ko 'yon.
"'Di mo pa ba talaga 'ko sasaguten?" maluha-luha niyang sinabi sa 'kin.
"Ampogi mo naman!" ang sarcastic na naisagot ko lang sa kanya.
Pero sa totoo lang, sa puntong 'yon, gusto ko na talagang um-oo sa kanya. Kaso, naisip ko, 'tang ina, hindi pwedeng eleven days lang ako mapapasagot nito. Oo, sabi ko kay Yuri no'ng una, na old-fashioned na 'yong panliligaw, na mas okay sana 'yong mag-date-date na lang kami kung para lang naman din magkakilanlan pa kami nang masmaigi, lalo pa at pareho naman kaming lalaki. Kaso, sabi kasi ni Mark, gusto niyang maranasan kung pa'no manligaw—kaya, iyan. Pero—pahabol niya—'wag daw akong mag-alala, kasi nga, ako lang daw ang balak niyang ligawan.
"Okay lang na hindi mo pa 'ko sagutin ngayon, basta sa 'kin lang lahat ng free time mo habang 'di pa ko nakakaalis, ha?"
At pumayag naman ako.
Kasi, 'yon naman na talaga ang naging setup namin simula pa no'ng birthday niya e. Basta parehas kaming libre, magkasama kami.
"Um, ano," medyo asiwa kong pagsisimula nang makapasok na sa unit ko si Mark, "I know—"
"Tag'log."
Tinignan ko nang masama si Yuri. "Alam ko—'yan, Tagalog na, ha?—alam ko, nagkita na kayo at magkakilala na kayo sa mukha, pero hindi pa kasi talaga kayo nagkakaduapang palad," sadya kong pagta-Tagalog nang medyo malalim. Binigyan ako ng weird na tingin ni Mark, habang nag-make face naman sa 'kin si Yuri. "Kaya, 'yan. Yuri, ipinakikilala ko sa 'yo ang ano"—bahagya 'kong natawa—"'yung kapitbahay naten. Si Mark. Mark, si Yuri."
"Bayaw," bati ni Mark sa kapatid ko habang nagse-shake hands sila.
Natawa 'ko. 'Di ko akalaing gano'n-gano'n niya lang na rerektahin si Yuri.
"Buh-what?"
"Wala 'yon. 'Wag mo pansinen," tatawa-tawa kong sagot kay Yuri bago maupo sa tapat niya sa mesa. Naupo naman sa tabi ko si Mark, at nagsimula na rin kaming magsikuha ng kanya-kanya naming pagkain.
"Ito ayaw turuan 'yung kapatid n'ya," may pagka-fake concern na pagsita sa 'kin ni Mark, na tinawanan ko lang ulit. Bumaling siya kay Yuri. "Bayaw 'yung ano, 'yung kapatid 'yon ng asawa ng isang tao. So, ano, bayaw kita"—nagturo siya ng daliri kay Yuri at pagkatapos, sa 'kin naman—"kasi kapatid mo 'yung asawa ko. Kuha mo?"
Tumango-tango si Yuri habang iiling-iling naman akong tumatawa sa explanation nitong katabi ko.
"Brother-in-law, tama ba?" Nakangising tinanguan siya ni Mark. "What's so funny?" deadpan pero alam kong pabirong tanong ni Yuri sa 'kin.
"Wala! 'Tsaka mag-Tag'log ka nga," panggagaya ko sa pronunciation niya.
"Ay, Bayaw, okay lang sa 'ken mag-English ka."
"Sipsip pa!"
Naging maayos naman 'yong unang pag-uusap no'ng dalawa. Hindi sila nahirapang magkaintindihan. Mabilis pa nga silang nagkasundo e—dahil na rin siguro sa mga personality nila. 'Yong isa, outgoing, habang 'yong isa naman, mabait. Kaso, feeling ko, kailangan kong bantayan 'tong dalawa 'pag lumipas pa 'yong mga araw. Baka kasi utu-utuin lang ni Yuri si Mark at pagkatapos, magpauto naman 'yong isa.
Pagkatapos kumain, pumasok na rin agad si Yuri sa kwarto niya—marami pa raw kasi siyang ie-edit na video—habang tumambay naman kami ni Mark sa terrace sa kwarto ko. Bukod kasi sa nasa kabilang side na ng building 'yong sikat ng araw, laging mahangin rin doon sa terrace. Parang sa roof deck lang. Kaya, sobrang nasusulit ko talaga 'tong terrace na 'to 'pag walang pasok sa school noon at lalo na nga ngayon, kasi nga, graduate na 'ko—wala pa 'yong ceremony pero gano'n din naman 'yon. Sinapinan namin ni Mark 'yong terrace ng basahan, at doon kami magkatabing naupo, nakatanaw sa mga building sa malayo.
"Mark, may sasabihin pala 'ko sa 'yo. Ngayon ko lang naalala."
"Um?"
"Ex ko 'yon si Hannah."
Saglit siyang tumingin sa 'kin. "Alam ko. Sabi n'ya." Kinunotan ko siya ng noo. "Sinabi kasi ni Kuya sa kanya na ikaw nga daw 'yung majority owner nu'ng Two-Twenty, tapos sabi n'ya, ex ka nga daw niya. Sabi pa nga n'ya, buti na lang daw single ka pa rin hanggang ngayon, kase—" bumuntong-hininga siya nang may kahalong inis.
Bahagya 'kong natawa. "Uy, nagbibiro lang 'yun, ah? Baka sineryoso mo?"
"Biro daw," may bahid ng pagsusupetsa niyang bulong.
"Oo nga! Ganu'n talaga 'yon magsalita." Nginisian ko siya at marahang siniko. "'Wag ka mag-alala. Kung nasa ground floor siya, nasa fifteenth floor ka naman."
Tumawa siya nang malakas at saka umakbay sa 'kin at pinapalo-palo 'yong balikat ko. "Wow naman!" Halos mahati 'yong mukha niya sa laki ng pagkakangisi niya sa 'kin. "Bumabanat ka na, ah! Pa-kiss nga?"
"Pinapangiti ka lang ta's biglang naging halik na agad."
Tatawa-tawa pa rin siya. "E di 'wag! Baka magsisi ka—pagkatapos ng dalawang b'wan, anim na b'wan pa ulet bago tayo magkita."
Ako naman ang natawa ngayon. "Napaka neto!" Iniumang ko sa kanya 'yong pisngi ko. "Oh, kiss na!"
"Ayo' ko d'yan. Sa lips ang gusto ko."
"Choosy amputa."
Ngumisi siya nang humarap ako sa kanya bago nakadilat at buong ingat na inilapat sa 'kin 'yong mga labi niya. Halos walang diin 'yong pagkakalapat no'n. Ramdam ko lang 'yong pagkakadikit ng balat ng mga labi niyang pinagigitnaan 'yong ibabang labi ko at 'yong balat ng itaas niyang labing pumapagitna sa mga labi ko. Kumbaga, parang pinagdikit lang talaga niya. Ilang segundo kaming nagtitigan bago ko naramdamang gumalaw 'yong mga labi niya, at saka lang ako pumikit at tumugon sa paghalik niya sa 'kin.
Habang tumatagal, alam ko—ramdam ko—na may libog na 'yong paghalik niya sa 'kin. Pero hindi ko magawang tumigil. Hindi ko mahagilap sa sarili ko 'yong pagtitimping pigilan siya. Bawat paggalaw ng mga labi niya, pagtugon lang ang dikta ng utak ko at bawat pagtugon ko naman sa kanya ay tinutugunan niya ng masmalalim at masmariing halik. Hanggang sa wala sa isip kong sinalubong ang labi niya ng dila ko at wala pang isang saglit, ramdam ko na rin 'yong pagkiskis ng dila niya sa 'kin—ang init, ang lambot, ang tamis.
Halos kapusin ako ng hangin.
Para 'kong nalulunod.
Kasabay no'n, para rin akong sinisilaban.
Nagsimula nang maglakbay 'yong mga kamay niya sa katawan ko at 'yong mga kamay ko naman sa kanya, pero parang kapwa kami nagkasundong hindi lalagpas ang mga 'yon sa mga bewang namin. Pinisil ko 'yong balat sa ilalim ng T-shirt niya. Gusto kong hubarin 'yon. Gusto kong maramdaman 'yong pagdikit ng mainit niyang balat sa balat ko. Hinagod ko pataas 'yong likod niya at saka ko siya hinawakan sa batok at mas idiniin 'yong mukha niya sa mukha ko . Mas lalo kong naramdaman 'yong pagpapalitan namin ng hininga.
Mainit.
Nakakaadik.
Ayaw ko nang tumigil.
Parang pagkatapos ng napakahabang panahon, ngayon lang ulit ako nag-init nang ganito at ang tanging gusto ko lang ay ang tuluyan nang magliyab.
"Aaahhh! Yamete!" malakas na biglang sigaw ng isang babae, 'yong katulad sa mga Japanese porn.
Halos masamid ako sa gulat.
Napatigil kaming dalawa ni Mark at nagkahiwalay. Kita ko sa mga mata niya 'yong pagkalito. Pulang-pula 'yong mukha niya, at—sigurado ako—gano'n din ako.
"Sorry!" sabi ng kapatid ko, na may halong nang-aasar na tawa, galing sa bintana ng kabilang kwarto. Nakadungaw siya ro'n, nakangisi. Nag-peace siya sa 'min. "Ni-try kuh lang," walang kwenta niyang palusot bago mabilis ring naglaho mula ro'n sa bintana. Pero kahit na wala na siya ro'n, rinig na rinig ko pa rin 'yong tawa niyang lumalabas sa bintana.
Hindi ko alam kung saan pa kami mapupunta ni Mark kung sakaling hindi kami pinagtripan ni Yuri, kaya sa loob-loob ko, nagpapasalamat na rin ako sa kanya. At least, nakaiwas kami ni Mark sa isang awkward na sitwasyon. Pero, kahit na gano'n, gusto ko pa ring gantihan si Yuri. Hindi ko pa nga lang alam ngayon kung papa'no.
Nagkatinginan kami ni Mark. "Sorry, nadala 'ko," sabi niya nang may ngiti.
Bahagya naman akong natawa. "Ako rin naman."
Nagdampi ulit siya ng isang masuyo at mabilis na halik sa mga labi ko, isang halik na lalong nagpabilis ng tibok sa loob ng dibdib ko.
Magsasalita sana siya, pero inunahan ko na siya.
"Don't say it," sabi ko. Diretso 'kong nakatitig do'n sa mga black hole niyang mga mata. Ramdam ko—alam ko—kung anong gusto niyang sabihin.
Bumuntong-hininga na lang siya at tumango bago bahagyang natawa.
Nag-iwas siya ng tingin—hindi, mali pala. Nilibot niya ng tingin 'yong terrace. Hinipo niya 'yong railings pati 'yong pader ng kwarto ko at saka ako binigyan ng malaking ngisi.
"Ikaw pa lang 'ata ang kilala kong may ganito kalinis na terrace dito. Pwedeng tulugan e!"
"Lagi kase 'ko dito. 'Di kase 'ko mahilig lumabas e," paliwanag kong may kasamang kibit-balikat. Tumingin ako sa loob ng kwarto ko, sa gitara sa sulok, at sa set ng weights sa tabi ng kama ko. Tapos, bumalik ako sa mga mata niya. "'To lang naman kasi talaga 'ko."
Hindi ako maluho sa mga bagay-bagay. Ito lang, 'yong mga mayro'n ako ngayon, sapat na sa 'kin. Hindi ko na nga maalala kung kailan ako huling naghangad talaga ng isang bagay e—kaya, siguro, 'pag may hinihingi ako no'n kay Lola, binibigay niya agad. Pero—sigurado ako—malulungkot ako kung sakaling may magtayo ng building sa harap nitong condo at harangan 'yong walang kwentang view ko rito sa terrace. Buti na lang talaga, alam kong malabong mangyari 'yon.
Ngumiti si Mark bago tuluyan na ngang humiga sa sahig at umunan sa hita ko.
"I love you."
Napatitig ako sa kanya.
Sinabi ko na ngang 'wag sabihin e.
"Sorry," sabi pa niya nang may malaking ngisi, "not sorry."
Bumuntong-hininga 'ko. "Baka lagnatin ka kaka-English, ah?"
"Check mo, oh." Kinuha niya 'yong kamay ko, ipinatong sa leeg niya, at uto-uto naman akong sinalat 'yon. "Kanina pa 'ko nag-iinit."
"Putek."
Tulad ng bawat pagkakataong kasama ko si Mark, mabilis na lumipas ang oras. Para bang kaka-doorbell pa lang niya kani-kanina lang, tapos alas tres na agad ng hapon ngayon at kailangan na niyang pumasok sa trabaho. Pero, hindi tulad ng dati, ang pakiramdam ko ngayon ay mayro'n na kaming taning. At, alam ko, ramdam din niya 'yon.
Kaso, wala naman ako—kami—magagawa ro'n.
Mayro'n o wala, iikot pa rin ang mundo.
Siguro—baka lang naman—ito na ang dahilan kung bakit buong buhay ko, halos taon-taon akong iniiwan at binabalikan ng mga magulang ko. Sinasanay lang siguro nila 'ko sa ganitong setup.
Aalis, darating, aalis ulit, at darating ulit.
Wala nang nagbago.
Pero 'king ina, Yuan. Ang drama mo!
Gano'n naman 'ata kasi talaga ang buhay—paulit-ulit kang iiwanan at babalikan.
Sanayan na lang.
Sanayan na lang talaga.
Napabuntong-hininga 'ko.
"Ba't pala five-hour shift ka pa ren? Wala ka na school, 'di ba?" tanong ko kay Mark habang nakasakay kami sa elevator papunta sa ground floor. Sa 220 ang punta niya, habang sasaglit naman ako sa Southmall para mag-grocery.
"Ayo' ko mag-eight hours," sagot niya. "'Kapagod 'yon. Saka mawawalan na 'ko ng oras sa 'yo 'pag nag-eight hours pa 'ko. Teka... sabi mo wala pa naman kayo gig sa weekend, 'di ba?"
"Baket?"
"Balak ko kase umuwi sa Sabado, ta's balik ako ng Monday. Baka lang pwede ka."
"Check ko kay Yuri, ha? Honestly, wala 'kong alam sa mga sched namen. I mean, kung wala namang bagong gig, ganu'n pa rin ang sched namen kaso... wala 'kong balita kung may bago."
"Okay. 'Wag mo ide-delete 'yung mga alarm, ha?"
"Opo, Itay!" Medyo nagpantig 'yong tenga ko. "Puta."
Tumawa siya. Naglagay kasi siya ng alarm sa phone ko. Apat pa nga e—4:30 a.m., 4:35 a.m., 4:40 a.m., at 4:45 a.m. Kapag 4:50 na daw at hindi pa 'ko nakakalabas sa unit ko, 'yong doorbell na namin ang gagawin niyang alarm para sa 'kin. Sabi ko nga sa kanya, e pa'no na lang 'yong paninipsip niya kay Yuri? Malamang maurat 'yon 'pag nagising nang wala sa oras. Ang sagot ba naman sa 'kin, ako na lang daw ang sisipsipin niya.
'Tang ina.
Na-imagine ko tuloy.
Kanina kasi, nang nabanggit kong hindi na 'ko nakakapag-jump rope dahil nga sa kinain na no'ng mesang binili ni Papa 'yong pwesto ko, sinabi niyang susunduin na lang daw niya 'ko bukas para mag-jogging. Sa ayaw at sa gusto ko. MWF daw ang schedule niya kaya sumakto ngang bukas 'yong susunod. Sa totoo lang, 'yon yata 'yong unang beses na naging assertive siya sa 'kin. Kahit kasi ayaw kong pumayag—dahil 'tang ina, masarap matulog—ginamit niyang dahilan 'yong kasunduan namin para wala na 'kong masabi at ipinaalala na naman niya sa 'king dalawang buwan na lang, paalis na siya.
"Basta, susunduin kita bukas. May kasunduan na tayo," halos ulit-ulitin niya kanina dahil paulit-ulit din akong tumatawad ng oras.
Wala naman kasi kaming napagkasunduang babawasan niya pati 'yong oras ng pagtulog ko.
Napaisip tuloy ako kung anong free time ba 'yong tinutukoy niya kanina no'ng nagkasundo kaming sa kanya na ang lahat ng free time ko.
"'Tsaka 'yung mga nilista ko, ha?"
"Opo, Itay. Nasa wallet ko po!"
Isa pa kasi sa napagkasunduan namin habang 'ando'n kami sa unit ko, imbis na doon siya sa unit nila magluto ng almusal naming tatlo ni Yuri—pati na rin ng lunch namin, kasama na 'yong kay Kuya Kevin—doon na lang siya magluluto sa unit namin at kami na rin ang bibili ng mga ingredients. Nahihiya kasi ako kay Kuya Kevin na parang siya ang nagpapakain sa 'min ni Yuri nang hindi niya nalalaman. Kaya, tinignan ni Mark 'yong mga stock namin at gumawa siya ng listahan ng mga kailangan kong bilhin sa grocery ngayon. Hindi naman 'yon gano'n karami dahil nga nag-grocery naman kami ni Yuri sa MOA, kasama si Bryan, no'ng Linggo.
"Sigurado ka ba kaya mo mamili mag-isa?"
"'Takte naman, P're! Tingin mo sa 'ken?"
Ngumisi siya. "Syempre ayo' ko lang napapagod ka."
"Ayaw mo pala e ba't hinahatak mo 'ko mag-jogging?"
"Syempre para lagi kang masarap!" Sabay halakhak.
"Tss."
Napailing ako habang tawa naman siya nang tawa sa mga pinagsasabi niya.
Kinagabihan, pinapunta ko na lang si Yuri sa Southmall para mag-dinner. Saglit lang sana 'yong balak kong paggo-grocery kaso, naglibot-libot pa muna 'ko. Gusto ko kasing maghanap ng going-away gift para kay Mark. Oo, matagal pa naman 'yong dalawang buwan, pero hindi kasi ako magaling mag-isip ng mga appropriate na bagay para sa gano'n. Ako 'yong klase ng taong nagbibigay ng mamahaling panyo 'pag may exchange gift. Basta, sa isip-isip ko kapag gano'n, at least, hindi underwear.
Kaya, nagtingin-tingin muna 'ko kung anong mga pwede kong bilhin para magkaro'n ako ng idea. Kaso, masyado 'kong nawili at bago ko pa namalayan ang oras, lagpas alas syete na nang matapos akong mag-grocery. Tinatamad akong magbitbit ng take out, at mas tinatamad din akong magluto pa ng pagkain namin ni Yuri.
Actually, napaka-compatible naming housemates nitong kapatid ko. Tamad akong magluto pero mas ayaw ko namang maghugas ng mga plato, habang kabaligtaran naman siya. Nahahawa na nga siya sa pagkahilig ko sa sandwich e. Bukod sa 'di namin kailangang magluto nang seryoso—kung sakaling kailangan talagang magluto—sobrang kaunti rin ng huhugasan kapag sandwich ang pagkain namin. Nabubusog kami nang walang kapagod-pagod.
Pero, syempre, ibang usapan naman 'yong kung magluluto si Mark.
Akala ko nga, biased lang ako e. Pero kahapon, no'ng natikman ni Yuri 'yong chopsuey at fried rice no'ng isa, kulang na lang laitin niya 'yong luto ko. Nalaman ko pa tuloy na masarap daw magluto si Mama.
"Ri."
"What?"
"Walang gig sa weekend, 'di ba?"
Sumubo siya ng tatlong mojos at lumagok ng iced tea bago tumingin sa 'kin nang may pagsususpetsa. "Why?"
"Pwedeng 'wag ka muna magpa-book? And can I leave you for three days?"
"Why?"
Napakamot ako ng ulo sa mga one-word questions niya. Pero kwinento ko naman sa kanya 'yong dahilan, pati na rin 'yong dahilan ni Mark kung bakit siya uuwi ngayong weekend. Sobrang kaunti lang, pero ang pakiramdam ko, nagpipigil ng ngiwi si Yuri habang nagkekwento 'ko.
"Keyuh pah-luh." Tumango-tango siya.
"So? 'Tsaka pwede bang mag-English ka na lang?"
"Uh-yow kow."
"'Takteng bata 'to."
Tumawa siya nang nakakaasar bago umiling at nagseryoso. "Sorry, Bro, but—um—you can't." sabi niya habang inuubos 'yong mojos na dapat pinaghahatian naming dalawa.
"I can't?"
"You can't." At napangiwi na nga siya nang tuluyan. "Um, Mom's arriving this weekend."
Natigilan ako't napakunot ng noo sa kanya. "Baket? 'Tsaka... bakit sa 'yo, ano, nagsabi s'ya ta's sa 'ken hinde?"
Lalo pa siyang ngumiwi. "I dunno," pagkibit-balikat niya.
"What day is she arriving?"
"Sunday."
"Wrong timing naman 'yan! Sabihin mo, next year na s'ya."
"Kuya naman."
"Kuya naman," iiling-iling kong panggagaya sa kanya.
At least, kahit papa'no, pasado na 'yong Tagalog accent niya ro'n.