35
Nahimasmasan ako sa mga sinabi niya. Nabigla man pero tanggap ko 'yon.
Tumayo ako. Kahit medyo nahihilo pa, buong tapang akong humarap sa kanya. Tinignan ko siya. Diretso ang tingin sa akin, mukhang galit pa rin.
"Sinasabi mo ba na lumayo na 'ko sayo?"
"Oo," mabilis niyang sagot. Seryoso ang kanyang mga mata.
"Ano dahilan mo?"
"Marami."
"Katulad ng?"
Lumapit siya sa akin. Hinablot niya ang sando ko. Halos mapunit 'yon sa pagkakahawak niya.
"Lagi ka na lang bang magmamaang-maangan, Mark? Hindi naman ako tanga. Hindi ako bulag, hindi ako bingi at lalong hindi ako pipi para hindi magsalita."
Kinuha ko ang kamay niya na nakahawak sa damit ko. Inalis ko 'yon gamit ang buo kong lakas. Napunit 'yon, nahati pababa.
"Ang siga mo naman," mahina kong sambit. Sa totoo lang natatakot ako sa kanya.
"Mark, alam mo ba na lahat ng hindi ko kayang gawin dati, nagawa ko para sa'yo. Kinain ko ang pride ko. Binaba ko sarili ko. Mukha na 'kong aso na sumusunod. Para na akong timang na naghahabol sa'yo, namamalimos ng atensyon mo. Ano pa ba?"
'Ayan na nga ba ang sinasabi ko e. Imbis na magsalita, napayuko na lang ako, tumalikod, humakbang, naglakad papalayo... sa kanya.
"Ano, Mark, tatakas ka na naman? Naduduwag ka na naman ba?"
Natigilan ako. "E kasi..." na lang ang nasabi ko.
"Anong kasi? 'Wag mo sabihing lasing ka."
"E kasi... e kasi natatakot ako."
Akala ko dati kapag nakainom ka malakas ang loob mo, matapang ka, pero kabaligtaran 'ata ang nangyari sa akin.
"Ano na naman 'yan, Mark?"
"Natatakot kasi ako sa 'yo. Baka sapakin mo na naman ako."
"Nakakatawa ka naman, Mark. Ang laki-laki mo, tapos natatakot kang masuntok?"
"E ikaw kaya sapakin sa mukha."
"Oh, sige. Sapakin mo rin ako para matahimik ka na."
"E alam mo naman na hindi ko kayang gawin 'yun... sa'yo."
"Ang arte mo."
"Ikaw nga 'jan e. Kadrama mo. Ano palagay mo ikaw si John Lloyd Cruz na umaakting sa MMK?"
"John Lloyd? Kabaduy mo naman, Mark. Siguro idol mu 'yun 'no? Tapos, may nalalaman ka pang MMK."
"Hindi ah."
Tinuro niya ako. Seryoso pa rin ang kanyang mukha.
"Ikaw, Mark. Hindi ko pa nakakalimutan 'yung mga kasalanan mo. 'Wag mo ibahin 'yung usapan."
"Sorry."
Ngumiti ako. Ginaya ko ang style niya kapag nagagalit ako sa kanya, dinadaan sa ngiti.
"Hindi bagay sa'yo magalit. Sorry na ulit," dagdag ko.
"Sige na matulog ka na."
"Hindi ka na galit?"
"Sige, sige."
"Sabi ko na nga ba, hindi mo 'ko kayang tiisin eh. Hahaha!"
"Sige na matulog ka na 'jan."
"Tara?"
"Ayoko tumabi sa 'yo."
"Bakit?"
"Ang baho mo."
Inamoy ko ang sarili ko. Parang hindi naman.
"Loko ka. Hindi naman ah?"
"Akala mo lang 'yun. Maligo ka muna bago kita tabihan."
"Buset."
Naligo naman akong mabuti, nagsabon, nagpabango. Mabilis namang nawala ang amats ko, kaya itinuloy namin ang planong manood ng pelikulang request niya. Sayang naman kasi 'yong ni-rent niyang projector at binili niyang DVD kung 'di namin 'yon itutuloy. Parehas kaming mahilig sa mga action movies lalo na kapag war ang tema. Napanood na namin parehas ang Saving Private Ryan noon, pero napagkukwentuhan na rin lang namin madalas, panoorin na lang ulit namin.
Nakapatay ang mga ilaw sa loob ng room. Mahinang liwanag mula sa screen lang ang nagsisilbing ilaw sa loob. May mga snacks, may drinks... para talaga kaming nasa loob ng movie house. Ang pagkakaiba lang, dalawa lang kaming laman.
Magkatabi kami, nakasalampak sa sahig, nakasandal sa baba ng kama, magkahawak ang kamay habang tahimik na nanonood ng pelikula. Napapahigpit ang aming kapit sa isa't-isa tuwing tataas ang tensyon ng mga eksena. Sa kabuuan, mukhang na-enjoy naman namin parehas ang palabas, sa pangalawang pagkakataon.
* * *
Monday. Maaga akong gumising para maagang makagayak. Sinundo ko si Kevin sa bahay nila. Nabigla si loko dahil first time ko 'yon gawin sa kanya. Kung dati-rati siya lagi ang sumusundo sa akin sa bahay, ngayon pagkakataon ko naman para bumawi sa kanya.
"Mark, bakit parang ang saya mo? Todo smile ka kanina pa."
"Bakit mo naman nasabi? Siguro, lagi mo kong tinitignan, 'no? Tssk."
"Bumalik ka na sa pagiging magulo mo, kaya balik ingay na din ang mga alipores mo. Back to normal na ang klase."
"Hindi naman siguro."
"Pero mas cute ka kapag ganyan ka. Laging nakangiti, nakatawa, magulo, makulit. Yan si Mark na..."
"Na?"
"Never mind."
"Hehe. Oh, siya. Sige, Maggie, mauna na 'ko sa 'yo."
"Wait, Mark. Sabay na tayo mag-lunch."
"Nako, sorry. Hindi pwede e."
"Bakit naman?"
"May kasama na kasi ako."
"Ganon ba? Sino naman?"
"Si Kevin."
"Ah... Sama naman ako sa inyo."
"Nako, sorry ulit, Maggie. Hindi talaga pwede. May mahalaga pa kasi kaming pupuntahan. Sige maiwan na kita. Kita-kits na lang mamaya sa next subject."
Sabay sibat.
Lumabas kami ng school, dinalaw namin si Pareng Jollibee para do'n mag-lunch. Kinulit ulit namin ang mga empleyado ni Jollibee.
Pagbalik namin sa school, tuloy na siya sa klase niya habang ako naman ay diretso sa library para magpalipas ng oras habang hinihintay ang next class. Sinusubukan ko rin kasi na gumawa ng sulat para kay Huget. Minsan lang naman ako maging baduy kaya susulitin ko na. Kagabi ko pa 'yon binubuo sa isip ko pero nahihirapan akong makumpleto. Ilang papel din ang nalukot, napunit at maraming tinta rin ang nagamit ko. Sa wakas, nagawa ko rin. Sana magustuhan niya.
* * *
Kevin may email ako sa'yo. Check mo na lang kapag may time ka. Text ko sa kanya.
Okey.
After thirty minutes, nag-reply siya.
Thank you Mark.
Hehe. Nagustuhan mo ba?
Syempre.
Hehe.
Mark, I love you.
Binitawan ko ang cellphone ko. Humilata, humiga, huminga nang malalim, nag-isip. Bumalik ako sa kahapon, no'ng una ko siyang nakita, nakilala. Naglakbay ang diwa ko, lahat ng araw na siya ang kasama ko. Dinaanan ko ang lahat ng mga nangyari sa buhay ko kasama siya. Masaya, malungkot, kulitan, kadramahan at kung anu-ano.
Napatagal ata ang magmumuni-muni ko...
Mahal din kita... Kevin. Reply ko.