32


Magkatabi kaming nakahiga, parehas na nakatingin sa langit. Madalas akong tumambay sa rooftop kapag gusto kong magrelax. Bata pa lang ako ginagawa ko na 'yon. Naging bihira lang no'ng ako'y tumanda. Si Kevin ang unang taong dinala ko dito. Mula kasi sa kwarto ko, madali kang makakapunta sa bubong gamit ang maliit na daan palabas sa bintana.

Maaliwalas ang kalangitan. Walang gaanong mga ulap. Nakasilip ang nakangiting mga bituing mala-buhangin sa dami. Presko sa pakiramdam ang mahinang paghampas ng hanging animo'y nangungusap. Tamang-tama lang ang liwanag na nagmumula sa buwan upang masilayan ang paligid, upang maaninag namin ang isa't isa.

"Mark..." pabulong niyang tawag.

"Oh?"

"Ano plano mo after graduation?"

"Hindi ko alam," mabilis kong tugon.

"Ah..."

"Ikaw?"

Umiling siya, huminga nang malalim. Matagal siyang nag-isip.

"Hindi ko rin alam." Natagalan bago siya nakasagot. "Kung hindi ako dumating sa buhay mo. May magbabago ba sa plano mo?" dagdag niya.

Napakaseryoso ng usapan. Ayaw ko talaga ng gano'n.

"Baka. Pwede. Siguro..."

"Ten years from now, ano na kaya tayo?" isa pang seryosong tanong mula sa kanya.

Umiling lang ako. Ang hirap sagutin ng tanong niya.

"Mark, sino si Kevin Huget para sa 'yo?"

Hindi ko 'ata napag-aralan 'yon sa labing-apat na taon sa eskwela. Hindi ko na lang siguro sasagutin.

"Ang dami mo naman tanong," kako.

"Sagutin mo."

"Unang lalaki sa buhay ko."

"Hehehe."

"Eh ako?"

"Wala lang," mabilis niyang sagot sabay tawa ng malakas.

Hinampas ko siya sa dibdib, kumabog, napalakas ata. Nilapitan ko agad siya. Hawak-hawak pa rin niya ang kanyang dibdib, mukhang namimilipit sa sakit. Hinawakan ko siya sa balikat. "Kevin, okey ka lang ba?" tanong ko. Medyo kabado na rin ako sa kanya.

"Bulaga!"

Niloloko lang pala ako ng loko.

Hinayaan ko lang siyang tumawa nang tumawa. Mukhang ang saya-saya ni loko kaya pagbigyan. Tahimik ko lang siyang pinagmamasdan. Nang humupa ang kababawan ni Huget, ako naman ang bumangka.

"Kevin."

"Mark."

"Ikaw, bakit hindi mo subukan mang-uto, este, magmahal ulit ng iba... sa ibang babae?" tanong ko.

"Ayo' ko."

"Bakit?"

"Hindi kasi nila ma-meet ang standard ko." Sabay ngiti ni loko.

"Lakas!"

Tang 'na.

"Mark."

"Oh, ano na naman?!"

"Ano bang meron ka?"

"Ha?"

"Ano meron ka at bakit ako patay na patay sa'yo?"

"Hahaha! Ewan. Marami. Tssk."

"Mas gwapo naman sana ako sa 'yo."

"Yabang mo naman, Huget..."

"Totoo naman, 'di ba?"

Grrr. Napalunok tuloy ako. Seryoso ang pagkakasabi niya kaya mas lalo pang kumukulo ang dugo ko. Hindi ko talaga alam kung bakit ko natiis ang kayabangan ng taong 'to.

"Baka naman may ibubuga ka pa?" tanong ko, mahinahon.

"Ano?"

"Baka kako may ibubuga ka pang kayabangan 'jan. Sige na ilabas mo na lahat para maubos na."

Tumawa lang siya, tawa nang tawa. Nang-aasar.

Bumangon ako. Umupo. Tumayo. Sumunod rin naman agad siya.

"Tara na. Inaantok na 'ko. Umuwi ka na gabi na," sabi ko.

"Ayo' ko. Dito na lang ako matutulog."

"'Wag na. Umuwi ka na."

"Mark naman. Para 'yun lang, nagtampo ka na agad. Para naglalambing lang."

Inakbayan niya ako, sinakal at pinitik sa tenga at ilong.

"Paano kalakas mong manlait. Buset ka. Ang sarap mong tadjakan."

Binitawan niya naman ako agad.

"Sus. Nagtampo na nga talaga. Sorry na."

Nilapit niya ang kanyang mukha, ngumiti, ginusot ang mukha, nagpa-cute, nagpaka-ewan.

"Sige sige. Tara na bumaba. Itigil na ang kabaduyang 'to."

Nagulat na lang ako nang bigla siyang nagnakaw ng isang halik, sobrang bilis. Nabigla ako. Tinignan ko ulit siya nang masama pero dinaan lang niya ako sa ngiti, nakakagago.

"Mark, siya nga pala, ano plano mo sa sem break?"

"Wala. Bakit?"

"May plano kasi ako."

"Tumigil ka, Kevin. 'Ayan na naman 'yang plano mo. Ayoko. Dito lang ako sa bahay."

"Basta, Mark."

"E di ikaw na lang. Kailangan ba lagi mo 'kong kasama?"

"Para ka naman bata."

"Ano ba kasi 'yun?"

"Isasama kita sa Manila. Kumpleto ang pamilya. Ipapakilala kita kila Kuya, sa pamilya niya. Uuwi kasi sila. 'Ando'n din sila Daddy at Mommy at 'yung nakababata kong kapatid. Hindi kasi kayo gaanong nagkakilala nu'ng pumunta ka sa Manila nu'n. Ngayon, sem break nila. I'm sure magkakasundo kayo."

"Ikaw na lang. Ayo' ko."

"Sus. Kesa naman nandito ka. Puro sunog baga na naman ang mga kahalubilo mo. Inom na sandamakmak na naman. E du'n, ako lagi ang kasama mo."

"Hindi kaya mas delikado pa 'yun? Ikaw lang kasi ang kasama ko e."

"Nako, Mark. Kahit saan ka pa pumunta. Kahit saan ka pa maglagalag. Kahit ikutin mo man ang buong mundo, hindi ka na makakakita ng katulad ko."

"Nag-iisa ka nga lang talaga. Wala na 'kong mahahanap na kasing yabang mo."


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko