19
Nagising ako mula sa isang hindi magandang panaginip. Buti na lang hindi pala totoo. Pinunasan ko ang luha ko sa gilid ng aking mga mata. Kahit pala panaginip lang nadadala pa rin ang aking emosyon. Tulog na tulog si Kevin sa tabi ko. Hinipo ko ang kanyang noo, ang kanya pisngi, ang kanyang braso... hindi na mainit, hindi tulad kanina.
Maingat kong itinaas ang kanyang kanang kamay na nakapatong sa aking dibdib. Dahan-dahan akong tumayo para hindi siya magising.
Sinilip ko ang labas. Medyo tumitila na ang ulan. Ang lamig ng paligid, puro hamog sa paligid. Basang-basa ang mga salamin na parang yelo sa lamig. Pumasok ako sa kabilang kwarto para kuhain ang cellphone ko. May ilang text pero puro quotes lang. Alas kuwatro na pala ng umaga. Mabuti siguro na maghanda ako ng makakain namin ni Kevin. Nagpunta ako sa kusina, naka-prepare na pala ang dapat ay dinner namin kanina. Malamig na ang adobo ni Kevin kaya pinainit ko na lang 'yon. Hinanda ko na ang lamesa para sabay na kaming kumain.
Hinaplos kong muli ang kanyang buhok. "Kevin, kain na tayo," bulong ko.
Mukhang okey naman na siya pero halatang nanghihina pa. Slow-mo pati ang pagbukas ng kanyang mga mata. Mapupungay ang mga 'yon pero ang lakas ng dating. Ngumiti ako at gumanti rin naman siya. Pinipilit niyang umupo kaya agad ko naman siyang tinulungan. Sinandal ko siya sa head board ng bed.
"Kevin, teka lang, kukuha lang ako ng pamalit mo." Tumango lang naman siya.
Pumili ako ng manipis na damit para presko. Pawis na pawis siya kahit na sobrang lamig ng paligid. Epekto siguro 'yon ng gamot na ininom niya kanina.
Ako na ang naghubad ng damit na suot niya. Pinunasan ko muna ang kanyang likod, ang kanyang dibdib, ang mga singit-singit bago ko pinalitan ng bagong damit.
"Akala ko ba malakas ka?" Tinapik ko ang kanyang kanang pisngi.
Ngumiti lang ulit siya. Tinulungan ko siyang tumayo. Nanginginig pa rin ang kanyang mga tuhod kaya inalalayan ko siya nang mabuti. Magkaharap kami na nakaupo sa hapag-kainan.
Tumayo ulit ako para buksan ang TV sa sala. Naghanap ng magandang channel—'ayun, meron naman. MYX, puro love songs ang pine-play. Tinantiya ko ang volume para magkabuhay ang loob ng bahay.
"Nice music," sabi ni Kevin.
"Okey ba?" tanong ko.
"Yes. Paborito ko 'yan," sabi niya sabay ngiti.
Live performance ng The Eagles. Love Will Keep Us Alive. Oo nga pala, mga makalumang kanta ang gusto niya.
Ang paligid, relaxing. Feeling ko nasa isang classy restaurant kami.
Ang gaan-gaan ng pakiramdam ko. Sana ganito na lang lagi.
Tumayo ulit ako para tulungan siyang kumuha ng pagkain.
"Hindi na, Mark. Kaya ko 'to."
"Basta, umupo ka lang 'jan. Ako muna bahala sa 'yo," sabi ko.
Tumango siya. Ilang sandali pa ay kumain na kami.
"Masarap ba?" tanong niya.
"The best adobo in the world," sabi ko.
Napangiti ulit siya. Ewan ko ba. Sa totoo lang simpleng adobo lang naman yun. Hindi naman masarap na masarap pero... basta. Adobo a la Huget is the best in the world!
Wala masyadong usapan habang kumakain kami. Hindi pala kailangan ng maraming kulitan at bolahan para maging masaya ang aming samahan. Kahit nakatikom ang aming mga bibig, nagagawa pa rin naming mag-usap sa pamamagitan ng aming mga titig. Mas epektibo pala 'yon.
Nakaupo kami magkatabi sa sopa sa sala habang nakabukas ang TV sa harap namin.
"Buong buhay ko lagi na lang ako namamalimos ng atensiyon. Lagi ko pinapangarap na balang araw hindi ko na kailangan na maghanap pa ng tao para lang makasama ko para lang maging masaya ako. Lagi na lang ako iniiwan sa buhay na 'to."
Kinuha niya ang aking ulo at nilagay sa kanyang braso.
"Salamat, Kevin, dahil lagi kang nan'jan. Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya dahil may kaibigan akong tulad mo."
* * *
"Oy, Mark, gising na. Tanghali na. Oy."
"Mamaya pa. Inaantok pa ako."
Nakapikit pa mga mata ko. Hindi ko maidilat. Ang lamig. Ang sarap pang matulog.
"Marami pa tayong pupuntahan," sabi niya.
"Mamaya na. Inaantok pa talaga ako."
"Mahiya ka naman sa 'kin, Mark. Ako dapat ang nagpapahinga tapos ikaw naman ang tulog nang tulog. Pinilit kong gumising para lang paglutuan ka."
Patay do'n! Ayan, nangunsensya na si Huget.
Bumangon na ako. Sa sopa na pala ako nakatulog. Hindi na ako nagbago. Kahit nakaupo, nakakatulog agad ako.
"Bakit hindi mo ako ginising para naman nakalipat ako sa kwarto," tanong ko sa kanya habang nagkukuskos ng mga mata.
"Ang sarap ng tulog mo sa braso ko. Paano kita gigisingin? Nag-drama ka pa kasi kanina," sagot niya. Nabuhay na naman ang ngiti niya, ngiting nakakagago.
Tumayo na ako, diretso sa kwarto. Kinuha ang cellphone ko at tinawagan si Yaya. Wala na akong nagawa kung 'di sabihin ang totoo. Pagkatapos ay ginayak ko na ang isusuot ko. Nag-ayos ako ng sarili sa banyo. Sabay ulit kami kumain. Nagluto pala siya, adobo na naman. Walang kasawaan. 'Yon lang daw kasi ang kaya niyang iluto kaya pagbigyan. Pagkatapos ay gumayak na kami.
"Saan tayo pupunta?" tanong ko.
"Basta."
"Ayan na naman 'yang basta na 'yan."
"Marami tayong pupuntahan."
"Okey ka na ba?"
"Tssk. Masyado ka naman nag-aalala."
"Nataranta ako kagabi sa 'yo."
"Bakit naman?"
"Akala ko mamamatay ka na."
"OA mo naman."
"Seryoso 'yun."
"E mahina pala loob mo e."
"Sige, ganyanin mo ko. Kapag nilagnat-lagnat ka ulit mamaya, pababayaan kita."
"Uto."
"Loko."
"Medyo lang."
Sinakal ko siya. Pinitik ko ang tenga.
"Nanghihina lang ako. Patay ka sa 'kin, Mark, kapag nakabawi ako."
Tumawa na lang ako.
Nagpunta kami sa The Mansion, 'ayun picture-picture. Pati 'yong guard sa gate, tini-trip ni Huget. Utusan daw ba na maging photographer si manong guard. Ang ganda ng mga larawang kuha ni manong. Sana naging litratista na lang siya. Hahaha! Naglakad-lakad din kami sa paligid. Buti na lang at sumikat si haring araw.
Nag-Botanical Garden din kami. Medyo nahirapan nga lang kami na hanapin ang lugar. Muntik na nga namin iwanan yung kotse sa Burnham Park para mag taxi na lang para daw mas madaling makapunta sa lugar. Hindi 'yon magandang ideya kaya hindi ako pumayag. Buti na lang pagkatapos ng ilang ikot at maling mga daan, sa wakas natagpuan din namin ang hardin. Pumarada kami sa gilid ng daan at naglakad na lang kami pababa. Sobrang daming puno at ang lamig ng simoy ng hangin. Para kang nasa loob ng kagubatan sa ganda. Maraming pwedeng upuan at syempre ang libo-libong bulaklak sa paligid na nagdadagdag atraktsiyon sa lugar. Umupo kami ni Kevin sa damuhan. Konting kwentuhan.
Dumaan din kaming Camp John Hay pero hindi na kami doon nagtagal. Hindi na nga namin nakuhang bumaba ng kotse.
Alas kuwatro na ng hapon nang makapunta kami sa Mines View Park. Hindi gaanong karamihan ang mga turista kumpara kapag bakasyon. Ang dami naming naging pictures habang nakaupo sa konkretong harang sa bangin. "You look cute together," sabi ng isang banyaga na nakasabay namin habang nakaupo sa isang higanteng bato. Tanong naman ng isa sa mga tindera malapit sa park, "Oh, mga hijo, nasa'n yung mga girlfriend niyo?" Ngiti lang ang sinagot namin. Hindi nila alam kaming dalawa lang talaga ang magkasama. Loko. Maraming tindahan ng kung anu-ano sa gilid ng daan. Ang dami kong gustong bilhin pero wala naman akong pera. Ano kaya mabili para kay Kevin? Buti na lang may naisip ako.
"Kevin, maghiwalay muna tayo. May bibil'in lang ako."
"Ha? Wala ka naman pera, 'di ba?"
Oo nga pala. Mali 'yong palusot ko.
"Basta text-text na lang tayo mamaya," sabi ko.
"Kanina pa kita gusto alukin ng pera para naman may mabili ka kaya lang nahihiya akong gawin 'yun. Baka kasi kung ano isipin mo."
"Okey lang 'yun, Kevin," sabi ko, sabay ngiti. "O pano text-text na lang?" dagdag ko.
Kahit nagtataka ay tumango na lang siya sa akin. Una akong umalis. Tinungo ang direksiyon kabaligtaran ng sa kanya.
Marami-rami na ring hakbang ang aking nagawa pero hindi ko talaga mahanap. Alam ko, nandito lang 'yon e. Naglakad pa 'ko ng kaunti. 'Ayun, sa wakas, nakita ko rin.
"Manong, magkano sangla nito?"
Inabot ko yung iPod classic ko na may 80GB memory. Maingat naman ako sa paggamit kaya mukhang bago pa naman 'yon.
"Apat na libo," mabilis niyang sagot.
"Ano?!"
"Ganyan lang talaga presyohan niyan," sabi niya.
Bad trip. Bigay pa naman 'to ng nanay ko sa 'kin no'ng Pasko. Gusto ko kasi bilhan ng regalo si Kevin.
"Sige. Deal," sabi ko kay manong.
Hinimas ko ulit 'yon. Hay.
Bye, iPod!