27


Biyernes ng gabi, mga alas sais y media, naabutan namin ni Yuri si Ms Sheila na nakatayo sa harap ng stage. Agad siyang ngumiti at kumaway sa 'min nang makita niya kami. Naglibot ako ng tingin, pero wala pa sina Bryan at Chester, samantalang mukhang nasa kitchen naman si Mark dahil hindi ko siya makita kahit saan sa dining area.

"Oy, Yuan!," masayang pagbati sa 'min ni Ms Sheila. "And you should be Yuri—"

"The one and only!"

"—na-meet rin kita finally."

"Ngayon ka lang nagparamdam, Ate." Nginitian ko siya—para talaga siyang si Betty Boop. "Sabi mo, aalagaan mo kame?"

Nakahampas agad siya sa braso ko. "Speak for yourself. Lagi ko kayang kausap 'tong brother mo. Nako ha, kayong magkapated!" sabi niya, sabay kurot sa utong ni Yuri habang tumatawa. Nanlaki 'yong mga mata ko.

"Uy, Ate—ano—um, minor pa 'yan."

"Kuya?!"

"Hoy, Yuan, ang dumi ng utak mo," pagtawa nang malakas ni Ms Sheila sa sinabi ko. "Ayo' ko ng bagets, 'no!"

Napangisi lang ako sa kanya pati na rin kay Yuri. "I'm just saying."

Hindi naman kasi siya 'yong inaalala ko e, kundi 'yong kapatid kong ipinaglihi 'ata sa gabi. Sabi ba naman no'n sa 'kin no'ng araw na pinagalitan ko siya, pinagbibigyan lang daw niya 'yong mga may gusto sa 'kin. Tuwing naaalala ko, napapailing na lang ako e. Talagang ako pa talaga 'yong sinisi niya sa kalandian niya.

"Anyway, before I forget, pina-move ko 'yong set n'yo. Pang-third na kayo tonight. Gusto kasi kayo marinig nang live ng friend ko e," sabi niya nang may kasamang quotation marks sa ere do'n sa parteng tinukoy niya 'yong 'friend' daw niya. "Don't worry. Nasabihan ko na 'yung first and second band kanina pa. Kayo lang 'yung nakalimutan ko sabihan." Sabay tawa. "Galingan n'yo, ah? Scout 'yon."

Napakamot ako ng ulo. "E kaso, ano, acoustic lang kami ngayon."

"It's fine. Actually... ikaw, ora mismo, gusto ka na n'yang i-sign—"

"Send me the contract," pagsabat ni Yuri.

"Tss."

"—kaso, I'm sure ayaw mo. Actually, hindi ako, pero si Kevin ang may sure na ayaw mo daw. Pero just in case na interested ka, sabihin mo lang sa 'ken." Sabay tawa at turo sa katabi ko. "Or sabihin mo sa brother mo."

Tumango-tango ako. Tama si Kuya Kevin. Hindi ako interesado sa gano'n. Wala naman talaga sa mga pangarap ko 'yong sumikat e. Nagkataon lang talaga siguro. Though, I'm sure, iba 'yong opinyon ni Yuri sa opinyon ko.

Isa pa, kung papasok man ako sa entertainment industry, hindi 'yon para maging singer lang. Mas gusto kong makasama sina Bryan sa gano'n. Tutal, mas gusto naman talaga nila 'to kaysa sa 'kin e. Mas gusto kong sa simula pa lang, malinaw na agad na part lang ako ng isang rock band. Hindi ako ang nagdadala sa kanila, dahil no'ng una pa lang, wala naman ako rito kung hindi nila 'ko napilit.

Saka, ayaw ko rin maging singer lang dahil gets ko 'yong sinabi sa 'kin ni Mark noon tungkol sa mga singer sa Pilipinas, na wala naman talagang nararating sa music 'yong mga nananalo sa mga singing contest sa TV rito dahil kung ano-ano na lang na genre ang pinapakanta sa kanila. Kumbaga, walang artistry. Yumayaman lang. Parang juke box lang na hinuhulugan ng barya, tapos tutunog na ng kahit anong piliin mong kanta. Pero, hindi rin naman kasi nila siguro choice 'yon. Wala rin naman kasi talagang tenga ang mga Pinoy sa music e. Dito kasi sa Pilipinas, dalawa lang ang genre ng music: catchy at hindi catchy.

Kaya, kung sakaling may balak man akong pumasok sa music industry nang sarili ko lang, magma-migrate na lang ako sa Canada at doon ko ipagpipilitan ang sarili ko.

Buti na lang talaga, maraming bar na katulad nitong 220 para sa mga gustong mag-explore ng mga trip nila sa music. Akala ko pa nga no'ng una, hindi napupuno 'yong mga ganitong bar dahil sa entrance fee—e napakahilig ng mga Pinoy sa libre, 'di ba? Pero, sa tuwing 'andito kami, nakikita naming mas madalas, puno itong resto hindi lang dahil sa 'min kundi sa ibang mga banda rin—'yong iba nga, solo act pa e. Hindi lang naman kasi puro rock band ang tumutugtog dito. May mga ibang genre rin, at nakikita kong may kanya-kanyang fan base din 'yong mga 'yon.

"No, Ate," sagot ko kay Ms Sheila. "I'm either doing it with my band or nothing."

Nagulat ako nang bigla na lang may umakbay sa 'kin at hinatak ako't hinalikan sa pisngi, sabay sabing, "Ang sweet mo naman!"

Agad ko siyang itinulak, sabay punas sa pisngi kong hinalikan niya. "'Tang ina ka, Chester!"

Tatawa-tawa lang siya. Sa likod niya, nakangisi rin 'yong kambal na naka-uniform pa rin hanggang ngayon. Mukhang narinig nila 'yong huling part ng usapan namin.

"Guys, si Miss—ow"—mabilis akong napalo sa braso ni Ms Sheila—"I mean, ate daw. Ate. Ate Sheila." Isa-isa ko namang itinuro 'yong tatlo sa kanya. "Ate, si Chester, Ron, at si Bon."

Pagtingin ko ro'n sa kambal, muntik na 'kong matawa nang malakas. Naalala ko kasi 'yong comment ni Ms Sheila sa kanila tungkol sa spit roast. Buti na lang, napigilan ko 'yong sarili ko. Kaso nga lang, hindi ko napigilan 'yong ngising lumabas sa mukha ko. Parang akala tuloy ni Ron, sa kanya 'ko nakangisi kaya ngumisi rin siya sa 'kin at kumaway. Pilit, pero kumaway na lang din ako.

Ewan ko ba, pero lately talaga, nao-awkward-an na 'ko pagdating sa kanya. Kahit anong pilit ko, nahihirapan akong pakisamahan siyang katulad ng dati.

Kasalanan ni Yuri 'to e. Kung ano-ano kasing napapansin.

"Nice to meet you, guys!" bati ni Ms Sheila do'n sa tatlo.

Sakto namang dumating na rin si Bryan nang saglit na 'yon, sukbit ang gitara sa likod. Pagkakita ko pa lang sa kanya, alam ko nang may seryoso siyang problema. Parang may kung anong mabigat tuloy na bumalot sa dibdib ko; hindi kasi ako sanay na gano'n 'yong ere niya. Hindi naman sa halatang namomroblema siya, pero sa tagal na naming magkakilala at magkasama, memoryado ko na 'yong mga signs para do'n. At sigurado ako, alam rin niyang alam kong may problema siya nang magkatinginan kami. Ang kaso, hindi ko naman siya matanong dahil mukhang ayaw niyang magpahalata sa harap ng mga kasama namin. Tinapik ko na lang siya sa braso at nginitian naman niya 'ko.

"Bry, si Ate Sheila—"

"Napaka-unaware mo naman, Yuan." Tatawa-tawa si Ms Sheila. "Magkakilala na kame n'yan."

"Ay." Bahagya na lang din akong natawa.

Dahil may mga dalawang oras pa bago kami sumalang, nagpasya kaming tumambay na lang muna sa coffee shop sa malapit habang naghihintay. Nakapag-early dinner na kasi kaming lahat at himalang ayaw pa mag-inom nitong mga kasama ko, kahit 'yong kambal na hindi naman kasali sa pagtugtog namin ngayon. Mamaya na lang daw pagkatapos ng set namin. Wala raw silang dalang sasakyan ngayon kaya kahit umagahin pa kami ay ayos lang.

Bago kami umalis ay hinanap ko naman muna si Mark para sabihan siya sa pagbabago ng plano namin at sinabi niyang mapapanood din naman niya kami dahil saktong time out niya 'yong oras ng slot namin, pero uuwi na rin siya agad pagkatapos dahil madaling araw pa ang alis niya bukas. Tuloy pa rin kasi talaga siya sa pag-uwi sa kanila bukas ng umaga. No'ng gabi rin no'ng Tuesday, sinabi ko na sa kanyang hindi nga ako makakasama sa kanya sa pag-uwi, at nang sinabi ko sa kanya 'yong dahilan kung bakit, hindi naman na niya 'ko pinilit. Sinabi na lang niyang uuwian na lang niya 'ko ng chicharon at tupig.

Gaya ng napagkasunduan namin no'ng Martes, mas napadalas 'yong mga oras na magkasama kaming dalawa. Mula sa pagsundo niya sa 'kin sa umaga para sumama sa kanyang mag-jogging hanggang sa oras ng pag-alis niya papuntang 220, halos hindi kami naghihiwalay. Ramdam kong parehas naming sinusulit 'yong bawat sandaling magkasama kami. At alam ko, unti-unti—kung unti-unti pa bang matatawag 'yon—mas lalo akong nahuhulog.

Kaso, kasabay no'n, mas lalong tumitindi 'yong pakiramdam ng unti-unting pagsakal ng taling nakapulupot sa leeg ko. Lalo na sa tuwing naiisip kong habang lumalakad ang oras, palapit na rin nang palapit 'yong araw ng pag-alis niya. Hindi ko akalaing muli ko 'yong mararamdaman; pinakahuling beses, no'ng huling Paskong nasa elementary pa 'ko at nakatakdang muling bumalik na sa Canada sina Yuri, Papa, at Mama pagkatapos ng Bagong Taon. Gusto ko noong sumama sa kanila, pero mas ayaw kong iwanan si Lola. Pagkatapos ng ilang buwan no'n, tumuntong ako ng highschool, nakilala ko sina Bryan at Thor, at para 'kong nagkaro'n ng panibagong pamilya. Tuluyan nang nawala sa alaala ko 'yong pakiramdam no'ng taling 'yon. Pero, muli iyong nagbalik ngayon.

No'ng una, bilang na bilang ko pa kung ilang mga halik na 'yong namagitan sa 'ming dalawa. Ngayon, ang tanging naaalala ko na lang ay 'yong lambot, init, at tamis ng mga labi niya at 'yong lasa at pakiramdam ng dila niya sa loob ng bibig ko. Parang kahit na ilang beses pa niya 'kong halikan at kahit na ilang beses ko pa siyang halikan, hindi ako magsasawa. Lalo na, sa tuwing pagkatapos ng bawat halik, 'yong mga itim niyang mga matang laging nag-uumapaw ang una kong nakikita.

Alam kong gusto niyang mag-sex na kami. Ramdam ko 'yon sa tuwing magkakadikit kami, sa bawat halik niya't bawat haplos, at sa tuwing tatanungin niya 'ko kung sinasagot ko na ba siya. Ngunit, alam kong alam din niyang may bahagi pa sa 'king puno ng agam-agam pagdating do'n. Kung sex lang kasi, para sa 'kin, nakadaling ibigay no'n. Pero, alam kong hindi lang naman basta pagpapalabas lang ng init ng katawan 'yong gusto ni Mark.

"Ang tahimik n'yong dalawa," pagputol ni Bon sa takbo ng isip ko. Tatawa-tawa siyang nagsasalitan ng tingin sa 'min ni Bryan.

"Ewan ko, P're," sagot ko sa kanya. "Just something in the air."

"Magtu-two weeks pa lang kapatid mo dito, ini-English mo na agad kami," sabi niya nang may ngisi.

Nakita kong napangisi 'yong nasa tabi kong si Bryan, habang bahagya namang natawa sina Ron at Chester, pati na rin si Yuri. Napakamot lang ako ng ulo, ramdam 'yong slight na pag-init ng mga pisngi ko.

"Alala ko tuloy nu'ng kakauwi lang nito galing Canada," sabi ni Chester. "'Tang ina, na-nose bleed ako e."

"Ulul!" balik ko sa kanya. "Kahit Tagalog naman hirap ka talaga umintinde."

Tumatawa, pero binatukan ako ni Bryan. Mahinang mahina lang naman.

Nagkangisian na lang kami.

Pagdating ng alas nueve, nakaupo na 'ko sa stage ng 220, kasama si Bryan na nakaupo sa kaliwa ko, hawak 'yong gitara niya, at si Chester naman sa kanan kong nakaupo sa beatbox niya, may hawak na tambourine, at kaharap 'yong baon niyang chimes.

Kumpara sa dati naming mga gig dito na kahit papa'no'y may mauupuan pa, lahat ng table ngayon sa loob at labas ng resto ay okupado na. Tatawa-tawang sinabi lang sa 'kin kanina ni Kuya John na it's the power of nine o' clock daw. Actually, wala nga sanang mauupang table sina Yuri at 'yong kambal e. Buti na lang, ipinag-reserve kami ni Mark ng table; doon sila ngayon magkakasamang nakaupo.

Napabuntong-hininga ako.

Ang daming tao. Kahit saan ako tumingin, puro tao ang nakikita ko.

Nakakabuhay ng dugo.

Wala nang intro-intro, 'di katulad sa practice namin, unang strum pa lang ni Bryan sa unang chord no'ng kanta, pumasok na agad ako.

Hey, ja-ja-jaded!—

Napangisi ako habang kumakanta dahil sabay na lumingon sa 'kin 'yong dalawa, halatang nagulat sa biglang pagpasok ko sa kanta.

—so jaded. You think that's where it's at, but is that where it's 'sposed to be?—

Pagkarating sa chorus, nagmuwestra kong pumapalakpak sa taas ng ulo ko, at—walang palya—sumunod 'yong audience sa rhythm, habang sumasabay naman sa kanta 'yong mga nakakaalam no'ng lyrics.

My, my baby blue. Yeah, I've been thinkin' 'bout you, my, my baby blue—

Buong set, hanggang sa encore, para 'kong naka-drugs. Buti na lang, anim na kanta lang 'yon, kasi kung mas marami pa ro'n, malamang na napaos na 'ko sa paraan ng ginawa kong pagkanta. Pero worth it din naman, kasi parang natanggal no'n 'yong mga nakatusok sa loob ng dibdib ko. Ramdam kong lumuwag 'yong paghinga ko.

Nakaka-refresh, kumbaga.

'Yong parents ko, si Hannah, si Thor, 'yong seventy days na lang aalis na si Mark?

Pakiramdam ko, na-reset-RAM lahat 'yon.

Hindi ko alam kung anong mayro'n ngayon na wala kahapon at no'ng Wednesday, pero gusto ko sana laging gano'n. Hindi naman ako nagpakitang-gilas lang do'n sa talent scout e—actually, pagkaupo pa lang namin sa stage, nawala na sa isip ko 'yong tungkol do'n. Pero, parang na-trigger 'ata no'ng ere ni Bryan kanina 'yong pakiramdam na para bang may gusto 'kong ilabas mula sa dibdib ko. Parang may gustong kumawala.

At, 'yon 'yong pilit kong ginawa habang kumakanta sa stage.

Nakakapagod, pero worth it talaga.

Though, sana naman basahin na ni Thor 'yong message ko sa kanya. "Uy musta" lang naman 'yon, pero nakaka-hurt din naman kahit papa'no 'yong ilang araw na niyang ini-ignore 'yon.

Ilang minuto pagkaalis ni Mark—nagpaalam siyang uuwi na para makapaghanda sa biyahe niya bukas at makapagpahinga—nilapitan kami ni Ms Sheila nang may malaking ngiti sa mukha. Itsura pa lang niya, alam ko nang good news 'yong sasabihin niya. Kaso, hindi ko makitaan ng saya 'yong expression ni Bryan. At, nakita kong hindi na lang ako 'yong nakakapansin no'n. Panay na ang sulyap sa kanya no'ng apat.

"Oh, guys," sabi ni Ms Sheila, "alam n'yo na 'to, E.P. na lang, oh! Ang kaso, meron ba?"

Pare-pareho kaming natawa nang awkward. 'Yong totoo kasi, hindi pa kami nag-e-effort na mag-compose ng sarili naming kanta. Masyado pa kasing busy 'yong mga kasama ko sa school. At saka—pakiramdam ko lang naman—wala naman sa 'ming nagmamadali. Ine-enjoy pa lang namin 'yong experience ngayon.

"Anyway," tatawa-tawang pagpapatuloy ni Ms Sheila, "madali na lang 'yan. May distinct style naman na kayo e. Konting jam pa and makakabuo rin kayo. Pero kayo bahala, totally up to you. Maging alternative cover band sa YouTube—yeees, naka-subscribe ako!—or have your own songs. Either way, grabe kayo! Bigla na lang kayong pumasok sa eksena." Sabay tawa nang malakas. "Basta kahit sikat na kayo, same T.F. pa rin, ha?"

"Syempre, si Manager na bahala 'jan," sabi ni Chester habang tinatapik-tapik sa likod si Yuri na tumatango-tango naman.

"Yes, the two of us should—"

"Oy," sabat ko.

Tatawa-tawa lang na sumulyap sa 'kin si Yuri.

"Sige, Ate, pag-usapan namin," seryoso at downer na sagot naman ni Bryan.

Pare-pareho kaming natahimik.

'Tang inang Bryan 'to.

Hindi ko tuloy naiwasang mapatitig sa kanya. Mas lalo 'kong nangating tanungin kung ano 'yong pinoproblema niya.

Hula ko lang naman, pero tingin ko, nabuntis nito si Jade.

O kaya, may nabuntis nga, pero ibang babae naman.

I mean, ano lang ba 'yong pwedeng makapagpatahimik sa lalaking hindi naman talaga naturally tahimik?

Sakit? Knock on wood, 'wag naman sana. Pero, kung kailangan niya ng kidney, ibibigay ko naman 'yong isa ko e.

Pagkatapos kaming iwanan ni Ms Sheila, dumating naman 'yong mga in-order namin, kaya nagkanya-kanya na muna kaming papak sa pulutan at kanya-kanya ring bukas ng alak. Pero kahit na manager pa namin si Yuri, hindi ko pa rin siya pinayagang uminom ng beer. Bottomless lemonade ang in-order ko para sa kanya. Sabi kasi ni Kuya Kevin sa 'kin, matatanggalan daw kami ng permit na mag-serve ng alak kapag nahuli kaming may binentahan at may umiinom na minor sa loob ng resto. Pero, nang pagbawalan ko, hindi rin naman nangulit si Yuri. Actually kasi, katulad ko, hindi rin naman siya masyadong mahilig uminom ng alak kaya wala namang kaso talaga.

"Mga p're."

Sabay-sabay kaming napatingin kay Bryan. Seryoso siyang naka-focus do'n sa bote ng Red Horse sa harap niya habang paulit-ulit na inaalog 'yong yelo sa baso niyang wala nang lamang beer.

"Sorry," sabi niya, "last gig ko na 'to."

Natahimik kami. Matagal. Tanging 'yong pagkanta ng banda sa stage, 'yong pagkanta ng mga sumasabay sa kanila, 'yong pag-uusap ng ilan-ilan sa paligid, at 'yong paminsan-minsang tunog ng pagtama ng mga kubyertos sa mga plato kung saan-saan sa resto lang ang pumapailanlang. Pero, walang kahit na anong tunog ang nagmula sa table namin, except do'n sa pag-alog ng yelo sa loob ng baso ni Bryan.

Hindi ko alam kung ga'no katagal, pero nakatitig lang ako sa kanya. Nanatili naman siyang nakatitig lang sa bote ng Red Horse niyang isang baso pa lang ang nababawas. Wala 'kong masabi. Kahit sino sa 'min, walang masabi. Hanggang sa si Yuri na ang bumasag sa katahimikan.

"Bryan, Bro, what're you saying?

Bumuntong-hininga si Bryan, pero hindi pa rin niya magawang tumingin sa 'min. "Next week... lipad na kami ni Mommy pa-U.S.. Ayo' ko sana, pero.... 'Di ko sure kung ga'no ko katagal do'n. Du'n ko na rin itutuloy 'yung med school ko."

Nilunok ko 'yong naipong laway sa bibig ko. "Um, Bry, pa'no—"

BLAG!

Malakas niyang inilapag 'yong hawak niyang baso sa mesa, sabay nanlilisik ang mga matang tumingin sa 'kin. "Ano?! Ikaw na naman iintindihin ko? 'Tang ina, lagi na lang ikaw!"

Natameme ako. Aminado naman akong totoo 'yong sinabi niya e, na sa 'ming dalawa, ako na lang 'yong lagi niyang iniintindi. Pero hindi ko maintindihan kung saan biglang nanggaling 'yon. Gusto ko lang namang itanong sa kanya kung pa'no na lang 'yong pangarap niya, 'yong dahilan kung bakit puro kalyo 'yong mga daliri niya. Gusto ko lang namang makasigurong nakapag-isip na siya nang maigi. Napatingin ako kay Yuri at kita ko rin 'yong gulat sa mukha niya.

"Bryan," sabat ni Ron, "P're—"

"Ano, ikaw den?!" singhal ni Bryan kay Ron. "Isa ka pang laging iniintindi e!"

"Teka, P're, ano ba nangyayari sa 'yo?" may inis na tanong ni Bon habang pilit naman silang pinapakalma ni Chester.

"'Tang ina, puro kasi kabaklaan!"

Parang saglit akong nabingi. 'Di ko alam kung bakit, pero ibang klaseng sakit 'yong naramdaman ko sa loob ng dibdib ko nang marinig ko 'yon. Sa sobrang sakit, ilang saglit na wala 'kong kahit na anong marinig.

Napatingin ako sa foam ng beer sa baso ko sa mesa, napailing, napalunok, nagpigil ng luha.

'Di ko akalaing maririnig ko 'yon, sa ganoong tono, mula mismo sa bibig ng taong itinuturing ko nang best friend sa mundong 'to.

Alam ko, wala talaga siyang preno magsalita. Alam ko, ugali na niya 'yan 'pag galit siya, na lahat ng taong nasa paligid niya, napagbubuntunan niya. Alam ko, hindi naman talaga siya galit sa 'min. At, alam ko, sa mga normal na sitwasyon, hindi naman niya talaga iyon sasabihin sa 'min. Sa 'kin.

Pero, ang sakit pa rin e.

Umiling ako, muling nilunok 'yong laway na naipon sa bibig ko, at bumuntong-hininga.

"Sige, Bryan," sabi ko, bago tumayo. Hindi ako tumingin sa kanya. Kumuha ako ng isang libo sa wallet ko at inilapag 'yon sa mesa bilang hati sa bill namin—alam kong sobra 'yon. "Saka na lang, 'pag pwede ka na makausap nang maayos. Yuri, let's go."

Saka ako walang-lingong naglakad palabas ng resto.

*

Song credits:

Jaded by Aerosmith
Songwriters: Marti Frederiksen / Steven Tyler
Jaded lyrics © Sony/ATV Music Publishing LLC


   
Buy Me A Coffee