34


Bumalik ulit ako sa higaan. Gusto ko pa sanang matulog pero naputol 'yon dahil sa isang malakas na katok. Tumayo agad ako para buksan ang pinto. Si Cris pala.

"Breakfast na," sabi niya.

"Gisingin ko lang si Kevin. Sunod na kami agad."

Isang matipid na ngiti lang ang sagot niya. Agad din siyang umalis para bumaba.

Pagkatapos ng breakfast, nagsimula na kaming gumayak para sa aming kanya-kanyang lakad. Sila Tita, diretso sa work. Sila Kuya Alex, sa Laguna naman ang byahe para umuwi. Si Cris, may lakad daw. Hindi nga lang namin alam kung saan. Kami naman ni Kevin, gagala sa Metro maghapon.

Ilang hindi ko pa napupuntahang lugar sa Manila ang aming pinuntahan. Para akong turistang namamasyal sa sariling bayan. Buti na lang may kasama akong tour guide, si Kevin.

Sa MOA na kami nagkita-kita nila Tita. Do'n na kami kumain at pagkatapos ay tuloy na kami sa CCP para sa isang pagtatanghal. First time kong manonood ng musical. Hindi ko man hilig ang gano'ng palabas, excited pa rin ako. Wala lang. Maiba lang.


Ginising ako ng isang kalabit. Mula 'yon kay Huget.

"Naman. Mark, 'wag ka matulog."

Tumingin ako sa paligid. Gumala ang aking paningin 360 degrees.

Dumiretso ako ng upo, tumingin sa entablado. "Bravo... Bravo..." pumalakpak ako ng malakas, sunod-sunod.

Biglang nagtinginan sa akin ang mga tao sa paligid, nabigla. Mukhang nagtataka lahat.

Inakbayan ako ni Kevin. Pasimple niya akong sinipa nang mahina sa paa. Nakalog 'ata ang utak ko. Nagising 'ata ang diwa ko. Takte, naalimpungatan lang pala ako!

Tumingin sa akin si Kevin, natatawa, hindi alam ang gagawin sa pagpipigil.

Umupo ako nang tuwid. Kinuskos ko ang mga mata. Inayos ko ang aking kwelyo. Puta, nakakahiya.

"Mark, pilitin mo. 'Wag ka mag-alala. Malapit na 'tong matapos," bulong ni Huget sa akin. Hindi pa rin mawala ang ngiti sa kanyang mukha.

Sabi ko na nga ba e. Gagawa at gagawa ako ng eksena. Anak ng tinapa!


Malalim na ang gabi nang matapaos ang palabas. Sa wakas.

"Nagustuhan mo ba, Mark?"

"Yes, Tita. Sobrang ganda po. Wala akong masabi."

Patago akong kinalabit ni Kevin. Minulagatan ng mata. "Loko ka, Mark. Pa'no mo naman nasabi na nagustuhan mo, e ilang beses kang nakatulog," bulong niya sa akin.

Hindi ko na lang siya pinansin.

Umiling siya. "Iba ka talaga, Mark. Wala akong masabi sa 'yo," bulong ulit niya, sabay ngisi ni loko.

Sila Tita, nakatingin lang sa amin. Nagtataka marahil.


*             *             *


"Mark, samahan mo na lang si Cris sa bahay, ha?"

Tumango ako. "Oo sige."

"Baka bukas na ako makabalik. Baka kasi umagahin na kami sa daan."

"No prob. Ingat na lang kayo sa byahe."

Nasira kasi 'yong sasakyan nila Tita, kaya iniwan na lang nila 'yon sa isang shop para ipagawa. Ihahatid sila ni Kevin sa Pampanga. Kinakailangan daw kasi nilang sumagsag para umuwi dahil may hinahabol ang mga ito na mga ilang mahahalagang bagay sa probinsya kinabukasan.

Hindi na kami nagpahatid kay Kevin. Sumakay na lang kami ng taxi para tuloy-tuloy na sila sa kanilang mahabang byahe. Dumaan muna kami ni Cris sa isang coffee shop malapit sa bahay. Hindi pa rin siya masyadong makwento. Kung ano ang dinaldal at kulit ni Kevin, siya namang tahimik ng kanyang nakababatang kapatid. Ako lagi ang bumabangka sa usapan. Nakarami na rin ako ng kung anu-anong kwento, naubos na ang kape at tsokolate, wala pa ring silbi.

"Ikaw naman magkwento. Inaantok na 'ko. Hindi ka naman sana pipi kasi nagsasalita ka kahit papa'no. Ano problema mo?"

Natakot 'ata sa sinabi ko.

"Joke lang 'yun, Brad," dagdag ko.

Natawa naman siya. Napilitang magsalita ng kahit ano na lang.

"Sabi ni brader, magaling ka daw sa basketball."

"Sakto lang. Tara bola tayo minsan?"

"Baka kawawain mo lang ako sa loob ng court."

"Engot lang ako. Hindi ako kasing galing ng kuya mo."

"MVP. Mark Lopez the Third."

"Hahaha! Most Vovo Player 'yun."

"Parehas pala kayong uto ng kuya ko. Kaya pala hindi kayo mapaghiwalay."

"Gago. Hindi ah. Nahawa lang ako sa kuya mo."

"Gano'n sana."

"Hindi pala kayo magkamukha ni Kevin."

"Mas gwapo ako sa kanya?"

"Hindi. Mas gwapo kuya mo."

"Ka-sweet mo naman. Nakuha mo pang magsinungaling para sa kanya," sabi niya sabay tawa.

"Loko."

"Ang cute niyo nga tignan e. Para kayong magsyota."

Napangiti na lang ako. Gago rin pala 'to, sa loob-loob ko. Iniliko ko na lang sa ibang daan ang usapan.

"Nasa'n na kaya sila ngayon?" tanong ko para maiba lang.

"Oh, na-miss mo na agad. Kakahiwalay niyo pa lang kanina ah."

"Patay do'n."

"Hahaha! Sorry."

"Uto ka rin pala. Akala ko emo ka."

"Emo? Hindi na uso 'yun."

"Marami ka daw chicks sa school sabi ng kuya mo."

"Torpedo nga ako e."

"Jamming amp."

"Brader."

"Oh. Bakit?"

"Pansin ko, laging masaya si Kevin."

"Dagdagan mo naman ng kuya... kuya Kevin naman."

"Oo. Hindi kasi siya gano'n dati... si kuya Kevin."

"Hindi kita naiintindihan."

"Basta 'wag mo iwan ang kuya ko."

"Ano ba sinasabi mo?"

"Basta."


*             *             *


Minor subjects na lang ang bubunuin ko para makagraduate. Mas marami na akong time para maglakwatsa, este, mag-aral. Ang bilis ng mga araw, parang kailan lang no'ng pumasok ako sa kolehiyo. Ngayon, ga-graduate na rin ako. Sana.

"Mark, punta ka sa bahay mamaya. Dinner..."

"Bakit?"

"Birthday ko kaya."

"Ah... Happy birthday."

"Hihintayin kita, ha?"

"Teka."

"Nu'ng birthday mo, pumunta ako sa inyo tapos ngayon—"

"E kasi—"

"Nako, Mark, 'ayan ka na naman. Hmmp."

"Sige. Pupunta ako."

Bigla niya akong niyakap kahit maraming tao sa loob ng klase. Nagulat ako sa ginawa niya. Gaya ng dati, nakakabigla pa rin ang mga kilos niya.

"Asahan ko yan, Mark, ha? Isama mo na rin si Kevin."

"Hindi. May pupuntahan 'yun."

"Ah... Ganon ba? Sayang naman. Akala pa naman ng mga friends ko pupunta siya kasama mo."

"Mauna na 'ko, Mags. Kita-kits na lang mamaya."

"Saan ka pupunta niyan?"

"Lunch."

"Tara?"

"Ha?"

"Sabay na tayo."

"Sige."

Nag-text na lang ako kay Kevin na hindi na ako makakasama sa kanya para kumain.

Sa labas ng school kami nag lunch. Marami na kasing tao sa food court ng school. Dumiretso na siya sa bahay nila pagkatapos. Ako naman ay bumalik pa rin ako sa school. 'Yon nga lang, hindi para pumasok kun' di para tumambay. Late na kasi ako nang thirty minutes sa nag-iisa kong subject sa hapon. Napasarap kasi ang kwentuhan namin ni Maggie habang nagla-lunch, kaya hindi ko na napansin ang oras. Hinintay ko na lang na makalabas si Kevin para sabay na kaming umuwi.

"Kevin... next time na lang siguro tayo manuod ng Saving Private Ryan mo. Marami pa naman pagkakataon."

"Bakit?"

"May pupuntahan kasi ako mamaya. Baka late na 'ko makauwi."

"Bumili pa naman ako ng DVD kanina. Naka-set up na rin 'yung projector sa kwarto ko."

"Ganon ba. Gusto mo mamaya? Agahan ko na lang na umuwi."

"Ikaw. Nasa sa'yo 'yun."

"Text na lang ako sayo, ha?"

"Agahan mo. Magluluto kasi ako ng adobo."

"Hindi na. 'Wag ka na mag-abala pa."

"Bahala ka. Teka, saan nga pala punta mo?"

"Birthday."

"Nino?"

"Maggie."

"Ah..."

"Sige. Text na lang ako."


*             *             *


"Mark, sigurado ka ba? Kaya mo mag-drive? Nakainom ka."

"Kaya."

"Gusto mo dito ka na matulog?"

"May importante akong pupuntahan."

"Ipahatid na kaya kita?"

"'Wag na. Kaya ko 'to."

"Salamat, ha?"

Humalik siya sa pisngi. Ngumiti na lang ako.

Lumabas na ako ng bahay nila. Baka kasi mas lalo pa ako mapainom sa loob kapag hindi pa ako umalis.

Umupo ako sa isang gilid, nahihilo, nasusuka. Naparami 'ata ang nainom ko. Pasado alas diyes na rin ng gabi. Gustuhin ko mang umuwi, hindi ko talaga kaya mag-drive ng motor. Umiikot na kasi ang aking paningin sa hilo dala ng tama ng alkohol.


Kevin, text ko sa kanya.

Saan ka na? Reply niya.

Dito kila Maggie.

Gabi na.

Sunduin moko. Nahihilo na kasi ako. Natatakot akong mag-drive pauwi.

Oh sige. Jan ka lang. Papunta nako.

Ang bilis. Ilang minuto lang, dumating na si Kevin. Pagbaba pa lang kotse, nasipat ko na agad ang seryoso niyang mukha. Nakaramdam ako ng konting takot. Hindi ko nga lang alam kung bakit.

Walang sabi-sabi, lumapit siya sa kinaroroonan ko, kinuha ang aking kamay, inilagay niya 'yon sa kanyang balikat, at buong lakas niya akong inalalayang tumayo para isakay sa kotse.

Bago pa man makasakay si Kevin, nakita niyang palabas ng gate si Maggie kaya nilapitan niya ito. Nakita ko silang nag-uusap. Gustuhin ko mang bumaba, hindi ko magawa dahil sa hilo. Ilang sandali pa ay sumakay na rin si Kevin, tahimik. Wala kaming kibuan.


Sa bahay nila.


"Kevin, sorry ha?"

"'Wag ka na magsalita, Mark. Matulog ka na."

"Galit ka ba?"

"Buhay mo 'yan. Gawin mo ang gusto mong gawin. Bahala ka. Kung masyado ka nang nasasakal... kumawala ka na."


   
Buy Me A Coffee

Story Copyright © 2010 Sympaticko