33
Hapon na kami umalis ni Kevin dahil tinulungan pa namin si Yaya na maglinis ng buong bahay. Tutal, bakasyon naman at saka ilang araw din akong mawawala sa bahay. Kaya 'ayun. Natambakan daw kasi siya ng ga-bundok na labahin. Si Kevin naman ay napilitang magwalis, mag-agiw, at maglampaso ng sahig. Halatang hindi siya sanay sa gawaing bahay habang ako naman ay nanood ng TV at nag-Dota. Hahaha!
* * *
"Oy, Mark. Kanina ka pa tahimik 'jan? Kinakabahan ka ba?"
"Hindi ah..."
"Hindi naman kumakain ng tao ang pamilya ko. Tssk."
"Bugok."
"Si Daddy at Mommy kilalang-kilala ka na. 'Yung kuya ko, parang ako lang kaya 'wag ka mag-alala. 'Yung isa naman—gano'n lang 'yun—tahimik pero mabait. Ihanda mo lang ang sarili mo sa dalawa kong pamangkin. Mapapasabak ka sa kanila. Hahaha!"
"Uto. Mag-drive ka na lang 'jan."
Halos alas nuebe na nang dumating kami sa bahay nila. Naipit kasi kami sa traffic dahil sa bugso ng mga sasakyan sa daan palabas ng Metro.
Agad kaming pumasok sa bahay nila at saktong nando'n naman sila Tita, buong pamilya.
"Oh, hijo, long time no see ah," salubong ni Tito Jamie.
Agad naman akong lumapit sa kanila.
No'ng mga nakaraang araw kasi, hindi ko na sila madalas makita. Busy daw sa work. Kaya ang anak nilang si Kevin, halos sa bahay na nakatira.
Lumapit si Kevin sa kanyang mommy, yumakap, humalik.
"Oh, Kevin, tawagin mo na sila sa taas para makakain na tayo."
Agad naman pumanhik si Kevin sa taas para tawagin ang kuya at ang pamilya niya at ang kanyang nakababatang kapatid.
Ilang sandali pa'y magulong nagbabaan ang ibang kapamilya. Nakapasan kay Kevin ang isang pamangkin habang ang isa naman ay nakasabit sa kanyang leeg. Tinuro niya ako sa kanila. May kung anong binulong. Ilang sandali pa'y nagtakbuhan ang dalawa papunta sa akin. Nagulat ako, habang si Kevin, todo ngisi. Takte. Kaya pala sa bag ko nilagay ni Kevin yung mga chocolates na binili niya kanina. 'Yon pala ang hanap ng dalawang bata.
"Mark, this is my Kuya Alex."
Inabot ko naman ang aking kamay at tinanggap naman niya 'yon agad. Tama si Kevin, parang siya lang ang kuya niya. Malakas ang dating, kalog din.
"This is Ate Michelle, Kuya's wife."
Kumamay na lang din ako. Para siyang dalaga, ang ganda niya. Bigla tuloy akong nahiya sa kanya.
"Cris Angelo."
Nagkakilala na kami dati pero saglit lang kaming nagkasama, nagkausap. Madalas siyang laging wala sa bahay dahil sa duty at lakwatsa. Kung si Kevin ay kalog, si Angelo ay laging seryoso.
Ang huling pinakilala ni Kevin ay ang malilikot, makukulit, maiingay niyang mga pamangkin na nakakandong sa akin.
"Malamig na ang pagkain. Tara na," aya ni Tita.
Kinuha ni Tito Jamie ang kamay ni Tita.
Kinuha ni Kuya Alex ang kamay ng asawa, kasama ng kanilang mga anak.
"Tara na, Mark," aya ni tito.
Nagulat na lang ako ng biglang kinuha ni Kevin ang braso ko. Napatingin tuloy si Cris na katabi lang namin. Nagulat naman ako.
Ang daming pagkain na nakahain, parang fiesta. Magkatabi kami ni Kevin, sobrang lapit namin.
"Oh, Mark, kumusta studies niyo ni Kevin?" tanong ni Tito.
Napatigil ako sa pagsubo ng pagkain. "Okey naman po. 'Ayun po lagi ko pong tinutulungan si Kevin sa assignments niya. Nirereview ko po kapag exams niya."
Bigla akong tinapakan ni Kevin, siniko ng patago. Tinitigan.
"Nako, Mark, nakakahiya naman sa 'yo," sabi ni Tita.
"Okey lang po 'yun." Ngumiti naman ako.
Patay ako mamaya nito, sa loob-loob ko.
"Baka naman puro chicks inaatupag niyo. Ganyan ang mga basketbolista, habulin," sabat ni Kuya Alex.
Nagkatitigan kami ni Kevin. Wala ni isa ang sumagot sa amin.
Pagkatapos kumain, nagkaroon pa kami ng time para makapagkwentuhan. Para na talaga akong kapamilya dahil hinayaan lang nila akong makasama sa ilang mga personal na usapan. Ang saya ng pamilya nila. Naikwento ko rin ang ilang parte ng buhay ko. Naalala ko tuloy ang pamilya ko sa Canada, na-miss ko sila bigla.
Nilapitan ako ni Tita, hinaplos ang buhok ko.
"Mark... Anak, ituring mo sana kaming parang sarili mo na ring pamilya. Basta open lagi ang bahay namin para sa 'yo. 'Wag kayo maghiwalay ni Kevin."
Tinignan ko sila isa-isa. Sinipat ko ang kanilang reaksyon. Para kasi sa akin, baduy ang eksenang 'yon pero sa kanila hindi. Seryoso silang lahat.
Binago ni Michelle ang takbo ng usapan. Madrama na kasi ang nagiging agos ng kwentuhan. Malamang napapansin niyang hindi ako kumportable sa gano'ng eksena.
"Mark, nasa'n girlfriend mo?" tanong niya. Muling naging masaya ang buong bahay, lahat mukhang interesado sa sagot ko.
Tumingin muna ako kay Kevin. "Ah... Wala eh."
"Halata nga... halatang nagsisinungaling. Ganyan din ako dati nung binata pa ako," sabat naman ni Kuya Alex. Nagtawanan ang lahat maliban kay Cris na seryosong nagmamasid.
"Si Kevin naman, may pinopormahan na ba sa school niyo?" tanong naman ni Tita.
Tumingin ulit ako sa kanya.
Umiling na lang ako.
"Simula kasi mag-break sila ng girlfriend niya last year, naging seryoso na 'yan. Naging tahimik bigla. Hindi na sumasama sa mga kaibigan, madalang nang lumabas. Buti nga nan'jan ka na, Mark. Napansin kasi namin na malaki ang pinagbago ni Kevin nu'ng maging magkaibigan kayo. Kaya nga nu'ng nagpaalam 'yan sa amin na lilipat ng school, pinayagan na rin namin."
Hindi ko man lang nalaman 'yon samantalang halos araw-araw kong kasama si Kevin. Hindi ko man lang naitatanong sa kanya 'yon. Nakakahiya.
Tatlo kami sa isang kwarto. Ako, si Kevin, at si Cris. Hindi gaanong malaki ang espasyo. Sa kama si Cris at sa baba naman kami ni Kevin sa nakalatag na kutson.
"Kevin, tumigil ka. Loko."
"Bakit? Miss lang naman kita."
"Bugok ka ba? Magkasama lang tayo kanina."
"Sungit mo naman."
"Psst. Wag ka nga maingay. Marinig tayo ng kapatid mo."
"Tulog na 'yun."
"Umusog ka kasi du'n. Kaluwang ng higaan e."
Lumayo naman siya bahagya ng higa. Naglagay ako ng unan sa pagitan naming dalawa.
"Kevin..."
"Oh?"
"Sorry pala..."
"Sorry? Saan?"
"Marami pa pala akong hindi alam sa 'yo. Hindi man lang ako—"
"Pssst. 'Wag ka na magdrama, Mark. Hindi bagay sa 'yo. Matulog na tayo."
* * *
Nagising ako. Ginala ko ang aking mga mata... umaga na pala... may araw na.
Tulog na tulog pa rin si Kevin, nakatalikod ako sa kanya. Nakayakap siya sa akin.
Teka. Oo nga pala, si Cris.
Mabilis kong inalis ang kamay ni Kevin. Mabilis kong inalis ang kanyang paa na nakapatong sa akin. Tumayo ako agad para tignan ang kapatid niya.
Wala na sa higaan.
Patay do'n!