18
Inaantok pa talaga ako pero pilit ko 'yon nilalabanan para naman may makausap si Kevin. Baka kasi antukin siya habang nagmamaneho, mahirap na. Kung anu-ano na lang ang mapagkwentuhan namin. Pati si Doraemon, Son Goku, Sakuragi at Naruto ay nasali sa usapan. Masarap naman kausap si Kevin, hindi ka maiinip sa kanya.
Nasa 70-80 kph lang ang takbo namin. Maganda ang biyahe dahil wala pa gaanong sasakyan sa lansangan.
"Mark... ilang beses ka na napunta ng Baguio?"
"Three times pa lang."
"Kelan 'yung huli?"
"Halos tatlong taon na."
"Sino naman kasama mo?"
"Si Mariel... nu'ng nagre-review siya para sa board exam."
"Swerte ni Mariel sa 'yo, 'no?"
"Swerte din naman ako sa kanya."
Hindi na siya kumibo kaya minabuti ko nang baguhin na lang ang usapan.
"Ikaw ba ilang beses ka na napunta ng Baguio?" tanong ko sa kanya.
"Once."
"Once?! Nagbibiro ka ba? Alam mo naman daan papunta du'n?"
"Madali lang yu'n."
"Kelan ka ba huling napunta ng Baguio?"
"Nu'ng bata ako, mga ten years old."
"Ano? Baka naman sa Batanes tayo mapunta niyan." Nanlaki ang mga mata ko na kanina, pipikit-pikit na.
Nakuha pa niyang matawa sa lagay na 'yon.
"May mapa naman tayo. Binili ko sa National Bookstore. Three days ko 'yun pinag-aralan."
Ano kayang palagay ng Kevin na 'to? Parang no'ng unang panahon lang... parang sila Magellan at Columbus, compass at mapa lang, makakapaglayag ka na?
"Sige, ikaw na bahala. Kahit saan tayo mapunta, okey lang. Kahit sa South China Sea pa," sabi ko.
"Ikaw naman. Wala ka kasing kabilib-bilib sakin eh. Basta, ako bahala sa 'yo."
Pagtuntong namin ng Pangasinan, almost six o' clock na no'n, pasikat na ang araw. Doon na kami nagsimulang magtanong-tanong sa bawat mahintuan namin. Kung kanina medyo mabilis ang biyahe, ngayon mabagal na kasi panay ang tingin namin sa mga signage sa daan. Ilang beses din kaming huminto para buksan ang mahiwagang mapa ni Kevin. Hindi naman kahirapan 'yong daan paakyat ng Baguio kasi tuloy-tuloy lang 'yon. Puro national highway lang ang babagtasin mo. After almost two hours, sa wakas, nakalabas na rin kami ng Pangasinan. Sa Marcos Highway na kami dumaan dahil mas safe daw do'n, masmaluluwang ang mga daan.
Saktong nine o' clock nasa Baguio na kami. Naghanap muna kami ng makakainan. Siyempre, sa Jollibee ulit. Ang dami namin in-order at 'yong iba, take out na lang. Pagkatapos no'n, diretso na kami sa simbahan. Cathedral daw 'yong pangalan. Sikat daw 'yon do'n. Malapit 'yon sa SM Baguio. Basta, do'n 'yon. Nag-research daw kasi siya ng mga lugar na pwedeng puntahan sa Baguio. Ilang beses ulit kaming nagpahinto-hinto para magtanong. Buti na lang hindi pa kami naliligaw.
Pumasok kami sa loob ng simbahan. Sa gilid kami dumaan. Kakaunti lang ang tao sa loob kaya sa bandang dulo kami pumwesto. Magkatabi kami. Tahimik lang at nagmamasid-masid. Saglit lang kami doon at agad na rin kaming umalis. Dumaan kami sa SM Baguio para bumili ng pagkain namin sa bahay. Magluluto daw siya ng adobo mamaya para sa dinner namin. Mga one hour lang ang tinagal namin doon at umalis na agad kami.
Naghanap-hanap kami ng bahay sa paligid ng Burnham Park. Mas gusto daw kasi niya ng isang buong bahay na marerentahan kaysa sa hotel.
Inabutan na kami ng ulan sa paghahanap ng bahay. Sobrang lakas ng buhos ng ulan. Wala pa naman kaming dalang payong. Wala din daw nadalang jacket or kahit anong panlamig si Huget para sa amin dahil summer na summer pa naman sa Pampanga no'ng umalis kami. Halos walang makita sa daan kaya nagpasya kami na pumarada muna sa isang gilid malapit sa park. Hintayin daw muna naming tumila ang ulan.
Halos isang oras na simula nang bumuhos ang malakas na ulan. Hindi man lang humihina kaya nagpasya na kaming ipagpatuloy na ang paghahanap ng bahay. Laging si Kevin ang bumababa ng kotse para makahanap ng bahay.
Ilang beses din kaming nagpaikot-ikot malapit sa siyudad, at sa wakas, may nahanap din kami. Isang malaking unit sa isang building malapit sa Burnham Park. Alam ko, condo units mga 'yon na pinarerentahan ng mga may-ari kapag nakabakante 'yong space. May dalawang bedroom, isang banyo, may sala, may water heater—kumpleto lahat. May kamahalan ang bayad namin sa bahay na tutuluyan namin sa loob ng tatlong araw. May savings naman daw siya at matagal niya 'yon pinag-ipunan kaya okey lang. Pero sa akin, hindi 'yon okey. Nahihiya siyempre ako.
"Basang basa ka na. Magpalit ka na agad," sabi ko.
Tumango lang siya. Parang kakaiba ang kilos niya. Ako na ang naglabas ng bihisan niya para makapagpalit na agad. Inayos ko na rin ang mga gamit namin para ilagay sa kabinet. Sa isang kwarto na lang kaming dalawa. Tutal, malaki naman ang kama. Siya naman ay diretso na sa kitchen para magluto. Tahimik lang siya pagdating sa bahay. Nakakapanibago.
"Kevin, okey ka lang?" tanong ko habang nasa kwarto at siya naman ay nagluluto sa kabilang dako ng bahay.
"Yup. Pahinga ka muna. Mamaya ready na 'to," tugon niya. Iba talaga ang tono ng boses niya. Baka pagod lang siguro.
Hindi ko na namalayan na nakatulog na pala ako. Hay. Ang sarap kasi matulog, ang lamig at umuulan. Malakas ang buhos ng ulan, parang hindi man lang humihina.
* * *
Nagising ako dahil sa sunod-sunod na text messages at missed calls na natanggap ko. Si Yaya pala, nag-aalala na sa 'kin. Agad ko naman nireplyan para sabihin na okey lang ako. Hindi ko pa sinasabi na nasa Baguio ako, baka mas lalong mag-alala yun.
Eight o'clock na pala ng gabi. Apat na oras na pala akong nakatulog. Oo nga pala, nagluto si Kevin. Bakit kaya hindi niya ako ginising? Lumabas ako ng kwarto. Ang lamig. Nakabukas pa 'yong sliding door papuntang terrace kaya sinarado ko muna 'yon. Wala si Kevin sa sala. Wala din siya sa kitchen. Saan kaya nagpunta 'yon? Binuksan ko 'yong pangalawang kwarto, naka-off 'yong ilaw kaya binuksan ko. May nakatalukbong ng blanket kaya nilapitan ko. Nakatulog din siguro si Kevin. Hayaan ko muna siguro siya na magpahinga at baka napagod sa mahabang biyahe. Wala pa nga palang tulog si loko simula kagabi. Kawawa naman.
"Mark..." mahina niyang tawag kaya agad ko uli siyang nilapitan. Binuksan ko ang blanket. Nagchi-chill siya kaya agad kong sinalat ang kanyang noo. Ang init. Sobrang init niya. Kinabahan ako sa kanya lalo na no'ng makita ko ang kanyang labi na sobrang pula.
"Mark, ang ginaw..." nanginginig pati boses niya.
"Bakit hindi mo agad ako tinawag. Masama na pala pakiramdam mo."
"Mark, naman. 'Wag mo na ako pagalitan."
Oo nga naman.
"Kevin, saglit lang ha. Hahanap lang ako ng gamot."
Dali-dali akong bumaba ng unit para magtanong ng gamot sa mga tao sa baba. Buti na lang, may nakuha akong isang paracetamol tablet bigay ng guard na nakaupo sa harap ng building.
"Kevin, uminom ka ng gamot oh." Agad naman niya 'yon ininom. Sobrang init pa rin ng katawan niya.
No'ng mawala na 'yong pagchi-chill niya. Inalis ko na 'yong blanket na nakabalot sa kanya. Kumuha ako ng isang planggana na may malamig na tubig at bimpo para punasan siya. Turo ni Mariel 'yon sa 'kin. 'Yon kasi ang ginagawa niya kapag nilalagnat ako kaya alam ko.
Hinawakan niya ang aking kamay na may hawak ng bimpo ng maramdaman niyang dumampi 'yon sa mukha niya.
"Mark, 'wag... giniginaw ako."
"Mataas ang lagnat mo kaya dapat bumaba agad," sabi ko.
"Basta, Mark. Dito ka lang. 'Wag mo 'ko iwan." Hawak pa rin niya ang kamay ko. Nangingig pa rin siya. Nakapikit habang nagsasalita. Namumula siya lalo na ang mga labi dahil na rin siguro sa init ng katawan.
"Nandito lang ako, Kevin. Hindi kita iiwanan," sabi ko. Mas lalo pang humigpit ang hawak niya sa kamay ko.
Hinaplos ko ang buhok niya. Nahiga ako sa tabi nya. Unti-unti akong lumapit sa kanya hanggang sa maramdaman kong magkadikit na ang aming mga katawan. Sinubukan ko pa rin na punasan siya ng malamig na bimpo pero ayaw talaga niya.
"Kevin, kapag hindi bumaba lagnat mo, dadal'in kita sa ospital."
"Ayo' ko. Basta, dito ka lang sa tabi ko."
Niyakap ko siya nang mahigpit. Ang bilis ng takbo ng puso niya, ramdam ko 'yon. Kinakabahan pa rin ako. Nakapikit lang kasi siya. Naaawa ako. Hindi siya nakatulog kagabi at malamang gano'n din sa mga nagdaang gabi para lang sa pagpaplano ng lakad na 'to. Late ako nang ilang oras kaninang umaga, pero naghintay pa rin siya. Nabasa pa siya sa ulan dahil ayaw niya na ako ang mabasa. Nahihiya ako.
"Kevin."
"Hmmm..."
"Salamat, ha?"
Hinawakan niya ulit ang kamay ko. Hindi man siya sumagot, alam kong naintindihan niya ako.
Nakapikit siya. Unti-unti ko nilapit ang mukha ko sa mukha nya. Gusto ko siyang halikan pero natatakot ako. Tinitigan ko ang maganda niyang mukha, ang mahaba niyang mga pilik-mata, ang mapupula niyang labi, ang makinis niyang pisngi, ang matangos na ilong, lahat maganda... Pinakiramdaman kong mabuti ang sarili ko. Pinakinggan kong mabuti ang puso ko. Nakipagusap akong mabuti sa isip ko.
Hinalikan ko siya sa noo.
"Kevin, salamat. Mahal kita... pero bilang kaibigan lang talaga," sabi ko.
Bumitaw siya sa pagkakahawak sa kamay ko. Lumayo siya. Lumapit ako sa kanya.
"Sorry," bulong ko.
Hindi na siya nagsalita. Niyakap ko na lang ulit siya.