31


Kasabay ng malakas na buhos ng ulan ang pagbuhos ng aking kalungkutan.

Sunod-sunod na busina ng sasakyan sa labas ang nakatawag pansin sa amin ni Yaya. Parehas kaming napatayo mula sa pagkakaupo, tumingin sa isa't isa.

"Mark, silipin mo nga 'yun kung sino," utos niya.

"Ya, naman. Ikaw na. Birthday ko po ngayon."

"Nako, ikaw talagang bata ka."

Agad naman naglakad si Yaya papuntang pintuan para tignan kung sino 'yong nasa labas. Ako naman ay bumalik ulit sa pagkain.

"Mark, may bisita ka."

Natigilan ako sa pagsubo.

Kinabahan ako. Sino naman kaya 'yon.

Nanlaki ang aking mga mata. Nakita kong papasok si Maggie kasama ni Yaya. Nakangiti siya habang nakatingin sa akin, naglalakad papunta sa kinaroroonan ko. May dala siyang balloons, iba't ibang kulay.

Kinakabahan ako dahil hindi ko alam kung anong susunod na mangyayari. Nagsimula na akong mag-isip ng kung anu-ano sa utak ko.

"Happy Birthday, Mark," mahinhin niyang sambit pagkatapos ay inabot niya ang kanyang dala-dala.

Hindi ko man lang nakuhang tumayo at parang napipi bigla. Kinuha ko naman ang kanyang binibigay. Nilapitan niya ako at tinapik sa balikat.

"Mark..."

"Napadalaw ka." Nabubulol na naman ako sa kaba.

"Birthday mo, 'di ba?"

"Ah."

Kinuha niya ang silya sa tabi ko at umupo, nakaharap sa akin.

Nakahalata naman agad si Yaya kaya saglit niyang pinutol ang aming usapan upang magpaalam. Iniwan niya kaming dalawa para makapag-usap ng masinsinan.

"May pasok ka ngayon, 'di ba?" tanong ko.

"Pumasok ako kaninang umaga. Wala ka kaya um-absent ako para puntahan ka dito."

"Salamat."

"May regalo pa ako sa 'yo."

"Ano?"

"Baby," sabi niya sabay ngiti.

Muntik na akong mabulunan kahit wala naman akong kinakain.

"Ha?" gulat na gulat kong sambit.

"Ayaw mo ba?" tanong niya.

Napalunok na lang ako sa sobrang kaba.

"Mark, ang cute mo." Pinisil niya ang pisngi ko, napapikit naman ako.

"Joke lang 'yun," dagdag niya.

"Ha?"

"Matagal ko nang alam, Mark, pero mas pinili ko na hindi agad sabihin sa 'yo."

"Bakit?"

Inusog niya ang kanyang upuan at mas lumapit pa sa akin.

"Gusto ko kasi na ikaw mismo gagawa ng moves para alamin 'yun. Pero hindi gano'n ang nangyari. Hindi mo man lang ako dinamayan, sinamahan or kahit itext man lang. Alam kong mahirap para sa 'yo 'yun pero sana inisip mo na mahirap din 'yun para sa akin. Ikaw ang lalaki pero hindi mo pinangatawan 'yun, Mark."

"Sorry." Napayuko ako. Sapul na sapul ako sa sinabi niya.

"Hay, Mark. Kung hindi ka lang kita ano e, kanina pa kita sinapak."

"Anong ano?"

"Basta."

Napangiti ako, ngiti hanggang langit. Nabunutan ako ng tinik.

"Oy, Mark, twenty years old ka na. Hindi ka na teenager, ha? Ang laki mong damulag."

Isang taon lang ang tanda sa'kin ni Maggie pero pakiramdam ko milya-milya ang agwat namin kung mag-isip. Siguro, tama siya. Dapat ko nang talikuran ang pagiging buhay-bata, batang isip.

"Kung natuloy ba 'yung baby, isusunod mo sa pangalan mo kung lalaki?" tanong niya.

"Pwede."

Nagtawanan kami.

Saglit lang siyang namalagi sa bahay. Kumain lang nang kaunti at nagpaalam na agad.


*    *    *


Buong gabi lang akong nakaupo sa harap ng bahay, nakataas ang mga paa sa barandilya. May pabugso-bugsong ulan pa rin pero hindi na gano'n kalakas kumpara kanina. Pinagmamasdan ko ang bawat sasakyang nagdaraan.

"Mark, Anak, hindi ka pa ba papasok?"

"Ya, mamaya na po. Nagpapahangin lang ako ng konti."

Nakaharap pa rin ako sa labas, sa daan, sa mga nagdaraang mga sasakyan at si Yaya naman ay nasa aking likuran, galing sa loob ng bahay.

"Napansin ko kasi na kanina ka pa 'jan nakaupo. Kanina ka pa tingin nang tingin sa relos mo. May hinihintay ka pa ba?"

"Wala po."

"Ah. Sige na, Anak. Mauna na ako matulog. Happy Birthday ulit."

Kumaway lang ako sa kanya. Hindi ko na nakuhang lingunin pa siya.

Nanatili lang ako sa gano'ng posisyon nang ilan pang oras.

Alas onse na ng gabi nang magpasya akong pumasok sa loob para magpahinga.


*    *    *


"Kaya pa?"

Napatigil ako sa pagod. Sobra ang hingal. Parang gripong pumapatak ang pawis ko. Tinignan ko siya. Gano'n din naman ang kanyang itsura. Halatang pagod na pagod din pero nakangiti pa rin si loko.

"Oo naman," sagot ko. Hinahabol ko pa rin ang hininga ko.

Nilabas ko ang bola at ipinasa sa kanya. Binalik niya sa akin at nagsimula ulit ang laban.

Ilang oras na kaming naglalaro ng basketball. One on one, halfcourt. Kung saan-saan kami nagpunta para lang humanap ng basketball court na hindi inulan.

Fifteen minutes before twelve, bago matapos ang aking kaarawan, dumating si Kevin sa bahay. Todo porma si loko na parang aakyat ng ligaw.

"Oy, Mark, walang iyakan, ha? Talo ka na naman."

"Pinagbigyan lang kita."

"Sus. Hanep ka nga mandaya e. Tssk."

"Loko. Daya ka 'jan. 'Yun ang tinatawag na matalinong paglalaro."

"Ah. Kaya pala... kaya pala natalo ka... natalo ka nang tatlong beses. Tssk."

Sa tatlong set na game, ni isa wala akong naipanalo sa kanya. Bad trip.

Inabot na kami ng umaga sa paglalaro ng basketball. Wala naman pasok, kaya okey lang.


*    *    *


Ang tagal ko siyang pinagmamasdan. Kahit na araw-araw, minu-minuto, kahit bawat sandali, hindi ako magsasawang titigan ang maamo at maganda niyang mukha.

Nakaupo lang ako sa kama, katabi niya. Kahit na sobrang pagod, hindi ko pa rin magawang matulog. Gusto ko siyang titigan nang buong maghapon. Nararamdaman ko ang kanyang hininga dahil sa lapit namin sa isa't-isa. Mabigat. Mabilis. Pero ang tamis pa rin ng itsura niya.

Alas kwatro na ng hapon nang gisingin ko si Kevin. Ayaw pa niyang bumangon. Hinatak-hatak ko pa siya para lamang magising.

"Ano ba 'yan, Kevin! Grabe ka naman matulog."

Nakaupo na siya sa kama pero hindi pa rin bumubukas ang kanyang mga mata. Naaalimpungatan yata.

"Maligo ka na para makakain na tayo," dagdag ko.

Ilang beses niyang kinuskos ang kanyang mga mata bago dumilat, hihikab-hikab.

"Matulog pa tayo, Mark." Hinawakan niya ang aking kamay.

"Mahiya ka naman, Kevin. Alas kwatro na ng hapon."

Hinila ko na siya sa banyo para maligo.

"Oy, Kevin, bumaba ka na pagkatapos mo maligo. Kakain na tayo. Hinanda ko na rin 'yung mga bihisan mo 'jan."

Bumaba na ako para ihanda ang mesa.

After thirty minutes bumaba na rin siya, Gulo-gulo ang buhok, nakanguso, naniningkit ang mga mata pero gwapo pa rin si loko.

"Mark, kapag 'yan hindi masarap, sige ka."

"Loko ka. Hindi ako nakatulog para lang ipagluto ka."

"Aww. Sorry. Sorry. Ano ba kasi niluto mo at kailangan mo pang hindi matulog?"

"Adobo."

Agad siyang lumapit sa akin. Nagulat na lang ako nang biglang yumakap si loko.

"Uy, loko ka nakatingin sa atin si Yaya," bulong ko sa kanya.


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko